Masaker sa Paris: ang terorismo ay ekspresyon ng nabubulok na burgis na lipunan

Printer-friendly version
Sila Cabu, Charb, Tignous, Wolinski, na kabilang sa dalawampu (20) na pinatay sa Paris nitong 7 at 9 Enero, silang apat ay parang simbolo. Sila ang pangunahing target. At bakit? Dahil tumindig sila para sa kaalaman laban sa kagaguhan, sa katuwiran laban sa panatisismo, sa pag-aklas laban sa pagsuko, katapangan laban sa karuwagan[1], simpatiya laban sa pagkamuhi, at para sa ispisipikong katangian ng tao: pagpapatawa at tumawa laban sa tradisyunalismo at baluktot na katuwiran. Maaring itinakwil at tutol tayo sa ilan sa kanilang mga pampulitikang posisyon, ilan dito ay ganap na burgis[2]. Pero ang pinuntirya ay ang pinakamabuti sa kanila. Itong barbarikong pag-aamok laban sa mga kartonista o ordinaryong mamimili sa palengke ng kosher, na binaril dahil sila ay mga Hudyo, ay nagbunga ng malakas na emosyon, hindi lang sa Pransya kundi sa buong mundo, at nauunawaan ito. Sa kabila na ginamit ng opisyal na mga kinatawan ng burgis na demokrasya ang emosyong ito hindi dapat itago ang katotohanan na ang indignasyon, galit at masidhing kalungkutan na bumalot sa milyun-milyong mamamayan, upang kusa silang lumabas sa mga lansangan nitong 7 Enero, ay batayan at malusog na reaksyon laban sa kasuklam-suklam na barbarismo.
 

Purong produkto ng naaagnas na kapitalismo

Hindi bago ang terorismo[3]. Ang bago ay ang porma nito mula kalagitnaan ng 80s na naging pandaigidigang penomenon na walang katulad sa nakaraan. Ang mga serye ng walang pinipiling mga atake sa Paris noong 1985-86, na malinaw na hindi kagagawan ng maliit at independyenteng mga grupo kundi may marka na kagagawan ng isang gobyerno, ay nagbukas ng panibagong yugto sa paggamit ng terorismo na umabot na sa hindi mawaring antas at kumitil ng dumaraming mga biktima.

Hindi rin bago ang mga teroristang atake ng mga panatikong islamista. Regular na saksi ang bagong siglo nito, at mas malawak pa kaysa mga atake sa Paris nitong Enero 2015.

Ang kamikaze na mga eroplano na bumangga sa Twin Towers sa New York noong Setyembre 11, 2001, ay nagbukas ng bagong yugto. Para sa amin pinayagan ng US Secret Service na mangyari yun at maaaring tumulong pa sa mga atakeng yun, para bigyang katuwiran ang digmaan ng imperyalistang Amerika sa Afghanistan at Iraq, katulad ng ginawang pag-atake ng Hapon sa baseng nabal sa Pearl Harbor noong Disyembre 1941, na nakita at nais mangyari ni Roosevelt, na nagsilbing alibi para pumasok ang US sa World War II[4].  Subalit klaro din na ang mga may kontrol ng eroplano ay ganap na mga panatikong baliw na naniwala na makarating sila sa langit sa pamamagitan ng pagpatay ng mas marami at pagsakripisyo ng kanilang buhay.

Wala pang tatlong taon matapos ang New York, Marso 11, 2004, naging eksena ang Madrid ng malagim na masaker: "Islamistang" mga bomba dahilan ng 200 patay at mahigit 1,500 sugatan sa istasyon ng Atocha; halos magkaluray-luray ang mga katawan na makilala lamang sila gamit ang DNA. Sa sumunod na taon, sa 7 Hulyo 2005, ang London naman ang ginulantang ng apat na pagsabog, at sa pampublikong transportasyon, na kumitil ng 56 tao at 700 sugatan. Nakaranas din ang Rusya ng maraming islamistang atake sa 2000s, kabilang na ang 29 Marso 2010 na pumatay ng 39 at sumugat ng 102. At syempre, hindi rin nakaligtas ang mga bansa sa gilid, laluna ang Iraq magmula ng pananakop ng Amerika noong 2003 at nakikita din natin kamakailan sa Pakistan, sa Peshawar, kung saan noong nakaraang Disyembre ay 141 ka tao kabilang na ang 132 mga bata ang pinatay sa kanilang paaralan[5].

