Submitted by ICConline on
Hindi posibleng makumpara ang 10 porsyento ng GNP para sa gastusing militar na kasalukuyang naabot at madalas nalampasan ng Estados Unidos simula sa panahon ng 'kapayapaan' matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, o sa 20 porsyento ng USSR.
Sa 1934-35 lamang natin naobserbahan ang depinidong rekoberi ng pandaigdigang ekonomiya matapos itong bumagsak sa 1929. Ang rekobering ito, sa kabilang banda ay may pekulyar na katangian na walang katulad sa kasaysayan ng kapitalismo: hindi ito sinabayan ng proporsyonal na pagtaas ng pandaigdigang kalakalan. Sa pagitan ng 1932 at 1936, ang index ng paggalaw ng pandaigdigang ekonomiya (kasama na ang USSR) ay tumaas mula 69 sa 111 (1929 = 100). Ang index ng pandaigdigang eksport, ay kabaliktaran, bumaba ang halaga mula 39 porsyento sa 37.8 porsyento. Ang rekobering ito ay resulta ng produksyon ng hindi-komersyalisadong eksport: paggawa ng armas. Resulta ito ng muling pag-aarmas ng ilang mga kapangyarihan: Alemanya, Hapon, Rusya at sa isang antas, Ingglatera. Sa 1937, ang Federation of British Industries nagdeklara na ang gastos sa paggawa ng armas ay nagbigay sigla sa ekonomiya sa pagitan ng apat hanggang anim na beses mas mataas kaysa inilagak na kapital ng Britanya sa ibayong dagat.[1]
Sa Alemanya, ang gastos sa paggawa ng armas ay umabot sa 90 bilyon marks sa pagitan ng 1933 at 1938. Ang numerong ito na nilabas ni Hitler sa 1940 ay mas mataas sa lahat ng pagtaya na ginawa. Tumaas ng apat na beses ang index sa prodyuser na mga kalakal sa pagitan ng 1932 at 1934, sa produksyon ng sasakyan, salamat sa motorisadong hukbo, tumaas ng anim na beses. Ang bilang ng walang trabaho ay bumaba mula sa 5,331,000 sa 1933 sa 172,000 sa Nobyembre 1938.[2] May napakalaking pangangailangan sa hilaw na materyales na kailangan sa produksyon ng armas: ang bansa tulad ng Sweden, kung saan ang bakal ay pinag-awayan ng mga kapangyarihan sa Uropa, ay tumaas ang kanyang index ng tubo mula 28 sa 91.4 sa pagitan ng 1932 at 1936.
Ang rekobering ito ay hindi pantay na makikita. Sa 1937, nasa Uropa ang 65 porsyento sa pandaigdigang gastos sa armas. Ang kanyang index sa prduksyong industriyal ay 11 puntos na mas mataas sa kanyang 1929 na antas. Kabaliktaran, sa Amerika, kung saan ang produksyong militar ay nanatiling mahina, ang magkatulad na index ay mas mababa pa rin (ng 7 puntos) kaysa kanyang 1929 na antas.
Sa 1937-38, nang ang panibagong krisis ay nanira sa kapitalistang daigdig, muli ang pagtaas ng produksyon ng armas sa mga kapangyarihan na hindi pa armado ang ‘nagligtas' sa sistema. Ang produksyon ng Estados Unidos ay bumaba ng 37 porsyento kaysa kanyang 1929 na antas. Ang ibang mga bansa kung saan nanatiling nangibabaw ang mga ekonomiya ng kapayapaan, ay nakaranas ng marahas na reaksyon sa krisis ng Amerika (Canada, Belgium, Netherlands, Denmark, Bulgaria, Estonia, Finland, Rumania).
