Mga protesta ng Occupy Wall Street: Ang kapitalistang Sistema Mismo Ang Kaaway

Printer-friendly version

Walang duda na sinusundan ng mga mambabasa ang mga kaganapan sa kilusang OCCUPY WALL STREET (OWS). Mula kalagitnaan ng Setyembre, inokupahan ng libu-libong nagprotesta ang Zuccotti Park sa sentro ng Manhattan, ilang kalye mula sa Wall Street. Ang mga protesta ay kumalat ngayon sa daan-daang syudad ng Hilagang Amerika. Libu-libo ang lumahok sa mga okupasyon, demonstrasyon at pangkalahatang asembliya kung saan pinakita ang antas ng pag-organisa sa sarili at direktang partisipasyon sa pampulitikang aktibidad na hindi nakita sa US sa loob ng ilang dekada. Ang pinagsamantalahan at galit na populasyon ay nagsalita na, pinakita ang galit sa kasamaan ng kapitalismo. Ang internasyunal na epekto ng OWS sa buong mundo ay hindi dapat maliitin: naganap ang mga protesta sa halos lahat ng mga sentro ng pandaigdigang kapitalismo, binandila ang mga islogan at pagkadismaya na umalingawngaw sa buong Uropa at Hilagang Aprika.

Subalit, ang kinabukasan ng kilusan ay parang walang katiyakan. Habang marami sa mga nagprotesta ang nangakong ipagpatuloy ang okupasyon, mas lumilinaw na ang inisyal na ispontanyong enerhiya ng kilusan ay bumaba, habang ang kanyang pundasyon na mga pangkalahatang asembliya (GAs) ay lalupang natransporma tungo sa pasibong tagasunod sa mga “working-groups” at mga “komite,” karamihan sa mga ito ay dominado ng mga propesyunal na aktibista, kaliwa, atbp. Nagbago-bago pa ang sitwasyon, pero tingin namin ay umabot na ito sa antas na pwede ng makakuha ng panimulang pagtatasa sa kanyang kahulugan at tukuyin ang kanyang mga kalakasan at kahinaan.

Lumahok ang IKT sa mga pagkilos sa New York, kung saan maraming militante at simpatisador ang ilang beses na pumunta sa Zuccotti Park para makipag-usap sa mga nag-okupa at lumahok sa GAs. Nagpadala din ng ulat sa amin ang ibang mga simpatisador ng IKT sa kanilang karanasan sa mga kilusang ito sa kani-kanilang mga syudad. Isang masiglang talakayan din ang naganap sa aming website’s discussion forum.[1] Ang artikulong ito ay kontribusyon sa debate, at hinikayat namin ang mga mambabasa na lumahok sa diskusyon.

Paano labanan ang mga atake ng kapitalismo? Ang pakikibaka para makita ang makauring landas

Unang-una kailangang kilalanin natin na ang pinagmulan ng kasalukuyang kilusang okupasyon ay katulad sa lahat na mga malawakang panlipunang pag-alsa na nasaksihan natin sa buong 2011. Mula sa mga kilusan sa Tunisia at Egypt hanggang sa paglitaw ng mga indignados sa Spain, sa mga okupasyon sa Israel at sa mga mobilisasyon laban sa paghihigpit at pagbuwag sa mga unyon sa Wisconsin at ibang mga syudad, sa pagkadismaya at desperasyon ng uring manggagawa—partikular ang henerasyon ng kabataan na matinding tinamaan ng kawalang trabaho.[2]

