Submitted by Internasyonalismo on
Ang pakikibaka laban sa kasalukuyang panlipunang kaayusan ay lumalawak, mula sa malakihang panlipunang pag-aalsa sa Tunisia at Egypt tungo sa kilusan ng ‘indignado’ sa Spain, hanggang sa mga pangkalahatang welga at asembliya sa lansangan ng Greece, sa mga demontrasyon para sa pabahay at kahirapan sa Israel, at sa mga kilusang ‘Occupy’ sa buong USA, ngayon ay umalingawngaw bagamat maliit sa UK. Ang kamulatan na ito ay pandaigdigang kilusan, tumalas at mas malawak.
Sa Britanya, sa 9 Nobyembre, ang mga estudyante ay muling magprotesta laban sa mga polisiya ng gobyerno, at sa 30 Nobyembre aabot sa tatlong milyong manggagawa ng publikong sektor ay magwelga laban sa atake ng kanilang pensyon. Ilang linggo na ngayon, ang mga elektrisyan ay nagsagawa ng maingay na demonstrasyon sa mga edipisyo para ipagtanggol ang kanilang trabaho at kalagayan at buong pwersa ding lalahok sa 9 Nobyembre.
Hindi pa rebolusyon, hindi pa ang 99%
Muli umalingawngawa na naman ang salitang ‘rebolusyon’, at muli na namang kinilala ang ‘kapitalismo’ bilang ugat ng kahirapan, digmaan at pagkasira ng kalikasan.
Maganda ito. Pero gaya ng masaklap na naranasan ng mga pinagsamantalahan at mayoriyang inaapi sa Egypt, ang pagpatalsik sa isang tao o isang gobyerno ay hindi pa rebolusyon. Ang rehimeng militar na pumalit kay Mubarak ay patuloy na binilanggo, tinutortyur at pinatay ang mga naglakas loob na magpahayag ng kanilang diskontento sa kasalukuyang kaayusan.
Kahit ang popular na islogan ng kilusang okupasyon na ‘kami ang 99%’ ay hindi pa realidad. Sa kabila ng malawak na simpatiya ng publiko, ang mga protesta ng okupasyon ay hindi pa nakuha ang aktibong suporta ng signipikanting bilang ng ‘99%’. milyun-milyon ang nabahala sa walang katiyakang kinabukasan sa ilalim ng kapitalismo, pero ito mismong pagkabahala ang lumikha ng pag-aalangang risgong lumahok sa mga welga, okupasyon at demonstrasyon.
Nasisilip pa lang natin ang potensyalidad ng isang tunay na kilusang masa laban sa kapitalismo, at delikadong magkamaling kilalanin ang isang bata na isa ng malaking tao.
Pero ang mga lumahok mismo sa pakikibaka ay maaring mahadlangan ng kanilang sariling mga ilusyon, na tiyak susuportahan ng mga propagandista ng sistema.
Mga ilusyon gaya ng:
‘Lahat ng ito ay kagagawan ng mga bangkero/o neo-liberalismo’.
Ang kapitalismo ay hindi lang mga bangko, o ‘dereguladong’ merkado. Ang kapitalismo ay isang panlipunang relasyon na nakabatay sa sistemang sahuran, sa produksyon ng kalakal para sa tubo, at gumagalaw lamang ito sa pandaigdigang saklaw. Ang pang-ekonomiyang krisis ng kapitalismo ay bunga ng kanyang lumang panlipunang relasyon, hadlang na sa pagsulong ng lipunan sa magandang bukas.
Ang pagkontrol sa mga bangko, pagkakaroon ng ala ‘Robin Hood Tax’ o palawakin ang kontrol ng estado ay sa esensya hindi solusyon para matanggal ang ugat ng kapitalistang relasyon sa pagitan ng nagsasamantala at pinagsamantalahan, at nagbigay sa atin ng maling layunin na ating ipaglalaban. Ang panawagan ng unyon na ‘pag-unlad’ ay ganun din: sa ilalim ng kapitalismo ang ibig sabihin nito ay pag-unlad ng pagsasamantala at pagsira sa kalikasan, anu't anuman, sa kasalukuyan nakabatay ito sa malaking utang, na naging mayor na salik ngayon sa paglala ng pang-ekonomiyang krisis.
