Komyun sa Paris ng 1871: Unang pag-agaw ng manggagawa sa kapangyarihan

Printer-friendly version

Marami ang hindi na nakaalala sa Komyun sa Paris ng 1871. Sa mga nakaalala naman, marami sa kanila ang mali ang pagkaintindi sa kagitingan ng Komyun. Marami sa mga nagsasabing "komunista" at "sumasaludo" sa Komyun ay binalasubas ng kanilang mga praktika sa kasalukuyan ang mga rebolusyonaryong aral ng Komyun sa nakaraan.

  Pakikipag-isang prente, partisipasyon sa burges na eleksyon, pakikibaka para sa pagmamahal sa inangbayan ang pinaggagawa ngayon ng iba't-ibang paksyon ng Kaliwa sa ngalan ng sosyalismo/komunismo. Kasing karumal-dumal ang mga ito sa madugong masaker ng burgesya sa mahigit 20,000 Komyunista dahil pinagpunit-punit nito ang mga prinsipyo ng Komyun sa Paris na binuhisan ng dugo ng masang manggagawa! 

Kung hindi hinog ang obhetibong sitwasyon noong 1871 para sa komunistang rebolusyon, napakalinaw na hinog na ito ngayon. Mas posible at mas kailangan ngayon ang mga prinsipyong pinaglaban at pinagtanggol ng Komyun sa Paris dahil ang pandaigdigang kapitalismo at lahat ng paksyon ng uring burges ay lubusan ng reaksyunaryo.

Kaya kailangang malaman at maintindihan ng mga mulat na uring manggagawa ang kasaysayan ng unang karanasan ng uri para agawin ang kapangyarihan at buuin ang isang bagong lipunan para sa masang anakpawis.

M3, Agosto 13, 2011

------------------------------------------

140 taon na ang lumipas ng sinupil ng burgesyang Pranses ang kauna-unahang magiting na rebolusyonaryong karanasan ng proletaryado, ng minasaker nito ang 20,000 manggagawa. Ang Komyun sa Paris ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na pinakita ng manggagawa ang matinding lakas. Sa unang pagkakataon, pinakita ng mga manggagawa na may kapasidad itong wasakin ang estado ng burgesya, at tumindig bilang tanging rebolusyonaryong uri sa lipunan. Ngayon, nagsisikap ang naghaharing uri na kumbinsihin ang mga manggagawa na walang kinabukasan ang sangkatauhan sa anumang lipunan maliban sa kapitalismo, at hawaan sila ng kawalan ng lakas sa harap ng karumal-dumal na barbarismo at kahirapan ng modernong mundo. Kaya ngayon, kailangang suriin ng uring manggagawa ang kanyang sariling kasaysayan, para manumbalkik ang kumpyansa sa sarili, sa kanyang sariling lakas, at sa kinabukasan ng kanyang pakikibaka. Saksi ang napakatinding karanasan ng Komyun sa Paris na kahit noon, sa kabila ng kawalan ng materyal na kondisyon para sa komunistang rebolusyon, pinakita ng proletaryado na siya lamang ang pwersang may kapasidad na yanigin ang kapitalistang kaayusan.

Para sa mga henerasyon ng manggagawa, ang Komyun sa Paris ay isang patnubay sa kasaysayan ng kilusang manggagawa. Ang rebolusyong Ruso sa 1905 at laluna ang 1917 ay naglalaman ng kanyang mga halimbawa at aral, hanggang pumalit ang rebolusyong 1917 bilang pangunahing tanglaw ng pakikibaka ng pandaigdigang proletaryado.

Ngayon, ang propaganda ng burgesya ay nagsisikap na lubusan ng ibaon sa limot ang rebolusyonaryong karanasan sa Oktubre, para ilayo ang mga manggagawa sa kanilang sariling pananaw sa kinabukasan sa pamamagitan ng pagpapakilala sa komunismo na Stalinismo. Dahil hindi magamit ang Komyun sa Paris sa ganitong kasinungalingan, laging itinago ng naghaharing uri ang kanyang tunay na kahulugan sa pamamagitan ng pag-angkin na kanila iyon, isang kilusan para sa patriyotismo, o para ipagtanggol ang mga republikanong adhikain.

