MAOISMO: IDEOLOHIYA NG DESPERADONG PETI-BURGES

Printer-friendly version

Ilang beses na naming sinagot batay sa marxistang paraan at laman ang mga pang-iinsulto at walang laman na pang-aatake ng mga maoista sa aming blog. Malinaw ito sa mga marxistang mambabasa at maging sa mga nag-aaral ng marxismo.

Sa kabila ng pang-iinsulto at peti-burges na tipo ng pakikipagdebate ng mga maoista ay binigyang-laya naming sila na maka-post sa blog namin sa kadahilanan na isa sa mga prinsipyo namin ay ang praternal na diskusyon at pakikipagdebate para sa teoretikal na kalinawan. Ibig sabihin, ang blog namin ay hindi lamang para sa mga katulad naming ang paninindigan o sa mga sumusuporta sa amin kundi para sa lahat ng mga elementong nagnanais ng panlipunang pagbabago. Ganun pa man, nakiusap kami sa mga nais mag-post sa aming blog na huwag tularan ang peti-burges na pakikipagdiskusyon ng mga maoista. 

Sa kabila ng katotohanan na ang maoismo (at Maoism-thirdworldism) ay napatunayan na sa kasaysayan (sa teorya at praktika) na hindi kabilang sa kampo ng marxismo kundi nasa kampo ng Kaliwa ng kapital, marami pa rin sa mga kabataan laluna ang galing sa peti-burges na uri ang naniniwala dito dahil sa kanyang nakabibighaning “nasyunalismo”, “pagmamahal sa bayan” at sa kanyang sagad-saring pagkamuhi sa bansang Estados Unidos.

Sa anong kondisyon lumitaw ang maoismo?

Ang maoismo ay lumitaw bilang “rurok” ng “marxismo-leninismo” ng kumalas ang China mula sa kontrol ng imperyalista at Stalinistang USSR noong 1960s. Itinulak ang bangayan na ito ng panibagong pagputok ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo matapos ang post-WW 2 reconstruction boom. 

Dahil sa panibagong pandaigdigang krisis na sinagot ng pandaigdigang malawakang kilusang welga ng mga manggagawa sa buong mundo sa sinimulan sa Pransya noong 1968, nagkukumahog ang bawat kapitalistang mga bansa na maghanap ng solusyon sa krisis – patindihin ang mga digmaan sa ngalan ng nasyunalismo at kompetisyon sa mas kumikipot na pandaigdigang pamilihan.

Dahil ang imperyalistang USSR ay kailangang patindihin ang kontrol at pagsasamantala sa kanyang mga tutang rehimen sa Eastern Europe at sa China, pumalag ang China at maging ang Yugoslavia sa ilalim ni Tito. Pero mas determinado ang China sa ilalim ni Mao dahil sa mas matindi ang kahayukan nito na maging imperyalistang bansa din.

Ito ang katangian ngayon ng lahat ng mga bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo magmula 1914: lahat ng mga bansa (maliit o malaki, mahina o malakas, atrsado o abante) ay may tendensya at katangiang imperyalista. Lahat sila ay nagnanais na makontrol o maungusan ang ibang mga bansa para isalba ang kani-kanilang pambansang kapital sa rumaragasang permanenteng krisis ng sistema. Ang imperyalismo ay hindi lamang polisiya ng isa o ilang mga bansa; ito ay polisiya ng lahat ng mga kapitalistang bansa.

At nakahanap nga ang China ng paraan: gawing “unibersal” na teorya ang digmaang bayan kung saan ang linyang militar na ginamit ni Mao sa panahon ng digmaang Tsino-Hapon sa WW 2 ay ginawang “prinsipyo” at “pandaigdigang estratehiya” ng “marxismo-leninismo sa panahon ng imperyalismo”.

Kaya mula sa isang simpleng estratehiyang militar, ang estratehiyang “sakupin ang kalungsuran mula sa kanayunan” ay naging “teorya ng ikatlong daigdig” na pinangunahan ni Lin Biao, ang isa sa mga ultra-kaliwa na disipulo ni Mao. Ang linya ng “teorya ng ikatlong daigdig” ay: durugin ang unang daigdig mula sa ikatlong daigdig. Ibig sabihin, paalon-alon na mag-alsa ang mga “mamamayan ng ikatlong daigdig laban sa imperyalismo” sa pamamagitan ng mga “digmaan ng pambansang pagpapalaya”.