"Ang pagbili na may kaugnayan sa paggawa ng armas", sa tapat na ulat ng League of Nations sa 1938, "ay pinabilis sa kalagitnaan ng 1937 at 1938, ibig sabihin, sa panahon na ang resesyon sa Estados Unidos at ang demanda para sa kalakal ay delikadong maging pandaigdigang depresyon katulad noon na nagsimula sa 1929".[3]
Walang duda sa katangian ng pang-ekonomiyang rekoberi matapos ang krisis sa 1929. Ito ay ekslusibong dahil sa ekonomiya-sa-paggawa ng armas, ibig sabihin sa produksyon ng kagamitan para sa destruksyon. Ang ganitong tipo ng produksyon ay may pamilihan lamang sa panahon ng digmaan. Ang digmaan ang tanging paraan para makakuha ng tubo mula sa puhunan-militar. Pumutok ang digmaan. Binuksan nito ang panibagong posibilidad para sa mga kapangyarihan na magsuplay ng mga gamit para sa destruksyon. Kaya na-realisa ng Canada sa panahon ng mga taon ng digmaan ang pag-unlad ng produksyon katumbas sa paglaki ng kanyang produksyon sa nagdaang 25 taon;[4] nakita ng Estados Unidos na lumaki ang kanyang produksyong industriyal ng 50 porsyento.[5]
Sa kataposan ng digmaan, sa kabila ng napakalaking pagkasira sa kasaysayan ng sangkatauhan, hindi bumaba ang pandaigdigang produksyon. Tumaas ito kaysa kanyang antas na wala-pa-ang-digmaan, at nakamit ng Estados Unidos ang isa sa kanyang pinakamalakas na tantos ng pag-unlad sa kanyang kasaysayan. Pero para maabot iyon, naglaan ang Estados Unidos sa kanyang gastusing militar, hindi na segundaryong bahagi ng kanyang ekonomiya, (sa 1929, ang gastusing militar ay hindi tumaas sa 1 porsyento sa GNP), pero esensyal na bahagi sa pagitan ng isang-katlo o kalahati ng kanyang produktibong kapasidad. "(...) ang sektor militar ng US ay hindi kumakatawan ng isang relatibong bahagi ng kabuuang pang-ekonomiyang sistema, kundi napakalaking bahagi, at sa kanyang tugatog halos kasinglaki sa total produksyon ng Estados Unidos sa panahon bago pumutok ang digmaan."[6]
Bago natin suriin paanong ang panibagong porma ng 'buhay' ng sistema ay minolde ang yugto pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kailangang ibato natin ang tanong: bakit nagawa ng ekonomiya sa paggawa ng armas na resolbahin, kahit temporaryo, ang mga kontradiksyon na nagparalisa nito? Dahil ba ito ay pumipigil sa tendensya ng pagbaba ng tantos ng tubo? Dahil kinontrol nito ang tendensya ng pagliit ng pamilihan?
Hindi bubuksan ang malalim na diskusyon sa teorya ni Rosa Luxemburg laban kina Grossman-Mattick hinggil sa pangunahing mga kontradiksyon ng kapitalistang sistema, ilang mga komento ang maaring gawin batay sa mga pangyayari ng panahong ito.
Sa pangkalahatan, imposible na ikonsidera ang tendensya ng pagbaba ng tantos ng tubo na hiwalay sa lumiliit na pamilihan: ang panganib ng pagbaba ng tantos ng tubo ang nag-obliga sa kapitalismo na paunlarin ang mga paraan para tuloy-tuloy na makalikom ng kapital at kung ganun para makakuha ng bagong pamilihan. Ang pagpalaki ng bolyum ng produksyon, na posible lang sa pagkuha ng bagong pamilihan, ang bumuo ng prinsipal na paraan para maalkontrahan ang pagbaba ng tantos ng tubo. Kasabay nito, ang tuloy-tuloy na pagtaas ng teknikal na bahagi ng kapital (ie ang kanyang organikong komposisyon), ay ang pwersang nagpaandar sa likod ng tendensya ng pagbaba ng tantos ng tubo. Ang dahilan ng hindi maiwasang pangangailangan na palakihin ang produktibidad ay ang nakamamatay na kompetisyon sa pagitan ng iba't-ibang paksyon ng kapital na kontrolin ang umiiral na pamilihan (ang tagumpay ng isang kapital sa iba sa pag-agaw ng isang pamilihan ay masukat sa kanyang kapasidad na makabenta ng mas mura, nagkahulugan, na makagawa batay sa mas taas na antas ng teknolohiya).
