Submitted by Internasyonalismo on
Ang Pilipinismo ay sinasabing isang idolohiyang Pilipino na nabuo at napagtibay sa himagsikan, at napatunayan sa Rebolusyong 1896. Sinasabing binigyan nito ng malaking kahalagahan ang pagmamahal sa Diyos, sa bayan at sa kapwa, sa kanyang mga pangunahing alituntunin at mga adhikaing makamit ang kalayaang pampulitika, katubusang pangkabuhayan at panlipunang pagkakaisa sa bansang Pilipinas. At isinusulong umano ang isang rebolusyong kultural, pulitikal, moral at ispirituwal para mapagtibay ang minimithing kasarinlan at kadakilaan ng lahing Pilipino.
Ngunit kung ating titingnan ang kabuoan ng mga batayan, layunin at adhikain ng Pilipinismo, ating makikita na ito ay nakatutok lamang sa isang konseptong wala nang hihigit pa sa pagmamahal sa bayan at sa pag-aalay ng buong buhay at katauhan ng mga Pilipino para sa kanyang kadakilaan. Samakatwid, ang pasistang pagsamba ng estadong Pilipino ay siyang naging sentro at buod ng Pilipinismo bilang tagapagtaguyod at tagapamahala sa mga interes nito sa anumang larangan.
Sabi ni Benito Mussolini, ang “Pasismo ay isang reaksyon.” Reaksyon saan? Sa kasaysayan ng Italya, ang reaksyong ito ay may kinalaman sa paglaban sa mga pagbabago ng anyo ng lipunan at pulitika matapos ang Unang Digmaan, at bilang desperadong hakbang ng kanilang mga peti-burges at mga lumpenproletaryo upang mawakasan ang walang humpay na pagpapalit-palit ng kapangyarihan sa kamay ng iba’t-ibang paksyon ng burgesya na wala namang kakayahang mamuno. Mga pangyayaring naging mitsa sa pagbuo ng pwersa ng Pasismo ng siyang naglalayong baguhin ang lahat na mga ito sa ngalan ng nasyonalismo at pagmamahal sa bayan, at laban na rin sa pwersa ng mga liberal at uring mangagawa.
Ang tanong, may kahalintulad ba ang mga pangyayaring ito sa bansang Pilipinas? Kung ating susuriin ang mga pangyayari sa pansakalukuyang panahon, makikita natin na ang kahinaan ng mga institusyon at ang patuloy na pag-aagawan sa pwesto ng iba’t-ibang paksyon ng burgesya ay hindi nalalayo sa mga kundisyon ng Italya ng mga panahong yaon. Dagdagan pa natin iyan ng walang katapusang tsismis ng pag-aalsa ng sandatahang lakas at pagsasanib pwersa kuno ng mga nasa kaliwa at kanan laban sa pansakalukuyang rehimen ay mas lalo pang pinatutunayan ang pagkakahalintulad nito sa walang kasiguradohan na pambansang pamumuhay ng mga Italyano dahil sa epektong dulot ng Unang Digmaan at ng depresyon noong 1921 hangang 1922.
Ano ba ang ibig sabihin nito? Ito ba ay may kinalaman sa tinatawag na Pilipinismo?