Nasyunalismo ang “shabu” ng mga maoista na binibigay sa uring manggagawa at mahihirap na mamamayan sa ikatlong daigdig. Ganito ka desperado ang mga peti-burges na naiipit sa krisis ng kapitalismo.

Maoism-Thirdwordism: rurok ng desperasyon ng mga maoista

Ng bumagsak ang imperyalistang USSR at pumasok sa yugto ng pagkaagnas ang pandaigdigang dekadenteng kapitalismo, ganap ng bumagsak ang ideolohiyang nasyunalismo at ang akit ng digmaan sa pambansang pagpapalaya.

Ang desperadong mga elementong maoista ay naghahanap na naman ng “bagong” teorya ng maoismo para muling moldehin ang kanilang bangkarotang ideolohiya. At eureka! nakita nga nila: wala ng uring manggagawa sa 1st world maliban sa mga immigrants galing sa 3rd world. Ang mga manggagawa diumano sa malalaking imperyalistang mga bansa ay naging burgesya na at kaaway na ng mga manggagawa sa 3rd world!

Ito ang rurok na naabot ng kahibangan (na pinagmayabang nilang “syensa”) ng mga maoista na kumakapit ngayon sa ideolohiyang Maoism-thirdworldism. Sa totoo lang, di naman sila ang orihinal ng pananaw na ito ng thirdworldism kundi si Professor Marcuse, isang burges na guro noong 1960s na nagsasabing nasanib na ang uring manggagawa sa burgesya kaya ang pag-asa ng rebolusyon ay nasa mga mamamayan na ng 3rd world.  

Ni katiting na hibo, ang maoismo ay hindi nakabatay sa makauring tunggalian at sa marxismo kundi sa burges na nasyunalismo. Ang nasyunalismo ng malalaking imperyalistang mga bansa ay tinumbasan lamang ng nasyunalismo ng malilit na mga bansa.

Paano ba ito isinakongkreto ng mga maoista?

Una, kinilala nilang alyado o kaibigan ang lahat ng mga bansa at grupo na lumalaban sa USA. Hindi nakabatay sa makauring paninindigan, alyado at kaibigan ng mga maoista ang mga pambansang burgesya at “maliliit” na imperyalista na anti-US. Kaya nga dapat hamunin ang mga maoista sa Pilipinas kung ano ang paninindigan nila sa imperyalistang Iran at Jordan, sa mga tuta nitong Iraqi resistance, Hizbollah at Hamas; ano ang paninindigan ng maoismo sa anti-US na si Saddam Hussien (na binitay na ng US); ano ang paninindigan nila sa grupong Al-Qaeda ni Osama Bin Laden at maging sa ginagawa ngayon ng North Korea. 

Hindi usapin ng uri at makauring paninindigan, kahit sino at kahit anong grupo basta laban sa Amerika, para sa maoismo sila ay alyado at kaibigan ng “rebolusyon”.

Pangalawa, kaaway ng mga maoista ang mga manggagawa sa 1st world dahil hindi nila ito kinikilala na kabilang sa uri. Kaya hinihikayat nila ang mga manggagawa sa 3rd world kabilang na ang immigrant workers na hindi kilalaning kapatid sa uri ang mga manggagawa sa 1st world kundi kaaway! Ang marxistang paninindigan na “Manggagawa sa buong mundo, Magkaisa!” ay pinalitan nila ng isang kontra-rebolusyonaryo at mapanghating panawagan: manggagawa sa ikatlong daigdig, labanan ang mga manggagawa sa unang daigdig!

Ito ang malinaw na halimbawa kung paanong ang maoismo ay anti-marxismo at kontra-rebolusyonaryo. Itutulak lamang ng maoismo sa pagkatalo ang komunistang rebolusyon ng mga manggagawa sa buong daigdig!

Ang maoismo at ang Ultra-kanan na mga peti-burges sa Kanluran at Gitnang Silangan

Dahil hindi nakabatay sa marxismo at makauring tunggalian, walang kaibahan ang maoismo sa mga ultra-kanan na organisasyon sa Kanluran at Gitnang Silangan.

