Submitted by Internasyonalismo on
Umabot na sa 11.4% ang inflation rate ng bansa noong Hunyo. Ito ang pinakamataas sa loob ng 14 na taon. Ano ang dahilan?
Ayon sa ilang diumano ‘rebolusyonaryo’: ang dahilan ay ang pagiging tuta ng rehimeng Arroyo sa imperyalistang Estados Unidos at ang ‘pananabotahe’ mismo ng rehimen sa ekonomiya para magkaroon ng ‘artipisyal’ na krisis.
Habang totoong tuta nga ang rehimeng Arroyo (at maging ang nagdaang mga rehimen) sa imperyalistang US sa kadahilanang wala naman talagang bansa ngayon sa mundo na hindi kontrolado ng mas malakas na kapitalistang mga bansa (pro-USA o anti-USA man ang mga ito), hindi ito ang tamang paliwanag sa naranasang krisis ngayon sa Pilipinas at sa buong mundo. Kahibangan din ang propaganda ng ilang mga ‘radikal’ na ‘artipisyal’ lamang ang krisis dahil sa ‘pananabotahe’ ng kasalukuyang rehimen. Ang lohikang nasa likod nito ay walang problema sa pambansang kapitalismo basta maging ‘malaya lamang ito sa kontrol ng imperayalistang US’ o ‘mapatalsik lamang si Gloria’. Ito ay nakaangkla sa kontra-rebolusyonaryong pananaw ng ‘hakbang-hakbang’ na rebolusyon tungong sosyalismo.
Dagdag pa, matapos mawasak ang imperyalistang bloke ng USSR at humihina ang pagiging makapangyarihang bansa ng USA, nagkanya-kanya na rin ang lahat ng mga bansa sa paghahanap ng masasandalan. Bagamat nakasandal pa rin ang Pilipinas sa lakas-militar ng USA at malaking porsyento ng kanyang eksport (17% sa total export ng Pilipinas) ay papunta pa rin sa Amerika at 32% sa direct foreign investments ay galing sa kanila, naghahanap na ang burgesyang Pilipino ng ibang malalakas na bansa para sa kalakalan. Kaya, pinalalakas ng estado ng Pilipinas ang bilateral trade agreements sa mga karibal ng Amerika gaya ng imperyalistang China at Japan.
Totoong may krisis at palala ito. At ang krisis na ito ay pandaigdigan, nagmula mismo sa internal na mga kontradiksyon ng kapitalistang sistema na naipon mula noong katapusan ng 1960s at nagbabadyang sumabog na mas malala kaysa nakaraan.
Ang ‘solusyon’ ng uring kapitalista sa kanilang krisis ay utang, ekonomiya para sa digmaan at higit sa lahat maksimisasyon ng pagpiga ng labis na halaga sa uring manggagawa. Subalit ang ‘solusyong’ ito ay lalo pang nagpalala sa kanyang krisis.
Kasalukuyang krisis ng kapitalismo
Kung noong krisis sa 1970s relatibong naging epektibo pa ang pagpapautang, ispekulasyon at ekonomiya para sa digmaan, ngayon ay sumabog na ito sa mukha ng kapitalismo. Ang nasabing mga solusyon ay panandalian lamang at nagdulot pa ng paglala ng krisis.
Ngayon, lubog na sa utang ang halos lahat ng mga bansa. Ang Pilipinas ay may mahigit P4 na trilyong utang habang ang Amerika ay halos $8 trilyon. Ang kasalakuyang krisis ngayon sa Amerika, na tila kasing lala noong 1929 Great Depression ay bunga ng pagkabangkota ng mga bangko dahil hindi na makabayad ang mga manggagawa sa utang. Hindi sila makabayad dahil paliit ng paliit ang kanilang sahod kumpara sa pataas ng pataas na presyo ng mga bilihin. Kaya nagkaroon ng krisis sa pagbayad-utang sa pabahay. Tuloy, naging epicentre ang USA ngayon sa naranasang krisis ng buong daigdig. Dahil ang pinaka-makapangyarihang bansa ang nasa krisis, naranasan natin ang napakalakas na lindol ng krisis sa pandaigdigang saklaw.
Ngayon, ang military-industrial complex ng bawat bansa ay lalupang nagpabigat sa samut-saring mga kontradiksyon ng sistema. Mayor na salik ito sa paglobo ng utang, pagkasira ng bilyun-bilyong ari-arian at pagkawala ng daan-daan libong buhay sa buong mundo dahil sa rehiyonal at lokalisadong mga digmaan.
