Submitted by Internasyonalismo on
Inspirasyon para sa manggagawa sa buong mundo ang mga kaganapan ngayon sa Uropa partikular sa Espanya. Pinakita ng manggagawang Espanyol ang posibleng daan na tatahakin ng internasyunal na proletaryado para epektibong labanan ang mga atake ng kapital sa ating pamumuhay.
Bagamat minorya pa lamang sa hanay ng manggagawang Espanyol ang humawak sa tamang daan ng pakikibaka, ang minoryang ito ay nasa loob naman ng mga asembliya ng manggagawa at aktibong lumahok sa mga diskusyon at debate.
Ang mga pakikibaka ngayon sa iba't-ibang panig ng mundo laban sa mga atake ng kapital at estado na nasa matinding krisis ay isang silahis na ang uring manggagawa ay may kapasidad na mamulat at mag-organisa sa sarili para sa kanyang makauring interes.
Kabaliktaran naman ang ginagawa ng Kaliwa at mga unyon nila laluna sa Pilipinas kung saan nalubog sa repormismo at pagtatanggol sa pambansang interes ng burgesyang Pilipino sa ngalan ng "anti-imperyalismo". Itinali ng mga Kaliwang organisasyon ang militansya ng proletaryado sa parliyamentarismo at "pakikibaka" para isabatas ng kapitalistang kongreso ang diumano mga maka-manggagawa at maralitang panukala ng diumano "representante" ng taumbayan sa loob ng bulok na kongreso. Hinatak nila ang mga pagkilos ng manggagawa sa bangayan ng mga paksyon ng naghaharing uri, sa pagitan ng paksyong Aquino at paksyong Arroyo sa usapin ng parusahan si Gloria, ng korupsyon ng nagdaang rehimen, ng "pambansang soberanya" sa isyu ng Spratly at iba pang katulad.
Pinakita ng kasalukuyang kilusan sa Espanya na hindi ang parliyamento ang "rebolusyonaryong tribuna" kundi nasa lansangan. Wala sa mga "radikal" na talumpati ng mga "representante" ng masa sa bulwagan ng bulok na kongreso ang tunay na tinig ng masang anakpawis kundi nasa mga asembliya at diskusyon mismo ng masang nakibaka sa lansangan. Ang kapasyahan at direksyon ng pakikibaka ay hindi patagong pinag-uusapan ng iilang kadre at full-timers ng mga Kaliwang organisasyon at mga unyon nila kundi hayagang pinagdedebatehan ng malawak na masang kalahok sa mga asembliya sa gitna ng mga pakikibaka. Iilan lamang ito sa mga matingkad na aral na makukuha ng militanteng manggagawa sa Pilipinas sa kasalukuyang karanasan ng internasyunal na proletaryado para sa darating pang mas malawak at matinding internasyunal na proletaryong pakikibaka. Subalit ang batayang aral na kailangang panghawakan ng masang manggagawa ay ang pakikiisa at koordinasyon ng pakikibaka sa pandaigdigang saklaw. Tanging sa internasyunal na lawak lamang ng laban maigupo natin ang mga kaaway sa uri.
Nasa ibaba ang salin mula sa English ng pagsuma ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) sa mga pinakahuling kaganapan sa Espanya mula 19 Hunyo.
3M, 7/19/11
---------------------------------------
Sa Linggo, 19 ng Hunyo mayroong malakihang mga demonstrasyon sa 60 syudad sa buong Espanya. Ayon sa ilang datos, mayroong 140,000 sa Madrid, 100,000 sa Barcelona, 60,000 sa Valencia, 25,000 sa Seville, 8000 sa Vigo, 20,000 sa Bilbao, 20,000 sa Zaragoza, 10,000 sa Alicante at 15,000 sa Malaga.