Kaya nakita natin ang kaugnayan sa pagitan ng OWS at sa lumalakas na pagtutol ng uring manggagawa laban sa mga atake ng kapitalismo sa internasyunal na saklaw. Malinaw na ang OWS ay hindi isang kampanya ng burgesya para ilihis o kupuin ang makauring pakikibaka. Kabaliktaran, ito ang pinakahuli sa mga serye ng pagkilos, kalakhan ay ini-organisa sa pamamagitan ng internet at social media—labas sa mga unyon at opisyal na mga pampulitikang partido – sa pamamagitan nito ay naghahanap ang uring manggagawa ng paraan para malabanan ang malawakang mga atake ng kapital sa yugto ng kanyang makasaysayang krisis. Kilalanin natin ang kilusan bilang tanda na ang proletaryado sa Hilagang Amerika ay hindi ganap na natalo at tutol sa walang hanggang pagdurusa sa mga atake ng kapitalismo. Ganun pa man, kailangang kilalanin din natin na iba’t-ibang mga tendensya ang kumikilos sa loob ng kilusan, na iba’t-ibang tendensya ang paglaban. Ang dominanteng tendensya ay malakas ang repormistang pananaw, ang proletaryong tendensya ay masyadong nahirapan para ilugar ang makauring direksyon sa pakikibaka.

Ipagtanggol ang independyenteng mga pangkalahatang asembliya

Malamang ang pinaka-posistibong aspeto ng mga protestang OWS ay ang paglitaw ng mga Pangkalahatang Asembliya (GA) bilang independyenteng mga organo ng kilusan na mas abante kaysa mga mobilisasyon sa Wisconsin, sa kabila ng kanyang ispontanyidad ay madaling nakontrol ng mga unyon at kaliwa ng Democratic Party.[3] Ang paglitaw ng mga GAs sa OWS ay kumakatawan ng pagpapatuloy sa mga kilusan ng Spain, France at iba pang lugar, at malinaw na palatandaan at pruweba sa kapasidad ng uring manggagawa na kontrolin ang kanyang pakikibaka at matuto sa mga pangyayari sa ibang bahagi ng mundo. Katunayan, ang internasyunalisasyon ng GAs bilang porma ng pakikibaka ang isa sa pinakamatingkad na katangian ng kasalukuyang yugto ng makauring pakikibaka. Ang GAs, higit sa lahat, ay pagtatangka ng uring manggagawa na depensahan ang kanyang awtonomiya sa pamamagitan ng pagpalahok sa buong kilusan sa pagpapasya at pagtiyak ng pinakamalawak at pinakamalalim na posibleng talakayan sa loob ng uri.

Pero sa kabila ng kanilang kahalagahan sa kilusan, malinaw na ang mga GAs ng OWS ay hindi gumagana na walang konsiderableng distorsyon at manipulasyon mula sa mga propesyunal na aktibista at kaliwa na siyang may kontrol sa kalakhan ng mga iba’t-ibang working-groups at komite na dapat responsable sa mga GAs. Ang bigat nito ay nakatulong para mas lalupang mahirapang panatilihin ang bukas na diskusyon at naging hadlang para sa bukas na diskusyon na palawakin ang kilusan lagpas sa okupasyon para abutin ang buong uring manggagawa. Ang kilusang 15M sa Spain ay naharap din sa katulad na mga problema.[4]

Sa unang bahagi ng okupasyon, bilang tugon sa pangungulit ng media na dapat may layunin at kahilingan ang kilusan, isang komite ng prensa ang binuo para sa publikasyon ng dyurnal na OCCUPY WALL STREET. Isa sa aming mga kasama ay nakalahok sa GA ng tinalakay ang unang isyu ng dyurnal—na nauna ng pinamigay sa media ng komite ng presnsa. Galit ang dominanteng sentimyento ng GA dahil inilathala at pinamigay ang dyurnal sa media kung saan ang laman ay hindi umaayon sa pangkalahatang konsesus ng kilusan, pero tila sumasalamin sa isang partikular na pampulitikang pananaw. Napagpasyahan na tanggalin ang taong responsable sa produksyon at pamahagi ng dyurnal sa komite ng prensa. Ito ay nagpakita ng kapangyarihan ng GA na igiit ang kanyang awtoridad sa mga komite at working groups. Ang binhi ng “karaparatan ng kagyat na pagtanggal”. Ang nagkasalang membro ng komite ng prensa ay tinatanggal dahil sa pagmamalabis ng kanyang tungkulin.

