Submitted by Internasyonalismo on
Sa paggunita sa ika-21 taong anibersaryo ng Mendiola masaker libu-libong magsasaka mula sa iba’t-ibang probinsya ng Luzon ang nagmartsa (Lakbayan) patungong Maynila para iggiit una sa lahat ang pagpapatupad ng “tunay na repormang agraryo”. Nauna na dito noong huling bahagi ng nakaraang taon ay nagmartsa ang mga magsasaka sa Sumilao, Bukidnon mula sa kanilang pinanggalingan patungong Maynila din. Magkaibang pampulitikang grupo at oryentasyon man ang kumokontrol sa mga magsasaka, iisa lamang ang kanilang isinisigaw: REPORMANG AGRARYO.
Walang duda na pinagsamantalahan ang masang magsasaka mula pa noong kolonyalismong Espanyol hanggang ngayon. Higit limang siglo na ang pagdurusa ng mga ito sa bulok na sistema ng lipunan.
Subalit MALI kung iisipin na walang nagbago sa bulok na sistema sa loob ng mahigit 500 taon at batay dito wala ding nagbago sa laman ng pakikibaka ng masang magsasaka para sila ay lumaya mula sa pagsasamantala at pang-aapi.
“Lupa sa nagbubungkal”. Ito ang sentro ng kahilingan ng mga magsasaka sa kasalukuyan. Ito ang sentrong kahilingan ng mga gerilya sa kabundukan. Ito din ang kahilingan ng mga repormista sa kalungsuran.
Sa panahon ng pyudalismo (kung saan ang naghaharing uri ay ang mga panginoong maylupa at kasama na dito ang Simbahan), itinali ang mga magsasaka sa lupa. May mga batas ang pyudal na estado na nagpaparusa sa mga magsasakang aalis sa lupa na walang pahintulot ng kanilang mga panginoon. Sa pangkalahatan, ito ang kalakaran ng mga kolonyalistang Kastila at ng Simbahan sa bansa sa loob ng 300 taon. Pinipilit ang mga aliping magsasaka na magbungkal para sa pangangailangan ng pyudal na kaayusan.
Simula ika-16 siglo nasa yugto na ng pabulusok-pababa ang pandaigdigang pyudal na sistema habang naging mas agresibo ang lumalakas na progresibo at rebolusyonaryong uri (na nagdadala ng bago at mas maunlad na moda ng produksyon) laban sa pyudal na kaayusan. Ang uring ito ay ang uring kapitalista (hindi ang uring magsasaka) na noon ay hindi pa naghaharing uri kundi ginigipit na uri ng naghaharing pyudal na mga panginoong maylupa.
Nang sakupin ng Espanya ang Pilipinas sa kalagitnaan ng 1500s, humihinang pyudal na kapangyarihan na ito sa pandaigdigang saklaw. Katunayan, binabayo na ng mga pakikibaka ng Kastilang burgesya ang pyudal na monarkiya sa loob mismo ng Espanya. Sa 1880s bago pa man naitayo ang Katipunan ni Andres Bonifacio sa 1896 ay naagaw na ng Kastilang burges ang kapangyarihan sa Espanya.
Gayong makauring interes ng magsasaka na makalaya sa pang-aalipin ng lupa, mas interesado ang burgesya dito dahil sa pamamagitan lamang ng paglaya ng mga magsasaka sa lupa ay matransporma sila bilang mga sahurang-alipin ng kapital, ang bago at mas maunlad na sistema ng produksyon. Samakatuwid, ang kahilingang anti-pyudal ng mga magsasaka ay isang burges na kahilingan.
Ang kahilingang “lupa sa nagbubungkal” ay kahilingan ng mga peti-burges na magsasaka na nagmamay-ari ng maliliit na parsela ng lupa. Ang uring ito ay ginigipit kapwa ng pyudal na panginoong maylupa para sa kanilang luho at ng burgesya para lubusan silang maalis sa lupa at maging mga sahurang-alipin ng kapital. Ang peti-burgesya sa kanayunan ay isang desperadong uri na walang kinabukasan: Sa ilalim ng pyudal na kaayusan ay nanganganib sila na maging ‘kasama’ (tenant) ng panginoong maylupa. Sa ilalim ng kapitalistang kaayusan ay nasa bingit sila na maging manggagawa. Kinasusuklaman ng uring ito ang pagiging maralitang magsasaka at ang pagiging manggagawa.
Ang mga walang lupa ay matagal ng naging manggagawa. Katunayan, ang mga maralitang magsasaka sa kanayunan ang mga ninuno ng mga manggagawa sa kalungsuran. Kahit sa kasalukuyan, parami ng parami ang mga maralitang magsasaka na naging sahurang manggagawa sa nayon man o sa lungsod.