Una sa lahat, naipakita na natin sa unahan kung paano magkahilintulad ang mga pangyayari sa Italya sa panahon ni Benito Mussolini at sa Pilipinas ngayon. Kung bakit tinitingnan natin ang mga ito, ito ay sa kadahilanang tulad ng Pasismo sa Italya, at kahit mismo ang Nazismo ng Alemanya, ang Pilipinismo sa Pilipinas ay siya na rin ang ginagamit sa pansakalukuyang panahon bilang armas pang-idolohiya ng mga nagnanais maiskatuparan ang isang makabayang pag-aalsa. Ang pahiwatig ng panahon ay nagbabadya na ang nangyaring desperadong hakbang ng mga peti-burges at lumpenproletaryo ng Italya ay nais ulitin dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng paggamit ng Pilipinismo bilang kasangkapan ng kapital para mapanumbalik nito ang kasiglahan ng pambansang kapitalismo laban sa mga dayuhang kompetisyon nito. Nakita natin na ang paglabas ng mga pasistang rehime ay katugunan lamang sa mga pangangailangan ng kapitalismong nahaharap sa matinding krisis pang-ekonomiya.1 Mga panahong may matinding kahinaan sa pamamahala at pamumuno2 na ang bukod tanging maisip lamang ng mga desperado sa lipunan ay gumawa ng mga makitid na hakbang radikal na sa kahuli-hulihan ay magsisilbi lamang panggatong ng kapital para sa kanyang inaasam na tubo, puno ng dahas at pagsasamantala. Mga reaksyonaryong pagkilos na naglalayong hadlangan ang makauring pakikibaka at maitaguyod ang pagpapatibay ng kapitalismo sa ngalan ng pagmamahal sa bayan.
Ang Pilipinismo ay walang ipinagkaiba ng Pasismo sa Italya at Nazismo sa Alemanya sa paglalayon nitong pagbigyan ng mas malaking kahalagahan ang estado kaysa sa mapanuring hakbang tungo sa pagsasa-ayos ng mga kontradiksyon sa lipunan. Ipinaghalo-halo nito ang maraming mga konseptong mula sa iba’t-ibang idolohiya at pilosopiya para lamang magbigyan ng armas sa digmaan ng propaganda ang pinakatangi nitong layunin na pagtibayin ang isang pambansang diktadorya ng kapitalismo sa ngalan ng “pagmamahal sa bayan”. Pilit ding iniuugnay ang pinagmulan nito sa kasaysayan at pinatingkad pa sa pamamagitan ng pagamit ng kadakilaan ng ating mga ninuno. Para bagang nais palabasin nito na ang mga kaganapan noon at ngayon ay walang pinag-iba, na kong may progresibong katangian ang makabayang pag-aalsa noon ay siya pa rin ang tutoo ngayon.
Sa puntong sinasabi ng Pilipinismo na ang “…niloloob ng isang Pilipino bagama’t repleksiyon din ng mga materyal na bagay sa lipunan ay mayroon ding materyal na elemento ng emosyon o pantaong damdamin na malaki ang epekto sa takbo ng lipunan” ay ipinakita lang nito ang kanyang tunay na kulay na walang ipinagkaiba sa mga santo-santohang gumagamit sa relihiyon bilang kasangkapan sa pagpapalapad ng kanilang diyos-diyosang tubo. Walang duda na ang kamulatan ng isang tao ay repleksiyon lamang ng materyal niyang kalagayan. Ngunit kong sasabihin nating ito ay may materyal na elemento din ng pantaong damdamin ay para na ring sinasabi nating hiwalay ang pantaong damdamin sa kamulatan ng isang tao. Malayo yata iyan sa katotohanan, at nagpapahiwatig lamang na kung ginamit ng mga Kastila ang pangalan ng Diyos upang maipagpatuloy ang kanilang pananakop, ginagamit din ng Pilipinismo ang pangalan ng Diyos upang maikasa at maipalaganap ang kanyang pasistang adhikain.
Sa Kartilla, sinabi ni Emilio Jacinto na “Ang tunay na kabanalan ay…ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuwiran.” Ngunit kung iyong titingnan sa Pilipinismo, ang “kapwa” ng Kartilla ay ginawang “kapwa-Pilipino” na lamang. Ganyan ba ang idolohiyang hinango sa himagsikan at napatunayan sa Rebolusyong 1896? Gamitin lang ang kasaysayan para maipakitang lehitimo ito at may katotohanan? Napakahaba ang mga punto sa pakikipagkapwa, ang pagkapantay-pantay ng tao at higit sa lahat ang kadakilaan sa paggawa. Ngunit ang mga bagay na ito ay ginawa lamang palamuti sa kahuli-hulihan ng bukang-bibig nitong ipinagdiinan ang kataas-taasang layunin ng isang pasistang kilusan – ang pagsamba ng estado. Puno ng puot at galit sa kapwa, mapang-api sa mga banyaga, at higit sa lahat mapagsamantala sa uring mangagawa. Mga katangiang hiyang sa isang pasistang idolohiya. Pilipinismo ba o Pasismong Pilipino?