Sa paghahabol na magkamal ng tubo, lalupa tuloy na lumala ang krisis; lalupang tumaas ang presyo ng mga bilihin at ng langis!. Ibig sabihin, wala ng epektibong solusyon sa krisis sa loob mismo ng kapitalismo.
Lumalakas na panghihimasok ng estado
Dahil nasa permanenteng krisis na ang kapitalismo, nasa kanyang dekadenteng yugto na, hindi na rin epektibo ang ‘free market’ capitalism gaya ng sa 19 siglo. Ang pangunahin at huling sandalan ng pasuray-suray na sistema ay ang estado. Tanging ang pagkontrol ng estado sa buong buhay panlipunan ang huling baraha ng burgesya para manatiling nakatayo ang bulok na sistema. Ang kapitalismo ng estado ay hindi manipestasyon ng pag-unlad ng sistema kundi ekspresyon ng permanenteng krisis nito:
“State capitalism is not an attempt to resolve the essential contradictions of capitalism as a system for the exploitation of labour power, but the manifestation of these contradictions. Each grouping of capitalist interests tries to deflect the effects of the crisis of the system onto a neighbouring, competing grouping, by appropriating it as a market and field for exploitation. State capitalism is born of the necessity for this grouping to carry out its concentration and to put external markets under its control. The economy is therefore transformed into a war economy.” (‘The Evolution of Capitalism and the New Perspective’, 1952, reprinted in Bulletin D’Etude et de Discussion of Revolution Internationale, no.8, p.9).
Magmula 1914 ay lumalakas ang panghihimasok ng estado sa buhay panlipunan. Ito ang tendensya ng kapitalismo ng estado (state capitalism). Lahat ng kapitalistang mga bansa ay ito ang ginagawa. Kaya nasaksihan natin ang New Deal ng Amerika noong 1920s-1930s, ang Nazism sa Germany at Fascism sa Italy, at ang ‘socialism in one country’ ng imperyalistang USSR at mga tuta nito. Lahat ng ito ay mga pagsisikap ng burgesya upang isalba ang naghihingalong sistema.
Nang muling sumabog ang krisis sa 1960s at 1970s, lumaganap ang totalitaryanismo ng estado at nasyunalisasyon ng industriya laluna sa mahihinang ekonomiya na nasa 3rd world. Kaya naging uso noon ang mga diktadura at mga industriyang pag-aari ng gobyerno. Ang paglitaw ng diktadurang Marcos ay hindi simpleng kagustuhan lamang ng paksyong Marcos para manatili sa posisyon o ng dikta ng USA. Ito mismo ang di-maiwasang tendensya ng isang sistema na nasa bingit ng kamatayan.
Ang sinasabing ‘neo-liberalismo’ o globalisasyon ay isang mistipikasyon kung ang pag-uusapan ay ang pagluwag ng panghihimasok ng estado sa ekonomiya ng lipunan. Ang Kaliwa lamang ng burgesya ang nagpropaganda nito para patuloy na ibilanggo ang uring manggagawa na ‘tagapagligtas’ ang estado basta ‘kontrolado’ lamang ito ng ‘partido ng manggagawa’ o ‘partido komunista’ o ‘partido ng bayan’.
Sa kasalukuyang krisis, hindi na maaring itago ng Kanan o Kaliwa ng burgesya ang lantarang panghihimasok ng estado para isalba ang sistema. Lahat ng mga estado ay lantaran ng nanghihimasok sa kabila ng kanilang propaganda ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Ang Kaliwa naman ay nagprotesta hindi dahil sa panghihimasok ng estado kundi ‘hindi sapat’ ang panghihimasok at ‘wala sa tamang direksyon’.
Subalit, ang patuloy na itinatago ng burgesya – Kanan man o Kaliwa – ay ang katotohanan na matagal ng palpak ang kapitalismo ng estado: bumagsak ang bloke ng imperyalismong USSR. Ang mga estado-kapitalistang mga rehimen gaya ng China, Vietnam, Cuba, Venezuela at North Korea ay hindi nakaligtas sa pananalasa ng krisis ng pandaigdigang kapital. Binabawi o binabawasan na ng mga ‘welfare states’ ng mga kapitalistang bansa sa Europe ang kanilang ‘tulong’ sa manggagawa mula sa pension, health, edukasyon at iba pa.
Higit sa lahat, halos lahat ng mga kapitalistang estado ngayon laluna ang Pilipinas ay lubog sa utang at nabubuhay na lang sa pangungutang!