Pakikibaka laban sa Kapital, hindi isang makabayang pakikibaka

Nangyari ang Komuna sa Paris pitong buwan matapos ang pagkatalo ni Napoleon III sa Sedan, noong digmaang  Franco-Prussian 1870. Sa ika-4 ng Setyembre 1870, nag-aklas ang mga manggagawa sa Paris laban sa kalunos-lunos na kahirapang dulot ng adbenturismong militar ni Bonaparte. Dineklara ang Republika habang ang tropa ni Bismarck ay nagkampo sa mga daan ng Paris. Ang Pambansang Gwardya, na galing sa mababang saray ng panggitnang uri, ang nagtanggol sa kabisera laban sa kaaway'ng Prusyan. Ang mga manggagawa, na nagsimula ng makaranas ng gutom, ay sumali at hindi nagtagal ay naging mayorya sa tropang ito. Tinangka ng naghaharing uri na kulayan ang kaganapang ito ng isang makabayang kulay ng "popular" na paglaban sa mananakop na Prusyano; subalit sa isang iglap, ang pakikibaka para ipagtanggol ang Paris ay nagbukas ng pagsabog ng antagonismo sa pagitan ng dalawang batayang mga uri sa lipunan: ang proletaryado at burgesya. Matapos ang 131 araw na pagkubkob, ang gobyernong Pranses ay sumuko at pumirma ng tigil-putukan sa tropang Prusyan. Alam ni Thiers, ang bagong lider ng gobyernong republikano na dahil patapos na ang digmaan kailangan ng dis-armahan agad ang mga manggagawa sa Paris, dahil banta ito sa naghaharing uri. Sa ika-18 ng Marso 1871, unang ginawa ni Thiers ay panloloko: sa argumentong ang mga armas ay pag-aari ng estado, nagpadala siya ng mga sundalo upang bawiin ang mahigit 200 kanyon ng Pambansang Gwardya, na tinago ng mga manggagawa sa Montmartre at Belleville. Nabigo ito, salamat sa mahigpit na paglaban ng mga manggagawa, at sa kilusan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga sundalo at populasyon sa Paris. Ang kabiguan ng pagtatangkang pagdis-arma ang naging mitsa, at dahilan ng digmaang-sibil sa pagitan ng mga manggagawa sa Paris at burges na gobyerno na nagkampo sa Versailles. Sa ika-18 ng Marso, ang komite sentral ng Pambansang Gwardya, na temporaryong may hawak ng kapangyarihan, ay nagdeklara: "Ang mga manggagawa sa kabisera, sa gitna ng pagtraydor ng naghaharing uri, ay naintindihan na ito na ang panahon para isalba ang sitwasyon sa pamamagitan ng paghawak sa kapangyarihang publiko. (...) Naunawaan ng proletaryado na ang pinakamataas niyang tungkulin at absolutong karapatan na hawakan ang kinabukasan sa kanyang sariling mga kamay, at tiyakin ang tagumpay sa pamamagitan ng pag-agaw ng kapangyarihan". Sa naturang araw din, pinahayag agad ng komite ang eleksyon ng mga delegado mula sa iba't-ibang lugar, sa ilalim ng unibersal na pagboto. Idinaos ito sa ika-26 ng Marso; dalawang araw pagkatapos, dineklara ang Komyun. Maraming tendensya ang bumubuo sa loob nito:ang mayoriya, na dominado ng mga Blanquista, at ang minoriya na karamihan sa mga membro ay Proudhonistang sosyalista mula sa Internasyunal na Asosasyon ng mga Manggagawa (ang Unang Internasyunal).

Nagsagawa agad ng kontra-atake ang gobyerno sa Versailles, para muling makuha ang Paris mula sa kamay ng uring manggagawa - mga "marumi at mabaho", ayon kay Thiers. Ang pambobomba sa kabisera, na tinuligsa ng burgesyang Pranses noon laban sa sundalong Prusyan, ay walang patid sa loob ng dalawang buwan ng pag-iral ng Komyun.

Hindi ito pagtatanggol ng inangbayan laban sa dayuhang kaaway kundi pagtatanggol sa sarili laban sa kaaway sa loob, laban sa kanyang "sariling" burgesya na kinakatawan ng gobyernong Versailles, kung saan tumanggi ang proletaryadong Pranses na isuko ang kanyang armas sa mga mapagsamantala at nagtayo ng Komyun.