Noong panahon ng bumubulusok na pyudalismo (17, 18, 19 na mga siglo), lumitaw ang panawagan ng isang seksyon ng populasyon (sa mga kolonya ng pyudal na kaharian) – ang sumisibol na uring kapitalista – para maitayo ang isang malayang bansa. Isang panawagang nagsilbing kasagotan sa pangangailangan ng kapitalismo ng teritoryo para sa kanyang produksyon at merkado – isang pambansang teritoryo. Dito na nagsimula ang paggamit ng nasyonalismo bilang kasangkapan ng burgesya para maghari sa lipunan at lubusang madurog ang pyudalismo. Sabi nga ni Rosa Luxemburg sa kanyang Junius Pamphlet : “The national state, national unity and independence were the ideological shield under which the capitalist nations of central Europe constituted themselves in the past century. Capitalism is incompatible with economic and political divisions, with the accompanying splitting up into small states. It needs for its development large, united territories, and a state of mental and intellectual development in the nation that will lift the demands and the needs of society to the plane corresponding to the prevailing stage of capitalist production, and to the mechanism of modern state capitalist class rule. Before capitalism could develop, it sought to create for itself a territory sharply defined by national limitations.”
Mahigpit na nakaugnay ang pagtatayo ng bansa (nation-state) noong panahon ng bumubulusok pababa na pyudalismo sa layunin ng umaabanteng burgesya na palayain ang magsasaka mula sa lupa para ikadena sa mga pabrika – sahurang-alipin ng kapital.
Ang sigaw ni Bonifacio at ng mga Katipunero noong 1800s ay sigaw ng sumisibol na burgesyang Pilipino (ilustrado) para lumaya ito sa kontrol ng pyudal at kolonyalismong Kastila at para mabigyang daan ang sumisibol na kapitalismong sistema sa bansa. Ang batayan ng kanilang panawagan ay ang ideolohiya ng burgesyang Pranses na nanawagan ng "Liberté, égalité, fraternité, ou la mort!" ("Liberty, equality, fraternity, or death!"). Kaya naman madaling naagaw ng mga ilustrado sa pamumuno ni Aguinaldo ang liderato ng pambansang rebolusyon at mabilis na bumaliktad ito sa kontrol ng imperyalistang Amerika laban sa kolonyalistang Kastila.
Subalit sa kapitalismo, ang bawat kapitalista ay may kanya-kanyang interes. Kaya naman kahit pareha ang interes ng pambansang burgesya at imperyalismo sa usapin ng pagpapanatili sa kapitalismo ay nais pa rin ng una na magkaroon ng “sariling pagpapasya”. Nasyonalismo pa rin ang ginamit ng pambansang burgesya laban sa imperyalismong Amerika na sa maagang bahagi ng 1900s ay ginawang kolonya ang Pilipinas. Hindi malimutan ng lahat ng Pilipino ang bantog na kataga ni Manuel L. Quezon noon na “I prefer a government run like hell by Filipinos to a government run like heaven by Americans”.
