Submitted by Internasyonalismo on
Tumitindi ang pampulitikang pamamaslang ng kapitalistang estado sa kanyang mga kaaway sa loob ng naghaharing uri. Ang mga pinaslang ay ang mga ligal na lider ng mga partidong kaliwa. Walang duda, ang paksyon ni Gloria Arroyo ang may pakana ng lahat ng ito. Dagdag pa, pinatitindi din ng estado ang militarisasyon hindi lang sa kanayunan kundi maging sa kalungsuran laluna sa mga lugar na balwarte ng mga kaliwang grupo.
Ito ang kampanya ni GMA sa buong bansa. At ang kanyang berdugo sa gawaing ito ay si Gen. Palparan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Ang mga pinaslang ng paksyong GMA ay ang mga pwersa ng Kaliwa na nagnanais na patalsikin siya sa poder para itayo ang isang kapitalistang estado na nagbalatkayong progresibo at rebolusyonaryo. Malinaw na ang nangyayari sa Pilipinas ay ang tumitindi at naging madugo na alitan ng mga pwersa ng kapital — Kaliwa laban sa Kanan — ng burgesya.
Manipestasyon ito na hindi na mismo makontrol ng nabubulok na kapitalismo ang alitan sa loob mismo ng kanyang hanay. Ang pagkabulok ng sistema ay makikita sa kabulukan sa pulitika. Ang labanan sa loob ng naghaharing uri ay kung sino ang papalit sa kapangyarihan upang bigyang "bango" ang naagnas na sistema at kung sino ang mas mahusay na mailayo ang uring manggagawa sa rebolusyonaryong landas — ang landas ng pagdurog sa burges na estado at sa kapitalismo.
Gayong bukambibig ng mga kaliwang grupo ang pasismo at militarisasyon ng rehimeng Arroyo, napapaos naman sila sa kasisigaw na makibaka para sa burges na demokrasya. "Sinikil ni Gloria ang demokrasya kaya kailangan tayong magkaisa para mabawi ito!" Ganito ang linya ng mga Kaliwa sa Pilipinas.
Isang linya na walang kaibahan sa pasismo. Itinago ng mga kaliwang grupo na ang pasismo at burges na demokrasya ay kapwa mga instrumento ng burgesya para ilayo ang proletaryado sa sosyalistang rebolusyon. Ganito ang ginawa ng "demokratikong" burgesya noong panahon ng WW II laban sa "pasistang" kapitalista — Allied Forces vs Axis Powers. Ito rin ang linya ng maoistang CPP-NPA noong panahon ng pasistang diktadurang Marcos.
Ang direksyon ng pakikibaka ng mga Kaliwa ng burgesya ay mag-alsa ang manggagawa para depensahan ang burges na demokrasya laban sa pasistang rehimen ni Arroyo. Patalsikin si Arroyo at ipalit ang isang "demokratikong" pamahalaan.
Binalewala ng mga Kaliwa ang masaklap na karanasan ng proletaryado sa kamay ng mga "demokratikong" kapitalista sa buong mundo.
Sosyalistang Rebolusyon Laban sa Pasismo at Burges na Demokrasya
Maglaho lamang ang pang-aapi at karahasan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo kung lubusang madurog ang burges na estado at ang paghari ng buong uring kapitalista sa lipunan. Ito ang katotohanan na dapat maintindihan ng mga grupong Kaliwa; ito ang istorikal na layunin ng pakikibaka ng proletaryado laban sa kapitalismo.
Walang pagpipilian ang uring manggagawa sa pasismo at burges na demokrasya. Kailangang i-marka ng uri ang kanyang sariling laban sa harap ng tumitinding madugong alitan ng naghaharing uri. Ang pagdurog sa burges na estado at pag-agaw sa kapangyarihan ang tanging solusyon para matapos na ang karahasan sa lipunan at tunggalian ng mga uri.
Walang maasahan ang uring manggagawa kundi ang kanyang independyenteng pagkilos labas sa alitan ng naghaharing uri. Ito ay ang pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon na dudurog sa estado ng uring kapitalista. (Lloyd, 11/23/06)