Submitted by Internasyonalismo on
Nobyembre 29 naganap ang pinakahuling pagtatangka ng isang paksyon ng nagharing uri na patalsikin sa Malakanyang ang paksyon ni Gloria Arroyo. Sa loob lamang ng ilang oras ay sumuko ang kakarampot na mga rebeldeng sundalo at ilampung civilian-supporters na kinabibilangan ng mga pulitiko, relihiyoso at mga personaheng alyado ng Kaliwa. Bigo na naman ang huling adbenturismo-militar ng grupong Magdalo sa pamumuno nila senador Antonio Trillanes IV at Gen. Danilo Lim. Bigo hindi lamang sa kawalan ng suporta mula sa malawak na masa kundi higit sa lahat sa kawalan mismo ng hayagang simpatiya mula sa malawak na sundalo at pulis.
Magdalo : Kontra-rebolusyonaryo kapwa sa layunin at pamamaraan
Sa esensya, masusukat ang rebolusyonismo ng isang kilusan sa layunin at pamamaraan batay sa kasalukuyang istorikal na ebolusyon ng pandaigdigang kapitalismo at sa mga aral na nahalaw mula sa mahigit 200 taong makauring pakikibaka ng internasyunal na proletaryado.
Ang layunin at pamamaraan ng grupong Magdalo ay isang radikal na peti-burges. Ang kudeta o pag-aalsang militar ay paraan ng isang paksyon ng burgesya para patalsikin sa pwesto ang karibal nito lagyan man ito ng palamuti ng "pangmasang suporta". Katunayan, hindi kailangan ng kudeta ang suporta o partisipasyon ng malawak na masa para magtagumpay. Ang kailangan lamang nito ay ang hayag suporta o nyutralidad ng mayorya ng kasapian ng sandatahang lakas.
Ang Kaliwa lamang ang nagpupumilit na lagyan ng "rebolusyonismo" ang kudeta sa pamamagitan ng pagkakaroon ng alyansa at koordinasyon sa plano sa pagitan ng una at sa mga rebeldeng sundalo. Ito ang nangyari noong 2005 subalit napigilan ng paksyong Arroyo. At ito din ngayon ang kritisismo ng Kaliwa sa ginawang adbenturismo ng grupong Magdalo sa Makati — kawalan ng koordinasyon sa plano. Ibig sabihin, para sa Kaliwa tama ang kudeta basta may alyansa at koordinasyon sa kanila. Kung wala, ito ay mali.
Pero hindi lamang kontra-rebolusyonaryo ang paraang kudeta dahil hindi ito isang tunay na kilusan ng uring manggagawa at maralita, at lalunang hindi isang independyenteng kilusan ng uri. Kontra-rebolusyonaryo din ang layunin nito gaya ng layunin at programa ng matagalang digmaang bayan ng mga maoista. Ang layunin ng mga rebeldeng militar ay isalba ang nabubulok na kapitalistang sistema sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa nagharing paksyon kung saan ang kabulukan nito sa pamamahala ay posibleng maging mitsa para mag-alsa ang uring manggagawa at maralita para tuluyang ibagsak ang burges na estado at ang kapitalistang sistema. Ang nais ng grupong Magdalo ay palitan ang paksyong Arroyo ng isang paksyon ng nagharing uri na "popular" sa masa at syempre, kasama (o mapagpasya sa kapangyarihan) ang "radikal" na mga lider ng rebeldeng militar. Tulad ng Kaliwa, nais ng grupong Magdalo na ipagtanggol ang pambansang kapitalismo sa ilalim ng mistipikasyon ng demokrasya at nasyunalismo.
Lumalim na antagonismo ng mga paksyon sa loob ng nagahring uri
Tulak man ng desperasyon sa bahagi ng mga lider ng Magdalo ang adbenturismo at kabiguan sa Makati noong Nobyembre 29. hindi pa tapos ang armadong alitan at maniobrahan ng mga paksyon ng nagharing uri. Hindi imposibleng hindi makabangon muli ang mga rebeldeng militar. Nariyan din ang iba pang mga armadong paksyon ng Kaliwa ng burgesya tulad ng CPP/NPA, RPA/ABB, MLPP/RHB, MILF, MNLF. Ang mga armadong labanan ay lalupang iigting sa darating na panahon habang patuloy na lumalalim ang pagbulusok-pababa ng pandaigdigang kapitalismo.
