Susi sa tagumpay ang pagkakaisa: Anong klaseng pagkakaisa?

Bersyon na maaaring i-print

Lahat kabilang na ang Kanan at Kaliwa ng burgesya ay nanawagan ng “pagkakaisa”. Pero ang pagkakaisa na nais nila ay kapitulasyon at pagpapailalim ng uring manggagawa sa interes ng naghaharing uri. Makikita ito sa pagbubunying isang “panimulang tagumpay” ang pagkakaisa ng mga lider-unyonista ng Kanan at Kaliwa para daw sa mga kahilingan ng masang proletaryado.

Ang makauring pagkakaisa ng manggagawa

“Manggagawa ng mundo, magkaisa!”. Ito ang panawagan at paninindigan ng mga marxistang kilusan mula ng ilathala ang Manipesto ng Komunista noong 1800s. Ito ang pangkalahatang gabay ng mga rebolusyonaryo ng kasalukuyang panahon. Hindi kailanman magkaisa ang burgesya at proletaryado. Kailangang ibagsak ng huli ang una at ito ang batayan ng makauring pagkakaisa.

Lumakas ang independyenteng kilusan ng manggagawa ng epektibo nitong mailantad sa malawak na masa ang mga oportunista at traydor na mga lider at organisasyon sa loob ng kilusang paggawa. Noong WW I, hindi nakabig ng mga rebolusyonaryo ang malaking bahagi ng proletaryado kung hindi nito nailantad ang pagtraydor ng Ikalawang Internasyunal sa internasyunalismo.

Hindi nagapi ang rebisyunismo sa loob ng proletaryong kampo kung walang matinding pagkondena at pakikipagdebate laban dito sa harap ng malawak na masa ng uri.

Nangibabaw ang Stalinismo dahil sa oportunismo

Matapos matalo ang rebolusyong Aleman noong 1919 ay nagsimula ng gumapang sa loob ng Ikatlong Internasyunal ang oportunismo na naging daan ng lubusang pangingibabaw ng “marxismo-leninismo” (Stalinismo) sa internasyunal na kilusang komunista mula 1920s. Ang “marxismo” na umabot sa Pilipinas noong huling bahagi ng 1920s ay ang kontra-rebolusyonaryong Stalinismo.

Isa sa oportunismo ng Ikatlong Internasyunal ay ang taktikang pakikipag-isang prente. Dahil sa pagkatalo ng  unang rebolusyonaryong alon noong 1917-27 bumaling ang mayoriya ng Comintern sa pangunguna ng Partidong Bolshevik ni Lenin sa pakikipagkaisa sa mga traydor ng rebolusyon – Sosyal-Demokrasya. Si Stalin ang pinakamasugid na tagapagtanggol ng oportunismong ito sa ngalan ng pagiging “tapat kay Lenin”. Ang minoriyang tumutol dito sa loob ng internasyunal na partido ay binansagan ng mayoriya na may “sakit ng kamusmusan”.

Mula noon hanggang ngayon, ang mga “tapat” na tagasunod ni Lenin ay nagpapaligsahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling na ipagkanulo ang proletaryong rebolusyon sa naghaharing uri sa ngalan ng “rebolusyonaryong taktika”. At “pinaunlad” pa ito ng kasalukuyang henerasyon ng mga “marxista-leninista” : pakikipag-isang prente kahit sa paksyon ng malalaking burgesya at mga partido nito hayag man o patago.

Sa loob ng kilusang paggawa, taas-noong ipinagmalaki ng mga “leninista” na “isang hakbang pasulong” para sa makauring pagkakaisa ang koalisyon ng Kanan at Kaliwang mga unyon.

Sa halip na lantarang batikusin sa harap ng malawak na masang manggagawa ang mga krimen ng burukratiko, repormista at anti-komunistang mga lider-unyonista, nagkasya na lang ito sa “tahimik” na pagkondena kung saan ang makarinig lamang ay ang mga kadre at tapat na aktibista ng Kaliwa para mapanatili ang “pagkakaisa”.

“Sakit ng kamusmusan”?

Noong 1920s nilait ng mayoriya ng Comintern ang mga komunistang tumutol sa oportunismo nito na may “sakit ng kamusmusan” at “sektaryan”. Ito pa rin ang naririnig natin mula sa malalaking organisasyon ng Kaliwa sa kasalukuyan.

Pero taliwas naman ang pinakita ng kasaysayan at resulta ng pakikipag-isang prente bilang taktika. Hindi lumakas ang independyenteng kilusang manggagawa. Sa halip ay nakaranas ito ng mga demoralisasyon at panghihina. Dahil sa pakikipag-isang prente sa Sosyal-Demokrasya ay nagawa ng Nazismo sa Alemanya at Pasismo sa Italya na mangingibabaw doon. Hindi rin dapat kalimutan ang masaker ng mga sundalong Amerikano na alyado ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Hukbalahap matapos ang WW II.

