Walang solusyon ang kapitalismo at gobyerno sa katiwalian

Printer-friendly version

Introduksyon:

Sa pagtatapos ng Coronavela sa Senado para patalsikin si Corona sa pwesto, muling umalingawngaw mula sa Kanan at Kaliwa ng burgesya ang panawagan at adbokasiya ng isang “malinis” na pamahalaan; isang pamahalaan kung saan ang mga opisyales nito ay bukas sa publiko ang laki ng kanilang yaman at kung saan nila ito kinuha.

Ang pamantayan ng ganitong “kalinisan” ng budhi ng mga nasa pwesto ay ang moralidad ng umiiral na sistema, ang moralidad ng lipunang kapitalista.

Ano ang layunin ng uring burgesya mula sa Kanan at Kaliwa? Ihasik sa malawak na masa ang ilusyon na sa ilalim ng isang bulok na sistema ay posible pa na maging malinis ang gobyerno at maupo sa pwesto ang mga hindi magnanakaw at tiwaling tao, ng sa ganun ay maging mabuti na rin ang lahat; maging matiwasay na ang pamumuhay ng nakakarami sa ilalim ng isang bulok na sistema na mayroong “malinis” na pamahalaan.

Ang interbensyon ng isang komunistang organisasyon sa ganitong mga ilusyon na inihasik ng naghaharing uri ay ilantad ang kahungkagan ng ganitong panawagan at propaganda at ipakita sa masang anakpawis na ang katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan ay maglalaho lamang sa lipunan kung maibagsak nito ang umiiral na bulok na kaayusan at ang estado/gobyerno na nagtatanggol sa bulok na sistema.

000000000000000000000000000

 

Ang katiwalian sa gobyerno ay kasing-tanda ng pag-iral ng makauring lipunan sa mundo. Kasabay ng paglitaw ng estado sa lipunan ay lumitaw din ang pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan sa kaban ng bayan para ang sarili ay yayaman.

Kaya naman marami ang nagsasabing wala ng solusyon ang katiwalin dahil ito na ang “naturalesa” ng anumang kaayusan o dahil ang tao mismo kung nasa pwesto na ng estado ay tiyak gagamitin ang posisyon para magkamal ng pera at ari-arian.

Walang katiwalian sa primitibo komunal na lipunan

Ang katiwalian ay nagmula kung ano ang panlipunang kaayusan. Pero ang pinagmulan nito ay isang partikular na panlipunang sistema at hindi naturalesa sa lipunan ng tao.

Ang sinaunang tao na namuhay sa komunal na paraan at pag-aari ng buong komunidad ang mga kagamitan ng produksyon ay hindi nakitaan ng pagnanakaw sa ari-ariang komunal para pagyamanin ang sarili. Ni sa panaginip ay hindi ito sumagi sa kaisipan ng sinaunang tao kung saan ang kinagisnang kapaligiran ay ang kanyang lakas-paggawa ay bahagi ng kolektibong paggawa ng komunidad at ang bunga ng paggawa ay pantay na pinaghahatian ng buong komunidad. Walang pagnanakaw at katiwalian sa isang lipunan na lantay na nakabatay sa kooperasyon at patas na paghati-hati sa anumang makukuha ng buong komunidad; sa lipunang walang estado at mga uri.

Ito ang yugto ng primitibo komunal kung saan nabuhay ang ating mga sinaunang ninuno sa loob ng ilang libong taon. Samakatuwid, hindi naturalesa sa tao ang magnakaw at magpayaman sa sarili mula sa lakas-paggawa ng ibang tao.

Sa makauring mga lipunan lumitaw ang katiwalian

Ang pagkahati-hati ng populasyon sa mga uri, sa nagsasamantala at pinagsamantalahan, sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ang ugat ng paglitaw ng katiwalian ng mga taong nasa pamunuan. Ang estado o gobyerno, ang sentral na organo ng naghaharing uri sa mga lipunang makauri ay sentro ng pagnanakaw ng iba’t-ibang paksyon ng mapagsamantalang mga uri ng lipunan. Ang pagkontrol sa estado ang dahilan ng mga tunggalian at digmaan ng mga mayayamang uri ng lipunan.

