Submitted by Internasyonalismo on
Habang lumalakas ang nakakalasong ideolohiyang nasyunalismo sa Tsina at Pilipinas, tumitindi naman ang propaganda ng internasyunal na burgesya na hindi ang kapitalismo ang nasa krisis kundi mga ispisipikong mga bansa lamang dahil sa maling pamamalakad ng ekonomiya at pulitika ng naturang mga bansa o kaya dahil sa korupsyon ng mga nasa kapangyarihan.
Sabi ng internasyunal na burgesya, kabilang ang Tsina sa mga bansang patunay na “may liwanag pa sa dulo ng krisis” dahil “umuunlad” ang kanilang ekonomiya.
Ang nasa ibaba ay salin mula sa English na nagsuri sa diumano “umuunlad” na mga kapitalistang bansa – “BRICS”. Ang katotohanan ay lahat ng mga bansa ng mundo ay walang ligtas sa krisis ng sistema at sa galit ng malawak na masang anakpawis.
Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryong organisasyon ay paano mabigyan ng rebolusyonaryong direksyon ang pagkasuklam ng malawak na naghihirap na mamamayan sa kanilang kalagayan dahil ginagawa ng burgesya ang lahat para ilihis ang galit na ito tungo sa pag-rereporma lamang sa sistema.
Tinutulungan ng Kaliwa ang naghaharing uri sa paghasik ng ilusyon ng repormismo at palayo sa rebolusyonaryong landas gamit ang “ahitasyunal” na propagandang “may magagawa pa ang gobyerno” at “dapat kontrolin ng gobyerno ang mga industriya laban sa mga pribadong kapitalista”. At ang oportunistang palusot ng Kaliwa sa ganitong katrayduran sa hinihingi ng obhetibong kalagayan ay dahil “mababa pa ang kamulatan ng malaking mayoriya ng uring manggagawa”. Ang palusot na ito ay lalupang nagpababa sa kamulatan ng uri at pag-asa sa mga organisasyong instrumento ng burgesya sa loob ng kilusang paggawa.
Nasa agenda na ngayon ang pagbagsak sa sistema at estado. Ito dapat ang direksyon ng anumang porma at laman ng interbensyon ng mga rebolusyonaryo sa mga pakikibaka ng proletaryado laban sa mga atake ng kapitalismo.
Internasyonalismo
-----------------------------------------------------------------------------------------------------
China
Isinama ng mga eksperto ng burgesya ang China sa kanilang koleksyong ng mga malalakas na ekonomiya na nakilala bilang ang “BRICs”. Kabilang din dito ang Brazil, Russia at India na diumano’y siyang maging tagapagligtas sa balot sa krisis na kapitalismo. Ang mga bansang ito ay ibinibida bilang alternatiba sa “PIIGs” (Portugal, Ireland, Italy, Greece at Spain). Sa realidad, sila’y magkabilang mukha lamang ng iisang barya. Ang PIIGs ay mabilis ang pagbulusok sa hayagang krisis pang-ekonomiya, ang BRICs ay nag-umpisa na, na bumubura sa maliit na pag-asa ng naghaharing uri sa isang pang-ekonomiyang milagrong may kakayahang mangibabaw sa mortal na krisis ng kapitalismo. Ang International Review 148 ng ICC ay nagsabing: “Ang mga ‘lumalakas’ na bansa, tulad ng India at Brazil, ay nakikitaan ng mabilis na pagbaba ng kasiglahan. Kahit ang China, na noon pang 2008 ay ibinida na bilang bagong tagapagpaandar ng pangdaigdigang ekonomiya, ay opisyal na tumungo mula di-maganda tungong paglubha. Isang artikulo sa China Daily noong ika-26 ng Disyembre ang nagsabi na dalawang lalawigan (isa rito ay ang Guangdong na isa sa pinakamayaman sa bansa dahil ito ang tumanggap ng malaking bahagi ng sektor ng manupaktura ng mga pangmasang konsumong produkto) ang nagpaabot sa Beijing na maantala ang kanilang pagbabayad ng interes sa kanilang utang. Ibig sabihin, ang China ay naharap sa isang pagkalugi”.
Sa isang nakakabahalang kaganapan para sa ekonomiyang Tsina – at sa kapitalismo sa pangkalahatan – may malawakang pag-unlad/bula sa pabahay na patuloy ang paglobo na, tulad ng sa USA, Ireland, Spain at kahit saan, puputok lang at magdudulot ng mga masamang epekto. May isang malawak na sobrang kapasidad na makikita sa ilang daang milyong kwadradong talampakan ng nakatiwangwang at di naibentang ispasyo ng gusali sa Shanghai. Ang pabahay dito at sa Beijing ay pumipresyo ng 20 beses mahigit kay sa taunang sahod ng isang karaniwang manggagawa. 85% ng mga manggagawang nangangailangan nito ay di kaya ang isang bagong bahay. Hinihigpitan ng rehimen ang pautang dahil sa pagtaas ng implasyon kaya, tulad ng sa Britain, sa USA, Ireland, Spain, at iba pa, sa kalauna’y-puputok-na- bula ay yayanig sa sistemang pagbabangko, partikular sa bersyon ng China sa ‘sub-prime’, ang di-opisyal na merkado ng sistemang pagbabangko na tinustusan ng mga malalaking negosyong pagmamay-ari ng estado ng rehimen. Ang mga pagkaluging ito ay lubhang makaapekto sa mga mahahalagang lokal na otoridad ng estado na di na makatugon sa kani-kanilang mga obligasyon. Malayo pa doon sa sinasabing tanglaw ng pag-asa, ang namumuong pandaigdigang krisis ay mas higit na nangangahulugan na ang ekonomiyang Tsina ay isa lang sa mga paktor ng kapitalistang kabiguan.
