Submitted by Internasyonalismo on
Walang duda na karamihan sa mga sundalo laluna sa rank-and-file ay mula sa pamilyang manggagawa at magsasaka. Karamihan sa kanila ay may mga kapamilya at kamag-anak na manggagawa. Kaya alam ng karamihan sa mga sundalo ang nakakaawang kalagayan ng manggagawa – mababang sweldo, walang regular na trabaho at tinatratong hayop sa mga pagawaan ng among kapitalista.
Ang kalunos-lunos na kalagayan ng manggagawa ay hindi lamang kasalanan ng gobyernong Arroyo. Ito ay kagagawan ng kapitalistang sistema na hindi mabubuhay kung hindi nito pahirapan at gutumin ang uring anakpawis. Si Gloria lamang ang chief executive officer ng kapitalismo sa bansa.
Sa ganitong pakahulugan ay hindi magkalayo ang sitwasyon ng ordinaryong sundalo sa masang manggagawa – nagpapapawis sa pagtrabaho nguni’t pinabayaan ng gobyerno. Binubuwis ng sundalo ang kanilang buhay sa gera na hindi naman kanila kundi sa naghaharing uri laban sa kanilang mga kapatid na manggagawa at magsasaka. Ginagamit ng naghaharing uri ang anti-komunismo at sinalaksak sa utak ng bawat sundalo para itago ang totoong layunin ng gera – durugin ang pakikibaka ng masa at depensahan ang naghihingalong bulok na sistema.
Lahat ng paksyon ng burgesya sa bansa (pro-GMA at anti-GMA) ay kapwa nanawagan ng “pagkakaisa”, “pagmamahal sa bayan” at “pagpapaunlad sa bansang Pilipinas”. Pero ito ay mga maskara para ang kanilang uri lamang ang magsasalitan sa Malakanyang. Kahit ang mga rebeldeng sundalo ay ginamit lamang ng uring kapitalista-haciendero para mapanatili ang bulok na kaayusan. Ito ang ating mapait na karanasan sa nagdaang dalawang Edsa Revolution at sa nagdaang mga pagtatangkang kudeta o rebelyong militar.
Sa kabilang banda, gayong nag-aastang rebolusyonaryo, ang CPP-NPA naman ay nabuslo sa patibong ng uring mapagsamantala. Sa pamamagitan ng gerilya-ismo sa kabundukan binigyang katwiran ng mga Maoista na magpapatayan ang masang anakpawis sa ngalan din ng “pagmamahal sa inang bayan”.
Walang dapat kampihan sa anti-komunismo ng kapitalistang estado at sa Maoismo ng CPP-NPA. Katunayan, ni hibla ay walang Marxismo sa Maoismo ng mga disipulo ni Joma Sison sa Utrecht.
Kung seryosong makipagkaisa ang mga rebeldeng sundalo sa masang anakpawis para baguhin ang bulok na sistema kailangang itakwil nila pareho ang anti-komunismo ni GMA-Gen. Palparan at ang Maoismo ng CPP-NPA.
Hindi mababago ang bulok na kapitalistang sistema sa bansa kung sasandal ang mga rebeldeng sundalo sa isang paksyon ng uring kapitalista-haciendero na anti-Gloria. Walang magandang kinabukasan ang Pilipinas kung ipako lamang sa isyung anti-Gloria ang pakikibaka.
Sa halip, dapat makipagkaisa ang mga rebeldeng sundalo sa uring manggagawa, ang tanging uri sa lipunan na progresibo at rebolusyonaryo. Sa pagkakaisa ng sundalo at manggagawa, hindi rebelyong militar ang dapat ilunsad kundi rebolusyon ng uring manggagawa laban sa kapitalistang sistema. Isang rebolusyon na magkaisang ilulunsad ng sundalo at manggagawa.
Ang tunay na lakas ng pakikibaka laban sa bulok na sistema ay nasa pagkakaisa ng sundalo at uring manggagawa. Ito lamang ang tanging daan sa tagumpay ng laban.
Mungkahing pag-aralan at maging bukas ang mga rebeldeng sundalo sa pag-aaral sa teorya ng rebolusyon ng uring manggagawa – Marxismo.
Panghuli, isang kabalbalan ang mag-isip na maaring pagkaisahin sa isang pang-ekonomiyang sistema ang kapitalismo at komunismo. Imposibleng mangyari ito at walang ganitong sistema sa mundo. Ang Tsina, Vietnam, North Korea, Cuba ay hindi mga sosyalistang bansa. Sila ay mga kapitalistang bansa na kontrolado ng estado nila – state capitalism. Sa mga bansang ito, pinagsamantalahan ang mga manggagawa para sa tubo ng kanilang gobyerno sa karatulang “sosyalismo”.
Ang sosyalismo ay hindi maaring itayo at konsolidahin sa isang bansa. Ang sosyalismo ay isang internasyonal na kaayusan. Higit sa lahat, ang komunismo ay uusbong mula sa guho ng pandaigdigang kapitalismo.