Kaya ang subsidyo ng rehimeng Arroyo sa kuryente, bigas at iba pa ay napakalimitado at panandalian lamang dahil ang estado mismo ay walang sapat na pera at mula pa sa utang ang malaking bahagi ng perang ginagamit! Subalit pansamantala naman nitong naibalik sa utak ng naghihirap na masa na ang estado ang ‘tagapagligtas’ nila bagay na hindi tinutuligsa ng Kaliwa, bagkus ay sinuportahan pa sa mas ‘radikal’ na lenggwahe.
Iniisip ng burgesyang Pilipino ngayon na kunin at direktang kontrolin ng estado ang MERALCO at maging ang Sulpicio Lines matapos malunod ang barkong nitong M/V Princess of the Stars. Ibig sabihin, nag-iisip ang burgesya ng nasyunalisasyon para muling tangkaing isalba ang bansa mula sa krisis. Ang mga pahayag ng rehimeng Arroyo hinggil dito ay pamumulso nito kung makukuha ba nito ang bendisyon ng buong uring burgesya.
Subalit tila ayaw ng Kaliwa na ang paksyong Gloria ang kokontrol sa isang sentralisadong estado at ang Kanan naman ay natatakot sa muling pagbabalik ng ganap na pagkontrol ng estado sa ekonomiya. Subalit, itutulak ang buong uring kapitalista tungo sa kapitalismo ng estado para pansamantalang mapigilan ang maagang pagsabog ng sistema. Kung mas lalala pa ang krisis bago ang eleksyong sa 2010, mapilitan ang burgesyang Pilipino na palitan ang paksyong Arroyo ng isang paksyon na may ‘popular’ na suporta para ipatupad ang ganap na panghihimasok ng estado sa ekonomiya. At tiyak, ang nasa isip ng burgesya ngayon ay ang Kaliwa o koalisyon ng Kanan at Kaliwa pero dominado ng huli (gaya ng modelo sa Central at Latin America) na matagal ng naglalaway na makahawak sa estadong kapitalista.
Ang pangkalahatang estratehiya ng pandaigdigang burgesya ay: kung mahina ang militante at independyenteng kilusang manggagawa, gagamitin nito ang Kanan upang patindihin ang atake laban sa uring anakpawis. Kung sumusulong ang kilusang proletaryo, gagamitin nito ang Kaliwa, upang pigilan ang pagsulong at hadlangan ang uri na maagaw ang kapangyarihan at madurog ang kapitalistang estado. Gagamitin ng Kanan at Kaliwa ang nasyunalismo at demokrasya para panatilin ang diktadura ng uring kapitalista.
Komunistang rebolusyon
Kanan o Kaliwa man ng burgesya ang hahawak sa estado ng Pilipinas; idaan man ito sa ‘popular’ na pag-aalsa o eleksyon, hindi na nito maampat pa ang super-typhoon na pananalasa ng krisis ng sistema. Ang kapitalismo ng estado ay tiyak (tulad ng nangyari sa USSR at iba pang bansa na hawak ng Kaliwa sa nakaraan) na patindihin ang pagsasamantala sa manggagawa at maralitang Pilipino gamit ang ‘nasyunalismo’ at ‘pagmamahal sa bayan’ para sa pambansang kapitalismo. Pero, hindi maaring makaligtas ang pambansang kapitalismo ng Pilipinas dahil nakapaloob at bahagi ito sa nalulunod na barko ng pandaigdigang kapitalismo.
Ang rehimeng kapitalismo ng estado kahit pa ang maskara nito ay ‘sosyalismo’ o ‘demokrasyang bayan’ ay mabubuhay lamang sa ibabaw ng naghihirap na mamamayan.
Dahil pandaigdigan ang krisis ng kapitalismo at walang bansa na makaligtas dito, pandaigdigan din ang rebolusyon na gagawin ng uring manggagawa para wakasan ang kahirapan. Ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay makikita at mararamdanan sa bawat bansa. Subalit, ang kalutasan nito ay wala sa bawat bansa na hiwa-hiwalay sa isa’t-isa.
Hindi ang kapitalismo ng estado at nasyunalisasyon o ang panghihimasok nito sa pagpapatakbo sa ekonomiya ng lipunan ang daan tungo sa kalayaan mula sa kahirapan kundi ang PAGDUROG mismo sa umiiral na kapitalistang mga relasyon sa lipunan. Komunistang rebolusyon ng manggagawa ang tanging solusyon sa krisis ng kapitalismo. Lalaya lamang ang uri mula sa pang-aalipin at pagsasamantala pagkatapos nitong maagaw ang kapangyarihang pampulitika – ang pagtatayo ng diktadura ng proletaryado.