Subalit, sa GA pagkatapos ng ilang linggo—sa bisperas ng banta ni Mayor Bloomberg na paalisin ang mga nag-okupa mula sa Zuccotti Park—nakita ng aming kasama ang kaibang sitwasyon. Habang papalapit ang ebiksyon, wala ng makabuluhang diskusyon sa GA. Mayoriya ng GA ay natali sa mga ulat mula sa mga working-groups at komite na walang diskusyon. Ang tanging diskusyon na pinayagan ng mga tagapangasiwa ng GA ay ang panukala ni Manhattan borough President na limitahan ang pagtambol ng mga drummers ng dalawang oras. Sa GA na ito hindi tinalakay ang isyu ng hinaharap ng kilusan. Hindi nito kinukonsidera ang usapin kung paano paunlarin ang estratehiya at taktika para mapalawak ang kilusan lagpas sa kanyang kasalukuyang limitasyon at halos katiyakan ng paglaho nito sa Zuccotti Park.

Sa GA na ito, isa sa aming mga kasama ay nagtangkang magpanukala sa mga nag-okupa na tingnan ang kinabukasan sa pamamagitan ng pag-abot lagpas sa hangganan ng parke tungo sa uring manggagawa sa syudad, kung saan makatanggap sila ng mainit na pagsalubong. Sinabihan ang aming kasama na ang interbensyon ay wala sa paksang limitahan ang pagtambol at ang paglimite sa oras ng interbensyon (na agarang pinagpasyahan ng mga tagapangasiwa ng isang minuto). Isa pang panukala ang inihapag ng isang partisipante na bumuo ng isang delegasyon para magsalita sa mga estudyante sa maraming kolehiyo at unibersidad. Tinanggihan din ang kanyang panukala, dahil marami sa mga nagprotesta ay walang interes na palawakin ang kilusan at kung ang mga estudyante ay nais suportahan ang kilusan dapat pumunta sila sa Zuccotti Park.

Paano natin ipaliwanag ang tendensya na dahan-dahang nakontrol ng mga working groups, komite at tagapangasiwa ang kilusan sa pagdaan ng panahon?

Ang peligro ng anti-politika

Ang kilusang OWS sa simula pa lang ay may katangian ng ‘anti-politikal’ na siyang dahilan ng kawalan ng diskusyon, hadlang sa polarisasyon ng magkasalungat na mga ideya at pag-unlad ng makauring kahilingan. Ito ang naging dahilan para makapagsalita sa loob ng kilusan ang mga kaliwa, pampulitikang personahe at politika na iba’t-iba ang kulay, at ilarawan ng media ang kilusang OWS bilang nasa unang yugto ng “Left-Wing Tea Party.”[5]

Ang mariing pagtutol ng OWS na pag-usapan ang mag layunin at kahilingan, na sa aming tingin nagpakita ng pangkalahatang pagtutol sa usapin ng kapangyarihan, ay problema para sa mga rebolusyonaryo. Paano natin unawain ang penomenon na ito, na makita din sa ibang mga kilusan? Tingin namin ito ang mga salik sa OWS:

Ang patuloy na bigat ng ideolohikal na kampanya ng burgesya na patay na ang komunismo

Habang totoo na karamihan sa panlipunang pwersang nasa likod ng mga kilusang ito ay henerasyon ng kabataan, karamihan sa kanila ay pinanganak matapos bumagsak ang Stalinismo sa 1989, nanatili ang totoong takot ng uring manggagawa na pag-usapan ang komunismo. Habang nasa proseso ang rehabilitasyon ni Marx sa kanyang kritik sa kapitalismo, nandun pa rin ang takot na maiugnay sa sistema na marami ang patuloy na naniwalang “naisapraktika na at nabigo” at salungat sa layuning kamtin ang layunin ng pandaigdigang “tunay na demokrasya.” Habang maraming nakikitang mga palatandaan at islogan sa mga okupasyon na sinipi mula kay Marx na hindi na epektibo ang kapitalismo, nanatili ang kabuuang kalituhan kung ano ang ipapalit dito. Sa kabilang banda, ang matagalang perspektiba ay ang bigat ng ‘bangungot sa nakaraan’ na nagpahina at humadlang sa mga naghahanap ng tunay na laman ng komunismo, para sa panibagong nuling pagsuri sa kinabukasan ng lipunan.