Ang ekonomiya ng paggawa ng armas ay sabay na gumagalaw sa ganitong dalawang antas ng kontradiksyon sa loob ng kapitalismo. Gumagalaw ito sa pagliit ng pamilihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng panibago, bagama't temporaryo, na pamilihan ng produksyon. Ang pamilihan na ito ay mas mahalaga sa lahat dahil (kabaliktaran sa pamilihan na resulta ng programa sa pampublikong paggawa gaya ng kalsada-para-sa-motorisasyon ni Hiltler, o pagpapaunlad ng mga syudad na ginawa sa ilalim ng 'New Deal'), sumakop ito ng mas malaking sektor ng ekonomiya dahil ang pangangailangang militar ay pananagutan ng halos lahat ng larangan ng produksyon. At, ang pangangailangan ng lumalaking makapangyarihan at sopistikadong mga armas ay lalupang nagpasigla sa mas abanteng industriya kung saan pinakamataas ang konsentrasyon ng kapital.[7] Panghuli, ang produksyong militar ay may napakalaking bentahe na hindi makasira sa pamilihan ng produksyon para sa 'sibilyan'.
Direkta din na gumagalaw ang produksyon ng armas sa tendensya ng pagbaba sa tantos ng tubo sa tatlong paraan. Una, pinalawak ang pamilihan. Pangalawa, tumaas ang tantos ng pagsasamantala[8] dahil ang tunay na sahod ay pinababa ng inplasyon (o sa panahon ng digmaan sa pamamagitan ng pagrarasyon at inplasyon[9] at pinatagal ang oras-paggawa. Sa panahon ng mga digmaan, naging obligado ang overtime at kahit ang mga kampo ng paggawa ay tinatayo sa ilalim ng panawagang 'tungkulin ng sibilyan'. Lahat ng ganitong mga hakbangin ay nangyari sa Estados Unidos matapos ang 1933, ganun din sa Austria, Poland, Australia, Canada, Denmark, Finland, Switzerland, Czechoslovakia, at laluna sa USSR at Alemanya.[10]) At pangatlo, ang produksyon ng armas ay nagbibigay ng malakas na pampabilis sa proseso ng konsentrasyon, at kaya sa pagkuha ng tubo ng kapital.[11]
Sa kabilang banda, pinakita ng kasaysayan ng yugtong ito na ang pinakakonsentradong kapital sa mundo, na may pinakamababang sahod ng manggagawa, ay hindi uunlad ang kanyang produksyon kung hindi ito makakita ng pamilihan para ibenta ang kanyang mga produkto. Sa panahon ng malaking depresyon sa 1929-34, malaki ang pagtaas ng labis na pagbaba ng sahod at ang konsentrasyon ng kapital (sa pamamagitan ng paggalaw ng seleksyon na pinataw ng krisis). Subalit, ang produksyon at ang tantos ng tubo ay huminto o bumaba.
Sa gayon, dahil sa kanyang paggalaw bilang 'bagong' pamilihan, ang produksyon ng armas ay nagbigay ginhawa sa kapitalistang ekonomiya. Ibig sabihin, ang likas na mga kontradiksyon ng kapitalismo ay nakasentro at nakikita sa antas ng pamilihan (ie, ang realisasyon ng labis na halaga). Kaya sa 1914, ang mabilis na pagbaba ng posibilidad ng imperyalistang ekspansyon ay nagbigay ng matinding sugat sa puso mismo ng kapitalismo, ang pamilihan (ang pangangailangan na magbenta).
Ang mga pangulo ng estado na nangasiwa sa depresyon ay hindi nagkamali sa pinagmulan nito ng nagdeklara sila, tulad ng sinabi ni Roosevelt bago pumasok ang Estados Unidos sa digmaan: "Hindi natin kinukonsumo ang lahat ng pagkain na ginagawa natin. Hindi natin ginamit ang lahat ng langis na ating nahukay; hindi natin ginamit ang lahat ng kalakal na ating ginawa".[12] Malinaw sa pinaka-importanteng mga lider ng kapitalistang mundo na ang problema ay hindi sa produksyon (ang paggawa ng labis na halaga): "nakagawa tayo,...nakahukay tayo,...naka-manupaktura tayo..."; pero sa antas ng pamilihan: "Hindi tayo kumukonsumo,...hindi tayo gumagamit..."
Magaling din si Hitler nang sinabi niya sa Pebrero 1939, na naging bantog niya na panawagan sa digmaan, "Ang Alemanya ay ailangang mag-eksport o mawasak!"
