Submitted by Internasyonalismo on
Isa sa manipestasyon na tuloy-tuloy ang
paglalim ng krisis ng isang bulok na panlipunang sistema ay ang pagiging
marahas ng bangayan ng mga paksyon sa loob ng naghaharing uri. Marahas
na bangayan na umabot sa loob mismo ng pangunahing instrumento ng estado
– ang armadong pwersa.
Ang burges na eleksyon na siyang arena ng
labanan ng naghaharing uri kung anong paksyon ang hahawak sa estado
poder ay hindi na uubra na natatanging rule of the game sa
pagkontrol sa estado poder. Sa panahon ng nangangamoy na kabulukan ng
sistema at lumiliit ang pinaghatiang kulimbat na yaman mula sa masang
anakpawis, hindi maiiwasang ang kasalukuyang paksyong may hawak ng
kapangyarihan ay gamitin ang lahat ng rekurso ng estado upang hindi
mapalitan ng paksyong wala sa kapangyarihan panahon ng eleksyon.
Hindi bago ang dayaan sa halalan ng mga
paksyon ng naghaharing uri na naglalabanan. Mula pa noong 1946 ay ganito
na ang kalakaran. Tumindi ito noong 1972 ng binago ni Marcos ang
patakaran ng laro at sinolo ng kanyang paksyon ang kapangyarihan sa
pamamagitan ng pasistang diktadura. Kaya ang isyu ng lehitimasya ay
mahigit 50 taon ng kalakaran ng naghaharing uri sa Pilipinas.
Nagawa ni Marcos na ipataw ang batas militar
dahil unang-una solido niyang nakonsolida ang AFP. Katunayan, ito ang
naging instrumento niya sa pagpapatupad ng pasismo sa bansa. Subali’t sa
paglakas ng kilusang masa sa kalsada laluna simula noong 1983 matapos
patayin ng paksyon ni Marcos si Ninoy Aquino, ang kanyang numero unong
kaaway at tanyag na burges na politiko, lalong tumindi ang bangayan sa
loob ng naghaharing uri at kahit sa loob mismo ng paksyong Marcos. Ang
bangayang ito ay umabot na sa loob ng AFP.
Nahati ang paksyong Marcos. Ganundin din ang
AFP. Ang dating mga pasistang berdugo ng diktadurang Marcos ay biglang
naging “maka-demokratiko” – Gen. Ramos at DND Sec Enrile. Isang paksyon
ng AFP – RAM — ay “kumampi” sa masang nakibaka sa kalsada at nangyari
ang Edsa Revolution sa 1986.
Mula noon nadagdagan na ang rule of the
game ng naghaharing uri. Hindi na lang burges na eleksyon kundi
kasama na ang rebelyong militar at kudeta. At sa bawat pag-aalsa at
kontra-pag-aalsa dala-dala ng bawat paksyon ang katagang “pagmamahal sa
bayan” at “demokrasya”.
Sa bawat “laro” ng naghaharing uri taga-masid
lamang ang mahihirap na manggagawa, tagapalakpak sa kung sino ang
mananalo na siyang pinakamalakas ang sigaw ng “pagmamahal sa bayan” at
“demokrasya”. Ang bawat martsa sa kalsada ng libu-libong masa at welga
ng manggagawa ay nauuwi sa pag-upo ng isa na namang galing sa uring
mapagsamantala. Ito ang masaklap na karanasan ng manggagawang Pilipino
sa dalawang “Edsa People Power Revolution”.
Maging sa kasaysayan ng ibang bansa hindi na
rin bago ang mga rebelyong militar at pag-aalsa. At tulad sa Pilipinas
hindi nagbago ang sistemang panlipunan, sa halip ay lalo pa itong naging
bulok at mapagsamantala. Mula Central America, Africa at Asia ito ang
nangyayari dahil bulok at nangangamoy na ang pandaigdigang sistemang
kapitalista.
Ang uring manggagawa bilang uri ay tumataas
ang kamulatan mula sa kanyang karanasan sa pakikibaka. Bilang uri, ito
ay nag-iisip.
Wala pang nakikita ang uring manggagawa na
grupo ng mga rebeldeng sundalo na ang layunin ay ibagsak ang bulok
na kapitalistang sistema, na siyang puno’t dulo ng paghihirap ng
malawak na masang anakpawis.
Sa halip, unti-unting lumilinaw sa uri na
gagamitin lamang sila, gamitin lamang ang kanilang militanteng pagkilos
sa kalsada para may popular na bihis ang papalit na isang paksyon ng
kapitalista-haciendero sa kasalukuyang kinamumuhiang paksyon na nasa
poder. Lahat ng paksyon ng burgesya ay magkatulad ang layunin – isalba
ang naghihingalong bulok na sistema. Kaya ang uring manggagawa ay walang
kinakampihan sa naglalabanang paksyon – pro-Gloria at anti-Gloria.
Hindi na lumalabas sa kalsada ang daan libong manggagawa.
Alam na ng manggagawa na panloloko lamang ng
mga paksyon ng burgesya ang paggamit sa katagang “pagmamahal sa bayan”
at “demokrasya” para manatili ang kanilang makauring diktadura.
Ang unang-unang gawin ng mga rebeldeng sundalo
na sinsero sa panlipunang pagbabago ay palitan ang “Sundalong Tapat sa
Pilipino” tungo sa “Sundalong Tapat sa Uring Manggagawa Laban sa
Kapitalistang Sistema”. Sa ganitong paraan lamang magkaisa ang
manggagawang nakibaka laban sa kapitalismo at ang mga sundalong nakibaka
para sa panlipunang pagbabago.