Isang pagsusuma sa mga paninindigan ni Filemon Lagman at sa kanyang pagtakwil sa Maoismo ng PKP

Printer-friendly version

1. Hinggil sa pagsusuri sa moda ng produksyon sa pangkalahatan, sa Pilipinas sa partikular:

Nagbigay ng malaking pagsisikap si Lagman para pasinungalingan ang walang kwentang teorya ng pasimuno ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Sison, ang huli ay nagpahayag na ang partikular na sosyo-ekonomikong sistema ng Pilipinas ay ‘semi-pyudal' at ‘semi-kolonyal'. Nais ni Lagman na ma-establisa na sa esensya ang moda ng produksyon sa Pilipinas ay kapitalista bagama't may mga labi pa ng pyudalismo. Tinakwil niya ang teorya na ang Pilipinas ay dominado pa rin ng pyudalismo.

Inulit si Lenin, giniit niya na mayroong transisyunal na yugto ang bawat lipunan, dahil walang sistema ng produksyon na pinalitan agad ng bago. Kaya sa ganitong punto lamang, diin niya na ang Pilipinas ay semi-pyudalismo dahil sa kanyang pyudal na mga bakas: "ang kasalukuyang lipunan ng Pilipinas na sa esensya ay burges at kapitalista ang katangian, at sa konteksto ng kasalukuyang pandaigdigang kapitalistang sistema na dominado ng imperyalismo, ang dapat tamang tawagin na "semi-pyudalismo" .

Sa kabilang banda, mas mahalaga, binigyan niya ng importansya hindi ang ‘transisyon' kundi sa usapin ng transpormasyon ng moda ng produksyon tungo sa bago: "Mas ispisipiko, ang mas importante ay ang pagkilala alin sa dalawang sistema ang pumapawi sa isa sa ilalim ng impluwensya ng buong proseso ng ekonomikong ebolusyon. Ang tungkulin ay hindi lamang ideklara ito na isang transisyunal na yugto dahil ito ay klaro at maliwanag, na hindi kumikilos at walang kahulugan, kundi unawain ang kanyang mga batas ng pag-unlad at ang kanyang hindi maiwasang ebolusyon. Nasaksihan nila Marx, Engels at Lenin ang mga transisyong ito sa kasaysayan. Pero walang pandarayang pagmayabang na simpleng sinabi nila na ang mundo ay nasa transisyon. Hayagan nilang dineklara paano ito natransporma." Kaya para sa atin may pananaw si Lagman na ang lipunang Pilipino ay dumadaan sa proseso ng transpormasyon mula pyudalismo hanggang kapitalismo kung saan ang dominanteng aspeto ay absolutong kapitalista ang katangian. Pero para sa kanya sa Pilipinas, ang kapitalismo ay hindi dekadente. 

Katunayan, ang ‘semi-pyudalismo' ni Sison, ayon kay Lagman, ay batay sa konsiderasyon na ang Pilipinas ay sa batayan pyudal na may kapitalismo sa mga sentrong industriyal na kalungsuran habang ang ‘semi-pyudalismo' ni Lagman ay nakabatay sa konsepto na kapitalismo ang dominanteng moda ng produksyon sa Pilipinas na may ilang mga labi ng pyudalismo. Kaya para kay Lagman ang pokus ng makauring pakikibaka ay ang proletaryado sa kalungsuran at kanayunan habang para kay Sison ay ang ‘masang magsasaka'.

Tinutulan niya si Sison dahil ang huli ay nais magsalita na ang semi-pyudalismo mismo ay isang moda ng produksyon na walang iba kundi kahangalan at kahibangan.

Kadalasan ginagamit ni Sison ang ‘imperyalismong' USA para ma-establisa ang semi-kolonyal at semi-pyudal na katangian ng Pilipinas, na sinalungat ni Lagman ng maraming argumento; giniit niya na "Ang anti-imperyalismo ni Sison ay sa batayan burges-demokratiko, patriyotismo at nasyunalismo, tulak ng sariling-pagpapasya at ang pagnanais para sa pampulitikang demokrasya."