Laban para wasakin ang burges na estado, hindi para ipagtanggol ang mga kalayaang republikano

Nilinis ng burgesya ang kanyang pinakamasahol na kasinungalingan mula sa panlabas na anyo ng realidad. Lagi nitong pinangangalandakan na ibinatay ng Komyun ang kanyang mga prinsipyo sa 1789, para maliitin ang unang rebolusyonaryong karanasan ng proletaryado sa antas na simpleng pagtatanggol sa mga kalayaang republikano, para sa burges na demokrasya laban sa monarkistang mga sundalo na alyado ng burgesyang Pranses. Pero ang tunay na diwa ng Komyun ay hindi makita sa kasuotan ng batang proletaryado ng 1871. Ang kilusang ito ay laging isang importanteng hakbang ng pandaigdigang proletaryado para sa kanyang kalayaan, dahil sa pangakong hinawakan nito para sa kinabukasan. Ito ang una sa kasaysayan na ang opisyal na kapangyarihan ng burgesya ay naibagsak sa isa sa kanyang mga kabisera. At itong matinding paglaban ay gawa ng proletaryado, hindi ng anumang uri. Oo, ang proletaryadong ito ay hindi pa maunlad, marami pang inpluwensya sa luma nitong kalagayan bilang tagayaring-kamay, at karay-karay ang impluwensya ng peti-burgesya at mga ilusyong mula sa 1789: sa kabila nito, ito ang motibong pwersa sa likod ng Komyun. Gayong hindi pa istorikong posible ang rebolusyon (dahil bata pa ang proletaryado, at dahil hindi pa nalubos ng kapitalismo ang kapasidad nitong paunlarin ang mga produlktibong pwersa), pinakita ng Komyun ang direksyon ng proletaryong paglaban sa hinaharap.

Dagdag pa, habang kinuha nito ang mga prinsipyo ng burges na rebolusyon, iba ang laman nito. Para sa burgesya, ang "kalayaan" ay malayang pamilihan, kalayaan para pagsamantalahan ang sahurang paggawa; "pagkapantay-pantay" ay walang iba kundi pagkapantay-pantay sa pagitan ng burgesya sa kanilang pakikibaka laban sa mga pribilihiyong aristokrata; "pagkakapatiran" ay nagkahulugang mapayapang relasyon sa pagitan ng kapital at paggawa, sa ibang salita ang pagsuko ng mga pinagsamantalahan sa mga mapagsamantala. Para sa mga manggagawa ng Komyun, ang "Kalayaan, Pagkapantay-pantay, Kapatiran" ay abolisyon ng sahurang paggawa, sa pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, at sa lipunang nahati sa mga uri. Itong bisyon ng ibang mundo na pinakita ng Komyun mismo, ay nakita paano ini-organisa ng uring manggagawa ang buhay sa lipunan sa loob ng dalawang buwan nitong pag-iral. Ang tunay na katangian ng Komyun ay makita sa kanyang mga pang-ekonomiya at pampulitikang hakbangin, hindi sa mga islogang kinopya nito sa nakaraan.

Dalawang araw matapos ang proklamasyon, pinagtibay ng Komyun ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng direktang pag-atake sa makinarya ng estado na makita sa serye ng mga pampulitikang hakbangin: abolisyon ng pwersa ng polisya para sa panunupil, sa permanenteng hukbo, at sa konskripsyon (ang tanging kinilalang armadong pwersa ay ang Pambansang Gwardya); ang pagawasak sa lahat ng adminsitrasyong pang-estado, kumpiskasyon ng mga ari-arian ng simbahan, ang paghinto sa parusang pamumugot ng ulo, obligadong libreng edukasyon, atbp, hindi pa kasama ang simbolikong mga hakbangin gaya ng pagwasak sa kolum ng Vendôme, ang simbolo ng sobinismo ng naghaharing uri na ni Napoleon 1st. Sa naturang araw din, kinumpirma ng komyun ang kanyang proletaryong katangian sa pamamagitan ng deklarasyong "ang bandila ng Komyun ay ang Unibersal na Republika". Ang prinsipyong ito ng proletaryong internasyunalismo ay malinaw na pinagtibay sa eleksyon ng mga dayuhan sa Komyun (tulad ng taga Poland na si Dornbrovski, tagapangasiwa sa Depensa, at ang taga Hungary na si Frankel, responsable sa Paggawa).