Ang mga pag-unlad sa pakikibaka ng uring manggagawa sa China ay nagpakita na ito’y lubusang kabahagi ng pandaigdigang alon ng makauring pakikibaka at panlipunang protesta na umusbong mula pa 2003. At dahil ang lawak at lalim ng mga pakikibaka na sa kasalukuyan ay kinabibilangan ng bagong henerasyon na kalakha’y edukadong manggagawang migrante, ang mga kaganapan sa China ay may malaking potensyal. Hindi bilang isang ekspresyon ng burgis na ilusyon sa anumang ‘pang-ekonomiyang pagbangon’, kundi bilang isang mahalagang tanglaw para sa pandaigdigang proletaryo sa pagpa-unlad ng makauring pakikibaka.
Ang libo-libong ulat ng mga ‘kaganapan’ ng mga welga at mga protesta sa mga syudad, sabay ng pag-alburuto sa kanayunan ay dumarami sa bilang at lakas. Ang mga welga ay patuloy na lumalaki: ang tatlong araw na welga sa maagang bahagi ng Enero sa industriyal na sona ng Chengdu ay, ayon sa The Economist (2/2/12) “…di karaniwang laki sa isang empresa na pagmamay-ari ng sentrong gobyerno”. Ang mga manggagawa dito ay nanalo ng maliit na dagdag-sahod na $40 bawat buwan, nguni’t ang panunuhol sa mga welga sa ganitong paraan sabay ng mga hayagang panunupil ay di na makakasapat. Ang blak-awt ng midya sa pag-alburuto ay di na sapat sa harap ng paggamit ng mga maliitang ‘blogs’. Ang dalas ng mga welga sa mga pribadong pag-aaring pagawaan ay tumaas nitong huling taon.
Sa Pearl River Delta, na gumagawa ng mga sangkatlo (1/3) ng mga eksport ng China, libo-libong manggagawa ng Dongguan noong nakaraang Nobyembre, na nagpoprotesta laban sa pagkaltas sa sahod, ay tumungo sa mga lansangan at nakipaglaban sa mga pulis. Ang mga larawan ng mga nasaktang manggagawa ay lumabas sa internet. Sa huling mga linggo ay marami pang protesta ang naganap dito.
Habang nag-oobserba sa kasalukuyan at umuunlad na mga protesta sa Guangdong, na nag-iba ng hugis at kabaliktaran sa mga nagkasundo at payapang welga na naganap dito noong 2010, ang The Economist ay nagpatuloy: “…sa mga panahon ngayon, sa halip na magsumamo para sa pagbabago ng kanilang kalagayan, ang mga manggagawa ay nagrereklamo hinggil sa pagkaltas sa sahod at trabaho. Ang mga welgista ay mas naging militante… Sa isang ulat na nilathala sa buwang ito ng Chinese Academy of Social Sciences, ay sinabing kumpara noong 2010, ang mga welga ng 2011 ay mas organisado, mas palaban at malamang makalikha ng mga kaparehong aksyon. ‘Ang mga manggagawa sa kasalukuyan ay ayaw nang tumanggap na sila’y magsakripisyo, at pangalawa, kakaunti lang sa kanila ang gustong magligpit ng gamit at umuwi’”.
Ang panunupil ay siya pa ring mayor na sandata ng estadong Tsina – mga di-naka-uniporming pulis ay naglipana. Subali’t may mga panganib sa ganitong patakaran. Nang sinupil ng mga pulis ang isang buntis na manggagawa sa Guangdong kamakailan, libo-libong manggagawa ang umatake sa mga pulis at sa mga gusali ng gobyerno. Ang mga manggagawang ito ay mas malamang na di na babalik sa pagiging magsasaka laluna’t ang kanayunan ay nagpahayag na ng sarili nitong porma ng mga protesta laban sa epekto ng krisis – tulad ng sa Wukan kamakailan lang. Mayroong isang daan at anim-na-pung milyong manggagawang migrante ( 20 milyon sa kanila ay nawalan ng trabaho ng tumama sa China ang ekonomiyang tsunami ng 2008) at silay naninirahan sa mga syudad. Wala na silang babalikan at bilang mga migrante, sila mismo ang magbabayad para sa edukasyon ng kanilang mga anak at programang-kalusugan ng pamilya (na sasagutin sana ng mga kompanya subali’t tulad ng minimum na pasahod, ito’y binale-wala), isang larangan ng makauring tunggalian ang nabubuksan.
Ang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ay lumalalim at ito’y magkakaroon ng signipikanteng epekto sa China at sa ekonomiya nito. Sa kasalukuyan at sa umuunlad na lebel ng makauring pakikibaka sa bansang ito, aasahan natin ang mas maunlad na mga pakikibaka ng mga manggagawa sa China, magpapalakas at magpaparami sa bilang ng mga welga at protesta na iniulat nitong Enero.
Baboon, 2/2/12