Impresibo na ang dami ng bilang, pero mas mahalaga ang konteksto. Sa nagdaang dalawang linggo, ang mga politiko at ang media, sa tulong ng Real Democracia Ya mula sa loob, ay pinipilit ang kilusan na maghain ng ‘mga kongkretong panukala', sa layuning higupin ito sa mga demokratikong reporma, pero noong linggo ng 19 ng Hunyo naglagay ang mga organisador ng mobilisasyon ng ‘panlipunang laman' at pinakita ng mga demonstrasyon mismo ang ganitong tendensya; sa Bilbao ang pinaka-gamit na islogan ay "hindi nakayanan ng karahasan hanggang sa katapusan ng buwan". Sa Valencia ang pangunahing istrimer ay "Atin ang bukas", habang sa Valladolid ay "Ang kawalan ng trabaho at demolisyon ay karahasan din". Sa Madrid ang mga demonstrasyon ay pinangunahan ng Mga Asembliya ng mga Komunidad at Mamamayan ng Timog - ang lugar na pinaka-konsentrado ang kawalan ng trabaho. Ang istrimer ay "Lahat nagkaisa laban sa krisis at Kapital", at ang mga kahilingan nito ay "WALANG PAGBAWAS SA BILANG NG MANGGAGAWA, PENSYON O PANLIPUNANG SERBISYO; LABANAN ANG KAWALAN NG TRABAHO; PAKIKIBAKA NG MANGGAGAWA; IBABA ANG PRESYO, ITAAS ANG SAHOD; TAASAN NG BUHIS ANG MAYAYAMAN; IPAGTANGGOL ANG SERBISYONG PANGKALUSUGAN, WALANG PRIBATISASYON SA KALUSUGAN, EDUKASYON, BANGKO AT IBA PA SAAN MAN SILA GALING, MABUHAY ANG PAGKAKAISA NG URING MANGGAGAWA".
Ang kolektibo sa Alicante ay ganun din ang manipesto. Sa Valencia ang Autonomous and Anti-capitalist Bloc, binuo ng mga kolektibo na aktibo sa mga asembliya, ay pinagtanggol ang manipesto na nagsasabing "Nais namin ng kasagutan sa kawalan ng trabaho. Ang mga walang trabaho, ang mga temporaryong may trabaho kasama ang nasa impormal na sektor na nagtipon sa mga asembliya ay nagpahayag ng aming kolektibong pagsang-ayon sa sumusunod na mga kahilingan at ng kanilang katuparan. Nais naming bawiin ang Batas sa Reporma sa Paggawa at ang mapang-aping ERE at ang pagbawas sa bayad ng pagtanggal sa trabaho ng 20 araw. Nais naming bawiin ang Batas sa Reporma sa Pensyon dahil sa likod nito ay kahirapan at ayaw naming makaranas ng mas matinding paghihirap at kawalan ng kinabukasan. Nais naming ihinto ang demolisyon. Ang makataong pangangailangan ng bahay ay lampas pa sa bulag na batas ng negosyo at maksimum na tubo. TUTOL kami sa pagbawas sa edukasyon at kalusugan, sa panibagong tanggalan na inihanda ng administrasyong rehiyonal at syudad matapos ang huling halalan".
Ang Martsa sa Madrid ay organisado sa iba't-ibang kolum na binuo ng mamamayan mula sa 7 lungsod o komunidad sa paligid. Mas dumami ang sumama sa martsa habang naglalakad ang mga tao. Ang mga "ahas" na ito ay kabilang sa proletaryong tradisyon sa mga welga sa pagitan ng 1972-76 (kabilang na sa Pransya ng Mayo 68) na nagmula sa mga proletaryong konsentrasyon - gaya ng "tanglaw" na pabrikang Standard sa Madrid. Ang mga demonstrasyon ay humigop ng mas maraming manggagawa, mga kapitbahay, walang trabaho at kabataan habang nag-ipun-ipon sa sentro. Ang tradisyong ito ay lumitaw sa mga pakikibaka sa Vigo sa 2006 at 2009.
Sa Madrid, binasa ang isang manipesto na nanawagan ng "Maghanda ang mga asembliya para sa isang pangkalahatang welga", at sinalubong ng malawakang sigaw na "Mabuhay ang uring manggagawa".
