Ang pagbagsak ng mga super-istruktura

Printer-friendly version

Kung nayayanig ang ekonomiya, ang buong super-istruktura na nakasandal dito ay magka-krisis at maaagnas. Ang mga manipestasyon ng pagkaagnas nito ay mga elemento ng pagbulusok-pababa ng sistema.

Nagsimula bilang bunga ng sistema, kadalasan ay naging mga salik na sila para mapabilis ang proseso ng pagbulusok-pababa. Maraming burges na istoryan ang nakakita ng huling penomenon, naghinuha mula dito na ang super-istrukturang mga elemento ang talagang pangunahing dahilan ng katapusan ng sibilisasyon.

Sa pagsusuri ng super-istruktural na mga elemento, tingnan natin ang apat na penomena na parehong makikita sa pagbulusok-pababa ng pang-aalipin at sa pagbulusok-pababa ng pyudalismo. Makikita natin na hindi istorikal na pagkakataon, kundi depinidong mga sintomas ng pagbulusok-pababa ng isang sistema.

Ang mga penomena ay:

  1. ang pagkaagnas ng ideolohikal na mga porma na nagingibabaw sa lumang lipunan;
  2. ang paglaki ng mga digmaan sa pagitan ng mga paksyon ng nagharing uri;
  3. ang intensipikasyon at paglaki ng mga pakikibaka ng uri;
  4. ang pagpapalakas ng makinarya ng estado.

1) Ang pagkaagnas ng ideolohikal na mga porma

Sa isang lipunang nahahati sa mga uri, ang dominanteng ideolohiya ay ang ideolohiya ng dominanteng uri. Ang lawak para sa pagpapayaman at pagpapaunlad ng kanyang ideolohikal na mga porma ay nakasandal sa tunay na kapasidad ng nagharing uri na makumbinsi ang buong lipunan na tanggapin ang kanyang paghari. Ang lipunan ay handa lamang tanggapin ang isang ideolohiya hanggat ang pinagbatayan nitong pang-ekonomiyang sistema ay umaayon sa mga pangangailangan ng lipunan. Mas natitiyak ng pang-ekonomiyang sistema ang kasaganaan at seguridad, mas yayakapin ng mga tao na nabubuhay dito ang mga ideya na nagbibigay katwiran nito. Sa kalagayan ng ekspansyon, ang mga inhustisyang nasa pang-ekonomiyang mga relasyon ay titingnan na isang ‘kinakailangang kasamaan'; ang paniniwalang ang lahat ay makinabang mula sa sistema ay nagbigay daan sa demokratikong mga ideolohiya, higit sa lahat sa loob mismo ng isang bahagi ng lipunan na siyang lubhang nakinabang - ang nagharing uri (ang rehimen ng Republika ay umaayon sa pinakamasaganang yugto ng ekonomiyang Romano; sa lumalawak na pyudalismo, ang hari ay isa lamang suzerain, pinili bilang una sa hanay ng mga magkakapantay).

Ang batas mismo ay hindi masyadong napaunlad dahil ang sistema ay sapat na umayon sa obhetibong pangangailangan ng lipunan dahil karamihan sa mga problema ay hinahayaang maresolba sa sarili nilang paraan.

Umuunlad ang syensya, ang pilosopiya ay nakasandal sa rasyunalismo, tungo sa optimismo at pagtitiwala sa sangkatauhan. Dahil ang pangit na bahagi ng isang mapagsamantalang lipunan ay relatibong natabunan ng saganang kalagayan, ang mga ideolohiya ay hindi masyado natali sa pagtatago ng realidad at bigyang katwiran ang walang katwiran. Ang arte mismo ay sumasalamin ng optimismong ito at kadalasan ay nasa kanyang pinakamahusay sa mga panahon ng pang-ekonomiyang pag-unlad (ang tinaguriang ‘ginintuang panahon' sa arteng Romano ay bumagay sa panahon ng pag-unlad ng Imperyo, halimbawa; katulad ng masaganang mga araw sa ika-11 at ika-12 na mga siglo, dumaan ang pyudalismo sa napakalaking artistiko at intelektwal na pagbabago.

