Submitted by Internasyonalismo on
Nanawagan ang rehimeng Arroyo na ipagdiwang ang anibersaryo ng araw ng “kalayaan” ngayong Hunyo 12 habang tinuligsa naman ito ng Kaliwang paksyon ng burgesya dahil hanggang ngayon “hindi malaya” ang Pilipinas mula sa kontrol ng mga dayuhan partikular ng imperyalistang Amerika.
Magkatunggali man ang dalawang paksyon ng burgesya sa Pilipinas sa usapin kung malaya o hindi ang bansa, nagkakaisa naman sila na posible pang lalaya ang isang bansa sa panahon ng imperyalismo. Katunayan, ayon sa Kaliwa, ito ang “sentral na usapin sa anti-imperyalistang pakikibaka”.
Nagmula sa baluktot at kontra-rebolusyonaryong pag-unawa sa katangian ng imperyalismo kaya walang pag-aalinlangan ang iba’t-ibang grupo ng Kaliwa na suportahan ang lahat ng mga kilusan na lumalaban sa imperyalistang Amerika sa kabila ng katotohanan na ang mga kilusang ito (gaya ng Hamas, Hizbollah at Iraqi Resistance) ay suportado din ng ibang mga imperyalistang kapangyarihan na karibal ng Estados Unidos gaya ng Iran, Syria, China, Venezuela at Cuba. Ang ilan sa Kaliwa ay naniniwala pa nga na isang “rebolusyonaryo” at “progresibo” ang panatiko at pundamentalistang grupo ni Bin Laden dahil ito ay sagad-saring anti-Amerika!
Habang ang nagharing paksyon ay nagsasabing nakamit na ng bansa ang kalayaan noong 1946 ang kabilang paksyon naman ay nagsasabing hindi pa malaya ang Pilipinas hanggang ngayon kaya patuloy itong naghihirap at atrasado.
Pambansang kalayaan: Panawagan ng burgesya laban sa pyudalismo
Batay sa makauring pagsusuri, ang pambansang kasarinlan ay kahilingan ng burgesya para wasakin ang pyudal na kaayusan. Kailangan ng uring kapitalista para sa kanyang pampulitikang paghari ang isang depinidong teritoryo na paghati-hatian nila sa pandaigdigang saklaw. Mahalaga ito para sa malayang kalakalan at kompetisyon ng bawat paksyon ng burgesya.
Kaya sa 18 at 19 siglo, ang makabayang adhikain ay pinangunahan ng bagong sibol na uring mapagsamantala na nagdadala ng bago at progresibong moda ng produksyon – kapitalismo. Ang panawagang pagtatayo ng bansa sa mga siglong nabanggit ang buod para makabig ng burgesya ang iba pang mga uri gaya ng magsasaka at peti-burgesya laban sa pyudalismo. Sa ilalim ng mga islogang “pagkapantay-pantay, kapatiran at kalayaan” nagtagumpay ang mga burges na rebolusyon noon.
Dahil progresibo at nasa pasulong na yugto pa ang kapitalismo sa 18 at 19 siglo, naging pampabilis ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa ang pagtatayo ng mga bansa gaya ng Amerika at Alemanya. Sa madaling sabi, ang makabayang adhikain noon ay progresibo para sa pagsulong ng lipunan. Kaya sinusuportahan ito ng uring proletaryado sa kabila ng katotohanan na hindi ito ang kanilang makauri at istorikal na interes.
Sa pagpasok ng 20 siglo kung saan ganap ng nasakop ng kapitalismo ang buong daigdig at nabuo at nasagad na ang pandaigdigang pamilihan, nagbago na ang katangian ng kapitalismo: umabot na ito sa rurok ng kanyang pag-unlad bilang moda ng produksyon at nasa bukang-liwayway na ng kanyang pagbulusok-pababa. Hindi na progresibo ang kapital kundi ganap ng naging reaksyonaryo at bangkarota na. Ibayong kahirapan at pagkasira ng mundo ang tanging maibibigay nito.
Sa dekadenteng kapitalismo: “Pambansang kalayaan” ilusyon na lang at kontra-rebolusyonaryo ang katangian
Sa kasalukuyang panahon ng permanenteng krisis ng pandaigdigang kapitalismo kung saan ganap ng nagapos sa kapitalistang relasyon ang lahat ng mga bansa, ang usapin ng “malayang” bansa ay isa na lang ilusyon at ginawang instrumento ng naghaharing uri para panatilihing buhay ang naaagnas na sistema. Sa ngalan ng nasyunalismo at pagtatanggol sa inangbayan nangyari ang karumal-dumal na mga digmaan na pumapatay ng daang milyong mamamayan.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo — kung saan ang pananatili ng isang bansa ay nakasandig sa kanyang pagsasamantala sa ibang mga bansa; sa ilalim ng tumitinding kompetisyon sa ilalim ng sagad na pandaigdigang pamilihan, ang mahihina ay aapakan ng malalakas, ang mahihina ay kokontrolin ng mas makapangyarihan, at higit sa lahat, ang bawat pambansang kapital ay nagpapaligsahan na maungusan ang mga karibal nito sa kompetisyon sa pandaigdigang pamilihan – isang panlilinlang ang malayang bansa at pagkapantay-pantay ng mga bansa.
