Ang materyal na transpormasyon sa pang-ekonomiyang mga kondisyon

Printer-friendly version

Ang pagbagsak ng primitibong komunismo

Ang porma ng panlipunang organisasyon sa simula ng sangkatauhan ay ang tinawag ni Marx na ‘primitibong komunismo'. Sa kabila ng pagkakaiba sa lokal na klima, istoriko, o iba pang mga elemento, ang esensyal na mga katangian ng primitibong mga lipunan ay ang kolektibong pag-aari sa mga kagamitan ng produksyon (sa esensya ay lupa) at kolektibong paggawa sa agrikultura at sa pangangaso, ang mga produkto ay pantay na hinati sa buong populasyon. Ang ideya na ang pribadong pag-aari ay bagay na likas sa katangian ng tao ay isang alamat na pinatanyag ng mga ekonomistang burges simula sa ika-18 siglo; ang layunin ay ipakita na ang kapitalismo ay isa sa pinaka-natural, at pinakamahusay na umaayon sa kalikasan ng tao.

Sa kabilang banda, ang pantay na mga relasyong ito ay hindi produkto ng ideolohiyang pangkapatiran o gawa ng Diyos na sabik tiyakin ang pagkapantay-pantay sa kanyang mga nilalang. Ito ay dahil sa kakulangan ng kapangyarihan ng tao sa harap ng isang natural na kapaligiran na kasing sama sa mahinang mga teknika ng tao, na siyang nagbunsod para sa pangangailangan ng panlipunang pagkakaisa, na pumilit sa tao na mabuhay sa mga komunidad gamit ang kanilang mga kagamitan sa produksyon sa pantay na paraan. Ang pantay na ideolohiyang umiral noon ay bunga ng mga relasyong ito at hindi ang kanilang sanhi:

"Ang moda ng produksyon sa materyal na buhay ang kondisyon para sa proseso ng buhay panlipunan, pulitikal at intelektwal sa pangkalahatan. Hindi ang kamulatan ng tao ang nagdetermina ng kanilang pagkatao, kundi ang kabaliktaran, ang kanilang sosyal na pagkatao ang nagdetermina ng kanilang kamulatan (Marx, Preface to a Contribution to the Critique of Political Economy).

Ganun din, ang paglaho ng primitibong komunismo ay hindi bunga ng pagbabago ng ideolohiya kundi ng paglaho ng materyal na mga kondisyon na siyang lumikha sa naturang lipunan. Kung suriin paano natransporma ang pantay-pantay na mga lipunan tungo sa mga lipunan ng pagsasamantala, sa paglitaw ng mga uri at pribadong pag-aari, makita na bunga ito ng pag-unlad ng mga teknika sa produksyon.

Isantabi natin ang mga kaso kung saan ang ‘progresong' ito ay bunga ng sibilisadong gawain ng mga masaker ng Uropa sa mga kolonya sa ika-15 siglo pataas.

Sa iba't-ibang mga rehiyon sa mundo, at sa iba't-ibang lokal na istorikong mga kondisyon, nagkawatak-watak ang primitibong komunistang mga lipunan at nagbigay daan sa asyatiko o aliping moda ng produksyon.

Pang-aalipin

Nang nasaid na ang yaman ng kanyang teritoryo, o nang umalis na ang mga hayop, o nang masyadong lumaki na ang populasyon kumpara sa kanyang ikabubuhay, naobliga itong magpalawak o lilipat ng bagong mga teritoryo. Sa mga rehiyon kung saan ang bigat ng populasyon ay relatibong mataas - sa Mediterranean halimbawa - ang ekspansyon ay nagawa lamang sa kapinsalaan ng ibang mga komunidad.

Sa simula, ang mga digmaang ibinunsod ng mga pagkilos na ito ay nagkahugis lamang sa di-sinasadyang mga masaker at kanibalismo. Ang kanilang tanging layunin ay agawin ang lupa ng nasakop na mga tao. Hangga't ang antas ng panlipunang produktibidad ay nagpahintulot lamang sa tao na gumawa ng sapat sa kanyang sariling indibidwal na pangangailangan, walang interes ang mananakop na isanib ang bagong mga bunganga sa gutom na komunidad. Posible lamang para sa nasakop na pamayanan na magtrabaho sa kanilang mananakop, na libre at sapilitan, habang gumagawa ng sapat para sa kanilang pangangailangan, kung ang produktibidad ng paggawa ay umabot sa isang takdang antas.[1]

Ang primitibong komunistang mga relasyon ay inabandona para magamit ang mas mataas na antas ng produktibidad sa konteksto ng mga digmaan at pananakop.

