Submitted by Internasyonalismo on
Mula ng pumutok ang WW I ay pumasok na ang mundo ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. Yugto kung saan lubusan ng reaksyunaryo at kontra-rebolusyonaryo na ang pandaigdigang sistema. Sa yugtong ito ang panawagan ng komunistang kilusan ay “Proletaryong rebolusyon o digmaan”. Mula 1980s ang dekadenteng kapitalismo ay pumasok na sa kanyang naaagnas na yugto – dekomposisyon – kung saan ang panawagan ng mga komunistang organisasyon ay “Komunistang rebolusyon o pagkawasak ng mundo”.
“Pakikipag-isang Prente”
Ang terminong pakikipag-isang prente o “united front” ay lumitaw noong matapos ang WW I kung saan ay nanawagan ng alyansa ang Komunistang Internasyunal (COMINTERN) sa traydor na Sosyal-Demokrasya. Tinutulan ito ng minoriyang komunista sa loob ng COMINTER na tinawag na “kaliwang-komunista” ng mayoriya. Ibig sabihin, oposisyon sa loob ng Komunistang Internasyunal.
Sa praktika ang UF ay pakipag-alyansa ng isang komunistang organisasyon/alyado nila sa ibang mga organisasyonkabilang na ang mga tahasang repormista at burges ayon sa “maiinit na mga isyu” at sa linyang “opposed the greater evil”. Ito ang esensya ng “anti-fascist” front o “popular front” noong WW II.
Sa bandang huli, ang “united front” tactics ng COMINTERN ang kondisyon upang masakerin ng alyado nitong Koumintang sa China ang mga manggagawang nag-alsa sa Shanghai noong 1927 at Kemal Attaturk ng Turkey, ang alyado ng COMINTERN na paslangin ang daan-daang membro ng Partido Komunista ng Turkey noong 1921.
Sa Uropa ay hitik sa karanasan kung paanong isinapraktika ng mga stalinista/”sosyalistang” partido ang “united front” para makaupo sa kapangyarihan sa pamamagitan ng eleksyon. Ang mga sosyalistang partido ng Greece at Spain na naging gobyerno dahil sa “UF tactics” ang pasimuno ng mabagsik na austerity measures laban sa uring manggagawa.
Sa Pilipinas, hindi pa nabura sa kaisipan ng mga rebolusyonaryo ang masaker at pagdis-arma na ginawa ng mga sundalong Amerikano sa gerilyang Hukbalahap matapos ang “tagumpay” ng alyansa ng stalinistang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), lokal na burgesya at imperyalistang Amerika laban sa imperyalistang Hapon. Bahagi ng broad alliance ang isang paksyon ng naghaharing uri. Makita ito sa prenteng anti-Marcos, anti-Cory, etc etc…hanggang anti-Noynoy Aquino sa kasalukuyan, depende kung anong paksyon ang nasa Malakanyang. Sa panahon ng rehimeng Arroyo naging taktikal na alyado ng mga naniwala sa “united front” ang napatalsik na paksyon ni Erap. Hindi ito usapin ng makauring linya kundi usapin ng “mas maraming mamobilisa” laban sa “pangunahing” kaaway sa pamamagitan ng “taktikal” na pakipag-alyansa sa mga “segundaryong” kaaway.
Ang iba’t-ibang organisasyong “progresibo” sa Pilipinas, gamit ang “UF tactics” ay hayagan o kaya sekretong nakipagnegosasyon sa mga malalaking partidong burges, kabilang na ang mga lokal na politiko para lamang makakuha ng dagdag-boto o suportang pinansyal sa malalaking kampanya nito o sa gerilyang digma. Ang maoistang CPP at repormistang Akbayan ang makapal ang mukhang ihayag sa publiko ang alyansa nito sa mga malalaking burges na partido tulad ng Nacionalista Party ni Manny Villar at Liberal Party ni Benigno “Noynoy” Aquino III. Habang ang ibang mga “progresibong” organisasyon ay nahihiya pa at nagkasya na lamang sa sekretong negosasyon sa mga burges na partido at pulitiko.
Sabi ng karamihan, “pwedeng pumasok sa broad alliance ang mga komunista na independyente at dala-dala ang makauring linya”. Paano madala at maigiit ng proletaryado sa loob ng “broad alliance” na ito kung ang “basis of unity” ay tahasan ng oportunista/repormista at laban lamang sa isang paksyon ng naghaharing uri? “Napanatili” nga ng mga komunista ang “makauring linya” sa kanilang sarili habang sa praktika ay nilamon sila sa mga pagkilos/panawagan na naaayon sa interes ng burgesya.