Panahon ng transisyon
Sa artikulong ‘Mula sa Tahrir Square hanggang sa Puerta del Sol', sinabi namin na "bagamat ito mismo ay simbolo, ang kilusang 15M, ang mobilisasyong ito ay hindi lumikha ng kilusan kundi nagbigay lamang ng panimulang balat. Pero sa realidad ang balat na ito ay naglalaman ng utopyang ilusyon sa ideya ng ‘panunumbalik ng demokrasya' sa Estado ng Espanya". Signipikanteng sektor ng kilusan ang nagtangkang humiwalay mula sa balat na ito, at ang mga demonstrasyon sa 19 Hunyo ay patungo sa direksyong ito. Pumasok tayo sa panibagong yugto. Hindi natin alam kailan at paano magkahugis ito sa kongkreto pero ito ay patungo sa pagbuo ng mga asembliya at pakikibaka ayon sa makauring balangkas laban sa paghihigpit; tungo sa pagkakaisa ng mga pinagsamantalahan, babasagin ang lahat ng harang sa pagitan ng mga sektor, pabrika, pinagmulan, panlipunang kalagayan, atbp, isang oryentasyon na ganap na susulong batay sa perspektiba ng internasyunal na pakikibaka laban sa kapitalismo.
Hindi madali ang pagsakongkreto nito. Una, ito ay dahil sa mga ilusyon at kalituhan hinggil sa demokrasya, hinggil sa pagiging mamamayan at ‘reporma', na malakas ang impluwensya sa maraming bahagi ng kilusan; at mas pinalakas pa sa panggigiit ng DRY, mga politiko, at media, na nagsasamantala sa umiiral na pagdududa, ng pagmamadaling makakita ng ‘mabilis at tunay na resulta', sa pagkabahala sa lawak ng mga pangyayari, na para mapanatili ang kilusan ay ikinulong sa mga ideya hinggil sa ‘reporma', ‘pagka-mamamayan', ‘demokrasya'; mga ideya hinggil sa pagkuha ng ‘tiyak na pag-unlad', isang ‘tigil-putukan', sa harap ng mabangis na mga atake laban sa ating lahat.
Pangalawa, ang mobilisasyon ng mga manggagawa sa mga pabrika ay isang kagitingan, sa kabila ng pananakot, sa katotohanan ng kawalan ng kita ay malaking salik na sa maraming pamilya sa pagitan ng katanggap-tanggap na pamumuhay at pagdarahop o sa pagitan ng may makain o wala. Sa ganitong sitwasyon, ang pakikibaka ay hindi bunga ng ‘indibidwal na kapasyahan', gaya ng nais ipanukala ng mga unyon at demokratikong ideolohiya. Magmula ito sa pag-unlad ng kolektibong lakas at kamulatan upang makita ang papel ng unyon na sa kasalukuyan ay tila ‘hindi makita sa pakikibaka' pero aktibo sa mga pabrika sa paghasik ng kanilang sektoral na lason, nagsisikap na itali ang sektor o pabrika sa kulungan, tinututulan ang lahat ng pagtatangka para sa hayagang pakikibaka.
Malamang patungo na tayo sa pagsabog ng mga hayagang pakikibaka, pero masalubong ang maraming balakid. Ang pinakamainam na kontribusyong magawa natin sa prosesong ito ay subukan at halawin ang mga aral sa mga kaganapan mula sa 15 ng Mayo hanggang sa 19 ng Hunyo at tingnan ang perspektiba sa hinaharap.
Ito ang ating kalakasan
Sa nagdaang mga taon paulit-ulit ang katagang: paanong wala pa ring nangyari sa harap ng maraming kaganapan?