Sa takbo ng kanyang pagsusuri sa ‘umiiral na moda ng produksyon' sa Pilipinas, gumamit siya ng maraming datos mula sa panahon ni Marx at sa huli inilatag ang posisyon ni Lenin sa sumusunod: "Ang punto ay, ayon kay Lenin: "Bakit husgahan ang ‘misyon ng kapitalismo' sa bilang ng mga manggagawa sa pabrika, habang ang ‘misyon' ay natapos sa pag-unlad ng kapitalismo at sosyalisasyon ng paggawa sa pangkalahatan, sa pag-unlad ng proletaryado sa pangkalahatan, kaugnay nito ang papel ng mga manggagawa sa pabrika ay nasa unahan, ang taliba. Syempre, walang duda na ang rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado ay umaasa sa bilang ng mga manggagawang ito, sa kanilang konsentrasyon, sa antas ng kanilang pag-unlad, atbp; pero lahat ng ito ay hindi nagbigay sa atin ng katiting na karapatan na ipantay ang ‘mapagsanib na kahalagahan' ng kapitalismo sa bilang ng mga manggagawa sa pabrika. Ang gawin ito ay pagpakitid sa ideya ni Marx sa imposibilidad.""

Kaya nagpokus si Lagman sa proletaryado bilang mapagpasyang pwersa sa rebolusyonaryong mga pakikibaka sa Pilipinas sa kabila ng kanilang relatibong kantitatibong posisyon sa lipunan.

Binigyan din niya ng atensyon ang paggiit ni Lenin na, "Ang sosyalisasyon ng paggawa ng kapitalistang produksyon ay hindi lang mga tao na nagtrabaho sa isang bubong (iyan ay maliit na bahagi lamang sa proseso), kundi sa konsentrasyon ng kapital kasabay ng ispesyalisasyon ng panlipunang paggawa, sa pagbaba sa bilang ng mga kapitalista sa bawat sangay ng industriya at sa paglaki ng bilang ng hiwa-hiwalay na mga sangay ng industriya - sa maraming hiwa-hiwalay na mga proseso ng produksyon na pinagsanib sa isang panlipunang proseso ng produksyon." (Ito ay galing sa 1894 teksto: What the "Friends of the People" Are and How They Fight the Social-Democrats).

Sa pagkonsidera sa katangian ng sektor ng agrikultura, sabi niya na "Nagtrabaho ang magsasaka hindi para sa kanya kundi para sa pamilihan at naging ganap na umaasa sa pamilihan. Ang mga sentrong industriyal ang nagbibigay ng mga kagamitan ng produksyon at konsumsyon sa sektor ng agrikultura habang ang huli ay nagbibigay ng hilaw na materyales na kailangan sa industriya at makonsumong mga produktong agrikultural na kailangan sa mga lungsod at syudad.

"Ang pag-unlad ng panlipunang dibisyon ng paggawa at ang pangingibabaw ng ekonomiya ng kalakal sa buong lipunan ay hindi maiwasang tutungo sa ating pangalawang bahagi - ang paglaki ng populasyon sa kalungsuran at populasyong industriyal sa kapinsalaan ng populasyon sa kanayunan, agrikultural."

2. Hinggil sa katangian ng rebolusyon sa Pilipinas

Kaya sa huli, umabot si Lagman sa kongklusyon na ang Pilipinas ay isang semi-pyudal at semi-kolonyal na estado na kapitalista ang moda ng produksyon kapwa sa mga sektor ng agrikultura at industriya, kapwa sa kalungsuran at kanayunan na bahagi ng estado; subalit dahil sa mga labi ng pyudalismo, papawiin pa nito ang mga labing pyudal sa rebolusyonaryong paraan para sa kapitalistang pag-unlad para sa komunistang rebolusyon. Walang kalitatibong kaibahan sa teorya ng tagapasimuno ng PKP na si Sison; sa halip pinalakas ni Lagman ang katulad na paniniwala sa ‘Demokratikong Rebolusyon' bilang hakbang pasulong sa ultimong sosyalistang rebolusyon. Sabi ni Lagman: "Sumama tayo at nagsikap na may namumunong papel sa burges-demokratikong rebolusyon dahil kailangan ng proletaryado ang pampulitikang demokrasya, dahil kailangan ng proletaryado ang panlipunang progreso, kahit pa burges na kaunlaran, para uunlad ito bilang uri at mabuo ang mga kondisyon para sa sosyalistang pakikibaka".