Pero ng ang mga relasyon sa produksyon ay naging restriksyon na sa buhay ng lipunan, lahat ng ideolohikal na mga porma na umaayon sa umiiral na kaayusan ay nawalan na ng pundasyon, nawalan ng laman, at hayagan ng sumalungat sa realidad. Sa pagbulusok-pababa ng imperyong Romano, ang ideolohiya ng kapangyarihang pampulitika ay nagkahugis sa pormang himala at diktadura. Ganun din sa pyudal na pagbulusok-pababa na sinabayan ng pagpalakas sa ideya na mula sa diyos ang pinagmulan ng monarkiya at ang mga prebilihiyo ng maharlika, na matinding kinundena ng mga relasyong merkantilista na inumpisahan ng burgesya.

Ang mga pilosopiya at relihiyon ay nagpakita ng lumalaking pesimismo; ang tiwala sa sangkatauhan ay nagbigay daan sa paniniwala sa kapalaran at hindi paniniwala sa bagong mga ideya (eg ang pag-unlad ng Stoisismo, sunod ang Neoplatonismo sa Mababang Imperyong Romano: ang una ay nagsasabi ng elebasyon ng tao sa pamamagitan ng pasakit, ang ikalawa ay tumanggi sa kapasidad ng tao na maintindihan ang mga problema ng mundo sa pamamagitan ng katwiran).

Ang katapusan ng Lumang Panahon ay nakitaan ng magkatulad na penomenon:

"Makita sa panahon ng istagnasyon ang paglakas ng mistisismo sa lahat ng kanyang mga porma. Ang intelektwal na porma ng Treatise on the Art of Dying', at higit sa lahat, ‘Ang Pagsunod kay Kristo Hesus'. Ang emosyonal na pormang nagpahayag ng popular na kabanalang pinalala ng impluwensya ng hindi makontrol na mga elemento ng  nagpapalimos na mga pari: ang ‘mga plahelante' na gumagala sa kanayunan, sinusugatan ang kanilang mga katawan sa pamamagitan ng paglatigo doon sa sentro ng lungsod para masapol ang pagkamakatwiran ng tao at nanawagan sa lahat ng Kristyano na magsisi. Ang mga manipestasyong ito ang nagpalitaw sa kadalasan kaduda-dudang matalinghagang pagsalarawan, tulad ng pagdanak ng dugo na simbolo ng tagapagligtas. Napakabilis na tumagilid ang kilusan tungo sa isterya at nakialam na ang herarkiyang eklestikal laban sa mga manggugulo, para mapigilan ang kanilang pangangaral sa pagdami ng mga palaboy...Umunlad ang nakapangilabot na arte... ang pinaka-paboritong banal na teksto ng mga nag-iisip ay ang Apokalipso." (Favier, op cit, p 152f).

Lahat ng ito ay sumalamin sa lumalaking siwang sa pagitan ng mga relasyong nangibabaw sa lipunan at sa mga ideya hinggil dito na hinawakan ng tao hanggang ngayon.

Ang tanging mga ideolohiya na talagang uunlad sa mga panahong ito ay batas, sa isang banda, at, sa kabilang banda, ang mga ideolohiyang nagpahayag ng bagong lipunan.

Sa isang lipunang nahati sa mga uri ang batas ay isa lamang ekspresyon ng mga interes at kagustuhan ng nagharing uri. Ang totalidad ng mga patakaran ang nagbigay daan para sa tamang pag-andar ng sistema ng pagsasamantala. Ang batas ay dumaan sa yugto ng pag-unlad sa simula ng buhay ng panlipunang sistema, kung saan ang bagong ‘mga patakaran ng laro' ay binubuo; kundi maging sa katapusan ng sistema, kung saan pinunit ng realidad ang sistema na lalupang hindi na naging popular at hindi karapat-dapat, at ang ‘kagustuhan' ng nagharing uri ang naging pinakamahalagang bagay para manatiling umaandar ang sistema. Kaya ang batas ang kumakatawan sa pangangailangang palakasin ang mapanupil na balangkas  na kailangan para mabuhay ang sistemang nagiging lipas na ngayon. Ito ang dahilan bakit umunlad ang batas pareho sa pagbulusok-pababa ng Roma at sa panahon ng pagbulusok-pababa ng pyudalismo (si Diocletian, ang pinakabantog na Emperador ng Mababang Imperyo, ay siyang nagpalabas ng napakaraming bilang ng mga kautusan at dekrito. Ganun din mula sa ika-13 siglo pataas, ang unang mga koleksyon ng kinaugaliang mga batas ay nagsimulang lumitaw).