Ang Asyatikong moda ng produksyon

Ang pang-ekonomiyang sistemang ito na masama ang pagka-unawa ay sa pangkalahatan bunga ng pangangailangan ng ilang mga komunidad na harapin ang mga problemang ginawa ng kalikasan sa ilang mga rehiyon (tagtuyo, baha, malakas na ulan, atbp). Naobliga ang naturang mga komunidad na mabilis nilang pag-aralan ang halinhinan ng kalikasan at subukan ang irigasyon para matiyak ang kanilang kabuhayan. Ang komplikasyon ng mga gawaing ito, ang teknikal na kaalamang kinakailangan, ang pangangailangan ng awtoridad para i-koordina sila, ay gumawa ng mga suson ng mga ispesyalista (mga pari na bihasa sa pag-aaral at pag-obserba sa kalikasan, ang kadalasan pinanggalingan ng mga grupong ito). Binigyan ng ispisipikong tungkulin sa pagsisilbi sa komunidad, ang mga ispesyalistang ito - na tagapaglikha ng bagong yaman - ay binuo ang mga sarili sa isang naghaharing panlipunang grupo. Progresibo nilang kinuha ang surplas ng lipunan sa kapinsalaan ng kolektibidad. Ang pag-unlad ng produktibong mga pwersa ang bumago sa mga tagasilbi ng lipunan sa pagiging mapagsamantala.

Pinabayaan ng ‘Asyatikong' moda ng produksyon na hindi magbago ang komunal na mga relasyon, bilang batayang mga yunit ng produksyon. Kinuha lang ng nagharing uri ang surplas na ginawa ng mga komunidad. Pero nagawa na ang unang transisyon mula primitibong komunismo. Ang pangangailangang ilapat ang bagong mga teknika ng produksyon bunga ng bagong mga relasyon ng produksyon at iiwanan ang luma.

Sa kalaunan ang introduksyon ng bagong mga teknika ng produksyon ay pinawi ang mga labi ng pagkapantay-pantay ng mga lipunang ito. Halimbawa, ang problema sa pagpataba sa lupa, ang pangangailangang buuin ang matalik na ugnayan sa pagitan ng manggagawa at kalikasan, kadalasan ay nagbunga na iwan ang sistematikong redistribusyon ng mga sakahan ayon sa tradisyon o pangangailangan ng mga pamilya. Ang pangangailangang tiyakin na patuloy na panatilihin ang mga sakahan, o ang bigat ng presyur sa pinansya, ay nagbunga ng pagbabago mula sa komunal tungo sa pribadong pag-aari. At dahil sa huli, umunlad ang hindi pagkapantay-pantay, hanggang ang isang bahagi ng populasyon ay nagtrabaho sa pinakamayamang mga sakahan para sa isang bahagi na bunga ng produksyon. Ganap ng nahati sa mga uri ang lipunan, naging lipunan ng mga magsasaka o pyudalismo.

Pero napunta man sila sa pang-aalipin o despotismo sa silangan (at ang huli ay tumungo sa pyudalismo), bumabagsak ang komunistang mga relasyon dahil sa presyur ng pag-unlad ng mga produktibong mga pwersa, na hindi na umaayon sa lumang balangkas.

"sa takdang yugto ng kanilang pag-unlad, ang mga produktibong pwersa ay bumangga sa umiiral na mga relasyon ng produksyon o sa mga relasyon ng pag-aari kung saan gumagalaw sila hanggang ngayon" (Marx, ibid).