Para kay Lagman, hindi tulad ni Sison na nagkonsentra sa masang magsasaka sa kanayunan bilang rebolusyonaryong pwersa, absolutong kailangang kilalanin ang tunay na rebolusyonaryong pwersa sa kasalukuyan, ang proletaryado bilang tanging pwersa na sa ilalim ng kanyang liderato dapat ipatupad ang burges-demokratikong rebolusyon. Seryosong nagsisikap si Lagman na ang Maoistang tipo na makauring pagsusuri sa Pilipinas ay lipas na at kailangang maunawaan ng mga rebolusyonaryo na sa sektor ng agrikultura sa kanayunan ang relasyon ng produksyon ay sa esensya burges kahit hindi ito angkop sa klasikal ng mga katangian ng kapitalismo. Una sa lahat pinakita ni Lagman na "Sa makauring pagsusuri ni Sison, pinag-iba-iba niya ang magsasaka sa mayaman, gitna at maralita, at isinama pa sa batayang mga kategorya ng burgesya sa kanayunan, peti-burgesya sa kanayunan at semi-proletaryado, na pagkasunod-sunod. Pero hindi niya pinaliwanag ang sosyo-ekonomikong penomenon sa pag-iba-iba sa magsasaka, ang kanyang likas na koneksyon sa sosyo-ekonomikong ebolusyon sa lipunan, at ang kanyang kabuluhan at direksyon ng pag-unlad sa transisyon at transpormasyon ng moda ng produksyon."

Para kay Lagman, kinopya lamang ni Sison si Mao sa makauring pagsusuri dahil: "hindi niya tiningnan ang usaping ito bilang historikal na dis-integrasyon ng magsasaka kundi bilang "simpleng pag-iba-iba lang", hindi sa kanyang pagkabiyak at pagkawasak bilang uri na kapwa batayan at resulta ng isang umuunlad na bagong moda ng produksyon kundi simpleng paglitaw ng ‘hindi patas na pag-aari' pero nasa ilalim pa rin ng lumang moda ng pyudal na produksyon".

Nagpatuloy si Lagman na ang burgesya sa kanayunan mistulang hindi makausad sa simpleng reproduksyon ng kapital "dahil hindi lang sa mga labi ng pyudalismo sa kanayunan kundi dahil din sa monopolyo kapitalismo na bumansot sa pag-unlad ng pambansang kapitalismo sa Pilipinas. Pero ang kabiguan ng burgesya sa kanayunan na makalikom ng kapital sa patuloy na paraan ay hindi nagkahulugan na nasa loob sila ng balangkas ng pyudal na moda o hindi-pa-kapitalista na yugto sa pag-unlad gaya ng nakakatawa na sabihing ang Pilipinas ay hindi-pa-kapitalista o hindi kapitalista, sa batayan pyudal ang sistema, dahil hindi nito maabot ang mas abanteng yugto ng kapitalismo -- ang kanyang pambansang industriyalisasyon."

Sabi ni Lagman "Mula sa punto-de-bista sa batayang mga ideya ng Marxismo, isa lamang ang mas mataas pa kaysa interes ng proletaryado -- at ito ay walang iba kundi ang interes ng panlipunang pag-unlad, ang interes ng panlipunang progreso. Ang syentipikong sosyalismo ay kumakatawan hindi lang sa interes ng uring manggagawa, kundi sa lahat ng panlipunang progreso.