Ang pagtindi ng paksyunal na hidwaan ang magtutulak sa estado bilang tagapagtanggol ng sistema na mas palakasin ang sarili para kontrolin ang nagliliyab na paksyunal na alitan at sikaping hindi sasambulat tungo sa ganap na pagkawasak ng kasalukuyang panlipunang kaaysuan. Maaring ang pagpapalakas ng burges na estado ay magkaanyo sa isang tipong militaristang pamahalaan o sa isang maka-Kaliwang gobyerno tulad ng ginawa ng burgesya sa Venezuela, Bolivia, Brazil at Nicaragua. O kaya ay kumbinasyon ng dalawang anyo.
Subalit, Kanan o Kaliwa man ng burgesya ang nasa kapitalistang estado hindi nito mapigilan ang patuloy na pagbulusok-pababa ng kapitalistang sistema.
Proletaryong layunin at pamamaraan
Ang tanging solusyon sa kasalukuyang krisis ng kapitalismo ay wasakin mismo ito. Rebolusyon ng mga manggagawa lamang ang tanging solusyon sa lumalalang krisis ng panlipunang sistema. Ang rebolusyong ito ay proletaryo kapwa ang layunin at pamamaraan na nakabatay sa mulat na pagkilos ng masang manggagawa bilang isang internasyunal na uri.
Proletaryong layunin: Pagdurog sa kapitalismo at sa burges na estado. Mga pang-ekonomiyang pakikibaka na direktang nakaugnay at nagsisilbi sa pag-agaw sa pampulitikang kapangyarihan.
Proletaryong pamamaraan: Independyente at malawak na kilusang manggagawa na organisado sa mga asembliya at konseho HINDI sa mga unyon.
NO BETRAYAL!
Bagama’t malinaw na hindi nakuha ng Kaliwa at grupong Magdalo ang partisipasyon ng malawak na masa ng manggagawa at maralita (maliban sa ilang daang maralita na binabayaran nila sa anyo ng pamasahe at snacks) para lumahok sa adbenturismo sa Makati tulad noong 2005-2006, ito ay ekspresyon hindi pa ng pagtaas ng makauring kamulatan kundi ng pasibidad at kawalan ng tiwala sa sarili. Ang pasibidad at kawalan ng tiwala sa sarili ng masang api ay kagagawan ng oportunismo ng Kaliwa mula pa noong 1986 Edsa "Revolution".
Nasa minoryang mga komunista sa Pilipinas ang mabigat na tungkulin na ipaunawa sa masang manggagawang Pilipino kung ano ang tunay na mga aral na dapat halawin sa kanilang karanasan mula noong 1972 sa panahon ng pasistang diktadura hanggang ngayon at ganun din, sa karanasan ng kanilang mga kapatid sa uri sa internasyunal na saklaw sa loob ng mahigit 200 taon para maintindihan nila ng lubusan na ang Kanan at Kaliwa ng burgesyang Pilipino ay walang pinag-iba; na ang pasismo, militarismo at demokrasya ay walang kaibahan dahil ang mga ito ay sandata ng uring mapagsamantala para supilin ang uring pinagsamantalahan.
Hindi ito madaling gawin dahil napakalakas pa ng mistipikasyon ng demokrasya, nasyunalismo at unyonismo at ng mga organisasyon at partido ng Kaliwa sa Pilipinas. Subalit dapat nating panghawakan ang matibay na paninindigan ng Italian Communist Left sa 1930s kung saan halos nag-iisa ito sa pagtatanggol sa istorikal na interes ng uri at sa internasyunalismo; kung saan ang buong hanay ng Kaliwa — stalinista, trotskyista at anarkista — ay pumasok sa prente popular ng burgesya (united front) at itulak sa nagliliyab na apoy ang milyun-milyong manggagawa sa walang katulad na barbarikong masaker ng inter-imperyalistang digmaan sa kasaysayan; kung saan nag-iisa lamang sa pagtindig ang mga kaliwang komunista sa pagwagayway ng bandilang NO BETRAYAL!