Submitted by Internasyonalismo on
Ang paglibing ng Kongreso sa impeachment ng kalabang paksyon ni GMA ay nagpapatunay lamang na hindi arena ng labanan ng manggagawa ang burges na parlamento kundi ito ay isang pugad ng mga “baboy”, “buwaya” at “puta” ng nabubulok na kapitalistang sistema.
Pareha ang layunin ng dalawang paksyon ng naghaharing uri (pro-GMA at anti-GMA) : Ilihis ang pakikibaka ng manggagawa palayo sa rebolusyonaryong landas. Kung hahantong man sila sa armadong bangayan ito ay pagpapatunay lamang na bumubulusok na ang kapitalismo at hindi na makontrol ng burgesya ang gulo na dulot mismo ng kabulukan ng sistema.
Sa panahon ng bumubulusok na kapitalismo isang kontra-rebolusyonaryong hakbang ang manawagan na makipag-alyansa ang manggagawa sa isang paksyon ng naghaharing uri. Lahat ng paksyon ng burgesya ay kaaway ng uri at ang tanging paraan para lumaya ang manggagawa ay lubusang ang aasahan nila ay ang kanilang sariling pagkakaisa at pakikibaka.
Kung meron mang paunlaring “alyansa” ang manggagawang Pilipino ito ay walang iba kundi ang alyansa ng manggagawa sa buong mundo. Tanging sa ganitong alyansa lamang madudurog ang pandaigdigang kapitalismo at maitayo ang sosyalismo sa internasyonal na saklaw.
Maling-mali ang mga “Marxista-Leninista” at Maoista sa pagpasok sa patibong ng uring kapitalista – pakikipag-alyansa sa paksyong anti-GMA. Hindi lumakas ang indepenyenteng kilusang manggagawa sa ganitong “taktika” sa halip ay nakatulong pa ang mga ito na itali sa ilusyon at repormismo ang uring manggagawa hinggil sa burges na parlamento.
Hindi na kailangang ilantad pa ng mga ito ang kabulukan ng burges na parlamento sa pamamagitan ng pagpasok sa bulwagan ng mga baboy, buwaya at puta. Hindi na kailangang lumahok sa burges na eleksyon ang mga rebolusyonaryo upang mailantad ang kabulukan nito. Ang mga baboy, buwaya at puta na mismo sa Kongreso ang naglalantad kung gaano kabulok at kabaho ang Kongreso.
Ang civil disobedience na gustong gawin ng panggitnang uri ay isang positibong hakbang laban sa rehimeng Arroyo. Pero mababaw ang isyung pinagbatayan ng panggitnang pwersa – ibinasura ang impeachment kaya mag-civil disobedience sila. Hindi lamang ang pagpapatalsik kay Gloria ang solusyon sa problema kundi ang mismong pagdurog sa kapitalistang sistema – pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon at pagkakamal ng tubo para yumaman ang iilan.
Independyenteng pakikibaka ng manggagawa sa bawat bansa ang tamang paraan ng paglaban. Rebolusyon ng manggagawa sa buong mundo ang tanging daan para sa paglaya ng mga manggagawa sa bawat bansa.