Isa sa mga partikular na pampulitikang hakbanging pinakita gaano ka mali ang ideya na nag-aklas ang proletaryado sa Paris para ipagtanggol ang demokratikong Republika: ito ay ang maaring permanenteng tanggalin ang mga delegado ng Komyun, na responsable sa anumang organo na naghalal sa kanila. Ito ay bago pa lumitaw sa 1905 rebolusyong Ruso ang mga konseho ng manggagawa - ang "sa wakas nadiskubreng porma ng diktadura ng proletaryado" ayon kay Lenin. Ang prinsipyong maaring tanggalin na pinagtibay ng proletaryado ng maagaw nito ang kapangyarihan ay muling patunay sa proletaryong katangian ng Komyun. Ang diktadura ng burgesya, kung saan ang "demokratikong" estado ang kanyang pinaka-masamang porma, ay konsentrado ang kapangyarihan ng mapagsamantala sa mga kamay ng minorya para supilin at pagsamantalahan ang malaking mayoriya na tagapaglikha ng produkto. Ang prinsipyo ng proletaryong rebolusyon ay walang kapangyarihan ang lilitaw sa ibabaw ng lipunan. Tanging ang uri lamang na naglalayong pawiin ang anumang dominasyon ng minoryang mapanupil ang makagawa nito.

Dahil ang mga pampulitikang hakbangin ng Komyun ay malinaw na manipestasyon ng kanyang proletaryong katangian, ang kanyang mga pang-ekonomiyang hakbangin, gaano man ka limitado, ay nagtatanggol din ng mga interes ng uring manggagawa: pagpawi sa upa, pagpawi sa panggabing trabaho gaya ng panadero, abolisyon ng mga multa ng kapitalista mula sa sahod, ang muling pagbukas at pangangasiwa ng mga manggagawa sa mga nagsarang pagawaan, ang sahod ng mga delegado ng Komyun ay katulad sa sahod ng mga manggagawa, atbp.

Malinaw na ang ganitong pag-organisa sa lipunan ay walang relasyon sa "demokratisasyon" ng burges na estado, at lahat ay para sa pagwasak. At ito nga ang pundamental na aral na iniwan ng Komyun sa buong kilusang paggawa sa hinaharap. Ito ang aral na ginawa ng proletaryado sa Rusya, sa pangunguna ni Lenin at ng mga Bolsheviks, sa Oktubre 1917. Gaya nga ng sabi ni Marx sa Ika-18 Brumaire ni Louis Bonaparte, "Lahat ng mga pampulitikang rebolusyon sa kasalukuyan ay ginawa lamang perpekto ang makinarya ng estado sa halip na wasakin ito". Bagamat hindi pa hinog ang kondisyon para ibagsak ang kapitalismo, ang Komyun ng Paris, ang huling rebolusyon sa 19 siglo, ay hudyat para sa mga rebolusyonaryong kilusan sa 20 siglo: pinakita nito sa praktika na "hindi simpleng hawakan ng uring manggagawa ang nakatayong makinarya ng estado at gamitin ito para sa kanyang sariling layunin. Dahil ang pampulitikang makinarya para mang-alipin ay hindi magamit bilang pampulitikang instrumento para sa kanyang paglaya" (Marx, Ang Digmaang Sibil sa Pransya).