Paralel sa ganitong penomenon ay lumitaw ang mga ideyang nagtataguyod ng bagong tipo na mga relasyon ng lipunan; naging kritikal sila, nagrerebelde at sa huli naging rebolusyonaryo. Sila ang nagbigay katwiran para sa bagong lipunan. Partikular na makita ang penomenon na ito sa ika-15 siglo sa kanlurang Uropa. Ang protestantismo, partikular ang pormang pinangaral ni Calvin, ay relihiyon na sumalungat sa Katolisismo, nagpahintulot sa pagpautang ng pera na may interes (mahalaga para sa pag-unlad ng kapital); na nagturo ng ispiritwal na elebasyon sa pamamagitan ng pagtrabaho at niluwalhati ang nagtagumpay na tao (kung gayon salungat sa ‘banal' na pinagmulan ng mga prebilihiyo ng mga nobilidad at nagbigay katwiran sa bagong sitwasyon ng  ‘mayaman' na burges na negosyante); na inilagay sa pagdududa ang supernatural na katangian ng simbahang Katoliko (ang pangunahing panginoong maylupa) at nagtataguyod ng interpretasyon ng Bibliya ng tao na walang tagapamagitan. Ang bagong relihiyong ito ay ideolohikal na elemento na nagpahayag at nagpabilis sa paglitaw ng kapitalismo.

Ganun din, ang pag-unlad ng burges na rasyunalismo, na ang ultimong ekspresyon ay ang mga pilosopo at ekonomista sa ika-17 at ika-18 na mga siglo, nagpahayag ng rebolusyonaryong elemento sa tunggalian na pinasok ng lipunan.

Ang pagkaagnas ng lumang nagharing ideolohiya, ang pag-unlad ng ideolohiya ng bagong lipunan, hindi paniniwala sa bagong ideya laban sa rasyunalismo, pesimismo laban sa optimismo, mapanupil na batas laban sa konstruktibong batas, dito, tulad ng sinabi ni Marx, makita natin "ang huridikal, pulitikal, relihiyoso, artistiko, pilosopiko, sa madaling sabi, ang ideolohikal na mga porma kung saan ang tao ay naging mulat sa kontradiksyong ito at nakibaka laban dito".

2) Ang paglaki ng mga digmaan sa pagitan ng mga paksyon ng nagharing uri

Ang kasaganaan ng isang sistema ng pagsasamantala ay nagbigay daan sa relatibong pagkakasundo sa pagitan ng mga nagsasamantala, at kaya mayroong ‘demokratikong' mga relasyon sa pagitan nila. Nang ang sistema ay hindi na maaring mabuhay, nang lumiit na ang tubo, ang pagkakasundo ay nagbigay daan sa mga digmaan sa pagitan ng mga ganid sa tubo. Kaya, paralel sa panunulisan na katangian ng katapusan ng Imperyong Romano at sa Lumang Panahon, pumutok ang mga digmaan sa pagitan ng mga paksyon ng nagharing uri.

Sa Roma mula sa ikalawang siglo pataas may serye ng mga digmaan ng mga knights, burukrata at pangulo ng hukbo at mga senador at maharlika:

"Sa pagitan ng mga taon ng 235 at 285, sa 26 Emperador na nagpalitan sa isa't-isa sa trono, dalawa lamang ang namatay sa natural na pagkamatay, at sa isang panahon mayroong 30 umaangkin sa trono" (SB Clough, op cit, p 142).

Sa katapusan ng Lumang Panahon ang mga digmaan sa pagitan ng mga maharlika ay umabot sa lawak na napilitan ang mga hari sa kanluran na ipagbawal ang mga ito, at si Louis IX ay umabot sa punto na pinagbawal ang pagdala ng armas. Ang Isandaang Taong Digmaan ay isang penomenon ng ganitong tipo.