Kahit ang Partido Komunista ng Pilipinas na binuo noong 1930 ay nagapos din sa linya ng nasyonalismo at pakikibaka laban sa imperyalismo. Tumalima sa panawagan ng Stalinistang COMINTERN, nanawagan ang PKP sa mga manggagawa na makibaka para sa pambansang kalayaan na ang ibig sabihin ay magpailalim ang mga ito sa pambansang kapitalismo. Ganun din ang Maoistang PKP noong 1968 at maging ang mga radikal na grupo/partidong na lumalaban sa Stalinismo at Maoismo – silang lahat ay nagapos sa panawagang “pambansang kalayaan at demokrasya”. Dahil na rin sa kawalan ng kapasidad sa direktang kolonyalismo matapos ang nakakasirang Ikalawang Digmaan ay naobligang bigyan ng mga imperyalistang bansa ng nominal na pampulitikang kalayaan ang mga kolonya nito gaya ng Pilipinas pero nananatili pa rin sa kanilang mga kamay ang pang-ekonomiyang galaw nito sa pamamagitan ng mga alagad at tuta nila na pambansang estado.
Totoong isang progresibo at para sa pag-unlad ng lipunan ang panawagang itayo ang malayang bansa noong 18 hanggang 19 siglo para lubusang madurog ang pyudalismo at para mapalaganap ang kapitalismo na hamak na mas maunlad na sistema kaysa sa nauna. Sa mga panahong yaon masasabing tama batay sa makauring paninindigan kung suportahan ng mga manggagawa ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan; kung suportahan ng masang anakpawis ang laban ng pambansang burgesya laban sa pyudalismo. Ngunit sa pagputok ng unang imperyalistang pandaigdigang gera noong 1914 kung saan lubusan ng nahubaran ang lahat ng pagkukunwari ng pandaigdigang kapitalismo at pumasok na ito sa yugto ng pababang pagbulusok (decadence), hindi na tama na suportahan ng uring manggagawa ang kahit anumang laban para sa pambansang kalayaan dahil nawalang na ito ng progresibong katangian sa panahon ng imperyalismo at ito’y magsisilbi na lamang kasangkapan ng mga naglalabanang imperyalistang mga bansa.
Simula 1900s ay lubusan ng napasok ng kapitalismo ang lahat ng sulok ng mundo. Wala nang bagong merkado na pwedeng pasukin ang mga naglalabanang monopolyo ng bawat kapitalistang mga bansa. Kaya para magkaroon ng “bagong merkado” kailangang muling hatiin ng mga imperyalistang bansa ang mundo. Walang patutunguhan ang kompetisyon ng bawat imperyalistang bansa kundi gera at karahasan sa mundo. Pinatunayan na ito ng dalawang pandaigdigang digmaan at ang halos walang hintong lokal at rehiyonal na labanan sa halos lahat ng sulok ng mundo.
Ang pakikibaka sa pambansang paglaya ng mga bansa sa Ikatlong Mundo (3rd world countries) ay ginagamit lamang ng bawat imperyalistang bansa upang maisulong nito ang kani-kanilang interes. Mula Tsina, Kyuba, Hilagang Korya, Byetnam, Nikaragwa at iba pa, ang mga kilusan dito para sa pambansang kalayaan ay kilusan ng pambansang kapitalismo na may direkta o indirektang suporta ng mga imperyalistang bansa (malaki man o maliit). Matapos silang “lumaya” mula sa isang imperyalistang bansa, sila’y hindi na dumiretso sa sosyalismo kundi umatras pabalik sa kapitalismo at natali sa ibang imperyalistang bansa naman. Sa ngalan ng pambansang kapitalismo (na ang karatula ay sosyalismo) ay matinding pinagsamantalahan ang uring manggagawa sa ngalan ng “depensahan ang sosyalistang inang bayan laban sa panggigipit ng imperyalismo Amerika”. Mga katagang mismo sa dating Unyong Sobyet ibanadera at iniwagayway. Mas masahol pa, hindi lang sila naging kapitalista kundi nagbabalak pang maging imperyalista sa ngalan pa rin ng pagmamahal at pagpapaunlad sa bayan. Ito ang ginagawa ng Tsina sa pagpapalapad ng impluwensya nito sa buong Asya at sa buong mundo na rin. Ang Hilagang Korya ay gusto ring magpapansin sa pamamagitan ng kanyang mga armas nukleyar. Ganun din ang Indya, Pakistan, Iran at Israel.