Sa mga lipunang alipin, pyudal, asyatikong despotismo at kapitalismo lumitaw ang katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Subalit nagiging sentral at mapagpasya ang katiwalian at pagnanakaw sa loob ng gobyerno sa panahon na ang lipunan ay nasa kanyang dekadenteng yugto na, sa panahon na ang krisis nito ay permanente na, sa panahon na ang bagong mga pwersa ng produksyon at ang bagong rebolusyonaryong uri ay obhetibo ng nangangailangan ng bagong panlipunang sistema para palitan ang luma at bulok na.

Sa panahon ng dekadenteng sistema bahagi na ng pagpapayaman ng mga nasa kapangyarihan ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.[1]

Sistemang kapitalismo: rurok ng katiwalian at pagnanakaw sa lipunan

Ang mundo at Pilipinas ay nasa kapitalistang sistema na. Mula 1900s ay dekadente o bulok na ang sistemang kapitalismo.

Puno ng mga iskandalo at malalaking kaso ng katiwalian ang namayani sa mga bansang kapitalista mula ng pumasok ang kapitalismo sa kanyang imperyalistang yugto. At sa loob ng mahigit 100 taon ay iba’t-ibang pangako at solusyon ang inihapag ng burgesya para resolbahin ang talamak na katiwalian sa mga gobyerno nila. Pero mas lalupang lumala ang katiwalian sa lipunan.

Marami ng matataas na opisyal ng pamahalan ang pinarusahan ng pagkabilanggo at kamatayan para magsilbing “babala” at inaasahang pipigil sa katiwalian. Ang ilan naman sa kanila ay pinatalsik sa pwesto pero ang pumalit ay mas tiwali pa.[2] Ilang beses na binago o dinagdagan ang mga batas para sa isang malinis na gobyerno pero hindi maampat ang pagdami ng mga magnanakaw sa loob ng estado. Kapwa sa mga stalinista at demokratikong mga bansa ay pinagyayabang ng burgesya ang parusa sa mga “malalaking isda” para pakalmahin ang masa na maari pang repormahin ang kapitalistang sistema.[3]

Sa ating modernong panahon, dulot ng modernong teknolohiya, ang magagaling at matatalinong magnanakaw na mga opisyales ng gobyerno ay mas lalupang naging tuso at mas maingat sa kanilang masamang gawain hindi dahil nahihiya sila kundi para ipakitang ang sistema at gobyernong pinagtatanggol nila ay may kapasidad na linisin ang lipunan ng katiwalian.

Subalit ang moralidad ng burges na lipunan ay nakabatay sa pagpapatuloy ng paghari ng mayayaman. Para sa kapitalismo, hindi imoral ang magkamal ng malaking tubo; hindi imoral ang maging milyonaryo o bilyonaryo basta’t naaayon lang sa batas ng estado.

Ang usapin ng katiwalian sa lipunang kapitalista ay naaayon sa kung ano ang “tama” at “mali” batay sa kaisipan ng naghaharing uri at sa kagustuhan ng estado bilang sentral na organo para sa “kaayusan” ng bulok na lipunan.

Ang panawagang “sign a waiver” ni Corona at “disclose all” ng isang seksyon ng Kaliwa

Interesado ba ang naghaharing uri sa isang “malinis” na pamahalaan? Kung intensyon lang ang pag-uusapan tiyak na OO ang sagot dito. Katunayan, ang unang umaangal sa katiwalian ay ang mga panggitna at maliit na kapitalista. Mas lumalaki ang “gastos” nila dahil obligadong manuhol sila sa mga tiwaling opisyal para lamang mapabilis ang proseso ng kanilang negosyo at pagkamal ng tubo.