Nang hindi na maiwasan ng nagharing uri ang mga kontradiksyon ng kanyang sistema at nakitang hindi na mapigilan ang pagliit ng tubo, ang pinaka-kagyat na solusyon ay mag-aagawan ang bawat paksyon sa yaman ng kanyang karibal; o agawin ang mga kondisyon ng produksyon kung saan magagawa ang yamang ito (halimbawa, ang mga kalupaan sa panahon ng pyudalismo).

3) Ang intensipikasyon ng mga pakikibaka ng uri

Sa pagbulusok-pababa ng sistema mayroong tatlong penomena  na naging dahilan na ang intensipikasyon ng makauring pakikibaka ang pangunahing katangian ng mga panahong ito ng pagbagsak:

  • ang paglaki ng kahirapan: napakita natin na sa katapusan ng pang-aalipin at pyudalismo regular na naiguhit ang gutom, epidemya at paglawak ng kahirapan. Nakita natin ang mga epekto nito sa loob ng prebilihiyadong mga uri, pero malinaw na ang inaaping mga uri ang matinding nagdurusa sa mga pahirap na ito; ito ang nagtulak sa kanila sa mga riot at pag-alsa;
  • ang pagpalakas ng pagsasamantala: napakita din natin paanong ang sistemang nasa pagbulusok-pababa, lalong bumabagal ang paglaki ng produksyon sa teknikal na paraan, bilang resulta lalupang pinalaki ng nagharing uri ang pagsasamantala sa paggawa. Ang huli ay ginamit hanggang masaid. Tumindi ang pagparusa sa mga nabigong hindi makapagbigay ng sapat na trabaho...
    Dagdag sa kahirapan at pagdurusa na tiniis na nila, ang huling salik na ito ay nagpatingkad lamang sa tendensya tungo sa paglawak ng labanan sa pagitan ng pinagsamantalahan at nagsamantala. Ang reaksyon ng uring anakpawis ay marahas, at sa huli ay lalong nakasira sa layunin na pataasin ang produktibidad, na kapwa sa katapusan ng Imperyong Romano at sa huling bahagi ng Lumang Panahon, mayroong tendensya na palitan ang pagparusa sa patakaran na may layuning bigyan ng ‘gantimpala' ang mga manggagawa sa kanilang trabaho (ang emansipasyon ng mga alipin at magsasaka)[1]
  • ang pakikibaka ng uri na nagdala ng binhi sa loob nito ng bagong lipunan: paralel sa mga pag-alsa ng pinagsamantalahan, mayroong paglaki sa pakikibaka ng bagong uri (ang malaking ‘pyudal' na panginoong maylupa sa katapusan ng Imperyong Romano, ng burgesya sa katapusan ng pyudalismo), na nagsimulang magtayo ng mga base para sa kanilang sariling sistema, na nagpahina sa mga base ng lumang sistema. Ang mga uring ito ay naglunsad ng permanenteng pakikibaka laban sa lumang prebilihiyadong uri.

Sa takbo ng pakikibakang ito, ang mga pag-alsa ng uring anakpawis ang palaging nagbigay ng pwersa na wala sa bagong mga uri sa kanilang pagtatangka na palitan ang lumang mga istruktura, na ngayon ay ganap ng naging reaksyonaryo (sa proletaryong rebolusyon lamang na ang uring nagdadala sa loob nito ng binhi ng bagong lipunan ay mismong ang pinagsamantalahang uri).

Lahat ng mga elementong ito ay nagpaliwanag sa katotohanan na ang pagbulusok-pababa ng sistema ay hindi mapigilan na tutungo sa mapagpasyang paglakas ng makauring pakikibaka. Kaya, sa Mababang Imperyong Romano:

"sa sitwasyon bunga ng kakulangan ng produksyon, ay lalong tumaas ang buhis, debalwasyon ng pera at lumalaking pagsasarili ng malalaking panginoong maylupa na may malaking epekto na lalong napabilis ang disorganisasyong pulitikal at sosyal at sa paglaho ng mga prinsipyong nag-regularisa sa mga relasyon ng tao...bangkarotang mga panginoong maylupa, nalugi na mga negosyante, manggagawa sa mga lungsod, colons, alipin, mga mang-riot at mga naglayas mula sa hukbo na napilitang magnakaw sa Gaul, Sicily, Italya, Hilagang Aprika at Asia Minor. Sa 235 isang serye ng panunulisan ang sumakop sa buong hilagang Italya. Sa 238 nangibabaw ang digmaang sibil sa Hilagang Aprika. Sa 268 ang mga colon sa Gaul ay umatake sa maraming mga lungsod, at sa 269 isang pag-alsa ng mga alipin ang pumutok sa Sicily" (Clough, op cit, p 142).

"Ang lawak ng panlipunang mga kilusan na umekto sa kanlurang Latino sa ika-5 siglo ay kahanga-hanga. Niyanig nila ang lahat ng mga rehiyon at laluna sa Brittany, kanlurang Gaul, ang hilaga ng Espanya at Aprika..." (Lucien Musset, Les Invasions, p 226).

Ganun din sa katapusan ng Lumang Panahon:

"Mula sa katapusan ng ika-13 siglo niyanig ng riot ng mga manggagawa ang mga lungsod Flemish. Sa panahon ng Isandaang Taong Digmaan at pagkahati-hati ng Italya, ang paglaki ng kahirapan sa syudad ang nagpalitaw ng mga hukbo ng mga pulubi na nagpalaboy sa kanayunan. Ito ang kadalasang nangyari sa iba't-ibang mga bansa, mga taong walang lupa na naging mga taong walang trabaho: ang mga ‘Jacques' sa mga kapatagan ng Pransya, sa Tuchain ng Languedoc, sa Lollards ng English midlands, sa mga Mallotins ng Paris, sa Coquillards ng Bourgogne. Ang mapangahas na mga tribunes ang nagsamantala sa kanilang diskontento at pinagsilbi ang mga pag-alsang ito sa pampulitikang mga ambisyon ng isang panlipunang grupo o indibidwal. Si Etienne Marcel ay nais ipailalim ang Dauphin sa isang paksyon ng burgesya...Pinagsamantalahan ni Van Atevelde ang kahirapan ng mga manggagawang Flemish, ang Cola di Rienzo, isang ‘tribune ng mamamayan' ganun din ang ginawa sa mababang kaayusan na sinira ng pang-aabuso ng Romanong aristokrasya. Sa Florence, ang pag-alsa ng Ciompi, isang pag-alsa sa kagutuman, sa huli ay nagsilbi sa mga interes ng mga Medicis...Kaya, ang istagnasyong ito, bunga ng dibisyon, gera at panlipunang kaguluhan ay napunta sa mga pagnanakaw, riot at masaker..." (Favier, op cit p 137. See also Pirenne, op cit, p160f).

Ang mga rebolusyon ni Cromwell sa 1649 sa Ingglatera at sa rebolusyong Pranses sa 1789 ay maningning na kulminasyon ng mga pakikibakang tinulak ng pagbulusok-pababa ng lipunang pyudal at nagsilang sa kapitalismo.

Ang kasaysayan ng pang-ekonomiyang mga sistema ay kasaysayan lamang ng mga taong namuhay sa loob nila. Ang pag-unlad, preserbasyon at pagpalit ng isang takdang lipunan ay gawa ng mga grupo ng taong tinulak na kumilos ayon sa kanilang pang-ekonomiyang posisyon sa loob ng sistema. Ang kapasidad ng sistema na panatilihin ang sarili ay higit sa lahat relatibo sa lakas ng uri na makakuha ng pinakamalaking tubo mula dito; ang lakas ng bagong lipunan ay parehong may kaugnayan sa lakas ng uring pinaka-interesado nito.

Kaya, nasa pagkilos ng panlipunang mga uri na makita natin ang kongkretisasyon sa obhetibong mga pwersa na nagtulak sa lipunan sa kontradiksyon. Sa isang takdang panahon, ang makauring tunggalian ay walang iba kundi tunggalian sa pagitan ng realidad ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa at sa umiiral na mga relasyon ng produksyon.

