Submitted by Internasyonalismo on
Tumitindi at lumalala ang tunggalian sa loob ng naghaharing uri sa Pilipinas. Lalong nalagay sa depensibang posisyon ang paksyong Arroyo dahil sa desperadong mga hakbang nito para tangkaing konsolidahin ang kapangyarihan (ang pinakahuli ay ang pagpatalsik kay de Venecia bilang speaker of the house at ang pagdukot kay Lozada para mapigilan sana ito na tumistigo sa ZTE scandal). Ang mga kapalpakang ito ang sinasamantala ngayon ng burges na oposisyon upang muling banagon ang kampanyang anti-GMA.
Administrasyon man o burges na oposisyon ay parehong kaaway ng manggagawang Pilipino at maralita. Walang dapat kampihan o suportahan sa kanila. Ang lumalalim at lumalawak na diskontento ng masang anakpawis ay nakatuon sa pagsasamantala at pang-aapi ng estado bilang pangunahing instrumento ng buong naghaharing uri. Subalit ang diskontentong ito ay nais ilihis at hatakin ng iba’t-ibang paksyon ng burgesya sa simpleng labanan ng mga paksyong maka-GMA at anti-GMA. Nais ng burges na oposisyon na ipako ang kamulatan ng masa sa anti-GMA at itago ang katotohanan na ang estado mismo at ang mga institusyon nito ang pangunahing kaaway ng uri.
Napatunayan na sa karanasan na isang patibong at nakakabaog ang pakikipag-alyansa at pakikipagtulungan sa alin man sa mga paksyon ng naghaharing uri para susulong ang makauring pagkakaisa at pakikibaka ng masang anakpawis.
Nanawagan kami sa manggagawang Pilipino at maralita na:
1. Huwag suportahan ang alin man sa mga paksyon ng burgesya (administrasyon at oposisyon) at huwag sumama sa mga pagkilos nila. Sa halip, ilunsad ng mga manggagawa at maralita ang mga pagkilos at pakikibaka na independyente at nakahiwalay sa mga paksyong ito.
2. Pagtuunan ng mga pakikibaka at pagkilos ang mga isyu at problemang pinapasan ng masang anakpawis ngayon – mababang sahod, walang mga benepisyo, kakulangan at kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, at iba pa. Mapilitan lamang ang estado na magbigay ng konsesyon bagama’t pansamantala lamang kung magkaroon ng malawakang nagkakaisang pagkilos ang masang anakpawis. Ang mga malawakang pagkilos na ito ay hindi sektoral kundi buong uri; hindi antas pabrika at komunidad kundi maramihang mga pabrika at komunidad; hindi isang syudad kundi maramihang mga syudad.
3. Ang lakas ng pakikibaka ay nasa pagkakaisa ng malawak na manggagawa at maralita mismo; nasa kanilang sariling pagkakaisa at wala sa panghihingi ng suporta at tulong sa alin man sa mga paksyon ng naghaharing uri at sa mga pulitiko. At lalunang wala sa ibibigay nilang suporta at tulong.
4. Itakwil ang kaisipan na may maaasahan pa sa Kongreso na ngayon ay punong-puno ng katiwalian, bentahan at bilihan na naging arena ng maniobrahan ng mga reaksyonaryong mga paksyon at personalidad. Walang maasahan sa iba’t-ibang party-list at pulitiko sa loob ng Kongreso na nag-aastang "progresibo" at "maka-mahirap" . Nangangamoy na sa kabulukan ang Kongreso at ang pagpasok dito ay tahasang pagtraydor sa makauring interes ng masang api.
5. Matuto sa mga aral ng pakikibaka ng mga kapatid na manggagawa sa labas ng bansa na ngayon ay sumusulong batay sa sariling pagkakaisa. Matuto sa kanilang karanasan sa pagtatayo ng mga asembliya at konseho ng manggagawa bilang organo ng pakikibaka. Nasa pagkakaisa ng mga manggagawa sa buong mundo ang makapangyarihang lakas laban sa mapagsamantalang mga uri sa lipunan.
ANG EMANSIPASYON NG URING MANGGAGAWA AY NASA KAMAY MISMO NG MGA MANGGAGAWA. ITO LAMANG ANG TANGING DAAN TUNGO SA TAGUMPAY NG PAKIKIBAKA.
Nanawagan din kami sa lahat ng mga elementong seryosong nagnanais ng tunay na panlipunang pagbabago na kumilos sa abot ng kanilang makakaya na maunawaan ng malawak na manggagawa at maralita ang mga aral ng kanilang sariling karanasan sa nakaraan laluna ang mga aral kung bakit wala pa ring pagbabago sa kanilang naghihikahos na kalagayan sa kabila ng pagpalit-palit ng mga paksyon na nakaupo sa Malakanyang at sa pakikipag-alyansa ng Kaliwa sa isang paksyon ng naghaharing uri.
KAILANGANG MAGTULUNGAN ANG MGA REBOLUSYONARYONG ELEMENTO laban sa lahat ng mga maniobra at mistipikasyon ng burgesya.