Submitted by Internasyonalismo on
Nasa pampitong araw na ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa senado para mapatalsik ito sa pwesto. Sa halip na maaliw ay pagkaasar at pagkabagot ang naramdaman ng mamamayan habang nanonood sa telenovelang ito.
Sino ba naman ang hindi maasar at mabagot sa bangayan at palusutan ng prosekusyon at depensa? Sino ba naman ang hindi makahalata sa papogi at pasikat na ginagawa ng mga senador-huwes at mabisto na ang mga ito ay may kinikilangan?
Interes ng paksyon Aquino
Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang interes ng naghaharing paksyon ay konsolidahin ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkontrol sa Korte Suprema. Sa totoo lang ay wala namang bago dito. Lahat ng nagdaang nagharing paksyon sa gobyerno ng Pilipinas ay nagsikap na kontrolin ang lahat ng mga institusyon ng estado laluna ang armadong pwersa, kongreso/senado at korte suprema.
Subalit may isa pang dahilan ang paksyong Aquino kung bakit nais nitong makontrol ang korte suprema sa lalong madaling panahon: ang kapasyahan ng korte na ipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita sa manggagawang bukid. Pero kailangang linawin na hindi maka-magsasaka ang desisyon ng korte.
Unang-una na, nakabatay ang desisyon ng korte suprema sa CARPER (batas ng estado) na naglalayong bilhin sa mga panginoong maylupa ang kanilang lupa para ipamahagi sa magsasaka/manggagawang bukid na babayaran din ng huli sa gobyerno. Hindi na muna natin pag-usapan ng malalim dito ang kahungkagan ng programang “lupa sa mga nagbubungkal ng lupa”. Tinalakay na ito sa https://fil.internationalism.org/node/155.
Ang dahilan ay politikal: nais ng paksyong Aquino na ikulong si Arroyo, na amo naman ni Corona. Dahil dito ay lumaban at naghiganti ang paksyong Arroyo gamit ang Korte Suprema. Gumanti din ang paksyong Aquino.
Dahil ba malaki ang kasalanan ni Arroyo sa masa kaya nais itong ikulong ni Aquino? Hindi! Sinakyan lamang ni PNoy ang isyu ng korupsyon bilang bahagi ng kanyang kampanayng elektoral na “daang matuwid” para maging popular sa masang mahihirap. Paghihiganti ang tunay na motibo ng naghaharing paksyon.
Alam mismo ng buong naghaharing uri na bahagi na ng kanilang paghari ang korupsyon at katiwalian para mas magkamal ng kayamanan habang nasa kapangyarihan sa panahon na ang sistemang kanilang sinasandalan ay nasa matinding krisis. Ang isa sa mga dahilan ng kanilang bangayan ay kung sino ang mas makinabang sa pangungulimbat sa kaban ng bayan.
Sa kabila ng ‘radikal’ na pagtutol ng Kaliwa sa paksyong Aquino ay hayagan naman nitong sinusuportahan ang kampanya ni PNoy na “parusahan” si Gloria sa ilalim ng kapitalistang Konstitusyon. Kabilang sa prosekusyon panel ni PNoy ang maka-Kaliwang organisasyon na Bayan Muna at Akbayan.
Interes ng buong naghaharing uri
Bagamat nagbabangayan o kaya nagpapatayan ang magkaribal na paksyon ng mapagsamantalang uri, nagkakaisa pa rin sila na kailangang ipagtanggol ang bulok na sistema laban sa posibilidad ng isang rebolusyonaryong pag-aalsa ng uring manggagawa at maralita para ibagsak ito.
Dahil ang pangunahing interes ng buong naghaharing uri ay pigilan at ilihis ang masang anakpawis palayo sa landas ng rebolusyon, hindi ito mag-alinlangang palitan ang isang paksyon ng ibang paksyon para buhusan lamang ng malamig na tubig ang galit ng mamamayan at hadlangan na hahantong ito sa isang rebolusyonaryong sitwasyon. Ang nagdaang dalawang “People Power Revolution” ay mga halimbawa nito.
Sa ganitong layunin nakaangkla ang kabuuang konteksto ng impeachment trial kay chief justice Corona. Mas mahalaga sa buong naghaharing uri hindi ang paksyunal na interes ng paksyong Aquino at Arroyo kundi ang kabuuang pananatili ng kapitalistang sistema sa bansa. Makulong man si Gloria o mapatalsik man si Corona, para sa naghaharing uri dapat magsilbi ito sa konsolidasyon ng nagharing sistema. Paano?
Sa pamamagitan ng paglikha ng malawak na opinyong publiko na ang demokrasya ng kapitalistang sistema ang “tanging sandalan” ng masang anakpawis para makamit ang hustisyang kanilang minimithi. Samakatuwid, nais ng mapagsamantalang uri na maniwala ang malawak na masa na ang “rule of law” ng kapitalismo ay walang pinapanigan: mahirap ka man o mayaman, presidente o chief justice ka man o hindi. Ito ang pangunahing layunin ng Corona impeachment trial para sa buong naghaharing uri.
Nagkakaisa ang buong naghaharing uri, maging ang prosekusyon, depensa at senado na salungat sa demokrasya ang “mob rule” (rebolusyonaryong kilusang masa). Para sa mga gahaman sa tubo, sila lang dapat ang magpasya kung kailan at para saan kikilos ang masa (“ruling the mob”) tulad ng dalawang “Edsa Revolution”.