Nang pumutok ang krisis sinabi namin na ang unang mga pakikibaka ay "malamang, sa simula, ay maging desperado at relatibong hiwa-hiwalay na mga pakikibaka, sa kabila ng posibilidad na makakuha sila ng tunay na simpatiya mula sa ibang sektor ng uring manggagawa. Dahil dito, sa darating na panahon, sa kabila ng katotohanan na wala tayong nakikitang malawakang pagtutol mula sa uring manggagawa sa mga atake ay hindi dapat isipin na sumuko na ito para ipagtanggol ang kanyang interes. Nasa ikalawang yugto, kung saan hindi na ito masyado bulnerable sa pananakot ng burgesya, na maisip ng mga manggagawa na sa isang nagkakaisa at solidong pakikibaka mapaatras ang mga atake ng naghaharing uri, laluna kung ang huli ay magtangkang ang buong uring manggagawa ang pagbayarin sa napakalaking depisit sa badyet na naiipon ngayon dahil sa mga plano na isalba ang mga bangko at palakasin ang ekonomiya. Dito malamang makita natin ang pag-unlad ng malawakang pakikibaka ng mga manggagawa. Hindi ibig sabihin nito na wala ang mga rebolusyonaryo sa kasalukuyang mga pakikibaka. Bahagi sila sa mga karanasan na madaanan ng proletaryado para isulong ang pakikibaka laban sa kapitalismo" (Resolusyon sa Internasyunal na Sitwasyon, Ika-18 Internasyunal na Kongreso ng IKT).
Itong "ikalawang yugto" ay nagsimula ng sumikad - na may kahirapan - sa serye ng mga kilusan, tulad ng laban sa Reporma sa Pensyon sa Pransya (Oktubre 2010), ng mga kabataan sa Britanya laban sa pagtaas ng matrikula (Nobyembre/Disyembre 2010), ng malalaking kilusan sa Ehipto at Tunisia kung saan maidagdag ang kasalukuyang pakikibaka sa Espanya at Gresya.
Sa loob ng mahigit isang buwan, naipamalas ng mga asembliya at demonstrasyon na maari tayong magkaisa, na hindi ito isang pangarap kundi kabaliktaran, ito ay pagpapalakas, isang malaking kasiyahan. Sa pananaliksik sa internet ay mabasa ang sumusunod na mga makabagbag-damdaming testimonya hinggil sa 19 Hunyo: "Ang paligid ay tila isang pyesta. Nagmartsa kaming lahat, lahat ng klase ng tao: kabataan, retirado, mga pamilya kasama ang mga anak, mga taong walang grupo... at mga nasa komunidad na nagmamasid sa kanilang mga bahay habang pumapalakpak sa amin. Umuwi kami sa aming mga bahay na may malaking ngiti. Hindi lang naramdaman na lumahok ka sa isang mabuting kilusan, kundi isang kaganapan na mabuti ang kinalabasan".
Naharap sa panlipunang lindol marami tayong nabasa na ‘ang mga manggagawa ay hindi kumikilos' at napunta pa ito sa masahol na radikal na ideyang ang ‘sangkatauhan ay masama talaga sa kaibuturan', atbp. Ngayon nasaksihan natin ang pagsibol ng pagdadamayan, pagkakaisa, kolektibong lakas. Hindi ibig sabihin nito na maliitin natin ang seryosong mga balakid mula sa natural na katangian ng kapitalismo - mabangis na kompetisyon, kakulangan ng tiwala ng bawat isa - at ito ay hadlang sa pagkakaisa. Ang pag-unlad ay makamit lamang sa pamamagitan ng masikhay na pagkilos batay sa nagkakaisa at malawakang pakikibaka ng uring manggagawa, ang uri na siyang kolektibo at sahurang tagapaglikha ng yaman ng lipunan; ang uri na mismong may kapasidad na buuin ang pagiging makatao ng tao.
Kabaliktaran sa nangibabaw na kawalang pakialam, itong buhay na karanasan ay nagpatibay sa ideya na mayroon tayong lakas para harapin ang kapital at ang estado. "Anga pagguho ng bloke sa Silangan at sa tinaguriang ‘sosyalistang' mga rehimen, sa nakabinging kampanya sa ‘katapusan ng komunismo', at maging sa ‘katapusan ng makauring pakikibaka' ay nagbigay ng matinding bigwas sa kamulatan at militansya ng uring manggagawa. Nakaranas ang proletaryado ng hayag na pag-atras sa dalawang antas na ito, pag-atras na umabot sa mahigit sampung taon...nagawa nito (ang burgesya) na lumikha ng malakas na damdaming kawalang lakas sa loob ng uring manggagawa dahil hindi nito nagawang maglunsad ng malawakang mga pakikibaka" (Resolusyon sa Internasyunal na Sitwasyon, Ika-18 Internasyunal na Kongreso).