Nakita natin paanong ang paglago ng kapitalismo matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay tunay na pagpapatuloy ng pagbulusok-pababa na nasundan nito dahil sa katotohanan na ang paglagong ito ay nakabatay sa rekonstruksyon. Ang pangalawang mahalagang manipestasyon ng patuloy na pagbulusok-pababa ng kapitalismo ay ang pagmintina ng kapitalismo sa produksyon ng armas ay lubhang napakalaki para maging epektibo sa pagpasigla ng pag-unlad.
Bilang resulta, ang kapitalistang mga kapangyarihan ay hindi nagpatuloy sa ganap na pagbawas ng armas pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang patuloy na paglala ng inter-imperyalistang antagonismo ay hindi sila papayagan na gawin iyon. Sa pamamagitan ng lokalisadong digmaan kung saan ang mga populasyon sa hindi maunlad na mga bansa ay nagsilbing pambala ng kanyon, sa pamamagitan ng pagsasamantala ng anumang kilusan para sa pambansang pagpapalaya, ang malalaking kapangyarihan ay nagpatuloy sa pagwasak sa mundo para hatiin at muling hatiin sa kanilang mga sarili. Ang mundo ay hindi na nakaranas ng yugto ng kapayapaan magmula sa Hiroshima. At ang digmaan, kahit lokalisadong digmaan, ay gumagamit ng paparaming mga armas.
Isinanib din ng Ikalawang Digmaang pandaigdig ang 8 milyong Amerikano na walang trabaho sa 1939 sa kaitalistang pagsasamantala. Ang kataposan ng digmaan ay nagbunga sa loob ng tatlong taon ng paglitaw ng 3 milyong walang trabaho sa Estados Unidos.[13] Pero ang walang hintong paglaki ng pangangailangang militar matapos ang digmaan ay nagbigay kapasidad sa kapitalismo na muling lutasin ang posibleng pagtaas ng kawalan ng trabaho.
Sa panahon ng 1965, halos 6 na milyon ang nagtrabaho sa depensa at sa panahon ng 1968 ang bilang na ito ay umabot sa halos 8 milyon.[14] Ang laki ng produksyon ng armas ay maisalarawan ng katotohanan na "ang mundo ay gumastos ng mas malaki sa produksyon ng armas sa nagdaang sampung taon [ie 1962-72] kaysa sa panahon ng buong unang kalahati ng siglo, kasama na ang dalawang pandaigdigang digmaan."[15]
Kung matandaan natin na ang porsyento sa pambansang kita ng Amerika para sa layuning militar ay hindi umabot ng 1 porsyento sa 1929 at bago ang 1913 ang 4 porsyento na inabot ng Alemanya ang pinakamataas sa bisperas ng digmaan, maintindihan natin ang kahalagahan ng porsyentong minimintina pagkatapos ng 1945.
Sa papalaking pagsandal sa saklay ng produksyon ng armas at sa paghahanap ng pamilihang militar na nagbigay sigla sa kanyang pag-unald, patuloy na napanatili ang kapitalismo. Kaya sa buong yugto ng rekonstruksyon, nakita natin ang mga kapitalista na gumagamit ng parehong gamot na siyang nagpanatili sa sistema magmula 1914. Ang kasanayan ng estado na gamitin ang ganitong mga lunas ay dumaan sa ebolusyon; ang produksyon ng armas ay nagpahintulot sa estado na pakialaman ang ekonomiya na may malaking intensidad at epektibidad. Pero ang laman ng mga ‘lunas' na ito ay nanatiling pareho, dahil ang kalikasan ng sakit ay hindi pa rin nagbago: ang hindi mabaliktad na pagliit ng larangan ng sistema sa ekspansyon; ang permanenteng panganib ng pagbaba sa tantos ng tubo; ang papaigting na kompetisyon sa hanay ng iba't-ibang mga paksyon ng pandaigdigang kapital; ang hindi mapigilang paglala ng makauring tunggalian; ang hindi ganap na paggamit ng kapital; at ang instabilidad ng mga instrumento sa palitan.