Para sa mga panatikong islamista sa Gitnang Silangan, lahat ng mga Amerikano ay kaaway. Lahat ng mga Amerikano ay nagsasamantala sa yaman ng Gitnang Silangan kaya naghihirap ang mga mamamayan doon. Ang labis na pagkamuhi sa mga Amerikano ay kabaliktaran naman ang pananaw sa mga kapitalistang muslim. Para sa mga panatikong islamista, kasama sa pakikibaka ang mga kapitalistang muslim! Ganito din ang linya ng panatiko at bandidong Abu Sayyaf at maging ng MILF at MNLF.

May pagkakaiba ba ito sa praktika ng mga maoista? WALA. Habang nanggalaiti sila sa galit sa mga manggagawa sa Kanluran, abalang-abala naman sila sa pakikipag-alyado sa burges na oposisyon sa 3rd world. Habang kaaway ang turing nila sa mga kapatid na manggagawa sa 1st world kaibigan naman nila ang isang paksyon ng burgesya na malinaw na nagsasamantala sa mga manggagawa sa kani-kanilang mga bansa! Ito ang mukha ng maoismo!

Ano ba ang kaibahan ng pananaw ng mga maoista sa ultra-kanan sa Kanluran. WALA at magkatulad pa nga ang layunin – hatiin at pag-awayin ang mga manggagawa sa 3rd at 1st worlds — subalit nasa magkabilang dulo lamang. Habang ang mga maoista ay nagtatanim ng galit sa mga manggagawa sa 3rd world laban sa kanilang mga kapatid sa 1st world, ang mga ultra-kanan naman sa Kanluran ay nagtatanim ng galit sa mga manggagawa sa 1st world laban sa mga kapatid nito sa 3rd world.

Kung ang linya ng mga maoista ay kakutsaba ang mga manggagawa sa 1st world sa kani-kanilang mga imperyalistang bansa sa pagsasamantala sa 3rd world, ang linya naman ng ultra-kanan sa Kanluran ay ang mga immigrant workers mula sa 3rd world ang dahilan kung bakit walang trabaho at naghihirap ang mga manggagawa sa 1st world. 

Ang hindi alam ng mga peti-burges na ito ay ang uring manggagawa sa buong mundo ay mga immigrants. Ang uring manggagawa ayon sa kanilang kasaysayan ay galing sa uring magsasaka na pinahirapan ng pyudalismo at pumunta sa kalungsuran upang alipinin ng mga kapitalista. Malaking mayorya ng mga manggagawa sa 1st world kung baybayin ang kanilang kasaysayan mula 1600s ay galing sa iba’t-ibang mga bansa na kontrolado ng bumabagsak na pyudal na sistema. Ang mga ninuno ng mga manggagawa ngayon sa 1st world ay mga immigrants!

Ignorante ang mga maoista sa batas ng kapitalismo kung saan ang uring manggagawa, saang bansa man siya ay pinagsamantalahan ng kapital sa pamamagitan ng pagkuha ng labis na halaga mula sa kanyang lakas-paggawa. Ito ang kalagayan ng lahat ng mga manggagawa sa 3rd world o 1st world man. Lahat ng manggagawa sa buong mundo ay pinahirapan, inaapi at pinagsasamantalahan ng uring kapitalista – lokal man o dayuhan. Kaya pare-pareha ang isyu at problema ng mga manggagawa, iisa lamang ang kanilang kaaway saang bansa man siya nakatira – ang kapitalismo.

Subalit bulag na ang mga maoista sa pag-aaral ng kasaysayan at pagkawing nito sa kasalukuyan. Ganun din ang ultra-kanan sa Kanluran. Ayaw man direktang tanggapin ng mga maoist-thirdworldist, katulad sila ng ultra-kanan: naghahasik ng racism at panghahati sa uring manggagawa.

Dahil sa baluktot at kontra-rebolusyonaryong katangian ng maoismo, standing ovation ang palakpak nito sa bawat Amerikanong namamatay sa suicide bombings ng mga panatikong islamista habang hindi man lang natin nababasa sa kanilang mga pahayag ang pagpuri sa mga welga ng mga manggagawa sa Kanluran para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan.

Tanging ang mga desperadong peti-burges na lamang ngayon na labis ang pagkamuhi sa imperyalismo (na baluktot ang pagkaunawa nito) pero hindi sa kapitalismo ang yayakap pa sa maoismo.