 

"Ang uring manggagawa ay kailangang aktibong sumali at magsikap na magampanan ang namunong papel sa demokratikong rebolusyon sa interes ng sosyalistang pakikibaka at sa interes ng panlipunang progreso sa pangkalahatan. At hindi pangunahin dahil ang proletaryado ay tumindig para sa interes ng magsasaka bilang uri o tumindig sa interes ng bayan kahit ano pa ang makauring komposisyon nito.

 

"Tumindig ang proletaryado sa pakikibaka ng magsasaka at sa pakikibaka ng buong bayan hangga't ito ay umaayon sa kanyang sosyalistang makauring pakikibaka at sa panlipunang progreso sa kabuuan. Ang suportahan ang demokratikong mga kahilingan ng magsasaka na magsilbi sa panlipunang pag-unlad at sa makauring pakikibaka ay tiyak na hindi nagkahulugan ng pagsuporta sa peti-burgesya gaya ng pagsuporta sa liberal na mga kahilingan ay hindi nagkahulugan ng pagsuporta sa pambansang burgesya.

"Ito ang batayan, isang napaka-pundamental na usapin para sa isang Marxista-Leninista na alam ang kanyang teorya sa makauring pakikibaka. Ngayon, paano tamang maintindihan ng uring manggagawang Pilipino ang "demokratikong rebolusyon ng bayan" kung, sa halip na ipaliwanag ito mula sa istriktong makauring pananaw ng proletaryado, mula sa kanyang sosyalistang perspektiba, ito ay ekslusibong pinaliwanag mula sa pambansa-demokratikong interes ng bayan? Sasama at gagampan ba ng proletaryado ang namunong papel sa ganung rebolusyon, at isantabi ang kanyang sariling makauring pakikibaka, dahil naintindihan nito ang demokratiko at pambansang interes ng mamamayan?

(...) Ang mulat sa uri na proletaryadong Pilipino ay maging talibang mandirigma para sa kalayaan at demokrasya, hindi pangunahin dahil sa isang malalim na patriyotismo at demokratismo (kung saan marami sila) kundi pangunahin dahil tanging sa pampulitikang kalayaan lamang na ang kanyang uri at ang kanyang pakikibaka ay uunlad ng ganap at higit pang susulong ng malaya tungong sosyalismo."

Sa pagsusuma, salungat sa dalawang yugtong teorya, ang konsepto ni Lagman ng proletaryong rebolusyon ay ‘tuloy-tuloy' na rebolusyon, magsimula sa demokratikong rebolusyon at walang tigil na magtuloy-tuloy hanggang makompleto ang sosyalistang rebolusyon. Para sa kanya ito ay laban sa ‘kaisipan' ni Mao at ganap na nasa linya ng Marxismo-Leninismo'.

3. Hinggil sa mga Taktika ng rebolusyon:

Ang pangatlong punto sa kanyang atensyon ay atakehin ang mga taktika ng demokratikong rebolusyon na iniisip ng pasimuno ng PKP. Dito sa pagsusuma, naniwala si Lagman na:

a) Ang teorya ng ‘matagalang digmaan' ni Mao na angkop lamang sa isang depinidong pag-unlad ng makauring pakikibaka sa Tsina, ay hindi angkop sa Pilipinas;

b) Ayon kay Lenin "ang pagpili ng paraan ay nakasandal sa hinaharap na hindi natin tiyak na ma-determina", habang kay Sison, "iisa lamang ang daan, at ito ay ang daan ng armadong pakikibaka". Kaya sabi ni Lagman na ang rebolusyonaryong sitwasyon lamang ang makapagsabi sa mga paraan ng pakikibaka at paano ito ilunsad. Tinapos niya "Sa madaling sabi, ito ay dinamiko, mapanlikhang proseso na matamang sinubaybayan ang patuloy na hanayan at antagonismo ng makauring mga pwersa sa lipunan, ang kanyang kongkreto at saktong mga porma at paraan ng pakikibaka ay hinubog at "ginawa" ng masa mismo sa proseso ng kanilang rebolusyonaryong pagkamulat, at hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang mulat, talibang mga elemento sa kanilang mga plenaryong pulong."