Noong 1970s at 1980s, hindi lumakas ang militanteng kilusan ng manggagawa sa Pilipinas sa pakikipag-alyansa sa maka-Kanan at anti-komunistang TUCP kundi kabaliktaran: lumakas ang militanteng kilusan dahil hayagan at lantaran itong binatikos sa harap ng masang manggagawa.

Ngayon, lumitaw na naman ang bagong sentrong paggawa na lantarang repormismo ang tinatahak na landas at walang kahihiyang lantarang nakipag-alyansa sa rehimeng Aquino sa pangunguna ng Akbayan at Alliance of Progressive Labor (APL).[1]

Bakit paulit-ulit na ginawa ang mga pagkakamali sa kasaysayan? Dahil ayaw matuto kung ano ang aktwal na resulta ng mga pagkakamaling ito. Sa halip ay dogmatikong kumapit sa mga sinabi at sinulat ng mga dakilang rebolusyonaryong lider sa nakaraan. Hindi materyalismo ang pinaghawakan kundi ang pagiging tapat sa mga personalidad ng internasyunal na kilusang komunista noong 19 siglo at unang bahagi ng 20 siglo. Ayaw tanggapin na ang mga rebolusyonaryo ay maaring magkamali. Subalit madaling sabihin na “maaring magkamali” ang mga rebolusyonaryong personalidad pero napakahirap tukuyin at suriin kung alin at bakit sila nagkamali. At mas lalong mahirap ang lubusang pagtakwil sa mga pagkakamaling ito.

Sa kasalukuyang antas ng pandaigdigang pakikibaka ng uri laban sa mga atake ng kapital, ang mga may “sakit ng kamusmusan” ang matatag na nagturo ano ang mga positibo (gaano man ito kaliit) sa mga pakikibaka ng manggagawa: pag-organisa ng mga manggagawa ng mga asembliya para sa pakikibaka na lagpas at hindi kontrolado ng mga unyon, ng mga “iligal” na welga ng uri laban sa mga atake ng kapital, ng lantarang pagbatikos ng mga mangagawa mismo sa mga unyon na lubusan ng integrado sa kapitalistang estado at higit sa lahat ng paglitaw ng proletaryong demokrasya sa loob ng mga organo ng pakikibaka ng manggagawa.

Ang lahat ng ito, bagamat maliit at mga binhi pa lamang[2] ay hindi dahil sa pakikipag-isang prente sa mga traydor at oportunistang mga organisasyon kundi sa lantarang pagbatikos at pagtakwil sa kanila.

Makauring pagkakaisa laban sa oportunismo at pagkanulo

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo (imperyalismo) at laluna sa kanyang naaagnas na yugto, ang TANGING makauring pagkakaisa ay ang SOSYALISTA at INTERNASYUNALISTANG pagkakaisa. Hindi makamit ang pagkakaisang ito kung hindi sasabayan ng malawakan at lantarang pagbatikos sa mga oportunista at traydor sa loob ng kilusang paggawa.

Sa naging resulta ng praktika hanggang ngayon, ang mga “musmos” noong 1920s ay napatunayan ng kasaysayan na TAMA habang ang mga “matatanda” at “matatalino” sa loob ng Comintern ay napatunayang MALI. Ang pakikipag-sang prente sa mga oportunista at traydor ng proletaryong rebolusyon ay nagbunga ng maraming pagkatalo hindi ng pagsulong ng sosyalistang kilusan. Sapat na ang halos 100 taong paninira ng kamaliang pakikipag-isang prente.

Huwag nating kalimutan na ang mga usaping kinakaharap natin ngayon paano magtagumpay ang komunistang rebolusyon ay pinagdedebatehan halos 100 taon na ang nakaraan. Kaya lubhang napakahalaga na matuto tayo at magsuri sa kasaysayan ng internasyunal na proletaryong kilusan.

“Ang hindi lilingon sa pinanggalingan ay tiyak hindi makakarating sa paroroonan”. Ito ang lagi nating tandaan bilang mga komunista na nasa unahan ng proletaryong pakikibaka.

M3, Mayo 31, 2012 



[1] Kung si Manny Villar ang nanalong presidente noong 2010 malamang ang maoistang Bayan at KMU ang lantaran at walang kahiya-hiyang nasa loob ng rehimeng Villar. Hindi maitago ng “ultra-radikal” na lenggwahe ng maoismo ang pagiging kontra-rebolusyonaryo nito laban sa proletaryado.

[2] Napakalayo pa ng mga lumitaw na asembliya ng manggagawa sa Espanya, Gresya at Amerika mula 2007 sa mga asembliya ng uri noong panahon nila Luxemburg at Lenin, at maging sa panahon noong 1980-81 sa Poland. Ang malinaw, ang mga binhing ito, kung alagaan lamang ng mga rebolusyonaryong organisasyon ay posibleng maging matatag na puno sa susunod na daluyong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa hinaharap.

 

Rubric: 

Makauring Pagkakaisa