Ang nangyayari sa Irak, Apganistan, Palestina at Lebanon ay dagdag na patunay kung paano ginagamit ng nagpapatayang paksyon ng burgesya ang nasyonalismo at ang pakikibaka laban sa imperyalismo para higupin ang mga manggagawa sa mga bansang apektado na lumahok sa nakakasirang digmaan. Dagdag pa, alam ng lahat kung anong imperyalistang bansa ang sumusuporta sa Hamas, Hezbollah, at mga mandirigmang Iraki – Sirya at Iran.
Sa Pilipinas naman, ang bukambibig parati ng pambansang burgesya (Pilipinong kapitalista) ang katagang pagmamahal sa bayan. Ayon sa kanila, hindi daw umunlad ang bansa dahil ang mga nasa poder ay kontrolado ng mga dayuhang kapitalista. Dagdag pa, hindi daw nagkaisa ang mamamayan dahil nawawala na sa kanila ang diwa ng nasyonalismo nila Bonifacio — ang pagiging Pilipino. Na kinakailangan daw na ibangon natin ito sa pamamagitan ng isang idolohiyang Pilipino tulad ng nabanggit na natin sa unahan. Ano ang ibig sabihin ng ganitong linya ng mga pananalita?
- Ang kapitalismo ay hindi ang tunay na problema kundi ang dayuhang kapitalismo lamang. Kung hindi kontrolado ng imperyalismo ang bansa at hahayaang uunlad ito sa kanyang sarili, siguradong aasenso ang Pilipino sa ilalim ng pambansang kapitalismo.
- Ayon naman sa mga radikal na nagsasabing sila daw ay mga sosyalista/komunista, hindi umunlad ang pambansang kapitalismo dahil sa mga labi ng pyudal na sistema na kagagawan ng pagkontrol ng imperyalismo sa bansa. Kailangan munang lubusin ang pag-unlad ng pambansang kapitalismo para makamit ang sosyalismo.
- Iisa lamang ang layunin ng kapwa kaliwa at kanang panig ng burgesya sa bansa : Panatilihin ang kapitalismo, ito man ay pribado o hawak ng estado. Ang maskara nito ay nasyonalismo o pambansang kalayaan at demokrasya. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit marami sa mga politiko at kapitalistang Pilipino ay ginagawang modelo ang Tsina at Byetnam. Naging modelo ng mga gahaman sa tubo ang “sosyalistang” Tsina at Byetnam!
- Kung mapatalsik man ng mamamayang Pilipino ang imperyalistang Amerika sa bansa; kung magkaisa man ang mamamayan bilang Pilipino, mahihinto na ba ang pagsasamantala at makauring pakikibaka? Kahit ang mga radikal sa kaliwang panig ng burgesya ay aminadong hindi ito mahihinto sa halip ay iigting pa hanggang sa sumabog sa isang sosyalistang rebolusyon.
- Kung sasabihin naman ng mga Pilipinong kapitalista na ang itatayo nila ay isang lipunang hindi kapitalista o sosyalista kundi isang pinaghalong ekonomiya (mixed economy) o di kaya ay isang “maka-Pilipinong ekonomiya”, ito ay abstrakto at ilusyon lamang. Walang bansa na ang moda ng produksyon ay nakabatay sa lahi o dugo. Ito ay nakabatay sa mga pwersa at relasyon sa produksyon.