Sa kabilang banda, hindi “tamang” makakolekta ng buhis ang estado sa mga malalaking negosyante dahil sa pag-iwas ng mga ito sa “tamang” buhis sa pamamagitan ng panunuhol. Hindi pa kasama dito ang panunuhol ng mga karibal na armadong paksyon ng gobyerno sa mga tiwaling opisyales ng armadong sandatahan nito para makabili ng armas mula mismo sa gobyerno na “kaaway” nila.[4]

Subalit ang intensyon ay hindi maging realidad. Habang tumitindi ang krisis ng sistema mas dumarami ang mga tiwaling opisyales ng estado, mga taong nagpapayaman sa sarili gamit ang posisyon nila. Ang korupsyon ay hindi pang-aabuso sa sistema. Ito mismo ang demokratikong sistema ng parliyamentarismong burges.[5]

Intensyon ng bawat paksyon na uupo sa Malakanyang ang isang “malinis” na pamahalaan para mapanatili hindi lang ang ilusyon na may maasahan pa sa bulok na kaayusan kundi para maging maayos sana ang paghahari ng mga mapagsamantala.

Nagtuturuan ang mga magkaribal na paksyon alin sa kanila ang tiwali dahil wala namang umaamin alinman sa kanila sa kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Dito nakaangkla ang huling “opensiba” ni Renato Corona – “sign a waiver” - bago siya tuluyang pinatalsik ng senado sa Korte Suprema. Dito rin nakaugnay ang panawagan ng isang seksyon ng Kaliwa na “disclose all”.

Kapwa ang “sign a waiver” at “disclose all” ay mga repormistang panawagan na naglalayong buhusan ng gasolina ang unti-unti ng namamatay na apoy ng ilusyon ng masa na may maaasahan pa sa kapitalistang sistema.

Ang pangkalahatang argumento ng mga pasimuno ng panawagang ito ay para daw mabisto sa taumbayan kung sinu-sino ang mga tiwali sa pamahalaan at maparusahan ayon sa batas. Sabi naman ng isang seksyon ng Kaliwa, kung ayaw ng lahat ng mga opisyales ng gobyerno na ilantad ang kanilang mga pera at ari-arian ay mabuti pang mag-resign na lang sila para mabuksan ang kondisyon sa isang transisyunal na gobyerno.[6]

Sinuportahan agad ng mga politikong hindi alyado ng paksyong Aquino ang panawagan ni Corona. Nagpirmahan ang mga ito ng “waiver” sa harapan ng media o kaya pinaalam agad sa media para maipakitang “malinis” at “walang tinatago” ang mga ito.

Naobliga namang sinuportahan ng isang seksyon ng Kaliwa ang panawagan ni Corona pero “mas pinalawak” lang nila ito para maipakitang “mas radikal” sila kaysa kay Corona.

Ano naman ang ganansya ng taumbayan sa panawagang ito? Wala.

Unang-una na, matagal ng alam ng nakararami na nagpapayaman lamang sa sarili ang mga politikong nakaupo sa pwesto. Ilang dekada ng naranasan ng hirap na mamamayan na ang kanilang mga ibinoto sa pwesto ay mas lalupang yumaman ng maupo sa pamahalaan.

Ikalawa, ilang daang opisyales man ng gobyerno ang maparusahan ay patuloy pa rin ang katiwalian dahil ang bulok na sistema mismo ang nagluwal ng korupsyon.

Ikatlo, sa bawat “paghihigpit” ng mga batas ng estado laban sa katiwalian ay mas lalupang naging magulang at “matalino” ang mga tiwaling opisyales. Higit sa lahat, laging abswelto sa parusa ang mga malalapit na alyado ng naghaharing paksyon. Kaya paikut-ikot lamang ang kampanya ng naghaharing uri laban sa korupsyon: ang papalit na bagong administrasyon ay hahabulin at parusahan ang pinalitan at karibal na paksyon at sa kanila isisi ang lahat ng pagiging bangkarota ng gobyerno habang ang bagong administrasyon na naman ang magpapayaman sa sarili. Sa loob ng ilang dekada ay ganito ang ikot ng kampanya ng naghaharing uri.