4) Ang paglakas ng estado

Kung ang batas ay kumakatawan sa mga interes at kagustuhan ng nagharing uri, ang estado ay armadong pwersang may tungkuling tiyakin na nasusunod ang batas. Ito ang tagapanagot ng kaayusang kinailangan para pagsamantalahan ng isang uri ang isa pa. Mapalakas lang ang estado kung naharap sa kaguluhang pang-ekonomiya at panlipunan na katangian ng dekadenteng yugto ang isang sistema. "Ang pag-unlad ng isang tungkulin ay tutungo sa pag-unlad ng organo".

 - Laban sa panlipunang kaguluhan: lumitaw bilang armadong pwersa ng nagharing uri, ang estado ay nagsisilbi sa isang uri. Subalit, sa pagiging ‘tagapaglingkod' makita natin ang pinakamalinaw na kristalisasyon sa lahat ng mga interes ng nagharing uri: ang tungkulin niya ay panatilihin ang pangkalahatang kaayusan. Sa puntong ito may mas malawak na pananaw ito sa buhay ng sistema - at sa kanyang mga pangangailangan - kaysa mga indibidwal na bumuo sa prebilihiyadong uri. Nahiwalay sa lipunan sa pangkalahatan dahil ito ay organo ng pang-aapi na nagsilbi sa minorya, kaiba din ito sa minorya dahil sa kanyang katangian bilang unipikadong organo na salungat sa pagka-iba-iba ng mga paksyon o indibidwal na mga interes ng mga mapagsamantala. Dagdag pa, ang mga prebilihiyo ng burukrasya ng estado ay mahigpit na nakaugnay sa tamang pagkilos ng sistema sa kabuuan. Kaya ang estado ay hindi lang tanging pwersang may sapat na pandaigdigang pananaw sa ekonomya, siya lang din ang may kagyat at mahalagang interes para sa mahusay na pagkilos nito.

Kaya sa mga panahon ng pagbulusok-pababa ang estado ay pinalakas hindi lang dahil harapin nito ang lumalaking bilang ng mga pag-alsa ng inaaping uri, kundi siya lang din ang tanging pwersa na magtiyak ng pagkakaisa ng nagharing uri sa panahong itulak ito tungo sa pagkawatak-watak o wasakin nito ang sarili mismo.

Ang paglaki ng kapangyarihan ng Emperador ng Roma, higit sa lahat mula sa ikalawang siglo pataas, at sa pyudal na monarkiya, ay may tunay na katwiran sa kani-kanilang pakikibaka laban sa mga pag-alsa ng inaaping uri at sa kanilang pagtatangkang ipagtanggol ang nagharing kaayusan sa pamamagitan ng restriksyon sa tunggalian sa pagitan ng mga paksyon ng nagharing uri. Ang Emperador na si Septimus Severus (193-211) ay kinumpiska ang "mga pag-aari ng mga senador at mga negosyante sa syudad para makuha ang kinakailangang pondo para mabayaran ang mga sundalong tumiyak sa kanyang kaligtasan at kapangyarihan" (Clough); lumaki ang monarkiyang Capetian sa kapinsalaan ng malalaking pyudal na panginoon.

Sa maraming kaso, ang mga digmaan ay isang makapangyarihang salik sa pagpalakas ng makinarya. Ang awtoridad ng estado lamang ang muling makaorganisa sa mga pwersang hinihingi ng digmaan; ang estado ay laging lumalabas na mas malakas mula sa naturang pagsubok. Ang salik na ito ay gumagampan ng napakahalagang papel sa pagpapalakas ng pyudal na monarkiya, partikular sa Pransya.

 - Laban sa pang-ekonomiyang kaguluhan: Mapapansin na mayroong malakas na paglaki ng pakikialam ng estado kapwa sa pagbulusok-pababa ng imperyong Romano at sa panahon ng naglalahong pyudalismo:

"Kung produksyon ang pag-uusapan, nag-iisip siya (ang Emperador na si Dioticien, 284-305) na mapasigla ito sa pamamagitan ng isang direktang ekonomiya'; pinangasiwaan niya ang aktibidad ng colleges', kinontrol ang pagsasamantala ng malalaking mga estado at kinontrol ang mga presyo. Sa huli, nirebisa ang buhis at ang produksyon ng pera ay kinontrol para ma-istabilisa ang pera" (Clough, p 143).