Subalit ayaw maniwala ng mga “maka-Pilipinong” ideolohista sa makauring tunggalian. Ayon sa kanila, ang mga Marxista lamang ang naniniwala dito pero hindi na ito nakatuntong sa katotohanan. Nakapikit ang mata ng mga ideolohistang ito sa katotohanan na hindi sila Marx ang nakadiskubre ng mga uri at tunggalian ng ng mga ito kundi mismong ang mga dalubhasang burges na ekonomista. Ayon mismo kay Marx: “Now as for myself, I do not claim to have discovered either the existence of classes in modern society or the struggle between them. Long before me, bourgeois historians had described the historical development of this struggle between the classes, as had bourgeois economists their economic anatomy. My own contribution was 1. to show that the existence of classes is merely bound up with certain historical phases in the development of production; 2. that the class struggle necessarily leads to the dictatorship of the proletariat; 3. that this dictatorship itself constitutes no more than a transition to the abolition of all classes and to a classless society.”3
Pilit itago ng mga ito ang katotohanan na ang bansa o ang mga Pilipino sa partikular ay nahahati sa mga uri – uring nagsasamantala at pinagsamantalahan. Higit sa ano pa man ay ang makauring labanan – uring manggagawa laban sa uring kapitalista. Higit sa ano pa man, ang panlipunang kaunlaran sa panahon ng pababang bumubulusok na kapitalismo ay nakasandal na sa makauring paglaya ng manggagawa sa buong mundo, sa pangsandaigdigang sosyalistang rebolusyon. Walang makatutuhanang panlipunang kaunlaran kung hindi maitayo ang pangsandaigdigang sosyalismo. Hindi lalaya ang uring manggagawa mula sa pagsasamantala; hindi mahihinto ang digmaan, karahasan at kaguluhan sa mundo kung hindi madurog ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw. Ang pagkatali ng uring manggagawa sa pakikibaka sa pambansang saklaw, sa pakikibaka para sa ilusyon na pambansang kalayaan ay gapos na hahatak sa kanya palayo sa kanyang makasaysayang misyon – palayain ang sangkatauhan sa mundo mula sa lahat ng uri ng pagsasamantala sa kapwa tao.
Ang nasyonalismo ay parang shabu. Sa panahong gamitin ito ng uring manggagawa sa kanyang laban ay lalo siyang nawawala sa kanyang makauring sarili at nahihigop sa “magandang” panaginip sa “pagkakaisa ng malawak na sambayanang Pilipino” (sa esensya pagpailalim sa pambansang burgesya) para lumaya mula sa pagsasamantala. Ang pakikibaka sa pambansang kalayaan ay isang matamis na lason. Sa panahong inumin ito ng masang manggagawa ay unti-unti siyang mamamatay bilang uri sa kumunoy ng pagsasamantala ng pambansang kapitalista – ang kapitalistang Pilipino.
Ang puno’t dulo ng kahirapan at pagdurusa ng manggagawang Pilipino ay hindi ang pagsasamantala lamang ng mga dayuhang kapitalista kundi ng buong uring kapitalista, kasama na ditto ang mga Pilipinong kapitalista. Nagmula ang pagsasamantala sa hindi binayaran na paggawa ng manggagawa. Ang hindi bayad na paggawa ang pinagmulan ng tubo ng bawat kapitalista. Mas malaking hindi bayad na paggawa mas malaki ang tubo ng huli. Sa madaling sabi, mas matinding pagsasamantala mas malaking tubo. Ang batas ng kompetisyon ng kapitalismo ang nagtutulak sa bawat kapitalista na patindihin ang pagsasamantala sa manggagawa.
Maari bang hindi magsamantala ang kapitalistang Pilipino sa manggagawang Pilipino kung masalaksak sa utak ng una ang ideolohiya ng Pilipinismo, este Pasismong Pilipino? HINDI.
Una, obligadong makipagkompetinsya ang kapitalistang Pilipino sa kanyang mga dayuhang karibal. Kaya obligado siyang patindihin ang pagsasamantala sa kanyang mga alipining Pilipinong manggagawa para manatili bilang kapitalista. At pangalawa, guguho ang kapitalistang sistema kung hindi magsamantala ang kapitalista at bayaran niya ang manggagawa ayon sa kanyang paggawa dahil ni isang patak ng pawis ay walang kontribusyon ang kapitalista sa paggawa ng produkto.