Ang pagbagsak ng pang-aalipin

Ang resulta ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa sa partikular na mga rehiyon kung saan sinakop ng isang pamayanan ang isa pa, ay nagbigay daan sa pang-aalipin para paghati-hatian ng isang panlipunang grupo ang surplas ng paggawa ng buong lipunan. Ang mga may-ari ng mga alipin, bilang nagharing uri na interesado sa tubo at mga prebilihiyo, ay naging motor sa pag-unlad ng produktibong mga pwersa. Subalit, ang pag-unlad na ito ay limitado lamang sa mga digmaan ng pananakop, na pangunahing pinalaki ang bilang ng mga alipin at marami ang mga gawain na naging dahilan ng pangulimbat sa nasakop na mga bansa. Sa batayang ito umunlad ang sibilisasyon ng lumang Gresya at Roma.

Ang ekonomiya ng pang-aaliping Romano - ang pagbulusok-pababa nito na nagbukas ng pintuan sa pyudalismo - ay nakabatay sa pangulimbat at pagsasamantala sa nasakop na pamayanan. Ang huli ay nagbigay sa Roma ng esensyal na mga pangangailangan (pagkain, tributo at mga alipin). Kadalasan ang mga produktong inangkat ay galing sa iba't-ibang moda ng pagsasamantala, gaya ng asyatikong moda ng produksyon. Pero ang sentro mismo ay nabubuhay sa pang-aalipin, ang huli ay higit sa lahat nagpatupad ng malawakng pagsasamantala (olive groves at paghahayupan) at sa napakaraming gawain.

Ang mga gawaing ito ay kadalasang nagsilbi sa pangangailangang militar, na ginagamit sa pagsasamantala sa mga kolonya (mga daan, mga tulay, atbp). Sumasalamin din sila sa mga gawaing nagtitiyak sa luho ng nagharing uri.

Kaya ang pampulitikang kapangyarihan ay kadalasan nakaugnay sa nagtagumpay na grupong militar. Ang pang-ekonomiyang kasaganaan ay mahigpit na nakasandal sa mapandigmang kapasidad ng sentro.

Ang malaking pag-unlad ng sibilisasyong Romano ay tumutugma sa panahon ng kanyang mga tagumpay at pananakop. Naabot ang kanyang tugatog nang nasakop ng Roma ang mundo ng Mediterranean at kinuha ang mga tubo. Ang simula naman ng pagbulusok-pababa ng Roma ay naiguhit sa ikalawang siglo A.D. nang magtapos na ang pagpalawak, at sa ikatlong siglo sa unang pagkatalo ng Imperyo (sa 251 ang emperador na si Decius ay natalo at napatay ng mga Goths; sa 260 ang emperador na si Valerian ay nahuli at pinahiya ng hari ng Persia. Sa panahon ng ikatlong siglo sabay-sabay na nag-alsa ang mga kolonya sa unang pagkakataon).

Ang kahirapang imintina ang napakalaking imperyo sa limitadong teknikal na mga instrumento sa panahong iyon ay isang bahagi ng paliwanag sa paghinto ng paglawak ng Roma. Pero higit sa lahat ay ang pagkakaiba ng pang-ekonomiyang produktibidad sa pagitan ng pang-aaliping Romano at sa kanyang mga kolonya (na kadalasan napaunlad ang superyor na produktibidad sa ilalim ng Asyatikong moda) na siyang tumitak na sa bandang huli ay magtagumpay ang pag-alsa ng mga kolonya.

Ang aliping mga relasyon ng produksyon ay kinatangian ng mababang produktibidad ng paggawa. Sa mga kondisyon ng panahong iyon, ang pag-unlad ng produktibidad ay nangangailangan ng pagpapaunlad ng mga pamamaraan sa pagtrabaho sa lupa - paggamit ng araro, pagpaunlad ng pataba sa lupa at pagbuo ng mahigpit na ugnayan ng manggagawa sa lupa, pagbibigay sa manggagawa ng motibo para gamitin ang mga teknikang ito ng produksyon. Subalit kailangan ng ganung progreso na iwan ang pang-aalipin, kung saan ang manggagawa ay binubuhay ng kanyang panginoon anuman ang kanyang produktibidad, at kung saan ang takot na maparusahan ang pumilit sa alipin na magtrabaho, kaya hindi masinop ang kanyang trabaho.