Tulad ng sinabi ng isang demonstrador na "Nagbibigay-lakas na makita ang mga tao sa plaza na nagdiskusyon ng politika o nakibaka para sa kanilang karapatan. Hindi ba nagbibigay ito ng pakiramdam na muli nating nakontrol ang lansangan?" Pinakita nitong muling pagbawi sa lansangan ang namumuong kolektibong lakas. Mahaba at mahirap ang daan, pero ang mga batayan para sa pagsabog ng malawakang pakikibaka ng uring manggagawa ay inilalatag na. Makatulong ito sa uring manggagawa na palaguin ang tiwala sa sarili at sa pag-unawa na ito ay isang panlipunang pwersang may kapasidad na labanan ang sistema at itayo ang bagong lipunan.
Ang 15 ng Mayo ay hindi dapat maliitin na pagsabog lamang ng galit. Nagbigay daan ito para maunawaan ang mga dahilan ng pakikibaka at ng paraan para organisahin ang pakikibaka: ang mga araw-araw na asembliya. Isang demonstrador sa 19 Hunyo ang nagsabing "ang pinakamainam ay ang mga asembliya, malaya ang magsalita, nakikinig ang mga tao, mataas ang pag-iisip, libu-libong mga tao na hindi kilala ang isa't-isa ay nagkaroon ng komon na kasunduan. Hindi ba napakaganda?"
Ang uring manggagawa ay hindi isang disiplinadong hukbo na ang mga membro ay sumusunod lamang sa atas ng isang dakilang lider. Ang pananaw na ito sa daigdig ay kailangan ng ilagay sa basurahan ng kasaysayan bilang luma at walang kwentang bagay! Ang uring manggagawa ay isang masa na nag-iisip, nagtatalakay, kumikilos, nag-oorganisa sa kolektibo at praternal na paraan, pinag-isa ang angking galing ng bawat isa sa isang higanteng kombinasyon ng pagkilos. Ang kongkretong paraan ng implementasyon ng ganitong pananaw ay ang mga asembliya. "Lahat ng kapangyarihan sa mga asembliya" - narinig ito sa Madrid at Valencia. "Ang islogang ‘lahat ng kapangyarihan sa mga asembliya' na lumitaw sa loob ng kilusan, bagamat sa hanay pa lang ng minorya, ay tanda ng dating islogan ng rebolusyong Ruso: ‘lahat ng kapangyarihan sa mga sobyet'".
Kahit binhi pa lamang, inihapag ng kilusan ang pangangailangan ng internasyunal na pakikibaka. Sa demosntrasyon sa Valencia may mga sigaw ng "Ang kilusang ito ay walang prontera". May mga ganitong inisyatiba sa ibang lugar, bagamat medyo malamya at lito. Iba't-ibang grupo ay nag-orgnisa ng mga demonstrasyon "para sa isang rebolusyon sa Uropa"; sa 15 ng Hunyo may mga demonstrasyon na sumusuporta sa pakikibaka sa Gresya. Sa 19 ng Hunyo mayroong mga internasyunalistang islogan: isang plakard ang nakasaad ay "Isang masayang nagkakaisang mundo", at sa wikang English "World Revolution" (Pandaigdigang Rebolusyon).
Sa maraming taon, ang tinawag na ‘globalisasyon ng ekonomiya' ay ginamit ng kaliwa ng burgesya para manulsol ng makabayang sentimyento, sa katagang ‘walang estadong pamilihan', ‘pambansang soberanya', ibig sabihin, nanawagan sa mga manggagawa na maging mas makabayan kaysa burgesya mismo! Hindi lang dahil sa paglala ng krisis kundi dahil din sa pag-unlad ng paggamit ng internet, social networks, atbp, kinukwestyon na ito ng mga kabataang manggagawa. Dahil naharap sa globalisasyon ng ekonomiya kailangang sagutin ito ng internasyunal na gobalisasyon ng pakikibaka, naharap sa pandaigdigang kahirapan ang tanging posibleng sagot ay pandaigdigang pakikibaka.