Para sa rebolusyonaryong manggagawa
Magkasalungat ang layunin ng uring manggagawa sa uring burges. Layunin ng una na ibagsak ang kasalukuyang sistema at palitan ng bagong sistema habang ang layunin ng huli ay panatilihin ang umiiral na kaayusan. Para sa uring manggagawa kaaway nito ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri. Para naman sa burgesya, nais nilang may papanigan ang masa para mahati ito at manghina.
Para sa burgesya dapat ikulong sa ilusyon ng demokrasya at demokratikong proseso ang kaisipan ng masa. Para naman sa rebolusyonaryong uri kailangang itakwil ng malawak na masa ang anumang proseso ng demokrasya ng burgesya para epektibo nitong maibagsak ang bulok na sistema.
Sa nakaraan, isa sa dahilan ng demoralisasyon ng kilusang masa ay akala nila ang pakikipag-alyansa ng kanilang mga lider sa burges na oposisyon – reaksyunaryong anti-Marcos, reaksyunaryong anti-Estrada – ay magdulot ng pagbabago sa kanilang hirap na kalagayan. Pero ng maupo sa pwesto ang mga ito, mas lumala pa ang hirap at aping kalagayan ng masang anakpawis. Mas masakit pa, nakabalik sa pwesto ang mga politikong pinatalsik nila.
Para sa rebolusyonaryong proletaryado malinaw ang aral ng kasaysayan: walang anumang alyansa sa anumang paksyon ng naghaharing uri.
Maparusahan man si Gloria at mapatalsik man si Corona, walang magbabago sa hirap na kondisyon ng masa. Walang kapasidad na makapagbigay ng hustisya para sa bayan ang rehimeng Aquino. Katunayan, kailangang managot din ang gobyernong ito sa kanyang mga polisiyang anti-manggagawa at anti-mahirap.
Wala sa demokratikong proseso ng burges na estado ang pagkamit ng panlipunang hustisya kundi nasa pagsulong ng makauring pakikibaka ng manggagawa sa lansangan hanggang tuluyang maibagsak ang bulok na kaayusan. Hindi representante ng taumbayan ang prosekusyon kundi ng paksyong Aquino. Wala sa kamay ng mga senador ang kapasyahan ng hustisya kundi nasa mga kamay ng rebolusyonaryong kilusang masa.
Lubusan lamang na maglaho ang mga kondisyon ng pag-iral ng mga tiwali at kriminal na politiko at opisyales ng estado matapos maibagsak ng uring manggagawa at maralita ang gobyerno mismo at maitayo nito ang kanyang makauring paghari, ang diktadura ng proletaryado.
Maghanda sa panibagong mga atake ng kapital
Habang nais tayong aliwin ng demokratikong proseso ng burgesya, patuloy ang atake ng rehimeng Aquino sa kalagayan ng manggagawa at maralita.
Sa ibayo pang pagtindi ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo at tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Ang masang manggagawa at maralita ay patuloy na binabayo ng kontraktwalisasyon, mababang sahod at demolisyon ng kanilang mga tirahan. Apektado din ang masang maralita sa kanayunan sa armadong labanan ng mga paksyon ng naghaharing uri doon. At dahil mas malakas pa ang estado, ito ang pangunahing naghasik ng lagim sa kanayunan gamit ang kanyang armadong hukbo. Sa armadong labanang ito, mas maraming inosenteng sibilyan ang naging biktima sa militarisasyon ng gobyerno.
Umiigting din ang bangayan ng imperyalistang Tsina, Iran at Amerika. Kumukulo ngayon sa Gitnang Silangan ang panibagong armadong tunggalian sa pagitan ng Iran at Amerika habang binabakuran ng huli ang pagpapalawak ng Tsina sa Asya.
Habang patuloy ang pakikipaglaban ng mga kapatid na manggagawa sa Ehipto, Espanya, Gresya at Amerika, ang manggagawang Pilipino naman ay demoralisado dahil sa pananabotahe ng mga unyon sa kanilang pakikibaka. Itinali ng mga unyon ang pakikibaka ng uri sa legal na labanan kung saan malaki ang posibilidad na matalo o kaya mapilitan ng kompromiso ang manggagawa.
Hindi naging mitsa ang pakikibaka ng manggagawa ng PAL ng malawakang paglaban at mga welga laban sa kontraktwalisasyon dahil mismong ang mga unyon ay takot labagin ang mga anti-welgang batas ng gobyerno.
Dapat pulutan ng aral ang mga pakikibaka ng mga kapatid na manggagawa sa ibang bansa kung nais nating maging handa sa susunod pang mga atake ng kapital. Isa sa mga aral ay ang mga sembliya, hindi mga unyon ang mamuno sa pakikibaka. Ikalawa, ang pangangailangang suwayin ang mga anti-welgang batas ng estado sa pamamagitan ng mga malawakan at maramihang pagkilos. Pero hindi ito mangyari kung patuloy na ang mamuno sa pakikibaka ng uri ay ang mga unyon. Dapat hawakan mismo ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka sa pamamagitan ng kanilang mga asembliya.
Benjie, Enero 26, 2012