Subalit mahigit 100 taon ng pormal na nadurog ang pyudal na kaayusan sa bansa. Mahigit 100 taon ng naghari ang uring kapitalista sa bansa. Mahigit 100 taon ng kapitalismo ang sistema ng Pilipinas. Kung ikumpara sa antas ng pandaigdigang kapitalismo ay isang atrasadong kapitalistang bansa ang Pilipinas, hindi pa rin nito maaring itago ang realidad na ito ay isang kapitalistang bansa. Ang pagiging atrasado ng Pilipinas ay hindi pa dahil pyudal pa rin hanggang ngayon ang kanayunan kundi dahil wala ng kapasidad ang pandaigdigang kapitalismo na nasa yugto na rin ng kanyang pagbulusok-pababa mula ng pumutok ang unang imperyalistang digmaang pandaigdig noong 1914 na paunlarin pa ang kapitalismo ng bansa.
Ang kaaway ng mga manggagawang bukid at peti-burges sa kanayunan sa kasalukuyan ay hindi na ang mga tradisyunal na panginoong maylupa tulad noong unang panahon kundi mga kapitalistang panginoong maylupa na. Ang relasyon ng produksyon na nagsasamantala sa malawak na masa sa kanayunan ay hindi pyudal kundi kapitalista na. Ang estadong nagtatanggol sa mga modernong panginoong maylupa ay hindi pyudal na estado kundi ng mga kapitalista na.
Subalit pundamental na magkaiba ang interes ng mga manggagawang bukid at peti-burges sa kanayunan kung bakit nila nilalabanan ang mga kapitalistang panginoong maylupa. Ang una ay bilang manggagawa habang ang huli ay dahil ayaw nilang maging manggagawa. Ang una ay nais lumaya sa kapitalistang pagsasamantala habang ang huli ay nag-iilusyon pa rin na maging isang indepenyenteng kapitalistang magsasaka.
Malaki na ang pinag-iba ngayon kaysa noon. Maging ang mga tradisyunal na panginoong maylupa ay dumaan sa proseso ng “transpormasyon”. Karamihan sa kanila ay naging mga kapitalista gamit ang mga produkto sa lupa. Isang halimbawa dito ay ang pamilyang Cojuangco. Ang Hacienda Luisita ay isang kapitalistang sakahan. Kinamkam ng korporasyong San Miguel ang kalupaan sa Sumilao para sa tubo. Pinasok ng korporasyong Ayala ang mga sakahan sa Davao para sa negosyo ng saging. Sa madaling sabi, ang usapin ng monopolyo sa lupa sa kasalukuyan ay usapin ng monopolyo ng mga kapitalista (indibidwal o korporasyon) sa lupa.
Sa ilalim ng kapitalistang kaayusan, hindi imposible na pangunahan ng naghaharing uri ang kampanyang “lupa sa nagbubungkal”. Katunayan, pinangunahan ni Cory Aquino (mula sa pamilya ng malalaking kapitalistang panginoong maylupa) noong huling bahagi ng 1980s ang kampanyang “comprehensive agrarian reform program”. Pero mas interesado ang burgesya na patindihin ang pagsasamantala sa magsasaka para sa tubo.
Ang interes ng mga peti-burges na magsasaka ay maging “independent producers”. Kaya ba itong ibigay ng kapitalismo? May kapasidad ba ang kapital na muling buhayin ang tipong artisano na pagbubungkal ng lupa gaya noong nasa kasagsagan pa ang pag-unlad ng pyudalismo bago ang 1500s?
Gustuhin man ito ng naghaharing uri ay hindi na maaring ibigay ng isang sistemang naghihingalo na sa permanenteng krisis. Ang kapalpakan ng CARP ay patunay nito.
Ang kapalpakan ng CARP ay wala sa kanyang pagiging inutil sa “pagbibigay” ng lupa dahil sa kawalan ng pondo (ang katotohanan ay binabayaran ito ng magsasaka ng hulugan sa gobyerno) kundi dahil napilitan na ibenta ng magsasaka ang kanyang naangking lupa dahil sa pagkalugi. Kundi man binebenta ng magsasaka ay naobliga itong magbubungkal ng kanyang lupa para sa malalaking korporasyon – growers – na laganap sa Mindanao. Libu-libong growers ang kontrolado ng mga korporasyong Dole Philippines, Del Monte Philippines at Ayala. Maging ang mga kooperatibang pansakahan ay naging growers na din. Dagdag pa, pinapaboran ng kapitalistang estado ang land conversion na siyang interes ng malalaking kapitalista para sa tubo dahil ang estado mismo ay walang pera at lubog pa sa utang.