Malawak ang epekto ng kilusan. Ang mga demonstrasyon na umuunlad sa Gresya sa nagdaang dalawang buwan ay sinunod ang katulad na ‘modelo' ng konsentrasyon at pangmasang asembliya sa pangunahing mga plaza, na direkta at mulat na pinalago sa mga kaganapan sa Espanya. Ayon sa Kaosenlared sa 19 ng Hunyo "libu-lbong tao ang nagrali nitong linggo sa Syntagma Square, sa harap ng parliyamento ng Gresya, sa sunod-sunod na linggo bilang tugon sa tinawag na buong Uropa na kilusan ng mga "diskontento" para tutulan ang mga paghihigpit".
Sa Pransya, Belgium, Mexico, Portugal, mayroong regular na mga asembliya, bagamat mas maliit, na nagpahayag ng pakikiisa sa mga may diskontento at naglunsad ng diskusyon. "Mga 300 tao, karamihan kabataan, nagmartsa noong linggo ng gabi sa sentro ng Lisbon na tinawag ng "Democracia Real Ya", inspirado ng ‘diskontento' sa Espanya. Kalmadong nagmartsa ang mga taga Portugal sa likod ang isang istrimer ma mabasa ang ‘Uropa bumangon ka', ‘Espanya, Gresya, Ireland, Portugal:ang ating pakikibaka ay internasyunal'; sa Pransya "Inaresto ng polisyang Pranses ang mga 100 ‘diskontento' ng tinangka nilang magrali sa harap ng Notre Dame, sa Paris. Sa gabi, mayroong ispontanyong sit down demonstration para iprotesta ang nangyari sa Espanya".
Sa harap ng hindi na makayang sitwasyon maghanda sa panibagong laban!
Lalupang lumalim ang krisis sa utang sa kasalukuyan. Ang sinasabing mga eksperto ay umamin na sa kabila ng sinasabing ‘muling pagbangon' ng pandaigdigang ekonomiya ay malamang ang panibagong pagbagsak na mas malala kaysa Oktubre 2008. Ang Gresya ay walang hanggang balon: ang bawat planong pagsalba ay nauwi sa panibagong mga planong pagsalba at nanatili pa ring nasa bingit ng pagkabangkarota ang estado, isang penomenon na hindi lamang sa Gresya kundi nagbabanta din sa Amerika, ang pangunahing kapangyarihan ng daigdig.
Pinakita ng krisis sa utang ang walang kataposang krisis ng kapitalismo, na nag-obliga sa naghaharing uri na ipataw ang mabangis na mga planong paghihigpit gaya ng kawalang trabaho, pagbawas sa panlipunang gastusin, pagbawas sa sahod, pagpapatindi ng pagsasamantala, pagtaas ng buhis... lahat ng ito ay patungo sa lalupang pagliit ng pamilihan, na ang ibig sabihin ay panibagong mga planong paghihigpit!
Ito ay walang ibig sabihin kundi ang tanging daan ay malawakang pakikibaka. Ang pakikibaka ay posible at dapat isulong paabante sa pamamagitan ng interbensyon ng malawak na minorya sa mga asembliya na may katangiang nagtatanggol ng makauring posisyon, ng pagiging independyente ng mga asembliya at nakibaka laban sa kapitalismo. Nabubuwag ang mga kampo; walang mga sentral na asembliya; mayroong nagsasalungatang mga network ng asembliya sa komunidad. Subalit, hindi maaring pahintulutan ng minorya na mabuwag. Dapat mapanatili nito ang pagkakaisa, koordinado ang sarili sa pambansa at kung posible magkaroon ng internsyunal na kontak. Iba-iba ang porma ng mga kolektibong ito: mga asembliya ng pakikibaka, mga komite sa aksyon, mga grupo ng diskusyon.... Ang mahalaga ay nagbibigay sila ng mga paraan para mapaunlad ang diskusyon at pakikibaka. Kailangang mayroong talakayan sa maraming usapin na lumitaw sa nagdaang ilang buwan: Reporma o rebolusyon? Demokrasya o mga asembliya? Kilusan ng mamamayan o kilusan ng uri? Demokratikong mga kahilingan o mga kahilingan laban sa pagbawas ng panlipunang gastusin? Pasipismo o makauring karahasan? Kawalan ng politika o makauring politika? Ito ay pakikibaka para pasiglahin ang mga asembliya at pag-oorganisa sa sarili. Kailangang patibayin ang lakas at pagkakaisa para tutulan ang brutal na pagbawas na planong ipatupad ng mga rehiyonal na gobyerno sa edukasyon at kalusugan, at iba pang ‘sorpresang' tinatago ng gobyerno.