Subalit dahil hindi syentipiko at marxista ang paninindigan ng Kaliwa laluna ng mga maoista, naniniwala ito na kung “mapalaya” ang Pilipinas sa mga kuko ng imperyalistang Kano, uunlad ang pambansang kapital ng bansa at matutupad ang pangarap ng burgesyang Pilipino na “this nation can be great again!”.
Ang aktwal na resulta ng kasaysayan ng “napalayang” mga bansa magmula 1914 ang patunay na isang panlilinlang at bitag ang usapin ng pambansang kalayaan dahil ang mga bansang ito ay naging tuta o sunud-sunuran din sa mas makapangyarihang imperyalista na karibal ng pinatalsik nila sa kanilang mga bansa. Halimbawa nito: Pinatalsik ng China ang imperyalistang Amerika sa 1949 subalit hinawakan naman sila ng imperyalistang USSR; kumawala ito sa pangil ng USSR subalit bumalik din sa kandungan ng Amerika sa 1970s. Ngayon, isang nag-aambisyong imperyalistang kapangyarihan na ang China. Pinatalsik ng Vietnam ang mga Kano noong 1975 subalit magmula dekada 1990 bumalik ulit ito sa “mapagkaibigang” relasyon sa Amerika. Isang anti-imperyalistang Kano ang bansang Venezuela sa ilalim ni Hugo Chavez pero kumukuha ito ng “pampulitikang gabay” sa Cuba at nagsisikap makontrol ang buong Central at Latin America kakutsaba ito.
Ang pinakahuling modelo ng “tagumpay” ng pambansang pagpapalaya ay ang Nepal na kontrolado na ngayon ng mga maoista at naibagsak na nila ang pagharing monarkiya. Subalit lingid sa kaalaman ng marami, nakasandal ang mahinang Nepal sa malakas na imperyalistang China. Ginamit ng huli ang una laban sa kanyang karibal na imperyalistang India. Hindi tiyak kung hanggang kalian manatili sa kapangyarihan ng paksyon ng mga maoista. Pero ang tiyak, hindi uunlad ang Nepal bilang bansa sa ilalim ng dekadenteng kapitalistang kaayusan. Hindi maglalaho sa Nepal ang pagsasamantala, bagkus lalo pa itong lalala.
Ang “pambansang kilusan” at nasyunalismo ngayon ay hindi na laban sa pyudal na kaayusan dahil sa kataposan ng 19 siglo ay nawasak na sa pangkalahatan ang pyudal na paghari. Sa halip, ang mga ito ay pananggalang ng isang paksyon ng burgesya para makabig nito ang buong populasyon laban sa karibal na paksyon kung saan ang kanilang kompetisyon ay umabot na sa kompetisyon at labanang militar at digmaan.
Hindi makaligtas ang Pilipinas sa istorikal na batas ng dekadenteng kapitalismo. Matapos mapatalsik ang imperyalistang Kano, tiyak mamimili na lang ang burgesyang Pilipino kung alin sa mga karibal na imperyalistang kapangyarihan magpatuta ito – China? Russia? Germany?
Tanging ang proletryong rebolusyon lamang ang daan papunta sa tunay na pag-unlad hindi ng bansa kundi ng lipunan mismo; hindi ng isang uri lamang kundi ng buong sangkatauhan sa isang komunistang lipunan na walang mga uri.
Sa ngayon, ang “pakikibaka para sa pambansang kalayaan” at ang pag-iilusyon na may kalayaan sa ilalim ng kapitalistang kaayusan ay mga hadlang para sa pagsulong ng isang pandaigdigang kilusan para sa isang tunay na malayang sangkatauhan at lipunan.
Hindi “pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya” ang nagdadala ng makauring interes ng uring manggagawa o kahit man lang daan papunta doon kundi ang internasyunal na rebolusyon ng proletaryado para sa komunismo.
Ang tunay na anti-imperyalistang linya ay ang linya laban sa kapitalismo (lokal man o dayuhan, pambansang kapitalista man o dayuhan ). Ang linyang ito ay komunistang rebolusyon wala ng iba pa.