Submitted by Internasyonalismo on
Hunyo 12, araw ng "pambansang kalayaan" ng Pilipinas ay makitaan ng mga pagdiriwang at protesta. Pagdiriwang ng naghaharing paksyon ng burgesyang Pilipino na maka-imperyalistang Amerikano at protesta ng kabilang paksyon na laban sa imperyalistang Amerika.
Magkaiba man ang pananaw. Iisa ang kanilang paniniwala: buhay pa at kailangan ang "pambansang kalayaan" para uunlad ang "bayan". Ang una, nagsasaboy ng mistipikasyon na "malaya" na ang Pilipinas mula sa kontrol ng makapangyarihang dayuhang mga bansa. Ang huli, nagsisigaw na hindi pa dahil kontrolado pa rin ang Pilipinas ng imperyalistang Amerika subalit matatamo ito kung mapatalsik sa bansa ang imperyalistang kontrol ng huli.
Sa panahon ng imperyalismo, walang malayang bansa at imposible na itong mangyari
Ang pagtatayo ng isang bansa ay makauring interes ng burgesya hindi ng proletaryado. Ang proletaryado ay walang pambansang interes. Ang tanging interes lamang nito ay itayo ang isang nagkakaisang sangkatauhan na walang mga bansa, uri at pagsasamantala - ang komunismo.
Para sa uring kapitalista ang bansa ang instrumento upang ipatupad ang kanyang paghari sa mundo.
Sa 19 siglo, sa panahon na progresibo pa ang kapitalismo, sa panahon ng malayang kalakalan, ang pagtatayo ng mga bansa ang kongkretong manipestasyon ng pagdurog ng kapitalismo sa pyudalismo. Kaya naman isang rebolusyonaryong uri ang burgesya sa panahon ng mga kahariang pyudal.
Nang ganap ng makontrol ng kapitalismo ang buong mundo sa pamamagitan ng kolonisasyon at pagbuo ng pandaigdigang pamilihan hanggang sa tuluyan itong kumipot sa pagpasok ng 20 siglo, natapos na ang pagiging rebolusyonaryo ng burgesya at ganap na itong naging reaksyunaryo. Nag-iba na ang katangian ng kapitalismo bilang pandaigdigang sistema. Naging imperyalismo na ito. Ang hudyat ng kanyang pagbabago ay ang mapaminsalang imperyalistang WW I sa 1914. Magmula noon, ang mundo ay napuno na ng mga walang hinto at palalang kahirapan, digmaan, kaguluhan at pagkasira ng kalikasan. Ang pandaigdigang kapitalismo sa kanyang imperyalistang katangian ay nasa kanyang permanenteng krisis na, nasa kanyang dekadenteng yugto.
Ito ang esensya ng ‘Imperyalismo: Pinakataas na Yugto ng Kapitalismo' ni Lenin at ‘Akumulasyon ng Kapital' ni Luxemburg. Sa teorya at praktika, mas matalas at komprehensibo ang Marxistang pagsusuri ni Luxemburg kaysa kay Lenin.
Sa imperyalismo hindi mabubuhay ang isang bansa kung hindi ito magsasamantala sa ibang bansa o kung hindi sasandal ang mahihina sa makapangyarihang bansa. Kailangan ang mga ito dahil kailangan ng lahat ng mga bansa ng isang pamilihan sa kumikipot na pandaigdigang merkado. Itinutulak ito ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon. Gamit ang burges na ideolohiyang nasyunalismo at pagmamahal sa bayan nagawa ng burgesya na ihasik ang mapamuksang digmaan (militar at ekonomiya) para makontrol ng malalakas ang mahihinang mga bansa at para maagaw ng isang malakas na bansa ang mahihinang mga bansa mula sa kontrol ng kanyang mga karibal. Dahil sa mga ideolohiyang ito nagawang itulak ng naghaharing uri na hatiin at magpatayan ang uring manggagawa sa dalawang imperyalistang pandaigdigang digmaan at sa mga "digmaan para sa pambansang pagpapalaya".
Obligadong sumandal ang mahihinang mga pambansang burgesya sa malalakas na pambansang burgesya para manatili sa nakamamatay na kompetisyon ng pamilihan. Ang mahihinang pambansang burgesya ay laging naghahanap at handang magpalit ng kanyang imperyalistang amo kung kinakailangan para lamang maproteksyunan ang kanyang pambansang kapital. Ang masahol pa, kahit ang mahihinang mga bansa ay nag-aambisyon din at aktwal na nga na ginagawa ang pagsasamantala sa mas mahinang mga bansa para makaungos sa mapaminsalang pandaigdigang kompetisyon. Ibig sabihin, ang pagsasamantala sa ibang mga bansa o pagsisikap na gawin ito ay hindi polisiya ng ilang makapangyarihang mga bansa kundi polisiya ng LAHAT ng mga bansa kung ayaw nilang magkalasog-lasog sa matinding kompetisyon sa panahon ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon at walang hintong pagkipot ng pandaigdigang pamilihan. Ito ang katangian ng imperyalismo.
Sa panahon ng madugong kompetisyon ng lahat ng mga bansa para sa pamilihan, ang palaging naargabyado ay ang uring manggagawa. Para makaungos sa kompetisyon, mas pinatindi ng mga pambansang kapital ang pagsasamantala sa proletaryado sa mahina o malalakas na mga bansa, sa atrasado at abanteng bayan.