Ano ang solusyon ng rebolusyonaryong manggagawa sa katiwalian?

Layunin ni Corona at ng Kaliwa na magkaroon ng isang malakas na kilusang masa laban sa katiwalian. Bubuhos sa kalsada ang daang libong mamamayan para sa isang malinis na pamahalaan. Ang target nila: ang paksyong Aquino lamang hindi ang bulok na kapitalistang kaayusan.

Paanong bubuhos sa kalsada ang libu-libong mamamayan kung alam na mismo ng huli na walang mangyari? Mas “mataas” pa ang kamulatan ng ordinaryong masa sa mga “lider” nila dahil alam ng una kung anong nangyari sa pamilyang Marcos matapos maupo si Cory Aquino; kung anong nangyari sa pamilyang Estrada matapos makulong si Erap Estrada.

Ang Kaliwa mismo ay tumulong sa paksyong Aquino laban kay Corona sa pamamagitan ng impeachment trial ng senado. Ang tinatahak na proseso ng “paglaban” sa katiwalian ay naaayon sa batas na ginawa mismo ng mga tiwaling politiko sa kongreso at senado.

Inulit na naman ng Kaliwa ang bangkarotang taktika na para maging “malinis” ang kapitalistang gobyerno ay kailangang may mga bagong batas at may mga bagong politiko na uupo sa pwesto. Sa madaling sabi, hindi kapitalismo ang problema kundi ang mga tao at paraan lamang ng pangangasiwa dito! At ang bangkarotang taktikang ito ay para daw isulong ang tunay na panlipunang pagbabago.

Para sa rebolusyonaryong mga manggagawa ang katiwalian ay bunga lamang ng isang bulok na kaayusan hindi dahilan bakit naging bulok ang sistema.

Ang panawagan ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa kanilang mga kapatid na manggagawa ay hindi para sa isang “malinis” na gobyerno kundi ibagsak ang gobyerno.

Paano? Saan magsimula?

Isang malawak na kilusang manggagawa na lalahukan ng libu-libong manggagawa na ang mga kahilingan ay para sa interes ng buong uri. Magsimula ito sa paglaban sa mga atake ng kapital sa kanilang kabuhayan: kontraktwalisasyon, mababang sahod, mababang benepisyo at hindi makataong kalagayan sa pagawaan.

Ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang paglikha ng mga kondisyon para sa malawakang pakikibaka sa lansangan, para sa mga pangmasang welga na ang magpasya ay hindi ang mga unyon kundi ang mga asembliya ng manggagawa o mga komite ng welga.

Sa ganitong mga laman at tipo ng pakikibaka malalantad ang mga nagmamalinis na politiko nasa administrasyon man o oposisyon kung ano ang kanilang paninindigan sa makauring mga kahilingan ng manggagawa.[7]

Nagkaisa ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri na manawagan sa manggagawa na “sumunod sa mga batas” at sa mga “legal na proseso” para makamit ang mga kahilingan; mga batas at proseso na kontrolado ng mga mapagsamantala at para pahinain ang rebolusyonaryong pagkakaisa ng masang anakpawis.

Sa proseso ng pakikibaka mabuo ng uring manggagawa ang kapangyarihang pampulitika. Kapangyarihan na makamit lamang hindi sa pakikipag-alyansa sa alinmang paksyon ng naghaharing uri.

Tanging sa kapangyarihan ng manggagawa masimulan ang pagpawi sa katiwalian sa lipunan. Hindi magkaroon ng kapangyarihan ang masang anakpawis hangga’t nanatili ang kapitalistang estado at mga batas nito. Lalunang hindi makamit ang proletaryong kapangyarihan sa pamamagitan ng paglahok sa burges na eleksyon ng mga rebolusyonaryong manggagawa.