Ano ang gagawin ng isang maka-Pilipinong kapitalista? Isalaksak niya sa utak ng kanyang aliping manggagawa na ang tubo na makukuha ay mapupunta sa “gobyernong maka-Pilipino at babalik din naman sa kanila bilang serbisyo-sosyal”. Ibig sabihin, “mabuti” ang layunin ng pambansang kapitalismo sa kanyang pagsasamantala sa manggagawa – para sa inang bayan.
Gaya ng binanggit na natin sa unahan, ang ganitong lohika ay walang pinag-iba sa ideolohiya ng Pasismo ng Italya at Nazismo sa Alemanya. Walang tao na nakakaalam sa kasaysayan ng Ikalawang Digmaan ang magsasabing mabuti ang ibinunga ng Pasismo at Nazismo. Mahigit 50 milyon ang patay sa ikalawang imperyalistang gera na minsan ay binansagan ng burgesya na “war to end all wars”. Subalit pwede din naman sabihin ng mga ideolohista ng Pilipinismo na hindi Pasismo at Nazismo ang batayan ng kanilang ideolohiya kundi demokrasya. May kaibahan ba ang demokrasyang burges sa Pasismo at Nazismo. Ang sasagot niyan ay ang mismong nangyari sa Ikalawang Digmaan at ang mga lokal at rehiyonal na digmaan mula noon hanggang ngayon. Ang Pasismo, Nazismo at burges na demokrasya ay pawang mga porma lamang ng paghahari at pagsasamantala ng uring kapitalista. Pinagpipili lamang ang manggagawa kung sa anong porma nila gusto silang pagsamantalan at magdusa.
Sabihin naman ng mga Pilipinista na hindi mangyayari sa Pilipinas ang nangyayari sa ibang bansa. Tingnan na lang natin ang nangyari dito matapos mapatalsik ang diktadurang Marcos. Nawala ang diktadura at pumalit ang demokrasya. Pero nahinto ba ang paghihirap ng masang manggagawa? Bakit madaling pumaling ang paksyong GMA sa diktaduryang pamamaraan gayong alam nitong pinatalsik ng mamamayan ang diktadurang Marcos? Bakit napakadaling naging “anti-diktadura at anti-pasista” ang elitistang oposisyon na naging katuwang ni Marcos noon sa pagpapatupad ng martial law gaya nila Lacson, Enrile at Erap? Bakit napakadaling nagkaisa sila laban kay GMA gayong magkalaban sila noong panahon ni Erap? Bakit ang CPP-NPA na tumtulong kay GMA noon ay naging anti-GMA na ngayon at naging kaibigan na nila ang mga pro-Erap ngayon?
Dahil iisa lamang ang makauring interes ng lahat ng uring kapitalista-haciendero – panatilihin ang kapitalistang sistema. Dahil ang CPP-NPA ay nasa kaliwa ng burgesya at wala sa kampo ng rebolusyonaryong manggagawa. Hindi ito usapin kung magkadugo o magkalahi kundi usapin kung magkauri ba.
Tama ang mga Marxista na ang uring kapitalista sa panahon ng imperyalismo (lokal man o dayuhan) ay reaksyonaryo na sa kaibuturan at walang interes para sa kapakanan ng manggagawa kahit ito ay kalahi, kadugo o karelihiyon nila:
“From the liberator of nations which it was in the struggle against feudalism, capitalism in its imperialist stage has turned into the greatest oppressor of nations. Formerly progressive, capitalism has become reactionary; it has developed the forces of production to such a degree that mankind is faced with the alternative of adopting socialism or of experiencing years and even decades of armed struggle between the ‘Great’ powers for the artificial preservation of capitalism by means of colonies, monopolies, privileges and national oppression of every kind”4
Ang panlilinlang at ilusyon ang isa sa epektibong paraan ng burgesya para pagsamantalahan ang uring manggagawa. Ang nasyonalismo, ultra-nasyonalismo o Pilipinismo ay isa sa mga ito. Walang ibig sabihin ang mga ito kundi mas matinding pagsasamantala at gera hindi lang sa bawat bansa kundi sa pandaigdigang saklaw.