Ang “broad alliance” na konsepto ng mga maoista ay walang pagsaalang-alang sa makauring linya dahil unang-una na hindi naman proletaryong programa ang dala-dala nito kundi burges. Ang importante sa kanila ay susunod sa pamumuno nila ang isang paksyon ng burgesya sa loob ng “broad alliance”. Ang paksyon ng burgesya na hindi susunod sa kanila, hindi kasama sa alyansa. Sa Nepal ay “matagumpay” na naisagawa ng mga maoista ang broad alliance tactics dahil nakaupo sila sa kapangyarihan. Subalit ang natural na kabayaran ay lalupang pagpapahirap sa masang manggagawa at maralita doon.
Ang “entryism” naman ng mga trotskyista ay pumasok sila sa mga repormista/maka-kapitalistang organisasyon sa loob ng kilusang paggawa at naging “revolutionary opposition” sa loob. Ito ang praktika nila sa loob ng burges na partidong Labor Party ng UK. Sa Egypt ngayon ay kasalukuyang lumalangoy sa “broad alliance” ang ilan sa mga trotskyistang partido doon.
Subalit ang iba ay naghahanap ng ibang implementasyon ng “broad alliance” o “united front” na salungat daw sa ginagawa ng mga maoista. Hindi naunawaan ng una kung saan ito hinugot ng huli: mula sa oportunistang “united front” tactics ng COMINTERN noong 1920-21 na siyang mahigpit na tinatangkilik ng Stalinismo bilang bahagi ng “Leninismo” at isinapraktika sa China, Turkey at iba pang bahagi ng mundo kabilang na ang Pilipinas noong panahon ng WW II at diktaduryang Marcos hanggang ngayon.
Sa Uropa at Amerika kahit ang mga organisasyong “anti-maoista” tulad ng “sosyalistang” mga partido at trotskyista ay nagsapraktika din ng “broad alliance” laluna sa parliyamentarismo.
Proletaryong Prente
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ang tanging programa na maging daan para lalaya ang sangkatauhan mula sa lahat ng pagsasamantala at pang-aapi ng kapitalismo ay ang proletaryo o komunistang programa. Ang sentral na laman ng programang ito ay anti-kapitalismo at laban sa lahat ng klase ng burges na ideolohiya kabilang na ang lahat ng hibo ng nasyunalismo at demokrasyang burges.
Ibig sabihin, kailangang makabig ng rebolusyonaryong proletaryado ang malawak na masang anakpawis sa kanyang programa sa pamamagitan ng pagpaliwanag ano ang komunismo at paglantad sa lahat ng tipo ng burges na ilusyon. Ito ang tanging daan wala ng iba pa kung nais nating mailigtas ang sangkatauhan at mundo mula sa walang kataposang barbarismo.
Ang dapat gawin ng mga komunistang organisasyon at mga alyado nilang organisasyong masa ay matalas na kondenahin sa publiko ang oportunismo/repormismo ng mga paksyon ng burgesya habang hinihimok na pumaloob ang mas maraming masa sa bandila ng proletaryong linya/panawagan. Ibig sabihin, kabigin ang peti-burgesya/magsasaka sa linya ng proletaryado. Ito ang demarkasyon sa pagitan ng makauring pamumuno: proletaryado vs burgesya. Mangyari lamang ito kung hindi papaloob ang mga komunistang organisasyon/alyado nila sa “broad alliance” kasama ang mga repormista/oportunista.
Mahiwalay ba ang komunistang organisasyon? Tiyak mahiwalay ito sa mga oportunista/repormista. Mahiwalay ba ang mga komunista sa masang anakpawis? Maaring pansamantala laluna kung napakalakas pa ang hatak ng mga ilusyon ng repormismo at demokrasyang burges. Pero ang mga nagsusuring elemento sa hanay ng masa ang unang makaunawa sa tamang pagkakaisa na inihapag ng isang komunistang organisasyon. Noong WW I ay sa simula napakaliit at “hiwalay” sa malawak na masang manggagawa ang mga komunista habang “napakalawak” ang “suporta” ng sosyal-demokrasya. Pero walang pag-alinlangang kinondena ng minoriya ang mayoriya ng sosyal-demokrasya na traydor sa internasyunalismo at proletaryong rebolusyon. Noong WW II ay halos walang nakinig sa mga komunista at napakalakas ng impluwensya ng stalinismo sa hanay ng kilusang paggawa.
