Submitted by Internasyonalismo on
Muling iginiit ng CPP-NPA ang kanilang programa sa usapin ng Bangsamoro: suportahan ang sariling pagpapasya ng burgesyang Moro hanggang sa ganap na awtonomiya.[1] Sa pangkalahatan, ito rin ang linya ng ibang organisasyon ng Kaliwa sa Pilipinas.
Matagal ng napatunayan na ang ‘sariling pagpapasya’ ay hindi linya ng proletaryado kundi linya ng burgesya para patuloy na alipin ang masang manggagawa at hatiin ito sa loob ng bilangguan ng nasyunalismo. Magmula WW I ay naging pambala lamang ng kanyon ang masang anakpawis laban sa kanilang kauri sa ngalan ng nasyunalismo at ‘pambansang pagpapasya sa sarili’.
Napatunayan na rin na hindi ito daan patungong sosyalismo o makapagpalakas man lang sa independyenteng kilusang manggagawa. Alam na ng lahat ang nangyari sa China, Vietnam at iba pang bansa matapos “lumaya” sa kuko ng ‘imperyalismo’. Napunta lamang sila sa karibal na imperyalistang kapangyarihan at itinayo nila ang kapitalismo ng estado sa ngalan ng ‘sosyalismo’.
Ang programa ng MILF at ng iba pang grupong Moro sa ‘sariling pagpapasya’ ay kahit pagkukunwari ay hindi kasama ang ‘perpspektibang sosyalismo’. Malinaw na ang programa ng MILF ay tahasang para pa rin sa kapitalismo sa tulong ng mga imperyalistang bansa sa Gitnang Silangan at maging ng imperyalistang USA.
Samakatuwid, walang pundamental na kaibahan ang programa ng MILF at ng mga grupo ng Kaliwa sa usapin ng problema sa Mindanao. Ang kaibahan lang nila ay ang una ay tahasang tutol sa sosyalismo at ang huli ay nagkukunwaring para sa sosyalismo.
Kung susuriing mabuti, wala namang tutol ang Kaliwa sa kahilingan ng burgesyang Moro sa paksyong Arroyo hinggil sa ancestral domain at dagdag na kapangyarihan. Wala silang tutol sa laman ng BJE at MOA. Tutol sila na ang paksyong Arroyo ang maging kakutsaba ng burgesyang Moro dahil may sariling agenda ito: baguhin ang Konstitusyon at konsolidahin ang kanyang paksyon para manatili sa kapngyarihan lagpas sa 2010.
Ipokrito ang Kaliwa sa pagkondena na may sariling agenda ang rehimeng Arroyo dahil ganun din naman sila. Ang agenda nila ay sila ang makahawak sa kapitalistang estado at sila ang “dapat ang kausap ng burgesyang Moro” hinggil sa problema sa Mindanao, sa ilalim ng kanilang kapangyarihan sa Malakanyang.
Kaya ang paligsahan ngayon sa pagitang ng Kaliwa at rehimeng Arroyo ay kung sino ang kakampihan ng burgesyang Moro (na may sariling hukbo din at may kontroladong teritoryo sa Mindanao). Alam kapwa ng Kaliwa at paksyong Arroyo na mahalaga ang suporta ng MILF para sa kani-kanilang sariling agenda.
Dagdag pa, mahalaga din sa paksyong Arroyo na ito ang magiging ‘opisyal’ na partner ng MILF dahil kailangan nito ang suporta ng mga bansa sa Middle East laluna ng Saudi Arabia at ng mga bansang dominado ng mga muslim sa Asya gaya ng Malaysia at Indonesia.
Sa totoo lang, ang habol ng MILF ay magkaroon ng ‘legalidad’ sa mata ng internasyunal na burgesya ang kanilang paghawak sa kanilang mga teritoryo ngayon dahil isa naman itong ‘de facto state’ sa mga teritoryong kontrolado nito.