Ayon kay Lagman "Para kay Sison, ang armadong pakikibaka ang gumagawa ng rebolusyon, ito ang rebolusyon. Pero para kay Lenin, ang rebolusyon ang hahantong sa armadong pakikibaka, ang pag-unlad ng makauring pakikibaka sa kanyang pinakamatalas na porma."

c) Sa pagbaling ng atensyon mula sa uring manggagawa tungo sa masang magsasaka, iniwan ng Partido ang daan ng makauring pakikibaka at ang usapin ng liderato ng proletaryado at PKP. Para kay Lagman, ang pang-araw-araw na pakikibaka ng inaaping masa para sa kanilang mga kahilingan ay sa bandang huli dudulo sa rebolusyonaryong pag-igpaw; unang sa lahat dapat nating organisahin ang pang-araw-araw na mga pakikibaka na may pampulitikang layunin na paunlarin sila tungo sa ‘tuloy-tuloy' na rebolusyon sa pamumuno ng tanging rebolusyonaryong pwersa, ang proletaryado bilang sentral na bahagi. 

d) Hindi maaring palitan ng Partido ang buong uring manggagawa at magsasaka, kahit pa kailangang ito ay maging taliba sa burges-demokratikong rebolusyon dahil ang rebolusyong ito ay sa esensya pinamunuan sa layuning makamit ang pampulitika at pang-ekonomiyang mga kondisyon para sa sosyalistang rebolusyon. 

e) Dapat buuin ng uring manggagawa ang kanyang ‘independyenteng' makauring organo para lumaban para sa kanyang istorikal na misyon, sa Pilipinas, misyon na pangunahin ay ang burges-demokratikong rebolusyon. Nais ni Lagman na iugnay ang pang-araw-araw na pakikibaka ng uring manggagawa sa misyon ng demokratikong rebolusyon. Sabi ni Lagman:

"Ano dapat ang esensya ng programa ng isang proletaryong partido?

Wala iyong ibang esensya kundi organisahin ang makauring pakikibaka ng proletaryado at pamunuan ang pakikibakang ito, ang ultimong layunin nito ay agawin ng proletaryado ang pampulitikang kapangyarihan at ang pagtayo ng sosyalistang lipunan. Ang pakikibakang ito ng proletaryado, ang emansipasyong ito ng mga manggagawa ay kailangang gagawin mismo ng uring manggagawa."

Sa usapin ng programa ng Partido, naniniwala din siya sa minimum at maksimum na programa. Pero hindi tulad ng PKP na, ayon kay Lagman, pinababa ang usapin ng pagpabagsak sa kapitalismo sa usapin ng kapangyarihan ng bayan sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon at kaya naging simpleng bukambibig lamang ang maksimum na programa, ang pangunahing pokus ay dapat ang kabaliktaran: ang maksimum na programa ang motor na pwersa ng minimum na programa.

Ang aming pagtasa sa mga paninindigan ni Lagman

Maraming mga argumento at pagsusuri sa mga posisyon ng PKP na ginawa si Lagman para igiit ang kanyang sariling posisyon. Hindi natin sinuri ang lahat ng ditalye dahil isa itong pagsusuma at wala ng iba pa; sa kabilang banda, sinubukan lamang nating kunin ang pinaka-esensyal na mga elemento na makatulong sa atin para magkaroon ng malinaw na ideya sa mga posisyon ni Lagman.