Ang pagpawi sa katiwalian ay mahigpit na nakaugnay sa pagbagsak ng gobyerno at ng sistemang pinagtatanggol nito hindi sa mga reporma, sa mga batas at paghawak ng pwesto sa estado.

M3, Hulyo 8, 2012

 


[1] Bagamat kahit sa panahon na pasulong pa ang isang makauring sistema ay mayroon ng katiwalian at pagnanakaw ng mga opisyales ng estado sa kaban ng bayan, hindi ito naging pangunahing problema ng naghaharing uri o kahit ng buong populasyon dahil pinauunlad pa ng mga pwersa at relasyon ng produksyon ang buong lipunan. Sa imperyong Romano, naging malaking problema lamang ang katiwalian sa loob ng estado ng pumasok na ang sistemang alipin sa kanyang dekadenteng yugto, panahon na permanente na ang krisis ng sistema. Ang iba’t-ibang paksyon ng naghaharing uri dahil sa krisis ay nagpapaligsahan kung sino ang unang makakulimbat sa lumiliit na yaman ng bayan.

[3] Pinagyabang ng Tsina ang kanilang death penalty bilang parusa sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Pero mas lumala ang korupsyon sa bansang ito. Ganun din ang nangyari sa ibang mga bansa. Sa Pilipinas ay napatalsik si Ferdinand Marcos Sr, nabilanggo si Joseph Estrada, inaresto si Gloria Arroyo at napatalsik si Renato Corona sa pwesto. Pero ang katiwalian ay patuloy na naranasan ng hirap na mamamayan.

[4] Ang gun smuggling ay hindi lang talamak sa Pilipinas kundi maging sa ibang mga bansa din. Nangyayari ang mga ito dahil sa katiwalian ng mga nasa sandatahang lakas ng estado. Ang maoistang New People’s Army at iba pang armadong rebeldeng gruo ay bumibili ng armas sa sandatahang lakas ng kanilang “kaaway”. Kaya nga ipokrito ang mga grupong ito sa kanilang panawagan na pawiin ang katiwalian sa kapitalistang pamahalaan. https://en.internationalism.org/wr/305/arms-deals

[6] Habang ang Kaliwa at ang kanilang mga unyon ay nanawagan ng “walang katiwalian na kapitalismo”, kahit ang hanay nila ay nahawa na rin sa matinding katiwalian at karahasan ng pag-aagawan ng yaman mula sa pawis ng masang manggagawa at proyekto ng estado na ipinagkatiwala sa mga unyon. Sa Pilipinas, hitik sa kasaysayan ang mga tunggalian sa pagitan ng mga unyon. Ang TUCP ang pinakahuling nahati dahil sa pag-aagawan ng kapangyarihan sa loob ng unyon. Hindi pa kasama dito ang pamimili ng boto sa COMELEC tuwing eleksyon para lamang manalo. Ang “sosyalistang” Venezuela ni Hugo Chavez ay marahas ang tunggalian ng mga magkaribal na unyon http://news.bbc.co.uk/2/hi/americas/8583662.stm

[7] Kabulastugan ang propaganda ng maoistang Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga alyado nito na kaibigan daw ng uring manggagawa ang mga milyonaryong kapitalistang politiko tulad ni Manny Pacquiao dahil sinuportahan daw nito ang 125 legislated wage increase across-the-board nationwide. Sa halip na sa lahat ng seksyon ng manggagawa hihingi ng suporta at sa lansangan ang pangunahing porma ng pakikibaka, sa mga mapagsamantalahang kapitalistang politiko at sa bulok na kongreso sila umaasa ng suporta laluna sa panahon na nasa matinding krisis ang kapitalismo.

 

Rubric: 

Katiwalian