‘Ang mga politikong maka-Kanan ang ating pangunahing kaaway’.
Gaya ng ang mga bangkero ay mga ahente lamang ng kapital, ganun din ang mga politiko mula sa Kanan hanggang sa Kaliwa, mga instrumento ng kapitalistang estado, ang papel ay panatilihin ang kapitalistang sistema. Pinagpatuloy ng Tories ni Cameron ang iniwan ng Labour, at si Obama, sa kabila ng ‘pag-asang’ kinakatawan niya, ay pinagpatuloy ang imperyalistang digmaan at atake sa istandard ng pamumuhay ng administrasyong Bush.
‘Kailangan natin mas pagbutihin ang parliyamentaryong demokrasya’.
Kung ang estado ang ating kaaway, ang kahilingang repormahin ito ay paglihis. Sa Spain tinangka ng ‘Real Democracy Now’ na pakilusin ang tao para sa pagpapaunald ng parliyamentarismo, mas palakasin ang kontrol sa pagpili ng mga mambabatas, atbp. Pero tinutulan ito ng mas radikal na tendensya, kinilala na ang mga pangkalahatang asembliya na lumitaw bilang organisasyon ng mga protesta ay maari ding maging binhi ng pag-oorganisa ng buhay ng lipunan.
Paano susulong ang pakikibaka? Sa pamamagitan ng pagkilala at pagsapraktika ng ilang mga batayang punto:
Ang pakikibaka laban sa kapitalismo ay pakikibaka sa pagitan ng mga uri: sa isang banda ay ang burgesya at ang estado nito, na may kontrol ng yaman ng lipunan, sa kabilang banda ay ang uring manggagawa, ang proletaryado – tayong walang ibang maipagbili kundi ang ating lakas-paggawa.
Ang pakikibaka ay dapat umabot sa iba pang bahagi ng uring manggagawa kung saan pinakamalakas, kung saan malakihan ang bilang nila: mga pagawaan, ospital, eskwelahan, unibersidad, opisina, pantalan, gusali, konstruksyon, post offices. Nandyan na ang mga halimbawa: ang alon ng mga welga sa Egypt, ng ang ‘Tahrir Square ay pumunta sa mga pagawaan’, at napilitan silang tanggalin si Mubarak. Sa Oakland, California kung saan ang mga ‘Occupiers’ ay nanawagan ng pangkalahatang welga, pumunta sa mga daungan at nakuha ang aktibong suporta ng mga manggagawa doon at truckers.
Para mapalawak ang pakikibaka, kailangan natin ang bagong mga organisasyon: ang praktika ng pagbuo ng mga asembliya na may halal at may mandato na mga delegado ay muling lumitaw kahit saan dahil ang lumang mga organisasyon ay bangkarota: hindi lang ang parliyamento at lokal na pamahalaan, kundi ang mga unyon din, na nagsisilbi lang para hatiin ang mga manggagawa at tiyakin na hindi lalampas ang makauring pakikibaka sa limitasyong legal. Para mapangibabawan ang panghati ng mga unyon at mapanatili ang kontrol ng manggagawa, kailangan natin ang mga asembliya at halal na mga komite sa mga pagawaan at sa lansangan.
Para mawasak ang kapitalismo, kailangan natin ng rebolusyon: Nanatili ang kapangyarihan ng naghaharing uri hindi lang sa pagsisinungaling kundi sa panunupil din. Ang makauring pakikibaka ay hindi ‘mapayapa’. Kailangan nating maging handa ngayon para depensahan ang ating sarili mula sa hindi maiwasang karahasan ng pulisya, at sa hinaharap, para ibagsak ang makinarya ng estado sa pamamagitan ng kombinasyon ng sariling organisasyon ng masa at pisikal na pwersa.
Ang tanging alternatiba sa kapitalismo ay komunismo: Hindi sa pamamagitan ng kontrolado-ng-estado na pagsasamantala tulad ng mga Stalinistang rehimen, hindi sa panunumbalik sa hiwa-hiwalay na mga komyun na nagpapalitan ng produkto, kundi sa isang pandaigdigang asosasyon ng mga lumilikha ng produkto: walang sahod, walang pera, walang hangganan, walang estado!
IKT 5/11/11