Nasa harap natin ang isang tao na mistulang nabuhay sa ika-19 siglo bilang rebolusyonaryo. Matapos mabasa ang kanyang mga sinulat, naramdaman natin na:

1. Parang matindi ang determinasyon ni Lagman na maunawaan ang problema ng Pilipinas mula sa isang marxistang balangkas; katunayan, para sa kanya, ang unang pagtutol kay Sison, ang pasimuno ng PKP, ay ang kakulangan ng pagkakaugnay at katumpakan sa teoretikal na posisyon ni Sison. Sinikap ni Lagman na hanapin ang isang magkakaugnay na balangkas para magawang maunawaan ng uring manggagawa sa Pilipinas ang kanilang tungkulin sa kasalukuyan sa batayan ng partikular na sosyo-ekonomiko at pampulitikang sitwasyon sa Pilipinas at sa pangkalahatang imperyalistang kondisyon sa mundo. Bagama't pinakita niya ang intelektwal na kapasidad sa pagsisikap na makilala ang aktwal na moda ng produksyon sa Pilipinas na ayon sa kanya ay kapitalista ang katangian pero nabigo siya na iugnay ito sa partikular na yugto ng pag-unlad ng kapitalismo sa Pilipinas bilang integral na bahagi ng pandaigdigang historikal na kondisyon ng kapitalismo; at tila laging sumasagi sa isip ni Lagman ang imperyalismong US at walang pakialam sa imperyalismo sa pangkalahatan. 

2. Para kay Lagman, ang batayang balangkas ay ganap na lokalisado sa loob ng arkipelago, na patagong sumusuporta sa kontra-rebolusyonaryong ideolohiya ng ‘Sosyalismo sa isang bansa', at pinaka-mahalaga ang kanyang balangkas ay walang anumang kaugnayan sa tunay na ebolusyon ng galaw ng pandaigdigang kapitalismo sa isang banda at sa kabilang banda sa tunay na porma, laman at mga paraan ng makauring pakikibaka ng uring manggagawa sa kasalukuyan. Parang hindi niya masyadong pinansin ang napakapundamental na usapin sa ebolusyon ng kapitalismo bilang pandaigdigang penomenon at paano din nito kinukontrol ang ebolusyon ng kapitalismo sa Pilipinas. Sa halip masusundan sa kanyang paggigiit na sa panahon ng imperyalismo (na inilarawan natin na panahon ng pagbulusok-pababa ng pandaigdigang kapitalismo, dahil mahalaga na pag-ibahin ang panahon sa huling bahagi ng ika-19 siglo na kakitaan ng labis na pagmamadali ng imperyalistang mga kapangyarihan na sakupin ang hindi pa nasakop na mga teritoryo, at sa panahon na binuksan ng Unang Digmaang Pandaigdig kung saan ang imperyalistang mga kapangyarihan ay makapagpalawak lamang sa kapinsalaan ng kanilang mga katunggali - na palatandaan ng pagpasok ng kapitalismo sa kanyang pagbulusok-pababa) ay posible pa rin sa kapitalismo na maging progresibo sa isang bahagi gaya ng Pilipinas bagamat nadiskubrehan din niya ang dahilan ng kahirapan ng kapitalistang pag-unlad sa Pilipinas na ipinataw ng imperyalismong US at ng mga labi ng pyudalismo. Para sa kanya ang walang sagabal na kapitalistang pag-unlad ay nakasandal sa pampulitikang pagkilos ng demokratikong rebolusyon na pamunuan ng proletaryado anuman ang materyal na kondisyon ng pandaigdigang kapitalismo. 

3. Nabigo si Lagman na hawakan ang magkakaugnay na Marxistang balangkas para maintindihan ang pandaigdigang istorikal na kondisyon ng kapitalismo at makauring pakikibaka, ang katangian at paraan ng pakikibaka, ang papel ng komunistang organisasyon at iba pa at kaya hindi niya nailugar ang kanyang sarili sa napakahalagang internasyunal na balangkas. Ang proletaryong rebolusyon ay isang internasyunal na penomenon at dapat unawain sa batayan ng iisa, magkakaugnay na pandaigdigang balangkas na sa pamamagitan nito makuha natin ang kailangang mga paliwanag, estratehiya at mga taktika para matagumpay na mailunsad ang rebolusyon at ang pampulitikang mga posisyon na depensahan sa isang partikular na istorikal na yugto at mga kondisyon sa alinmang bahagi ng mundo ngayon. Kung hindi, hindi mapagsilbihan ang proletaryong adhikain kundi kabaliktaran, makasira ito kahit pa kinikilala natin na sinikap ni Lagman sa abot ng kanyang makakaya na may proletaryong diwa at sinsiridad na resolbahin ang mga problema ng proletaryong rebolusyon sa batayan ng kanyang pagsubok na unawain ang Marxistang balangkas. Tila milya-milya ang kanya layo mula sa internasyunalistang posisyon na siyang pinaka-importanteng pundasyon ng proletaryong pampulitikang organisasyon ngayon tulad ng tumpak na binigyang diin ni Lenin sa kanyang bantog na April Theses.