"Ang sitwasyon ngayon ay iba sa umiral noong makasaysayang pagsulong ng uri sa katapusan ng 60s. Sa panahong yun, ang malawakang katangian ng pakikibaka ng manggagawa, laluna sa malawak na welga ng Mayo 68 sa Pransya at ‘mainit na taglamig' ng 69 sa Italya, ay nagpakita na ang uring manggagawa ay isang mayor na pwersa sa buhay ng lipunan at ang ideya na balang araw ay maibagsak ang kapitalismo ay hindi simpleng panaginip na walang katuparan. Subalit, dahil nagsimula pa lamang ang krisis ng kapitalismo, ang kamulatan na kailangan ng ibagsak ang kapitalismo ay wala pang materyal na batayan para lumaganap sa malawak na manggagawa. Masuma natin ang sitwasyon sa ganito: sa katapusan ng 1960s, ang ideya na posible ang rebolusyon ay relatibong katanggap-tanggap sa malawak na masa, pero ang ideya na kailangan na ito ay hindi madaling maunawaan. Ngayon, sa kabilang banda, ang ideya na kailangan na ang rebolusyon ay may mga tumatanggap na minorya, pero ang ideyang ito ay posible ay hindi pa malawak." (Resolusyon sa Internasyunal na Sitwasyon, Ika-18 Internasyunal na Kongreso ng IKT).
Sa mga asembliya may mga pag-uusap ng rebolusyon, ng pagwasak sa hindi makataong sistema. Ang katagang ‘rebolusyon' ay hindi na nakakatakot. Marahil mahaba ang daan, pero ang kilusan na umunlad mula 15 ng Mayo hanggang 19 ng Hunyo ay nagpamalas na posible ang makibaka, na posible na organisahin natin ang ating mga sarili para makibaka at tanging ito lamang ang paraan para lumakas tayo bilang isang pwersa laban sa kapital at estado, habang nagbibigay sa atin ng kasiyahan, kasiglahan at naging daan upang makawala tayo mula sa kalunos-lunos na pang-araw-araw na buhay sa ilalim ng kapitalismo.
"Kapwa para sa paglawak ng komunistang kamulatan, at para sa tagumpay ng mismong adhikain, ang malawakang pagbabago sa tao ay kailangan, pagbabago na mangyari lamang sa praktikal na kilusan, isang rebolusyon; kailangan ang rebolusyong ito, hindi lamang dahil hindi maibagsak ang naghaharing uri sa ibang paraan, kundi dahil din ang uring may misyon na ibagsak ito ay sa rebolusyon lamang maiwaksi sa sarili ang lahat ng pang-aalipusta sa kasaysayan at maging karapat-dapat sa bagong lipunan."
Sa ganitong punto, ang kilusan na naranasan natin ngayon ay gilingan para mabago ang kaisipan at aktitud. Itong malaking pagbabago, sa lipunan at sa ating mga sarili, ay magaganap lamang sa pandaigdigang saklaw. Sa pamamagitan ng paghahanap ng pagkakaisa sa buong manggagawa sa daigdig, ang proletaryado sa Espanya ay walang duda na mapaunlad ang panibagong mga pakikibaka at maisulong ang perspektibang ito: nasa ating mga kamay ang bukas!
IKT, 24/6/11