Submitted by Internasyonalismo on
Ang nangyaring sunod-sunod na atake ng pwersang MILF sa ilang kabayanan sa Mindanao dahil sa naunsyaming pirmahan sa pagitang ng GRP at MILF sa MOA-AD ang patotoo na walang pundamental na pagkakaiba ang interes ng Kaliwa, burges na oposisyon at estado:
“The MILF and Bangsamoro are left no choice but to advance their revolutionary armed struggle to realize their right to national self-determination and the return of their homeland……The Communist Party of the Philippinescalls on the revolutionary forces under its leadership to give full support to the struggle of the Bangsamoro for national self-determination and the return of their ancestral lands.” (CPP, ‘CPP Calls for Support to the Bangsamoro Revolutionary Struggle’, August 16, 2008).
Samaktuwid, ang nais ng CPP ay ilunsad na ng burges na liderato ng MILF ang opensibang militar laban sa burges na estado ng Pilipinas.
Ang deklarasyon naman ni Sen. Chiz Escudero, Mar Roxas, Aquilino Pimentel at dating Presidente Joseph Estrada ay ihinto ang pakipag-usap sa MILF na walang ibig sabihin kundi total war laban dito.
Ganito din ang esensya ng press statement ni Presidente Gloria Arroyo ilang oras matapos salakayin ng MILF ang ilang bayan sa Lanao del Norte at Sarangani: inatasan niya ang AFP-PNP na ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas laban sa MILF.
Sa madaling sabi, DIGMAAN ang panawagan ng Kaliwa, burges na oposisyon at estado!
DIGMAAN din ang panawagan ng MILF pero mas nakikita ito sa kanilang mga ground commanders dahil hindi pa opisyal na nanawagan ang liderato nito.
‘Negosasyon sa Kapayapaan’: Isang Taktika ng Naglalabanang Paksyon ng Burgesya
Lahat ng paksyon ng burgesya – MILF/MNLF, Kaliwa, burges na oposisyon at naghaharing paksyon – ay nanawagan ng ‘kapayapaan’ sa Mindanao. Pero ang kapayapaang ito ay nakabatay sa armadong lakas. Kung sino ang mas malakas sa larangang militar ang siyang masusunod sa usapin ng mga kondisyon para sa kapayapaan. Ibig sabihin, ang pinaka-malakas na paksyon ng naghaharing uri ang may kontrol sa ‘usaping pangkapayapaan’.
Sa likod ng mga sigaw para sa ‘kapayapaan’ ay ang paghahanda para sa digmaan. Ito ang katangian ng dekadenteng kapitalismo!
Walang sinsiro sa mga paksyong naglalaban sa usapin ng kapayapaan. Para sa kanila, ito ay isang taktika lamang upang makabig sa kanilang panig ang malawak na mayorya para sa digmaan. Ang ‘usaping pangkapayapaan’ ng MILF/MNLF at CPP-NPA sa estado ng Pilipinas ay ginagamit lamang ng dalawang paksyon upang makapaghanda para sa digmaan.
Kaya ipokrito at nagsisinungaling ang CPP-NPA at iba pang Kaliwang organisasyon kung ang inakusahan lamang nito na may nakatagong agenda sa usaping pangkapayapaan ay ang paksyong Arroyo. Ang CPP-NPA, RPA-ABB, MILF/MNLF ay may kanya-kanyang nakatagong agenda sa pakikipag-usap sa kanilang karibal na paksyon.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo kung saan ang bawat paksyon ay desperadong makontrol ang kapangyarihan at nagpaligsahan para magkamal ng tubo at yaman mula sa pagsasamantala sa masang manggagawa at anakpawis, digmaan ang kanilang pangunahing paraan.
At sa digmaan nila, ginamit nilang pambala ng kanyon ang mga manggagawa at mamamayan sa ngalan ng nasyunalismo at pagtatanggol sa teritoryo ng kanilang bansa. Para sa burgesyang Pilipino, pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas na nais agawin ng burgesyang Moro. Para naman sa burgesyang Moro, pagkuha ng kanilang teritoryo na inagaw sa kanila ng burgesyang Pilipino at dayuhan ilang siglo na ang nakaraan.
Ang Kaliwa naman na nag-aastang rebolusyonaryo ay “nakahandang
ibigay sa burgesyang Moro ang kanilang teritoryo” na walang ibig sabihin
kundi: ibigay sa burgesyang Moro ang pagsasamantala at pang-aapi sa
manggagawang Moro!
Ito ang ‘kapayapaan’ ng mga paksyon ng burgesya sa
Pilipinas at Mindanao.