Ang lahat na pang-ekonomoiyang sintomas na lumitaw sa Unang Digmaang Pandaigdig at umunlad sa panahon ng krisis sa 1929-38 ay nanatili at tuloy-tuloy na lumala sa sumunod na mga yugto sa halip na maglaho ay lalong lumala: ang hindi mapigilan na pagliit ng puwang ng sistema para sa ekspansyon, ang permanenteng panganib na nakatutok sa tantos ng tubo, ang papaigting na kompetisyon sa pagitan ng iba't-ibang mga paksyon ng pandaigdigang kapital, ang paglala ng makauring tunggalian, ang hindi ganap na paggamit ng kapital, hindi istableng tantos ng palitan....Ang yugto ng kapitalismo pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay yugto lamang ng pagbukas ng isang halinhinan na siyang katangian ng pangkalahatang buhay ng sistema mula 1914: krisis-digmaan-rekonstruksyon.
Ang rekonstruksyon ang hindi gaanong mapaminsala sa panahon ng halinhinan kung saan pinakamahusay na naitago ng kapital ang kanyang katandaan. Ang pangalawang yugto ng rekonstruksyon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay mas matagal, mas kagila-gilalas at dumating matapos ang alon ng destruksyon na mas matindi kaysa Unang Digmaang Pandaigdig. Pinaunlad ng kapitalismo ang mas pinong paraan ng pananatili. Sapat ang kasaganaan ng yugtong ito, sa minimum sa maunlad na mga bansa, para pansamantalang makalimutan ano ang nangyari sa kapitalismo magmula ng unang digmaan. Pero nang ang relatibong kasaganaan ay nanganganib, ang dating mga sugat ng pagbulusok-pababa ay muling lumitaw na mas malawak kaysa nakaraan. Ang panahon ng rekonstruksyon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay lohikal na pagpatuloy ng pagbulusok-pababa na sinundan nito. Malayo ito mula sa pagbangon ng pasulong na yugto ng kapitalismo. Ang prinsipal na pang-ekonomiyang manipestasyon ng panahong ito ay likas na lilitaw sa antas ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa.
[1] Henri Claude, De La Crise Economique A La Guerre Mondiale, Editions Sociales, 1947, p.65
[2] Claude, p.70
[3] League of Nations, ‘Apercu General Du Commerce Mondial' 1938, cited by Henri Claude, p.30
[4] Claude, p.24
[5] Sternberg, p.488
[6] Sternberg, p.494
[7] Halimbawa, sa 1962 ang gastos militar ng Amerika sa eroplano, missiles, electronic at mga kagamitan ng telekomunikasyon ay umabot sa 75 porsyento sa kabuuang gastusing militar ng bansa. Mga barko, kanyon, sasakyan at kaugnay na mga gamit na dati pangunahing sandigan ng armadong pwersa, ang bumuo ng natirang 25 porsyento.
[8] Ang ganap na kahalagahan ng salik na ito ay makikita kung ipakita natin ang pangkalahatang tantos ng tubo sa sumunod na porma:
sv = sv¼v*
c+v 1+ c¼v *sv¼v ay ang depininasyon ng tantos ng pagsasamantala (o tantos ng labis na halaga).
[9] Ang katotohanan na tumaas ang tunay na sahod sa Estados Unidos sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (malamang dahil ang teritoryo ng Amerikano ay hindi direktang kasali sa digmaan) ay tila walang duda. Pero ang gobyernong Amerikano sa kabilang banda ay hindi sinayang ang oportunidad na ibigay sa mga manggagawa ang bantog na "alternatiba" ni Goering, na una ng pinatupad: "Armas o pagkain". Sa panahon ng digmaan, ang produksyon ng ‘durableng' pangunsumong kalakal ay pinagbawal.
[10] Claude, p.61
[11] Sa 1945, may malaking progreso sa konsentrasyon ng kapital sa Estados Unidos na tinatayang (Fritz Sternberg) 250 pinakamalaking empresa ay gumawa katumbas ng ginawa ng 75,000 industriya bago ang labanan.
[12] Speech of May 28, 1941
[13] 9,480,000 unemployed in 1939, 670,000 in 1944, 3,395,000 in 1949 (President's Economic Report, 1950)
[14] United Nations, 26th Session of the General Assembly, United States response to the UN questionnaire on ‘The Economic and Social Consequences of the Arms Race...' 1972, p.48
[15] Perroux, La Guerre ou Partage du Pain, V. 3, p.495