Bentahe lamang ang pang-aalipin sa pagsasamantala sa nasakop na mga pamayanan. Nang natigil o nanghina na ang pananakop, nang ang pinagmulan ng nakulimbat, tributo at mga alipin ay nasaid na (ang kapalit ay tumaas ang halaga ng mga alipin), natransporma ang pang-aalipin tungo sa disbentaheng sistema, hadlang sa pag-unlad ng produksyon.

Ang pangangailangang tumungo sa bagong produktibong mga relasyon ang nagtulak sa sentro para lumitaw ang pyudal na tipo ng pagsasamantala, kung saan ang malalaking may-ari ay nagpaubaya ng malaking kalupaan para mapalaya ang mga pamilya katumbas ng bahagi ng kanila trabaho. Pero ang pag-igpaw mula sa pang-aalipin ay umaatake din sa mga prebilihiyo ng nagharing uri. Ang ‘tunggalian' sa pagitan ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa ng lipunan, at sa mga relasyon ng produksyon na umiiral, ang nagdala sa Roma sa pagbulusok-pababa.

Ang pag-unlad ng produksyon ay bumagal o huminto: "‘Kinulekta' nila (ang mayamang mga Romano) ang mga produkto ng minahan at sinira ang kalupaan, para mawala ang mga pastuhan at gubat sa semi-tuyo na mga rehiyon. Walang pakundangang pinagsamantalahan ang lakas-paggawa, na nagpasigla sa diskontento at kawalang interes sa pagtrabaho. Pinagbawal mismo nila ang paggamit ng bagong pamamaraan, at tinakwil ang patubig at kanal sa mga rehiyon na mahalaga ito....Digmaan, epidemya at gutom ang nagpaliit sa populasyon ng Imperyo ng isang-katlo. Ang tantos ng namatay ay malamang mas mataas sa Italya mismo sa panahon ng ikatlong siglo" (Shepard B Clough, Grandeur and Decadence of Civilisations, Editions Payot p140)

Pyudalismo

Pagkatapos ng pang-aalipin at Asyatikong moda ng produksyon, ang pyudal na sistema ay nagbigay ng bagong kapasidad sa produktibong mga pwersa ng ilang siglo.

Sa sapat-sa-sarili na mga relasyong pyudal, naabot ng pagtrabaho sa lupa ang walang kapantay na pag-unlad (pagpaunlad sa pagsasaka, paglagay ng sapatos sa pinagtrabahong mga hayop, sa pagkontrol - sa ulo o liig sa halip na sa tiyan - pagpaunlad sa irigasyon at pataba, atbp). Dagdag pa, at higit sa lahat, ang pagperpekto sa gawaing agrikultural ay sinabayan ng malaking pag-unlad sa gawaing artisano. Ang huli ay simpleng pandagdag sa agrikulturang ekonomiya: tigasuplay ng mga instrumento ng paggawa at ilang bagay na pangkonsumo, sa batayan ay para sa nagharing uri (pangunahin ay damit at sandata).

Ang artisano ay nakinabang mula sa paglaki ng mga rekurso para sa maharlikang uri, salamat sa pag-unlad ng produktibidad sa agrikultura. Ang huling salik na ito ay mas lalong nakikita dahil ang uring maharlika ay walang interes sa akumulasyon - na partikular na katangian ng burgesya - kundi ginamit ang lahat ng kanyang tubo para sa personal na pangangailangan.

Pero mula ika-12 siglo pataas, nagsimula ng maabot ng pyudalismo ang limitasyon ng paglawak ng masasakang lupain.

"Marami tayong datos sa kakulangan ng lupa sa katapusan ng ika-13 siglo para sabihing ang paglawak ng masasakang lupain ay kulang na sa pambansang paglaki ng populasyon; at maliban sa ilang mga lugar, posibleng hindi na sapat na mapigilan ang tendensya ng pagbulusok ng produktibidad ng paggawa. Ang presyur sa kakulangan ng lupa matapos ang 1200 sa Holland, Saxony, Rhineland, Bavaria at Tyrol ay isa sa mga salik ng migrasyon patungong silangan, at masabi natin na sa katapusan ng ika-14 siglo ang limitasyon ng makukuhang lupa sa kagubatan ay naabot na sa hilagang-silangan ng Alemanya at Bohemia" (Maurice Dobb, Studies in the Development of Capitalism, p 59).

