Submitted by Internasyonalismo on
Mula ng pumasok ang pandaigdigang kapitalismo sa kanyang naaagnas na yugto noong 1980s, sunod-sunod at palala ng palala ang mga mapaminsalang digmaan at natural na kalamidad. Bilyun-bilyong dolyares at milyun-milyong mamamayan sa buong mundo ang biktima.
Nitong nakaraang mga araw, sunod-sunod ang trahedya sa mundo: lindol at tsunami sa Samoa, lindol sa Indonesia at bagyo at baha sa Pilipinas.
Pilipinas: matinding apektado
Bilang isang atrasadong kapitalistang bansa, matindi ang epekto ng lokal na digmaan at mapaminsalang kalamidad sa Pilipinas. Sa loob ng halos 30 taon, binabayo ang bansa ng walang humpay na dislokasyon at pagkasira ng ari-arian.
Ang pinakahuli at naging media sensation ay ang bagyong Ondoy kung saan ang kabisera ng bansa (Metro Manila) mismo ang pinakamatinding napinsala. Sa loob ng 40 taon, ito ang pinakamatinding hagupit ng bagyo sa kabisera. Halos buong Metro Manila ay lubog sa baha at mahigit 300 ang patay. Hindi pa kasama ang daang libong mamamayan na nakaranas ng dislokasyon. At sinundan pa ito ng bagyong Pepeng at isa pang papasok na bagyo.
Ipokrisya ng estado at naghaharing uri
Sinamantala ng estado at naghaharing uri ang pinsala at hirap na naranasan ng mamamayan. Nag-aastang "tagapagligtas" ang Malakanyang, media at mga pulitiko. Sinakyan naman ito ng Kaliwa. Lahat sila ay "lumuluha" at "nagdalamhati" sa dinanas ng naghihirap na mamamayan.
Naging batayan din ito ng kompetisyon ng dalawang pinakamalaki at pinakamayamang media institutions sa bansa - ABS-CBN at GMA-7.
Milyun-milyong piso at materyal na suporta ang bumaha sa mga binahang lugar. Pera at kagamitan na hindi naman talaga galing sa sariling bulsa ng gobyerno, kapitalista at mga pulitiko kundi galing din sa kaban ng bayanat libreng paggawa na hinuthot ng mga gahaman sa tubo. Salamat sa media, nagawa nitong i-project na may "makataong" puso ang mga mabangis na buwaya at buwitre sa bansa.
Mga gawaing pilantropo ang tanging solusyon ng estado at naghaharing uri sa mga kalamidad. "Ceasefire" naman sa makauring pakikibaka ang sagot ng Kaliwa sa gitna ng kalamidad. Hinahatak nila ang kanilang "baseng masa" at rekurso sa mga gawaing pilantropo gaya ng ginagawa ng mga kaaway sa uri.
Lumalalang pagkasira ng kalikasan: bunga ng kapitalistang kompetisyon
Global warming, environmental destruction, pollution, etc. Ito ang sinasabing dahilan ng burgesya sa nararanasang lumalalang kalamidad sa mundo ngayon. Ayon mismo sa UN, mahigit 2 bilyung mamamayan sa mundo ang direktang apektado sa mga baha at bagyo.
Subalit ang itinatago ng mga "tagapagligtas" na ito ay ang katotohanang patuloy na nasisira ang kalikasan dahil sa walang humpay at matinding kompetisyon ng mga pambansang kapital para sa mabilis na kumikipot na pandaigdigang merkado. Tubo ang nagtulak sa mga ito sa mabangis na kompetisyon. Maliban sa matinding pagpiga sa lakas-paggawa at pagsasamantala sa manggagawa, walang awang sinisira nito ang kalikasan para lamang sa tubo. Walang pakialam ang mga kapitalista o kung nababahala man sila ay hindi rin nila mapigilang patuloy na sirain ang kalikasan dahil sa intensyong magkamal ng tubo at makakuha ng malaking porsyon sa kumikitid na pandaigdigang pamilihan.
Industrial waste, industrial pollution, soil erosion, etc. Ito ang mga epekto ng kapitalistang kompetisyon na naipon sa loob ng ilang daang taon. Ang mga ito ang dahilan ng global warming.
