Ang mga kaibigan ni Gaddafi sa Kaliwa

Printer-friendly version

Nasa ibaba ang salin ng artikulo ng World Revolution, seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Ingglatera hinggil sa ipokrisya at anti-komunistang paninindigan ng Kaliwa sa digmaang sibil sa Libya ngayon.

Ang pananaw ng Kaliwa sa internasyunal na antas ay walang kaibahan sa ‘opisyal’ na pananaw ng Kaliwa sa Pilipinas, mula sa maoistang Partido Komunista ng Pilipinas at ng kanyang mga legal na organisasyon hanggang sa mga “leninista” at trotskyista. Lahat sila ay sabay-sabay na sumisigaw na “itigil ang imperyalistang panghihimasok sa Libya!” pero halos naging pipi ng masakerin ng rehimeng Khadaffy ang libu-libong mamamayang Libyan na nagprotesta sa kanyang mapanupil na diktadura sa loob ng 40 taon.

Kailangang aralin ng mga nagsusuring elemento sa Pilipinas ang serye ng mga oportunista at kontra-rebolusyonaryong pananaw ng mga Kaliwang organisasyon noong WW II, sa digmaang Korea noong 1950s, sa digmaang Byetnam noong 1970s at ng mga kasalukuyang digmaan para sa “pambansang pagpapalaya” na kinilala nilang “progresibo” at “rebolusyonaryo”. Sapat ng patunay ang nangyari sa Tsina ngayon (naging isang ganid at ambisyosong imperyalistang kapangyarihan), sa paghihirap ng mga mamaayan sa Hilagang Korea na halos walang kaibahan sa kahirapang dinaranas ng mga nasa Timog Korea, ng mga welga ng mga manggagawa sa Byetnam at Tsina.

Ang mga ito ay nangyari dahil ang estado ng mga bansang ito ay isang kapitalistang estado at ang naghaharing partido (“komunista” lamang sa pangalan) ay isang burges na partido na walang ibang inaatupag kundi “palaguin” ang pambansang kapitalismo sa pamamagitan ng lubusang pagsasamantala sa “kanilang” mga manggagawa at mamamayan.

At muli, naharap na naman ang mga komunista at rebolusyonaryo sa mundo sa mga panlipunang pag-aalsa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika hindi lamang tulak ng pang-aapi at pagsasamantala ng kani-kanilang mga gobyerno kundi ng mismong walang katulad na krisis ng pandaigdigang kapitalismo.

Nalantad sa mga pag-aalsa ng masa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika na walang kaibahan ang mga rehimeng “anti-USA” at maka-USA. Lahat sila ay kaaway ng proletaryado at sambayanan at kailangang ibagsak. Ang mga rehimeng kinilala ng Kaliwa ng “progresibo”, “rebolusyonaryo” o “alyado” ng komunistang kilusan ay nalantad bilang mga diktador, mamamatay-tao katulad ng mga imperyalistang demokrasya sa Kanluran.

Ang mga organisasyon ng Kaliwa ay mga kaliwang kamay lamang ng naghaharing uri upang patuloy na igapos ang masang api sa mga ilusyon ng demokrasya at nasyunalismo. Sila ang mga bombero at polisya ng naghaharing uri sa loob mismo ng rebolusyonaryong kilusang masa.

Internasyonalismo

Abril 12, 2011

---------------------------------------------- 

Ang nangyayari ngayon sa Libya ay mabilis na nagbabago at markado ng maraming kalituhan, pero karamihan sa Kaliwa ay malinaw kung ano ang gusto nila. 

Ayon pa sa pangunahing artikulo ng Guardian (28/2/11) “Paanong ang mga ‘rebolusyonaryong’ lider ng Latin Amerika ay sinusuportahan si Gaddafi?” pinuna ni Mike Gonzalez sila Pangulong Ortega ng Nicaragua at Chavez ng Venezuela, kasama si Fidel Castro, dahil nagpahayag ang mga ito ng simpatiya kay Gaddafi at sa gobyerno ng Libyan. Sabi niya “hindi nila maaring suportahan ang isang mapanupil na rehimen na naharap ngayon sa isang pangmasang demokratikong kilusan mula sa ibabana malinaw na ginawa na nga nila.

Ang eksaktong katangian ng kilusan ay bukas pa para sa diskusyon, pero walang pagtatalo na ang kapitalistang estado ng Libya ay mapanupil.

Kabaliktaran sa rehimeng Gaddafi sabi ni Gonzalez na sila Ortega at Chavez ay “naluklok sa kapangyarihan bunga ng pangmasang insureksyon” at ng ibagsak ni Castro si Batista “ito ay napaka-popular”. Paano man sila iniluklok sa kapangyarihan, sila Ortega, Chavez at Castro ay integral na bahagi ng kapitalistang naghaharing uri sa kani-kanilang mga bansa. Sila Ortega at Chavez ay naging presidente sa pamamagitan ng eleksyon, pero, sa pamamagitan man ng balota, o kudetang militar gaya ni Gaddafi, ginagawa nila ang kanilang makakaya para pagsilbihan ang kanilang pambansang kapital.