Ang atakeng ito, kung saan ang mga bata ang sadyang target, ay makikita natin ang mas mas tumitindi pang barbarismo ng mga tagasunod ng "Jihad". Ngunit ang atake sa Paris nitong 7 Enero, hindi man kasing grabe at lagim kaysa Pakistan, ay nagpakita ng panibagong dimensyon ng pagdausdos patungong barbarismo.

Sa nagdaang mga kaso, gaano man kasuklam-suklam ang masaker ng mga sibilyan, kabilang na ang mga bata, mayroon pa ring konting “rasyunalidad”: ito ay para gumanti o pagtatangkang i-presyur ang estado at kanyang armadong pwersa. Ang masaker sa Madrid sa 2004 ay para “parusahan” ang Espanya sa kanyang panghimasok sa Iraq kasama ang Amerika. Ganun din ang pambobomba sa London sa 2005. Ang atake sa Peshawar ay naglalayong i-presyur ang militar ng Pakistan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanilang mga anak. Pero sa kaso ng atake sa Paris nitong Enero 7, walang anumang “layuning militar”, kahit ito pa ay peke. Ang mga kartonista ng Charlie Hebdo at kanilang mga kasama ay pinatay para "ipaghiganti ang Propeta" dahil ang pahayagan ay naglabas ng mga karikatura ni Mohammed. At nangyari ito hindi sa isang bansa na winasak ng digmaan o pinamunuan ng relihiyosong panatisismo, kundi sa Pransya, "demokratiko, sekular at republikano".

Galit at nihilismo ang laging motor sa pagkilos ng mga terorista, laluna ang mga sadyang isinasakpripisyo ang kanilang buhay para makapatay ng mas marami. Pero ang galit na ito ay ginawang makina na mamamatay-tao ang mga tao, na walang pakialam sa mga inosente na kanilang napatay, ay mayroong pangunahing target na ibang “makina na mamamatay-tao” – ang estado. Wala ito sa 7 Enero sa Paris: ang oskurantistang galit at panatikong pagkauhaw ng paghihiganti ay makikita sa kanyang pinaka-purong porma. Ang kanyang target ay yung isa pa, ang hindi nag-iisip tulad ko, at laluna ang nag-iisip dahil nagpasya akong hindi mag-isip, ibig sabihin, ang gamitin ang mga bagay para sa tao.

Ito ang dahilan bakit napakalakas ng epekto ng pamamaslang sa 7 Enero. Naharap tayo sa hindi natin lubos maisip: paanong ang pag-iisip ng isang tao, edukado sa “sibilisadong” bansa, ay nahatak sa nakapakabarbariko at balintunang gawain katulad ng sa pinaka-panatikong Nazis sa kanilang pagsunog ng mga aklat at pinatay ang mga Hudyo?

At hindi pa yan ang pinaka-masama. Ang pinakamalupit na bahagi ay ang ginawa ng magkapatid na Kouachi, ni Amedy Coulibaly at kanilang kakutsaba, ay dulo lamang ng iceberg ng buong kilusan na yumabong sa mga mahihirap na komunidad na pinakita ng mga kabataan sa ideya na "dapat lang yan sa Charlie Hebdo dahil sa pang-iinsulto nito sa propeta ", at ang pagpatay sa mga kartonista ay “normal” lang.

Manipestasyon din ito sa pag-unlad ng barbarismo, ang pagkawasak ng “sibilisadong” mga lipunan. Itong pagbulusok ng isang bahagi ng kabataan, hindi lang yung nasa proseso ng imigrasyon, tungo sa galit at relihiyosong oskurantismo – ito ay isa sa mga sintomas sa pagkabulok ng lipunang kapitalista, pero signipikanteng punto sa bigat ng kasalukuyang krisis.

