Submitted by Internasyonalismo on
Oktubre 13, 2008 nagsampa ng panibagong impeachment case sa kongreso ang burges na oposisyon kasabwat ang Bayan Muna at mga kaalyado nito sa Kaliwa at repormista. Ang panibagong impeachment case ay pinangunahan ni Joey de Venecia, anak ni dating Speaker Jose de Venecia na dating kaalyado ng paksyong Arroyo.
Ano ang layunin ng impeachment?
Una, nais lamang ipako ng burges na oposisyon at Bayan Muna ang kamulatan ng masa na ang paksyong Arroyo lamang ang ugat ng kahirapan sa bansa.
Pangalawa, upang muling hikayatin ang taumbayan na muling magtiwala sa burges na kongreso. Natatakot ang buong uring kapitalista na dadami ang mawalan ng tiwala sa parliyamentarismong burges at hawakan ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang papel ng Kaliwa sa kongreso bilang oposisyon ang epektibong pamg-eengganyo ng burgesya para muling manumbalik ang tiwala ng manggagawa at maralita sa burges na demokrasya.
Katunayan, si Bayan Muna representative Satur Ocampo mismo ang nagsasabing malaki daw ang posibilidad na mas maraming mga kongresista ang makumbinsi ngayon sa mga “ebidensyang” inihapag nila. At kung hindi na naman daw magtagumpay ang impeachment ay “naipakita” ng Kaliwa sa taumbayan na may kumikilos pa rin para patalsikin si Gloria. Ganito ka baluktot mag-isip ang Bayan Muna!
Pangatlo, paghahanda ito ng burges na oposisyon at Kaliwa para sa kanilang alyansa sa eleksyon sa 2010. Ibig sabihin, hikayatin ang masang anakpawis na itransporma sa boto ang kanilang galit sa bulok na sistema.
Bagamat punung-puno ng radikalismo ang pananalita ng Kaliwa laluna ng mga maoista, namutiktik naman sa repormismo ang kanilang praktika. Hindi maitago ng “armadong pakikibaka” ng maoistang Kaliwa ang mabilis na nalalantad na pagtatanggol nito sa pambansang kapitalismo na ngayon ay binabayo ng matinding krisis.
Kung sasabihin naman ng Kaliwa na ang ginagawa nila (repormismo) ay isa lamang taktika para isulong ang “rebolusyon”, mabuti pang iumpog nila ang kanilang mga ulo sa pader!
Kahit pa magtagumpay ang impeachment at mapatalsik si GMA sa Malakanyang, si Bise-Presidente Noli de Castro, na isa ding bataan ng mga kapitalista lamang ang papalit.
Higit sa lahat, hindi ang isang paksyon ng naghaharing uri ang dahilan ng krisis kundi ang mismong sistema ng sahurang pang-aalipin. Ang LAHAT ng paksyon ng naghaharing uri (administrasyon at oposisyon) ay sagad-saring tagapagtanggol ng bulok na sistema. Ang buong kapitalistang estado mismo (anumang paksyon ang hahawak nito) ang tagapagtanggol ng sistema. Ang buong estado mismo at ang lahat ng mga institusyon nito (kongreso, senado, korte, hukbong sandatahan, at iba pa) ang kailangang durugin sa pamamagitan ng rebolusyon ng manggagawa at hindi ng gerilyang pakikidigma sa kanayunan.