"Ang mga kapanahon ni St Louis, at sa ilang rehiyon ni Philippe de Bel, ay nakakita sa limitasyon ng kalupaan. Tinangka ang pinaka-walang hiyang pang-aagaw dahil kailangang laging pakainin ang dumaraming mga bunganga at dahil, wala ng ibang alam para maparami ang ani, dapat lalaki ang masasakang lupa. Mistulang naglaho ang permanenteng mga latian at tiwangwang na kalupaan. Lumiit ang kagubatan. Ang mga latian at putikan sa baybayin ng Ingglatera ay natuyo, nalinis, sukdulang pinagsamantalahan ng teknikal na posibleng kapasidad noon..." (J Favrier, De Marco Polo a Christopher Columbus, p 125)

Mula noon makaalpas lamang ang lipunan sa kanyang paghinto sa pamamagitan ng bagong pagpapaunlad ng produktibidad ng paggawa. Ngayon ang huli ay nakaabot na sa kanyang lubusang hangganan sa konteksto ng pampamilyang artisanong produksyon. Sa pamamagitan lamang ng proseso mula sa indibidwal na paggawa tungo sa paggawa ng maraming magkaugnay na mga manggagawa, tungo sa mas komplikadong dibisyon ng paggawa at paggamit ng mas komplikadong mga instrumento ng produksyon, sa ganitong mga kondisyon mangyari ang kinakailangang paglaki ng produktibidad.

Posible ito dahil ang pag-unlad ng artisanong paggawa sa ilalim ng pyudalismo ay nakatulong sa muling pagbangon ng mga lungsod, na siyang kinakailangang batayan para sa kolektibong mga porma ng paggawa.

Pero, sa pundamental, ang pyudal na balangkas ang humadlang sa mga kondisyon para sa tunay na pag-unlad ng ganitong pang-ekonomiyang porma:

  • ang pyudalismo ay nakabatay sa buong buhay na pagkatali ng tao sa kanilang mga instrumento ng produksyon at sa kanilang panginoon, habang ang manupaktura ay nangailangan ng malaking mobilidad ng lakas-paggawa, at kung gayon, sa paghiwalay ng manggagawa mula sa mga instrumento ng produksyon.
  • ang pyudalismo ay sistema ng lokal na kapangyarihan, sa ekonomiyang-sapat-sa-sarili, sa kontroladong kalupaan, na napakaraming babayarang buhis para ang kalakal ay makadaan sa iba't-ibang pyudal na estado. Kabaliktaran sa tagagawa, na kailangan ang mobilidad sa hilaw'ng materyales, sa kalakal sa pangkalahatan, para maka-konsentra siya sa isang lugar para sa produksyon ng mga produktong mula sa iba't-ibang lugar, at matiyak ang pinakamalayang posibleng distribusyon sa kanyang sariling kalakal;
  • panghuli, ang paggawa ng produksyon ay kailangang nakabatay sa akumulasyon at konsentrasyon ng tubo para maabot, mapalitan at pagkatapos ay mapalawak ang makinarya para sa produksyong nakabatay sa dibisyon ng paggawa. Kaya nangangailangan ito ng diwa ng may nalikha sa pagtrabaho at karapatan na makuha ang nakulimbat mula sa huli. Ang pyudal na prebilihiyo, sa kabilang banda, ay nakabatay una, sa kapasidad para sa digmaan, at pagkatapos para lamang sa pagmamana.

Sa antas ng kapasidad sa pagtrabaho, ang panginoon ay kapantay o inperyor sa magsasaka. Kaya namumuhi ang pyudal na lipunan sa trabaho, na tinitingnan na porma ng panghahamak.

Ginawang dangal ng panginoong pyudal ang pagpapakita ng kanyang abilidad na ubusin ang buong kita nito. Pinabayaan at kinundena ng pyudal na ekonomiya ang akumulasyon na naglalayon para mapalaki ang produksyon, katangian na hadlang sa pag-unalad ng manupaktura.