Tuwang-tuwa naman ang burges na oposisyon dahil muli na naman napatunayan nito na kontrolado nito ang Kaliwa. Nahigop na naman ang Kaliwa sa paksyunal na labanan ng naghaharing uri: sa linyang anti-GMA. Kaya nagkakaisa na naman ang Kanan at Kaliwa sa kampanyang anti-chacha.
Sa pangkalahan, ang linya ng Kaliwa at burges na oposisyon ay: maaring baguhin ang lahat para ipagtanggol ang pambansang kapitalismo, huwag lamang sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Kaya para sa kanila, wala silang tutol sa chacha, sa usapin ng pagbibigay ng mas malaking kapangyarihan sa burgesyang Moro sa Mindanao, sa pagbabago ng sistema ng pamahalaan basta lagpas na sa 2010 kung saan inaasahan nila na hindi na si Gloria ang nakaupo sa Malakanyang kundi sila (alyansa ng Kaliwa at burges na oposisyon).
Ang ganitong linya ay tahasang oportunismo at paghadlang sa kamulatan ng uring manggagawa para makita nito na wala sa alinmang paksyon ng naghaharing uri ang pag-asa para lumaya mula sa kahirapan. Pinako ng linyang ito ang kamulatan ng masa sa linyang anti-GMA o alinmang paksyon na nasa Malakanyang sa halip na ipakita na sistema at ang estado mismo ang hadlang para sa makauring emansipasyon ng masang anakpawis.
Muli, pinakita ng Kaliwa na handa itong makipag-alyansa sa kahit anong paksyon ng burgesya (sa Manila man o sa Mindanao), handa itong ibigay sa burgesyang Moro ang ganap na karapatan sa pagsasamantala sa mga manggagawang Moro basta sila lamang ang makaupo sa kapangyarihan para sa kapitalismo ng estado na matagal na nilang pinangarap na ipatupad sa Pilipinas.
Sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo, walang ibang daan para sa kalayaan ng masang manggagawa mula sa pang-aalipin ng kapital kundi ang pagkakaisa ng buong uring manggagawa – Moro at Pilipino – laban sa buong uring burgesya (Moro at Pilipino). Tahasang oportunismo ang linya ng Kaliwa at burges na oposisyon na maaring makipag-alyansa sa isang paksyon ng burgesya na anti-GMA.
Ang kalayaan ng manggagawa ay hindi makakamit sa pamamagitan ng sariling pagpapasya ng isang paksyon ng burgesya kundi sa pamamagitan ng pagdurog mismo sa kapangyarihan ng buong uring burgesya sa lipunan. Hindi awtonomiya ng burgesyang Moro ang solusyon kundi independensya ng uring manggagawa mula sa kontrol ng alinmang paksyon ng kaaway sa uri.
Ang solusyon ay hindi kumampi sa digmaan sa pagitan ng mga paksyon ng burgesya kundi makauring digmaan: ibagsak ang burgesyang Moro at Pilipino at itayo ang diktadura ng proletaryado. Ang solusyon ay digmaan sa pagitan ng manggagawa at burgesya.
Sa kongkreto, dapat ilunsad ng nagkakaisang manggagawang Moro at Pilipino ang mga militanteng pakikibaka laban sa mga atake ng kapital sa kanilang kabuhayan at kalagayan – sahod, trabaho at iba pa – na ang target ay ang estado mismo at ang lahat ng paksyon ng uring kapitalista (administrasyon at oposisyon). Alam ng lahat na lubhang pinagsamantalahan ang mga manggagawang Moro sa Mindanao kapwa ng mga kapitalistang Pilipino at Moro at maging sa loob ng mga teritoryong hawak ng MILF at MNLF.
Sa pag-igting na namang muli sa bangayan ng mga paksyon ng naghaharing uri dahil sa mitsa ng BJE, malaki ang posibilidad na sisiklab na naman ang digmaan sa Mindanao na hahati sa manggagawang Moro at Pilipino. Ang makapipigil lamang sa digmaang ito ay ang pagkakaisa ng manggagawang Moro at Pilipino.