Dalawa lamang ang pagpipilian ng lipunang Pilipino at buong mundo sa panahon ng bumubulusok na kapitalismo: IMPERYALISTANG DIGMAAN SA NGALAN NG PAGMAMAHAL SA BAYAN AT BURGES NA DEMOKRASYA O INTERNASYONAL NA REBOLUSYON NG MANGGAGAWA PARA SA PANDAIGDIGANG SOSYALISMO. Ang una ay lason para sa masang manggagawa at ang pangalawa ay daan para sa kanilang makauring paglaya.
Konsepto ng Kabansaan: Lason sa Uring Manggagawa
Halos lahat ng sektor at uri sa lipunang Pilipino na pinagsamantalahan ng isang paksyon ng kapitalista-haciendero na nasa kapangyarihan ay nagkakaisa na hindi uunlad ang bansa kung mananatili sa poder ang paksyon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Iba-iba ang kanilang mga oryentasyon para mapalitan ang paksyong Arroyo sa Malakanyang – mula sa radikal na transpormasyon hanggang sa parliyamentaryong ilusyon. Subalit nagkakaisa silang lahat na ang kailangan ay “magkaisa ang mga Pilipino bilang isang malayang bansa”.
Ang pinaka-radikal sa mga grupong ito (na kinikilala ang kanilang mga sarili na “komunista”) ay naniniwala na “bago makamit ang sosyalismo/komunismo ay obligadong hawanin nito ang makipot na daan sa “pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya”. Gaano man kasinsero ang mga grupong ito sa sosyalismo/komunismo ay nahulog sila sa patibong ng uring kapitalista sa konsepto ng “bansa” na sa makauring pakahulugan ay pagpapanatili sa burges na kaayusan at hindi para sa paglaya ng manggagawa mula sa pagsasamantala at kahirapan. Ang nasyonalismo o pagmamahal sa bansa ang pinaka-epektibong lason ng burgesya sa uring manggagawa upang ang makauring kamulatan ng huli ay hindi maging materyal na pwersa para sa ganap na paglaya. Ang sosyalismo/komunismo ay nagiging karatula o plakard lamang na dala-dala ngunit walang buhay at pwersa dahil ibinabaon ng nasyonalismo sa lupa.
Ano ang pananaw ng mga Internasyonalistang Komunista sa usapin ng konsepto ng “bansa”?
- Nanindigan ang mga Internasyonalistang Komunista na ang mga manggagawa ay walang bansa; na ang makasaysayan at makauring interes nito ay walang pambansang hangganan.
- Nanindigan ang mga Internasyonalistang Komunista na ang makabayang pakikibaka ay pananawagan ng burgesya na naglalayon lamang sagipin ang kapitalismo at ang interes ng mga oligarko at naghaharing uri.
- Nanindigan ang mga Internasyonalistang Komunista na ang pakikibaka para sa sosyalismo ay pangsandaigdigan at hindi maaring pambansa lamang, tulad ng ilusyon ng mga Stalinistang “Sosyalismo sa Isang Bansa” at panaginip ng mga Maoista at Trotskyista na kailangang suportahan ng uring manggagawa ang mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya.
———
1 “In reality the appearance of the fascist regimes corresponded to the needs of capitalism faced with the force of its economic crisis.” (Fascism and democracy: both enemies of the working class – International Communist Current, PE [adapted from RI 32], 18/05/0)
2 “In Italy…we had a revolutionary wave of tremendous dimensions; the state was paralyzed, the police did not exist, the trade unions could do anything they wanted — but there was not party capable of taking the power. As a reaction came fascism.” (Trotsky, Fascism: What is it? How to fight it?, our emphasis)
3 Marx to J. Weydemeyer, March 5th, 1852, Collected Works, vol.39, p.62-5, our emphasis.
4 Lenin, Socialism and War, ‘The present war is an imperialist war’. Collected Works, Vol 21, p.301-2.