"Makonsidera natin sa simula ng ika-14 siglo ang tanda ng katapusan ng paglawak ng makalumang ekonomiya. Bago noon, patuloy ang progreso sa lahat ng aspeto ... Pero sa unang mga taon ng ika-14 siglo, lahat ng ito ay natapos na. Kahit na walang pag-atras, wala din namang pag-unlad. Ang Uropa ay nakahiga sa kanyang kabantogan: mayroong istabilidad sa larangan ng ekonomiya...ang ebidensya na tumigil ang naunang pang-ekonomiyang pagsulong ay ang katotohanang ang kalakal sa ibayong dagat ay tumigil sa paglawak...Sa Flanders at Bravante, napanatili ng inudustriya ng tela ang kanyang sarili na walang paglago sa kanyang tradisyunal na kasaganaan hanggang sa kalahati ng siglo, pagkatapos ay nagsimula na ito sa mabilis na pagbulusok-pababa. Sa Italya, karamihan sa mga bangkong matagal ng nanguna sa pamilihan-sa-pera ay nahulog sa serye ng umalingawngaw na pagkalugi ... ang pagbagsak ng fairs of Champagne sa unang mga taon ng siglo. Ito rin ang panahon na huminto na sa paglaki ang populasyon, at ito ang bumuo ng napakahalagang palatandaan na ang istabilisasyon ng lipunan ay dumating na sa tugatog ng kanyang ebolusyon." (H. Pirenne, Histoire economique et sociale du Moyen Age, PUF, p 158).

Gaya ng pang-aalipin, ang pagbagsak ng pyudalismo ay nagkahulugan ng gutom, dahil ang paglago ng produktibong mga pwersa ay lubhang inperyor sa paglaki ng populasyon. Ang gutom ay sinundan ng mga epidemya, na mabilis na kumalat dahil sa mahinang nutrisyon ng populasyon. Kaya mula 1315 hanggang 1317 isang nakakilabot na gutom ang lumagim sa buong Uropa, na sinundan matapos ang tatlumpung taon ng Black Death, kung saan sa pagitan ng 1347 at 1350 ay lumipol ng isangkatlo sa populasyon ng Uropa.

"Totoo na ang mga bansa noon na nasa labas ng pangunahing mga erya ng pang-ekonomiyang pag-unlad gaya ng Poland at laluna ang Bohemia, ay sinimulan ang mas lubusan na paglahok. Pero ang kanilang naantalang pagkamulat ay walang anumang mahalagang bunga para sa kanluran sa pangkabuuan. Malinaw na pumasok na ang lipunan sa panahon kung saan mas malaki ang nagagamit kaysa nagagawa, at ang panlipunang diskontento ay patunay kapwa sa kagustuhan at sa kawalan ng kapasidad para paunlarin ang sitwasyon na hindi na matugunan ang mga pangangailangan ng tao." (Pirenne, op cit, p 158)

Nagsimula ang dekadenteng pyudalismo sa ika-14 siglo, nagpatuloy hanggang maibagsak ang kanyang huling huridikal na mga labi sa burges na mga rebolusyon sa ika-17 at ika-18 na mga siglo sa Ingglatera at Pransya. Subalit sa ika-14 na siglo ang bagong mga relasyon ng produksyon ay nagsimulang mangingibabaw sa lipunan: kapitalismo. Umuunlad mula sa pakikibaka laban sa lumang pyudal na mga harang, ito ang pangunahing nakinabang mula sa magulong ika-14 siglo, at nagbigay daan sa malakihang pagbangon ng buhay ekonomiya.


[1] Ang pag-unlad ng mga digmaan ay aktibong salik na iwan ang pantany-pantay na panlipunang mga relasyon: ang mga kondisyon ng semi-permanenteng digmaan ay nangailangan ng paglitaw ng suson ng ispesyalisadong mga mandirigma na naging tiga-suplay ng yaman sa kolektibidad at siyang nagsimulang magbuo ng hirarkiyal na mga relasyon sa loob ng komunidad, habang ang buong komunidad ay tumitiyak na mapangalagaan sila. Pero sa kanyang sarili, naging mahalaga lang ang salik na ito nang ang pag-unlad ng produktibidad ay nagbigay-daan para sa pang-aalipin.