4. Lagi siyang humalaw mula kina Marx, Engels at Lenin pero hindi masyado pinansin ang totoong konteksto ng naturang mga asersyon, hinugot sila na mga walang kondisyon na katotohanan na independyente sa istorikal na yugto ng kapitalismo at makauring pakikibaka bagama't giniit niya na walang kilalanin na Bibliya. Hindi rin niya masyado pinansin ang proseso ng ibayo pang pagpalalim mismo ng talibang mga rebolusyonaryo.

5. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay binuo sa 1930 at mula ng isilang ay nasa balangkas na ito ng Stalinista at Maoistang kontra-rebolusyonaryong tunguhin na sumakop sa masa ng uring manggagawa sa buong mundo bilang resulta ng istorikong pagkatalo ng internasyunal na alon ng proletaryong rebolusyonaryong pakikibaka. Kahit pa sa matinding rebolusyonaryong determinasyon, diwa at komitment sa sosyalismo biktima din si Lagman nito. Para din sa kanya, may umiiral na entidad tulad ng Leninismo na sa pagkaalam natin, isang termino na ginawa ni Stalin at epektibong ginamit bilang makapangyarihang pampulitikang ideolohikal na armas ng kontra-rebolusyon. Ang posisyon ng demokratikong rebolusyon sa ilalim ng liderato ng proletaryado, ang usapin ng pambansang kalayaan at sariling pagpapasya ng mga bansa ay nagmula sa ganitong pampulitikang ideolohikal na batayan. Mula kay Stalin at Mao namana niya ang teorya sa pakikipag-isang prente at ‘digmaang bayan'. 

6. Kung ang usapin ng makauring pakikibaka ang pag-uusapan, ang teorya ni Lagman ang may mas mapaminsalang epekto sa proseso ng pagkamulat dahil nanawagan siya sa uring manggagawa na makibaka para sa pampulitikang demokrasya sa yugto ng dekadenteng kapitalismo. May mali siyang pagtaya na ang pagkabuo ng isang bagong demokratikong kaayusan (gaya sa bagong demokrasya ni Mao sa Tsina ang esensya) ay makatulong para sa proletaryado para sa pag-organisa at paghahanda sa sarili para sa proletaryong rebolusyon. Kaya maliit lamang ang pundamental na kaibahan sa teoretikal na posisyon ni Sison at ng kay Lagman bagama't direktang pinuntirya ng palaso ng kanyang pampulitikang kritik laban kay Sison. Kaya ang buong kritik at debate ay tila nasa parehong kontra-rebolusyonaryong tereyn gaya ng sinasabing malaking debate sa pagitan ng linyang Ruso at linyang Tsino sa mga Partido Komunista sa iba't-ibang bahagi ng mundo kung saan lahat sila ay matagal ng napunta sa kampo ng kontra-rebolusyon, sa dekada 50 at 60.