Ngayon, sa buong mundo (sa Uropa laluna sa Pransya), maraming kabataan na walang kinabukasan, nakatira sa magulong pamumuhay araw-araw, kinawawa sa sunud-sunod na kabiguan, sa kultural at panlipunang kahirapan, ay napakadaling silain ng mga masasamang rekruter (kadalasan may kaugnayan sa mga gobyerno o pampulitikang organisasyon tulad ng ISIS) para ipasok sa kanilang network sa pamamagitan ng mabilisan at hindi inaasahan kombersyon, para gawin silang mamamatay-tao o pambala ng kanyon para sa "jihad". Kulang ng kanilang sariling perspektiba sa kasalukuyang krisis ng kapitalismo, na hindi lang pang-ekonomiyang krisis kundi panlipunan, moral at kultural; naharap sa isang nabubulok na lipunan at napuno ng pagkasira, para sa karamihan ng ganitong kabataan ang buhay ay walang saysay at halaga. Ang kanilang desperasyon ay maaring maging may relihiyosong kulay ng bulag at panatikong pagsunod, nagbigay inspirasyon sa lahat ng klaseng irasyunal at masidhing aktitud, na ginatungan ng panlipunang nihilismo. Ang sindak ng kapitalistang lipunan na nabubulok, na sa ibang mga lugar lumikha ng malaking bilang ng mga sundalong bata (halimbawa sa Uganda, Congo at Chad, laluna simula maagang bahagi ng 1990s) ay nagluwal na ngayon, sa puso ng Uropa, ng mga kabataang baliw, propesyunal na mamamatay-tao, ganap na walang pakiramdam at may kakayahan na gawin ang pinaka-masama na hindi naghihintay ng gantimpala. Sa madaling sabi, itong bulok na kapitalistang sistema, kung pababayaan sa kanyang sariling pinakamasama at barbarikong dinamismo, ay dadalhin lamang ang sangkatauhan sa madugong kaguluhan, tungo sa nakakamatay na kabaliwan at kamatayan. Sa nakikita natin na paglaki ng terorismo, nagluwal ito ng dumaraming ganap na desperadong mga indibidwal, na pwedeng gumawa ng pinakamasamang gawain. Sa madaling sabi, minolde ang mga terorista sa kanyang sariling imahe. Kung umiral man ang naturang mga “halimaw” ito ay dahil ang kapitalistang lipunan ay naging “halimaw” na. At kung hindi man apektado ang lahat ng kabataan nitong oskurantista at nihilistikong tunguhin ng "jihad", ang katotohanan na marami sa kanila na kinilala ang mga gumagawa ng ganito na “bayani” o ahente ng “hustisya” ay patunay sa lumalaking bigat ng desperasyon at barbarismo na lumukob sa lipunan.

Kasuklam-suklam na “demokratikong” pagpapagaling

Subalit ang barbarismo ng kapitalistang mundo ay hindi lang nakikita sa mga teroristang aksyon at sa simpatiya na nakuha nito mula sa isang bahagi ng kabataan. Pinakita din nito sa tagong paraan na ang burgesya ay nagpapagaling gamit ang ganitong mga drama.

Sa panahon na sinulat ang artikulong ito, ang kapitalistang mundo, sa pamumuno ng pangunahing “demokratikong” mga lider, ay magsagawa ng kanilang nakapandidiring operasyon. Sa Paris, sa Linggo, Enero 11, isang malaking demonstrasyon ang pinaplano, sa ilalim ni Presidente Holland at lahat ng mga pampulitikang lider sa bansa, kasama ang mga lider ng mundo tulad nila Angela Merkel, David Cameron, mga pangulo ng gobyerno ng Espanya, Italya at marami pang ibang bansa sa Uropa, kundi kasama din ang Hari ng Jordan, Mahmoud Abbas, Presidente ng Palestinian Authority, at Benjamin Netanyahu, Primero Ministro ng Israel[6]