Ang gusto ni Gonzalez na marinig ay ang mariing pagtuligsa sa panunupil sa Libya at pahayag ng pakikiisa sa mamamayan. Ang kanyang paliwanag kung bakit ganun ang ginawa ng kanyang mga bayani ay “Namuhunan ang Libya sa tatlong mga bansa at itinulak ang sarili bilang isang anti-imperyalistang kapangyarihan.” Ito ay magaspang, sa isang bahagi ay materyalistang paliwanag. Sa katotohanan lahat ng mga lider ng Kaliwa na nagsasabing anti-imperyalista sila, ay kinilala si Gaddafi bilang isa sa kanila, isa sa mga panginoon na ‘radikal’ ang pananalita. Habang ang pinagsamantalahan na uring manggagawa at iba pang inaaping sektor ay iniinda ang kapitalistang realidad na pinamunuan nila.

Mayroong eksepsyon sa padron na ito. Pinuna ni Ahmadinejad, ang pangulo ng Iran ang “masamang pakikitungo ng gobyerno ng Libya sa kanyang mamamayan” at sinabi na ang estado ay dapat makinig sa kagustuhan ng kanyang mamamayan. Ito ang dapat gawin ng mga ‘radikal’ na lider, at, kung sawayin nila ang ibang mga gobyerno ang mensahe nila ay dadalhin din ng kanilang mga tagahanga sa Kaliwa.

Ipokrisya ng Kaliwa sa koneksyon ng WRP sa Libya

Sa mga mata ng Workers Revolutionary Party, na naglilimbag ng Newsline ang kudeta ni Gaddafi sa 1969 ay halos walang kaibahan. Para sa kanila (28/2/11) “ang rebolusyon sa Libya, kung saan nakontrol ng mamamayang Libyan ang kanilang bansa mula sa mga imperyalistang UK at US sa 1969.”

Ang ibang Kaliwa ay kinukutya ang WRP dahil sa mga kasunduan at pahayag na pinirmahan nito kasama ang gobyerno ng Libya, sa kanyang walang pag-aalinlang katapatan sa ‘sosyalistang’ estado ng Libya at sa Iraq ni Saddam Hussein na kapwa nagbigay ng pera sa WRP, sa kanyang pagtatanggol sa pagpatay sa mga Stalinista sa Iraq, at sa buong lantarang aktibidad nito sa pakikiisa sa mga rehimen sa Gitnang Silangan noong huling bahagi ng 1970s at maagang bahagi ng 1980s. Hanggang ngayon, matapos halos matuyo na ang mga kontribusyon mula sa Libya, sila ay “nanawagan sa masang Libyan at kabataan na manindigan katabi ni Colonel Gaddafi para depensahan ang mga tagumpay ng rebolusyong Libyan, at paunlarin ito. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng paggapi sa kasalukuyang rebelyon” (Newsline 23/2/11), at inilimbag ang isa sa pinakamataas na sipi mula sa pahayag ni Gaddafi “sa mamamayan ng Libya ...para magkaisa sila laban sa internal na kontra-rebolusyonaryong pwersa at ng kanilang tagasuportang UK at US” (ibid 24/2/11).

Pero ang mga Kaliwa na tumutuligsa sa WRP dahil sa pagtanggap ng pera mula sa may bahid na dugo na rehimeng Gaddafi ay walang maipagmalaki. Ang binayad sa WRP ay ginawa ng libre ng halos lahat ng grupo ng Kaliwa.

Tingnan ang halimbawa sa digmaang Byetnam. Sa 1960s at 70s ang International Socialists (na naging SWP) ay nagsabing ang Hilagang Byetnam ay isang ‘kapitalistang estado’, habang ang tradisyunal na mga Trotskysta ay tinawag itong ‘depormadong estado ng manggagawa’, at ang mga Stalinista ay tinawag itong ‘sosyalista.’ Maliit lamang ang mga pagkakaibang ito sa pagkakaisa ng Kaliwa sa pamimilit na kailangang ialay ng mga manggagawa at magsasaka sa Byetnam ang kanilang buhay para sa kapitalistang Hilaga laban sa kapitalistang Timog.

Sa walong taong digmaan sa pagitan ng Iran at Iraq sa 1980s, kung saan milyong tao ang namatay, ang Kaliwa ay walang habas na nagpropaganda sa suporta ng US at iba pa sa rehimen ni Saddam Hussein. Maaring mayroong mga reserbasyon sa rehimen sa Iran at sa kanyang ideyolohiya sa relihiyon, pero nagkaisa ang Kaliwa na mas mabuti pang mamatay para sa Iran kaysa Iraq. Syempre, ng inatake ng US at ng kanyang ‘koalisyon’ ang Iraq nakita ng Kaliwa na karapat-dapat na ipagtanggol si Saddam, kahit walang nagbago sa kalagayan ng uring manggagawa.

Sa panahon ng digmaan sa nawawasak na Yugoslavia sa unang bahagi ng 1990s muling pumili ng kampo ang Kaliwa. Ang lohikang ipagtanggol ang Bosnia o Kosovo ay ibig sabihin suportahan ang pambobomba sa Belgrade. Ang suporta sa Serbia o nagkakaisang Yugoslavia ay nagkahulugan ng suporta sa masaker na ginawa kapwa ng ‘opisyal’ at pwersang para-militar.

Ang kabangisan ng WRP ay madaling makita, pero ang ‘kritikal na suporta’ ng ibang mga Kaliwa para sa iba’t-ibang paksyon ng burgesya ay nakakalason din. Habang lumalakas ang sigaw ng interbensyong militar sa Libya interesanteng makita kung sino ang ipagtanggol ng Kaliwa. Pinakita ng nakaraang mga karanasan na ito ay hindi para sa uring manggagawa para ipagtanggol ang kanyang makauring interes.

WorldRevolution

Marso 7, 2011


Source URL: https://en.internationalism.org/wr/342/leftists-gaddafi