Isang malaking kasinungalingan na isang malayang bansa ang Pilipinas o may posibilidad pa na lalaya ito mula sa imperyalistang kontrol hangga't naghahari ang kapitalismo sa buong mundo. Maaring magpasya ang burgesyang Pilipino na kumalas sa kontrol ng humihinang imperyalistang Amerika. Subalit hindi ito makakawala sa kontrol ng imperyalismo bilang pandaigdigang sistema dahil ang pambansang kapitalismo ay ganap ng integrado sa pandaigdigang bulok na kaayusan.
Sapat na ang masaklap na karanasan ng mga manggagawa sa "lumayang" mga bansa mula WW II para maunawaan ng mga rebolusyonaryo na ang mga bansang "lumaya" mula sa kuko ng agila (Amerika) ay napunta sa mga pangil ng tigre (USSR) at vice-versa.
Matapos mawasak ng dalawang pandaigdigang imperyalistang Bloke - USA at USSR - noong unang bahagi ng 1990s, mas lumala ang kompetisyon ng mga imperyalistang bansa: Hinahamon ng imperyalistang China sa Asya at Aprika, ng imperyalistang Iran sa Gitnang Silangan, ng imperyalistang Venezuela sa Latin at Central Amerika, ang humihinang kapangyarihan ng imperyalistang Amerika. Syempre, hindi basta-basta papayag ang Amerika sa hangarin ng kanyang mga karibal. Ang resulta: mas malala at mas malawak na mga rehiyonal at pambansang digmaan kung saan milyun-milyong inosenteng mamamayan ang sinakripisyo sa altar ng "nasyunalismo" at "patriyotismo".
Pag-iral ng mga bansa, patuloy na pag-iral ng pagsasamantala
Umiiral ang mapagsamantalang kapitalistang mga relasyon dahil umiiral ang mga bansa. Sa kabila ng katotohanan na isa ng pandaigdigang sistema ang kapitalismo at ganap ng naghari sa buong mundo sa panahon ng imperyalismo, humihinga ito sa pag-iral ng mga bansa. Ang pundasyon ng burgesya bilang naghaharing uri ay ang kanyang pambansang interes. Sa panahon ng imperyalismo at pandaigdigang kompetisyon laging sisikapin ng bawat paksyon ng pambansang burgesya na igiit ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga karibal.
Hangga't nariyan ang mga bansa at nangingibabaw ang ideolohiyang nasyunalismo at pagmamahal sa bayan laluna sa hanay ng uring manggagawa at kabataan, hindi maglalaho ang pagsasamantala at pang-aapi. Mas masahol pa, ang mga ideolohiyang ito ang sustansya ng mga digmaan sa kasalukuyan.
Lalaya lamang ang uring may istorikal na misyon na wakasan ang LAHAT ng pagsasamantala at pang-aapi kung lalaya sila mula sa pagkagapos ng burges na ideolohiya. Sa sandaling itakwil ng uring proletaryado ang mga kadena na gumagapos sa kanyang isipan, malinaw na niya na makikita na ang kanyang emansipasyon ay nasa kanyang sariling mga kamay hindi bilang isang Pilipino, Amerikano, Hapon, at iba pang "pambansang identidad" kundi bilang isang internasyunal na uri na ang tanging sentral na misyon ay durugin ang pandaigdigang kapitalismo na 100 taon ng hinog para ibagsak.
Isang KATRAYDURAN at PANLILINLANG sa uri kung sasabihin at ipagtanggol ng isang komunista o komunistang organisasyon sa harap ng malawak na masang manggagawa na ang "pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya" ay daan patungong sosyalismo. Hindi magiging daan patungong sosyalismo ang burges na linyang ito na naaagnas kasabay ng pagkaagnas ng pundasyon nito - kapitalismo -dahil imposible na ito 100 taon na ang nakaraan.
Para wakasan ang pagsasamantala, kailangang wakasan ng proletaryado ang pagkakahati-hati ng kanyang uri sa mga bansa. Kailangang tapusin ng uring manggagawa ang dibisyon ng mga pambansang identidad. Ang tatapos dito ay ang pandaigdigang komunistang rebolusyon, ang tanging programa ng proletaryado sa panahon ng imperyalismo.
Proletaryong internasyunalismo ang epektibong sandata para madurog ang imperyalismo hindi nasyunalismo at patriyotismo gaano man ka radikal ang lenggwaheng gagamitin nito.
Tahasang kontra-rebolusyonaryo ang kasabihang ang "nasyunalismo ay aplikasyon ng internasyunalismo". Ito ang linya ng traydor na Ikalawang Internasyunal noong WW I. Ito ang linya ng traydor na Stalinismo at Trotskyismo noong WW II. At ito naman ang linya ngayon na sinisigaw ng mga burges na nasyunalistang nagbalatkayong komunista at marxista sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, kung saan lalong lumilinaw ang kawalan ng perspektiba ng pandaigdigang kapitalismo dahil nasasadlak ito sa lumalalim na permanenteng krisis na kagagawan mismo ng kanyang internal na mga kontradiksyon, ang TAMANG programa ng rebolusyonaryong uri ay hindi "pagtatanggol sa inangbayan" kundi PAGWASAK SA LAHAT NG MGA PAMBANSANG HANGGANAN.