7. Bagama't pinagtanggol ni Lagman ang posisyon na ang partido ay hindi hahalili sa buong uri, pero naniwala siya na ang papel ng partido ay organisahin ang uring manggagawa at iba pang pinagsamantalahang istrata para sa makauring pakikibaka kahit na sa kasalukuyang istorikal na yugto ng kapitalismo at makauring pakikibaka. Ayon sa kanaya dapat mayroon pa ring kontrolado na permanenteng pangmasang organisasyon ang partido komunista. Wala siyang alam sa materyal na kondisyon ng makauring pakikibaka kung saan lumitaw ang Partido Komunista at ang materyal na kondisyon kung saan hindi ito iiral bilang partido. Para sa kanya, dapat gamitin ng partido komunista ang parlyamentaryong makinarya, unyon at sa lahat ng ito ang uring manggagawa ay manatili sa ‘independyenteng' makauring katangian. Pero ang kongkretong pampulitikang teoretikal na mga aspeto na mahalaga para kilalanin ang independyenteng makauring katangian sa istorikal na yugto ngayon, ay hindi pinaksa ni Lagman at kaya ang paggiiit ng independensya ay nanatiling napakalabo. 

8. Ang pag-unawa ni Lagman sa imperyalismo ay nagdala sa kanya sa posisyon na ang ilang maunlad na mga bansa ay imperyalista at ang ibang atrasadong mga bansa gaya ng Pilipinas ay sinakop at pinagsamantalahan ng una sa iba't-ibang paraan. Ang marxistang pag-unawa na ang imperyalismo bilang pinakataas na yugto ng pandaigdigang kapitalismo na nagkahulugan din ng simula ng yugto ng pagbulusok-pababa ay hindi malinaw sa kanya. Hindi malinaw sa kanya na ang bawat pambansang praksyon ng kapital sa napaka-integradong pandaigdigang sistema ay hindi maaring hiwalay na bahagi sa buong dekadenteng sistema at kaya imperyalista. Kaya ang kanyang hindi istorikal at mali na pag-unawa ay malamang magdala sa kanaya sa napakadelikadong mga posisyon na itulak ang uring manggagawa sa kontra-rebolusyonaryong tereyn sa ayaw niya at sa gusto. Ang kanyang posisyon ay hindi pundamental na iba sa lahat ng tipo ng Kaliwa.

9. Sinabi ni Lagman na sa Marxismo "isa lamang ang mas mataas pa kaysa interes ng proletaryado: ang interes para sa panlipunang pag-unlad sa kabuuan", at dala ang lohikang ito nais niya na ang proletaryado ay lumaban para sa ‘demokratikong rebolusyon'. Ang problema ay, sa kabilang banda, na sa panahong ito "ang interes ng proletaryado" ay hindi na hiwalay mula sa "interes ng panlipunang pag-unlad sa kabuuan": kabaliktaran, ang panlipunang pag-unlad ngayon ay nakasandal sa tagumpay ng internasyunal na proletaryong rebolusyon.

Sa kabuuan ang pananaw na hindi nagbabago ang Marxismo ay mahigpit na kumapit sa kanya at nanatili siyang bilanggo sa Stalinista, Maoista na kontra-rebolusyonaryong balangkas sa kabila ng kanyang layuning itakwil ito at pupunta sa proletaryo rebolusyonaryong tereyn. Tila ibayo pa niyang pinalakas ang ganap na Kaliwa at kontra-rebolusyonaryong mga posisyon ni Sison na may mas magaling na pampulitikang teoretikal na argumento at katwiran sa kabila ng kanyang matinding determinasyon na magkaroon ng aktibong papel sa proseso ng pagpahina ng kapit ng kontra-rebolusyonaryong ideolohiya ni Sison sa uring manggagawa sa Pilipinas. Kaya sa kabuuan laban sa kanyang pampulitikang kagustuhan, komitment at layunin, sa realidad at esensya ay naging mas magaling siya na Sison, isang mas magaling na sosyal-demokrata at bilang resulat (hindi natin mapigilang igiit na sa kabila ng ating respeto sa kanyang intelektwal na kapasidad, rebolusyonaryong determinasyon at masigasig na pagsisikap para mahawakan ang Marxistang balangkas) ang kanyang mga pagkilos ay nakapagpalakas lamang sa mga pwersa ng kontra-rebolusyon kahit pa buong puso niya itong kinasusuklaman at seryosong kumikilos para sa tagumpay ng rebolusyon. 

IKT, 20/07/2006