Panghihimasok ng makapangyarihang imperyalistang mga bansa
Nanggagalaiti ang CPP-NPA sa pagkondena sa imperyalistang Amerika sa panghimasok nito kakutsaba ang paksyong Arroyo sa ‘usaping pangkapayapaan’ sa Mindanao para proteksyunan ng Amerika ang kanyang interes.
Subalit dahil sa baluktot na pagkaunawa ng CPP-NPA sa imperyalismo, hindi niya nakita ang panghihimasok din ng ibang imperyalistang bansa gaya ng Indonesia, Malaysia, Libya at Saudi Arabia sa ‘usaping pangkapayapaan’ dahil may interes din ang mga ito sa Mindanao.
Pero dahil sa obsesyon na ang USA ay ‘imperialist number one’ hindi na tuloy nakita ng CPP-NPA (o kung nakita man ay nais din itong itago) na ang imperyalismo ay pangkalahatang polisiya na ng bawat bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo.
Lahat ng ‘matagumpay’ na usaping pangkapayapaan sa mundo ay mayroong
panghihimasok ng malalakas na imperyalistang bansa kung saan sa bandang
huli ay nauuwi din sa digmaan o kaya sa panunupil sa manggagawa at
mamamayan.
Ilang halimbawa lang:
‘Nagtagumpay’ ang ‘usaping pangkapayapaan’ sa East Timor dahil sa panghihimasok ng imperyalistang Australia. Ang resulta, ang ‘malayang East Timor’ ay kontrolado na ngayon nito mula sa dating pananakop ng imperyalistang Indonesia.
‘Nagtagumpay’ ang ‘usaping pangkapayapaan’ sa Nepal at nanalo sa eleksyon ang CPN (Maoist) dahil sa panghihimasok ng imperyalistang China na siyang may kontrol ngayon sa Nepal na dati ay kontrolado ng India. Ang ‘kalayaan’ ng Nepal mula sa imperyalismong USA at India ay tagumpay naman ng imperyalistang China.
Nagkaroon ng ‘temporaryong kapayapaan’ sa South Ossetia at pansamantalang umatras ang imperyalistang Russia (na tutol sa ekspansyon ng USA) sa mga teritoryo ng imperyalistang Georgia (na alyado ng USA) dahil sa panghihimasok ng imperyalistang France at Germany. Subalit tiyak na puputok na naman ang digmaan dito dahil ayaw ng Russia na kubkubin siya ng USA.
Ganito din ang ginagawa ng MILF/MNLF: may padrino silang mas malakas
na imperyalistang bansa kaysa Pilipinas sa ‘usaping pangkapayaan’.
Samakatuwid,
ang bawat mahihinang imperyalistang bansa ay nangangailangan ng
masasandalang mas malalakas na imperyalistang bansa kahit sino pa man
ito.
Digmaan Nila, Hindi Natin Digmaan
Maliban sa maraming nasisirang kagamitan at kabuhayan, libu-libong buhay na nasawi at libu-libong pamilya ang nawalan ng matitirhan at kabuhayan sa digmaan ng naglalabang paksyon ng naghaharing uri, ang digmaan nila ay hindi natin digmaan. Ang digmaan nila ay hindi digmaan para sa makauring paglaya mula sa kapitalismo. Ang digmaan nila ay digmaan kung sino sa kanila ang magsasamantala at mang-aapi sa ating mga manggagawa at maralita!
Sa digmaan ng naglalabang mga paksyon ng naghaharing uri nais lamang tayong hati-hatiin at tayo ang magpatayan!
Kaya hindi natin dapat suportahan ang digmaang ito. Wala tayong dapat suportahan sa pagitan ng nasyunalismong Bangsamoro at Pilipino. Ang pagkampi alin man sa kanila ay mitsa lamang sa pagliyab ng isang digmaan na hindi para sa ating kalayaan.
Mali rin ang panawagan ng Simbahan, mga pasipista at ‘human rights’ organizations sa dalawang naglalabanang paksyon na gawing ‘makatao’ ang digmaan dahil hindi talaga makatao ang imperyalistang digmaan!
Dapat magkaisa tayong mga manggagawang Pilipino at Moro upang ilunsad ang ating sariling digmaan – ang digmaan laban sa uring kapitalista (Moro at Pilipino) at estado. Isang digmaan na lalahukan ng milyun-milyong manggagawang Moro at Pilipino para ipagtanggol ang kabuhayan at trabaho hanggang maiangat ito sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan. Ang makauring digmaan ay walang iba kundi sosyalistang rebolusyon. Isang rebolusyon na dudurog sa sistemang kapitalismo at sa burges na estado. Ito ang digmaang ating lalahukan at kailangang ipagtagumpay!
INTERNASYONALISMO
Agosto 20, 2008