Hinggil sa kahariang pyudal, pinalakas nito ang sarili sa pamamagitan ng pagbuo ng makapangyarihang interbensyunistang administrasyon. Lumaki ang burukrasya kung saan ang pyudal na mga korte ay hindi na palipat-lipat at nakahimpil na sa isang syudad: Paris, Westminster, Pamplona, Moscow. Ginamit ng hari ang kanyang sariling mga opisyales (baillifs at seneschals sa Pransya) na lalong lumaki ang pang-ekonomiyang mga tungkulin sa buong kaharian.

Nang ang pang-ekonomiyang mga relasyon sa lipunan ay naging kalamidad na sa mga umaasa dito, ang armadong pwersa lamang ang makaayos sa kanila. Bilang armadong pwersa at ultimong kristalisasyon ng mga batas ng sistema, hinawakan na ng estado ang ekonomiya.

Lahat ng bagay sa dekadenteng lipunan tinutulak ang penomenong ito pasulong: ang parasitikong halaga na kinuha mula sa pangangailangang imintina ang ekonomiya na lipas na ay humantong sa napakalaking pagtaas sa pasaning pinansyal. Ang estado lamang ang makahuthot ng ganung pondo mula sa populasyong nagugutom na at malapit ng mag-alsa. Parehong nakita ng mga emperador na Romano at haring pyudal na ang tungkuling ito ang isa sa pangunahing batayan para palakasin ang kanilang kapangyarihan. Ang ekonomiya ay hindi na tugma sa pangangailangang pinataw ng panlipunang realidad; ang pang-ekonomiyang inisyatiba ay wala ng natural na gabay sa paghahanap ng kasaganaan at pagkakaisa sa buong lipunan. Kapangyarihan ng estado, interbensyon ng estado ang tanging paraan para tangkaing pigilan ang paralisis ng ekonomiya, ang pagbagsak tungo sa ganap na kaguluhan. Pareho sa katapusan ng pang-aalipin at pyudalismo, mayroong paglaki ng tendensya tungong burukratisasyon ng lipunan at sistematikong pagkontrol sa indibidwal.

Ang tendenysang ito ay umabot sa nakakatakot na proporsyon sa panahon ng Mababang Imperyong Romano:

"Ang bawat isa ay diskontento sa kanilang sitwasyon at nagtangkang takasan ito. Lumayas ang magsasaka sa kanayunan, ang artisano ay iniwanan ang kanyang ginawa, ang decurion ay umalis sa munisipal na senado. Hindi solusyon ang kapangyarihan ng estado sa mga problemang ito: ang magagawa lamang nito ay itali ang bawat isa sa kanilang kalagayan at sarhan ang mga pintuan kung saan maari silang makatakas.

Ang moto ay ‘bawat isa sa kanilang kinalagyan' o maglaho ang kulturang Romano. Ito ay isang sitwasyon ng pagkontrol, isang tuloy-tuloy na pagkontrol ng buhay. Sa panlipunang mga kondisyon, ang mga propesyon ay minamana. Itinayo ang tunay na rehimeng caste; at hindi ito bagay na primitibo at ispontanyo, pero bago, pulitikal, na pinataw mula sa taas" (F Lot, Le Fin du monde Antique et le Debut du Moyen-Age, p 109).

Ilang mga manggagawa ay tinatakan ng nag-aapoy na bakal para mapigilan silang iwan ang kanilang mga trabaho. Ginawang pangakalahatang karapatan ang pagtugis.

Ang magkatulad na nesesidad ng pakikialam ng estado ay lumitaw sa katapusan ng pyudalismo. Pero may mahalagang pagkaaiba sa pagitan ng pang-ekonomiyang aksyon ng pyudal na kaharian at sa Mababang Imperyo.