Makumbinsi lamang ang ibang mga pinagsamantalahang uri sa lipunan sa katumpakan ng proletaryong linya kung matatag na manindigan ang mga proletaryong organisasyon sa interes ng manggagawa sa pamamagitan ng hayagan at matalas na pagkondena at paglantad sa lahat ng tipo ng oportunismo at repormismo ng mga organisasyong malakas pa ang impluwensya sa kilusang paggawa. Makumbinsi lamang ang masa na pumaloob sa proletaryong prente kung malinaw na makita at maunawaan nito ang demarkasyon, ang kaibahan ng proletaryong panawagan sa burges na panawagan.
Hindi ito madali at napakahirap. Kung madali sana ito ay hindi nangyari ang WW I at WW II at mga digmaan sa kasalukuyan na sinisilaban ng lahat ng tipo ng nasyunalismo at ilusyon ng demokrasyang burges.
Ang layunin ng proletaryong organisasyon ay mabuo ang proletaryong prente na lalahukan ng malawak na masang anakpawis laban sa anumang mga ilusyong inihasik ng burgesya.
Pero kung hanap ay kantitatinong dami na walang pagsaalang-alang sa makauring prinsipyo at programa, “mas mabuti ang broad alliance kasama ang mga oportunista/repormista kabilang na ang mga traydor sa proletaryong rebolusyon.”
Hindi pa ba sapat ang mahigit 80 taon na karanasan ng “united front” para makita ano ang bunga nito kung ang sukatan ay pagpapalakas sa proletaryong kampo laban sa kapitalismo? Maaring hindi pa nga sapat dahil mas marami pa rin ang “matured” na mga organisasyon na naniniwala dito at tanging ang mga “musmos” pa lamang ang tumindig laban dito at nanawagan na ang dapat palakasin ay ang proletaryong prente. Dito dapat ang pokus ng mga komunistang organisasyon (sa proletaryong prente) paano paunlarin ang dinamismo at buhay na talakayan sa loob.
Ang mga binhi ng proletaryong kampo ay kumalat sa mga pag-aalsa laban sa kahirapan sa Gitnang Silangan, Uropa at USA: mga asembliya. Ang mga ito kundiman independyente sa mga partido ng Kaliwa at mga unyon ay nahirapan itong kontrolin ng huli tulad ng “broad alliance” na DRY (Real Democracy Now) sa Spain. Mga binhi din ng proletaryong kampo ang mga pagkilos na tahasang kumokondena sa mga oportunismo at pagkanulo ng mga partido ng Kaliwa tulad ng “socialist” parties, stalinistang partido at mga unyon nito.
Oo, marami pang dapat aralin ang uri sa kanilang sariling karanasan. Pero positibo ang tunguhin nito dahil nag-iisip at nagsuri mismo ang uring proletaryo na meron pang alternatiba sa ilang dekadang “broad alliance” na inilalako sa kanila ng kanilang mga “representante”…at ito ay ang “alyansa” ng buong uring manggagawa para sa kanyang sariling makauring interes at ang mga asembliya bilang organo ng pakikibaka. Habang nahubaran ang oportunismo ng “broad alliance” kung saan ang esensya nito ay “pagtugmain” ang interes ng iba’t-ibang mga uri sa lipunan, mas lalong lumilinaw na walang ibang magliligtas sa sangkatauhan mula sa delubyo ng kapitalismo kundi ang proletaryong interes at direksyon lamang ng laban.
Sa kasalukuyan ay minoriya at maliit pa lamang ang nanindigan laban sa “broad alliance” o “united front”. Pero hindi ibig sabihin na mali ito. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang mayoriya at mali ang minoriya. Ito ang masaklap na turo sa atin ng kasaysayan mula noong WW I.
Tama na gawing tungtungan ang kasalukuyang antas ng kamulatan ng malawak na masa. Subalit ito ay para itaas ang kamulatan nila, kamulatan na kailangan at kayang-kaya na ibagsak ang kapitalismo at estado nito. Hindi tataas ang kamulatan ng masa kung ang mga organisasyong taliba ng uri ang siya mismong maglatag ng mga kahilingang nagpapatibay sa atrasadong kamulatan sa halip na dudurog dito.
Ang kasalukuyang kamulatan ng malawak na masa ay unang-una dahil sa malakas na impluwensya ng burges na propaganda at ideolohiya sa kanila. Ang epektibong paraan para malabanan ang impluwensya ng kaaway sa uri ay ang pagsulong at paglakas ng makauring pakikibaka dala-dala ang abante at tumpak na mga panawagan na hinihingi ng obhetibong sitwasyon. At ang obhetibong sitwasyon sa kasalukuyan ay kailangan at posible ng ibagsak ang gobyerno at kapitalismo.
M3, Abril 12, 2012