Naharap sa banta ng proletaryado, ang mabangis na panunupil ng burgesya

Hindi matanggap ng naghaharing uri na mangahas ang uring manggagawa na lumaban sa kanyang sistema. Kaya ng muling maagaw nito ang Paris sa pamamagitan ng armas, hindi lang layon ng burgesya na muling itayo ang kanyang kapangyarihan sa kabisera, kundi higit sa lahat ay patawan ng mabangis na parusa ang uring manggagawa para maging aral na hindi nito malimutan. Ang kanyang galit na supilin ang Komyun ay katumbas ng takot nito sa proletaryado na inspirado sa Komyun. Sa simula ng Abril, sila Thiers at Bismarck, kung saan ang mga tropa ay nasa mga kampo ng Hilaga at Silangan ng Paris, ay bumuo ng ‘Banal na Alyansa' para durugin ang Komyun. Noon pa man, pinakita na ng burgesya ang kanyang kapasidad na isantabi ang sariling pambansang antagonismo para harapin ang kanyang makauring kaaway. Ang mahigpit na kolaborasyon sa pagitan ng mga tropang Pranses at Prusyan ang dahilan para ganap na makubkob ang kabisera. Sa ika-17 ng Abril, sinakop ng tropang Versailles ang mga kampo sa Kanlurang Paris. Naharap sa matinding paglaban ng Pambansang Gwardya, kinumbinsi ni Thiers si Bismarck na palayain ang 60,000 tropang Pranses na naging bilanggo sa Sedan, kung saan mula Mayo pataas ay nagbigay sa gobyernong Versailles ng mapagpasyang bentahe sa dami. Sa unang gabi ng Mayo, natalo ang larangan sa timog. Sa ika-21, ang tropang Versailles sa ilalim ni Heneral Gallifet ay pumasok sa Paris mula sa Hilaga at Silangan, salamat sa binuksang daan ng tropang Prusyan. Sa loob ng walong araw, matindi ang labanan sa mga distrito ng uring manggagawa; ang huling mga mandirigma ng Komyun ay parang mga langaw na nahulog mula sa Bellevile at Menilmontant. Pero ang madugong panunupil sa mga Komyunista ay hindi nagtapos doon. Nais namnamin ng naghaharing uri ang kanyang tagumpay sa pamamagitan ng matinding paghiganti sa natalo at walang armas na proletaryado, itong mga "mabaho at marumi" na nangahas labanan ang kanyang makauring dominasyon. Habang inutusan ang mga tropa ni Bismarck na hulihin ang mga nagtatago, ang mga berdugo ni Gallifet ay minasaker ang walang kalaban-laban na lalaki, babae, at mga bata: pinatay sila sa pamamagitan ng firing squad at machine-gun.

Ang "madugong linggo" ay nagtapos sa karumal-dumal na pamamaslang: mahigit 20,000 patay. Sinundan ito ng malawakang pang-aaresto, ng pagpatay sa mga nahuli "para maging halimbawa", pagtapon sa mga kolonya ng pwersahang paggawa. Daan-daang bata ang dinala sa tinawag na mga "bahay ng pagtutuwid".

Ito ang ginawa ng naghaharing uri para muling maagaw ang kapangyarihan. Ito ang ginawa nila kung nasa peligro ang kanilang makauring diktadura. Hindi lang nalunod sa dugo ang Komyun dahil lamang sa pinaka-reaksyonaryong paksyon ng burgesya. Bagamat binigay nila ang maruming paggawa sa tropang Monarkista, ang "demokratikong" republikanong paksyon, sa pamamagitan ng kanyang Pambansang Asembliya at liberal na mga mambabatas, ang may ganap na responsibilidad sa masaker at pananakot. Hindi malimutan ng proletaryado ang kagitingang ito ng burges na demokrasya: hindi!

Dahil sa pagdurog sa Komyun, na siyang dahilan ng paglaho ng Unang Internasyunal, tinalo ng naghaharing uri ang mga manggagawa sa buong mundo. At matindi ang pagkatalong ito para sa uring manggagawa sa Pransya, na nasa unahan ng proletaryong pakikibaka mula 1830. Nakabalik lamang ang proletaryong Pranses sa unahan ng makauring labanan sa Mayo 1968, kung saan ang kanyang malawakang mga welga ang nagbukas ng panibagong perspektiba sa pakikibaka matapos ang 40 taon na kontra-rebolusyon. At hindi ito aksidente: sa muling pagbangon, bagamat pansamantala, bilang tanglaw ng makauring pakikibaka, na inabandona nito noong nakaraang siglo, pinakita ng proletaryong Pranses ang lubusang kasigasigan, lakas, at lalim ng bagong yugto ng makasaysayang pakikibaka ng uring manggagawa para ibagsak ang kapitalismo.

Pero kaiba sa Komyun, ang bagong istrorikong yugto na binuksan sa Mayo 1968 ay nasa panahon na ang proletaryong rebolusyon ay hindi lang posible, kundi absolutong kailangan kung nais ng sangkatauhan na mabuhay pa. Ito ang laging nais itago ng burgesya sa pamamagitan ng kanyang mga kasinungalingan, mga kampanyang propaganda, para baliktarin ang rebolusyonaryong karanasan sa nakaraan: ang lakas at kasigasigasan ng proletaryado, at ano ang nakataya sa kanyang kasalukuyang pakikibaka.

Avril (orihinal na inilathala sa Révolution Internationale blg.202, Hulyo 1991, at sa World Revolution146, Hulyo-Agosto 1991).