Nagbigay-daan ang nabubulok na pang-aalipin sa sistema ng ekonomiyang nakasasapat-sa-sarili, isang partikular na hiwa-hiwalay na pang-ekonomiyang sistema. Ang pagtangkang i-sentralisa at palakasin ang estado sa isang banda, at sa pagpaunlad ng pyudalismo sa kabilang banda, ay dalawang magkasabay na magkatunggaling penomena. Ang pyudalismo, sa kabilang banda, ay papalitan ng kapitalismo, ibig sabihin ng isang sistema na nangangailangan ng mataas na antas ng konsentrasyon at intergrasyon ng pang-ekonomiyang buhay. Ang sentralisasyon at interbensyunismo ng pyudal na estado, na resulta ng pangangailangan para panatilihin ang nawawasak na sistemang pyudal, ay sa obhetibo ang bumubuo ng mga paraan para mapalaki ang mga batayan ng kapitalismo. Maraming pundamental na mga salik na nagpilit sa monarkiya para ipatupad ang dalawang istorikal na papel na ito:

  1. kadalasan ang monarkiya ay humihingi ng suporta sa burges na mga lungsod para mapalakas ang kanyang kapangyarihan;
  2. ang mga interes ng dominanteng mapagsamantalang uri, ang maharlika, ay relatibong umaayon sa lumilitaw na burgesya;
  3. ang lumalaking lakas ng burgesya, sa katapusan ng ika-15 siglo ang bumuo ng mga base ng kapitalismo, ang dahilan upang makabahagi ito ng kapangyarihan sa aristokrasya.

Ang pang-ekonomiyang mga hakbanging pinatupad nila Edward II, Edward III, ang merkantilistang mga polisya ni Henry VII sa Ingglatera, ang pang-ekonomiyang pag-unlad na nakamit sa ilalim ni Louis XI sa Pransya, ang proetaksyunistang mga patakaran na paborable sa pag-unlad ng industriya na pinatupad ng mga haring Pranses at English mula ika-14 siglo pataas, kabilang na ang pagtanggap ng dalawang monarkiya sa burges na mga parlyamento, lahat ay mga ebidensya sa nalalapit na papel na gagampanan ng pyudal na monarkiya sa proseso ng primitibong akumulasyon ng kapital.

Pero kabalighuan na tingnan lamang ang pyudal na monarkiya mula sa anggulong ito. Ang monarkiya sa esensya ay nanatiling pyudal, katunayan ito ang huling kuta ng pyudalismo. Pinatotohanan ito ng: ang palagiang tunggalian ng hari at burges na mga parlyamento; ang pagtatanggol ng hari sa mga prebilihiyo ng maharlika (sa Pransya ang mga commoners lamang ang nagbabayad ng buhis); ang pagtatanggol sa mga korporasyon; ang pakikipaglaban sa Protestantismo - ang ‘relihiyon ng burgesya' - sa Pransya; panghuli, ang katotohanan na ang mga burgesya sa Ingglatera at Pransya ay nag-rebolusyon para bigyang daan ang tunay na pag-unlad ng kapitalismo.

Kahit pa sa dalawahang papel na ginampanan ng monarkiyang pyudal, hindi maiwasan na ang pagpalakas ng estado sa esensya ay naglalayong panatilihin ang pyudal na sistema at tipikal na katangian ng lipunang bumubulusok-pababa.

Kung ang hitsura ng dekadenteng lipunan ay gaya ng katawan na nagpumilit maisuot ang damit na napakasikip, ang pag-unlad ng makinarya ng estado ay simpleng pagtatangka ng damit na palakasin ang sarili para ang lumalaking presyur mula sa katawan ay hindi siya wawasakin.

Pagkabulok ng dominanteng ideolohiya, pag-unlad ng mga digmaan at rebolusyon, pagpalakas sa estado, ito ang kapansin-pansing mga katangian ng lipunang bumabagsak, isang lipunan kung saan ang produktibong mga pwersa ay lalong nahihirapang umunlad. Ang pang-ekonomiyang sistema ay hindi na istorikal na nesesidad at sa halip naging hadlang na tinutulak ang lipunan sa lumalalang barbarismo.



[1] Ang penomenong ito ay may partikular na kahalagahan: kung ang pang-ekonomiyang sistema ay hindi na tatagal, kadalasan naobliga itong iwan ang ilang huridikal na mga aspeto para mapanatili ang anumang mahalaga: ang tunay na mga relasyon ng produksyon.