Hindi "political will" at "good management" ang solusyon sa mga ito. Ilang mga rehimen na ang nagpalit-palit sa estado; ibat-ibang paksyon na ng naghaharing uri ang nakaupo sa kapangyarihan. Lahat sila ay nangakong "aayusin" at "pangalagaan" nila ang kalikasan. Kaya popular ngayon ang "environment-firendly" products, "green economy" at international conferences na dinaluhan ng mga estado, private companies, NGOs, repormistang organisasyon gaya ng Greens, at maging ng Kaliwa para pag-usapan paano isalba ang mundo.
Ibat-ibang "environmental agreements at policies" ang binuo. Isa na dito ang Kyoto protocol. Subalit ang lahat ng ito ay walang kabuluhan sa kabila ng ummunlad ng teknolohiya ng kapitalismo. Bakit? Dahil ang teknolohiya ng bulok na sistema ay nagsisilbi sa war economy (military-industrial complex) at para isagad ang pagpiga sa libreng lakas-paggawa.
Kaya magkakambal at hindi maaring paghiwalayin sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ang inter-imperyalistang digmaan at "pambansang" digmaan at ang paninira sa kalikasan.
Wala ng saysay at kabuluhan ang anumang "matatalas" na batas para ipagtanggol ang kalikasan. Katunayan, ang bilyun-bilyong badyet ng mga estado sa mundo para dito ay nasasayang lamang hindi lang dahil sa korupsyon kundi dahil sa paulit-ulit at palala ng palala na mga kalamidad.
May pag-asa pa ba o magugunaw na ang mundo?
Kung mananatili o tatagal pa ng ilang dekada ang kapitalismo, tiyak na ang pagkagunaw ng mundo ang hahantungan. PUMAPATAY ang kapitalismo at patuloy itong papatay. Kasama na dito ang mapamaslang na mga kalaminad, sakuna at aksidente sa pagawaan.
Totoong hindi kayang pigilan ang mga natural na kalamidad. Subalit, kayang-kayang bawasan sa pinakaminimum ang mga mapaminsalang epekto nito. Bakit? Dahil ang pag-unlad ng mga produktong pwersa at teknolohiya ay may sapat na kakayahan para dito. Pero, pinipigilan ito ng nabubulok na mga relasyon sa produksyon; ng mga kapitalistang panlipunang relasyon.
Hindi kaya at walang kapasidad ang nabubulok na kapitalismo na isalba ang mundo mula sa ganap na pagkasira. Katunayan, ito na mismo ang pangunahing dahilan kung bakit nagkaganito ang daigdig ngayon.
Ang kailangan ngayon ay ibagsak ang sistema at ang estadong nagtatanggol dito para maligtas ang mundo sa tuluyang pagkawasak.
At ang tanging makagawa nito ay ang pagsulong ng makauring pakikibaka ng manggagawa laban sa kapitalismo.
Isang kriminal at mamamatay-tao ang kapitalismo. Kailangan na itong wasakin. At para mawasak ito, kailangang durugin ng pinagsamantalang mga uri, sa pamumuno ng uring manggagawa ang estado na nagtatanggol dito.
Tama at kailangan lamang na magtulungan sa panahon ng mga trahedya. Katunayan, ito lagi ang ginagawa ng masang api sa kanilang sariling uri. Nagtutulungan sila laluna sa panahon ng pakikibaka. Pero ang pagtutulungang ito ay nais ilihis ng naghaharing uri at Kaliwa sa panahon ng mga sakuna at trahedya. Pinagsamantalahan ng mga ito ang demoralisasyon at panghihina ng mahihirap dulot ng pamiminsala ng mga kalamidad. Tinutulak nila ang masa na sumandal at umasa sa estado, mga pulitiko at kapitalista.
Kung hindi mananalo ang internasyunal na proletaryong pakikibaka laban sa kapitalismo sa milenyong ito, malaki ang posibilidad na pagkagunaw ng mundo o kaya pagkasira ng sangkatuhan at sibilisasyon ang maranasan natin sa susunod na milenyo.
Lubhang napakabigat ng responsibilidad ng mga komunistang organisasyon para palakasin ang kanilang interbensyon sa loob ng kilusang paggawa sa buong daigdig.
SOSYALISMO o PAGKASIRA NG MUNDO. Ito ang pagpipilian ng sangkatauhan ngayon.
Talyo, 10-5-09