Hindi rin maglalaho ang pagsasamantala sa mga magbubukid sa kung sakaling ipamigay ng estado ng libre ang lupa sa mga magsasaka. Ito ang laman ng programang “rebolusyonaryong agraryo” ng CPP-NPA. Sa kalagayang maka-hayop ang kompetisyon ng bawat kapitalista at bawat bansa para sa makipot na pamilihan, hindi lang simpleng pag-aari ng lupa ang problema ng mga magsasaka. Higit pa dito ay ang problema ng kapital para sa kanyang parsela ng lupa. Ang indibidwal na pagbubungkal ng lupa sa ilalim ng kapitalismo ay mahuhulog lamang sa pagkabangkarota kung kapos sa kapital. Kaya nawawalan din ng saysay ang interes ng peti-burgesya na “independent producers” dahil sa malao’t madali ay kukunin ito ng “estado ng bayan” sa ilalim ng kampanyang nasyunalisasyon sa lupa para diumano sa kolektibisasyon at modernisasyon. Sa huli, nagiging mga manggagawa ang mga magsasaka sa dati sarili nitong lupa na pag-aari na ng estado o kooperatiba o kaya ay lumayas sa kanayunan para maging manggagawa sa malalaking industriya sa kalungsuran na pag-aari pa rin ng gobyerno. Ang modelo ng “rebolusyong agraryo” sa China, Vietnam, North Korea ang halimbawa kung paanong nagpalit anyo lamang ang mga kapitalistang nagmamay-ari ng lupa. Mula sa indibidwal na mga kapitalista, ang lupa ay napunta sa estadong kapitalista. AT NARITO ANG PINAKAMALAKING KASINUNGALINGAN NG MGA BANSANG ITO: NILILINLANG NILA ANG MGA MANGGAGAWA AT MAGSASAKA SA PAGSASABING ANG GINAGAWA NILA AY SOSYALISMO.
Ang dulo ng kahilingang “lupa sa nagbubungkal” sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan ay maging sahurang alipin ang mga peti-burges na magsasaka o kaya ay mapilitang ganap na pumailalim sa pagsasamantala ng mga malalaking korporasyong kapitalista (lokal man o dayuhan). Ito ang tanging landas na tatahakin ng mga magsasaka sa ilalim ng kapitalistang sistema.
Pangkat man ni Gloria Arroyo, ng oposisyon, ng mga repormistang nasa loob ng mga non-government organizations at burges na kongreso, o maging ng mga armadong gerilya o rebeldeng militar ang nasa kapangyarihan HINDI nila masolusyonan ang pakikibaka ng mga magsasaka para lumaya sa kahirapan. Ang lahat ng mga grupong ito ay kumikilos sa ilalim ng balangkas ng mapagsamantalang mga relasyon sa produksyon na nasa permanenteng krisis na ngayon.
Kaya isang ganap na ilusyon ang hihilingin sa estado ang tunay na repormang agraryo dahil ang sistemang pinagtatanggol nito ay wala ng kapasidad para ibigay ang naturang kahilingan.Panlilinlang din ang pangako ng mga kaliwang grupo ng burgesya na kaya nilang ibigay ang kahilingang ito kung sila na ang nasa Malakanyang.
Ang tunay na solusyon sa usaping agraryo: Ibagsak ang Kapitalismo
Ang tunay na solusyon para sa panlipunang hustisya at paglaya ng mga magsasaka mula sa kahirapan ay wala sa loob ng balangkas ng kapitalistang sistema anuman ang anyo nito – indibidwal o pag-aari ng estado – at anuman ang porma ng paghari nito – demokratiko o diktadura ng burgesya. Kailangan munang wasakin ang kapitalistang mga relasyon sa produksyon bago lilitaw ang mga kondisyon para sa kalayaan sa kahirapan.
Ang uring magsasaka ay isang uri sa nakaraan. Hindi na maaring maibalik pa ang nakaraan kung saan may dignidad ang artisanong sakahan. Dinurog na ito ng kapitalismo sa Pilipinas 100 taon na ang nakaraan. Ang dapat harapin ng mga magsasaka ngayon ay ang interes ng kanilang uri sa hinaharap sa ilalim ng bulok na kaayusan. Ang pagiging sahurang alipin ang kinabukasan ng mga magsasaka sa ilalim ng nabubulok na sistema ng bansa at ng buong daigdig.
Ang pagkamit ng panlipunang hustisya ay wala sa kamay ng uring magsasaka kundi nasa kamay ng uring papasukan nila – nasa uring manggagawa. Ang sahurang manggagawa sa kanayunan at kalungsuran ang TANGING REBOLUSYONARYONG URI sa kasalukuyan. Ang uring ito ang may istorikal na misyon para ibagsak ang kapitalismo dahil hindi ito lalaya kung hindi nito mapalaya ang buong lipunan mula sa sistema ng pagsasamantala at pang-aapi.
Pangalawa, ang usaping agraryo sa bansa ay hindi malulutas sa loob ng balangkas ng bansa. Malulutas lamang ito sa pandaigdigang balangkas – sa pagwasak sa kapitalismo sa pandaigdigang saklaw. Napakahalaga ang paglakas ng mga pakikibaka ng manggagawa sa buong mundo para masolusyonan ang problema sa lupa ng magsasakang Pilipino.
Hindi mananalo ang pakikibaka ng magsasaka kung hindi ito susuporta sa pakikibaka ng mga manggagawa para sa INTERNASYUNAL NA SOSYALISMO – isang pandaigdigang lipunan na wala ng mga uri at wala ng pagsasamantala. Walang panlipunang hustisya sa kahilingang “lupa sa nagbubungkal” sa ilalim ng kapitalismo. Ang panlipunang hustisya ay makakamit lamang sa SOSYALISASYON ng lupa at ang sosyalisasyon ay magiging realidad matapos madurog ang pandaigdigang kapital sa pamamagitan ng INTERNASYUNAL NA REBOLUSYON NG MGA MANGGAGAWA.
Benjie, 01/22/08