Habang daang libong tao ang ispontanyong lumabas sa lansangan sa gabi ng Enero 7, ang mga pulitiko, mula kay François Hollande, at media ng Pransya ay sinimulan ang kanilang kampanya: "Kalayaan sa pamamahayag at demokrasya ang nasa peligro ", "Kailangang kumilos at magkaisa tayo para ipagtanggol ang mga halaga ng ating republika." Dumarami, sa mga pagtitipon pagkatapos ng 7 Enero, narinig natin ang pambansang awit ng Pransya, ang "Marseillaise," na sinabi sa korus na "diligin ang ating lupa ng dugo ng mga makasalanan!" …"Pambansang Pagkakaisa", "pagtatanggol sa demokrasya ", ito ang mga mensahe na nais ng naghaharing uri na isalaksak sa ating mga ulo, ibig sabihin ang mga islogan na nagbigay katuwiran para hilahin at masakerin ang milyun-milyong manggagawa sa dalawang pandaigdigang digmaan. Sinabi din ni Hollande sa kanyang unang talumpati: sa pamamagitan ng pagpapadala ng hukbo sa Aprika, laluna sa Mali, sinimulan na ng Pransya ang pakikipaglaban sa terorismo (katulad ng paliwanag ni Bush sa interbensyong militar ng US sa Iraq noong 2003). Ang imperyalistang interes ng burgesyang Pranses ay malinaw na walang kaugnayan sa mga interbensyong ito!

Kawawang Cabu, Charb, Tignous, Wolinski! Una silang pinatay ng mga panatikong islamista. Pinatay na naman sila sa ikalawang pagkakataon ng mga representante at “tagahanga” ng burgis na "demokrasya", lahat ng mga pangulo ng mga estado at gobyerno ng naaagnas na pandaigdigang sistema ay responsable sa barbarismo na lumukob sa lipunan ng tao: kapitalismo. At ang mga pampulitikang lider na ito ay walang alinlangang gumamit ng teror, asasinasyon, at paghihiganti laban sa mga sibilyan kung ang pag-uusapan ay pagtatanggol sa interes ng sistema at naghaharing uri, ang burgesya.

Para wakasan ang barbarismo na pinakita ng pamamaslang sa Paris Enero 2015, tiyak na hindi ito magmula sa mga aksyon ng mga pangunahing tagasuporta at tagagarantiya ng ekonomikong sistema na siyang dahilan ng barbarismo. Magawa lamang ito sa pamamagitan ng pagwasak ng pandaigdigang proletaryado sa sistema, ibig sabihin, ng isang uri na ang kooperasyon ang lumikha ng halos lahat ng yaman ng lipunan, at papalitan ng isang tunay na unibersal na komunidad ng tao na hindi nakabase sa tubo, kompetisyon at pagsasamantala ng tao sa tao kundi sa abolisyon ng mga labing ito sa kasaysayan ng tao. Isang lipunan na "ang asosasyon kung saan ang malayang pag-unlad ng isa ay kondisyon para sa malayang pag-unlad ng lahat "[7], ang komunistang lipunan.

Révolution Internationale (11/01/2014)



[1] Sa loob ng ilang taon ang mga karikaturistang ito ay regular na nakatanggap ng banta sa kanilang buhay.

[2] Hindi ba ang ‘soixante-huitard’ na si Wolinski ay nagtrabaho sa pahayagan ng Partido Komunista na L’Humanité sa loob ng maraming taon? Hindi ba siya mismo ang sumulat na “ginawa namin ang Mayo 68 para hindi mangyari ang nangyari sa amin?

[3] Sa 19 siglo, isang maliit na mayoriya ang nag-alsa laban sa estado, tulad ng mga populista sa Rusya at ilang anarkista sa Pransya at Espanya, na nagbunga ng mga teroristang aksyon. Itong mga baog na marahas na mga aksyon ay laging ginagamit ng burgesya laban sa kilusang paggawa para bigyang katuwiran at legalisahin ang panunupil.

[4] Tingnan ang artikulo sa aming website: ‘Pearl Harbor 1941, the 'Twin Towers' 2001: Machiavellianism of the US bourgeoisie’. https://en.internationalism.org/ir/108_machiavel.htm

[5] Ilang araw lang bago ang atake sa Paris, ang Islamistang Boko Haram sa Nigeria ay nagsagawa ng pinakamasahol na krimen, minasaker ang 2000 naninirahan sa lungsod ng Baga. Minimal lang ang balita ng media sa nangyari.

[6] Ang panawagan na rali para sa “Pambansang Pagkakaisa” ay hindi lang ganap na napagkaisahan ng mga unyon at pampulitikang partido (tanging ang National Front ang hindi sumama), kasama rin ang media. Maging ang pahayagan ng isports na L’Équipe ay nanawagan din ng demonstrasyon!

[7] Marx, Manipesto ng Komunista, 1848

 

Rubric: 

Terorismo