Pangingibabaw ng henerasyon ng kabataan

Sa panglalahatan ang mga kilusang ito ay binubuo ng henerasyon ng kabataang manggagawa. Bagamat ang nakakatandang mga manggagawa na apektado ng malawakang pagkawala ng trabaho na nangyari sa U.S. mula 2008 ay kalahok din sa mga kilusang ito, ang pwersang nagpapagalaw sa mga protesta ay mga manggagawa edad 20s at 30s, karamihan ay edukado, pero karamihan ay walang permanente, tiyak na trabaho sa kanilang buhay. Sila ang pinaka-apektado ng malawakan at matagalang kawalan ng trabaho ngayon sa ekonomiya ng US. Konti lang ang may karanasan sa pabrika maliban sa mababaw na paraan. Ang kanilang katangian ay hindi nakabatay sa pagawaan o ng kategoriya ng kanilang trabaho. Habang ang ganitong sosyolohikal na katangian ang dahilan na mas bukas sila sa abstraktong malawak na pakikiisa, nagkahulugan din ito ng kakulangan ng karanasan sa pakikibaka sa pagtatagol ng kanilang kabuhayan at kalagayan ng trabaho sa pamamagitan ng pagbuo ng ispisipikong mga kahilingan at layunin. Dahil sa kalakhan hiwalay sa proseso ng produksyon, walang natirang kongkretong dapat ipagtanggol maliban sa kanilang dignidad bilang tao! Kaya hindi masyadong lutang ang pangangailangan ng ispisipikong mga kahilingan at layunin. Sa mundo na walang tunay na kinabukasan, hindi nakapagtataka na ang henerasyon ng kabataan ay may kahirapan sa kongkretong pag-iisip kung paano paunlarin ang pakikibaka para sa kinabukasan. Kaya nakulong ang kilusan sa proseso ng selebrasyon, sa mga okupasyon mismo, naging isang komunidad ang mga lugar ng okupasyon, at sa ilang kaso ay naging tirahan na.[6] Isa pang aspeto na hindi pwedeng balewalain ay ang bigat ng post-modernist political discourse, partikular sa mga nakadaan sa sistema ng unibersidad ng US, na nagtutuo ng kawalang tiwala at pagtakwil sa ‘tradisyunal’ na makauring politika.

Batay dito, hindi tayo ‘aasa na ang bata ay maging matanda’. Ang pag-iral ng mga pangkalahatang asembliya ay tagumpay na mismo, at ang mga ito ay naging paaralan ng kabataan para paunlarin ang kanilang karanasan at matuto paano labanan ang mga pwersa ng kaliwa ng burgesya. Lahat ng ito ay mahalaga para sa darating na mga pakikibaka.

Ang partikularidad sa konteksto ng Amerika

Mahigpit pa rin ang pagkakulong ng OWS sa konteksto ng kasaysayan at politika ng U.S. at halos walang deklarasyon sa internasyunal na ugat ng krisis at panlipunang kilusan sa ibang bansa. Patuloy na nangibabaw ang paniwala ng kilusan na ang mga malaking problemang kiharap ng mundo ay dahil sa hindi makataong katangian ng mga bangkero sa Wall Street, na tinulungan at pinalakas ng mga pampulitikang partido ng U.S. Ang pagtanggal sa mga regulasyon hinggil sa inter-aksyon ng komersyal at pamuhunan ng mga bangko, ang madayang pagpapatakbo ng bulang real estate, ang lumalaking impluwensya ng pera ng mga korporasyon sa kampanyang politikal ng U.S., ang malaking agwat sa pagitan ng pinakamayamang isang porsyento ng populasyon at sa malaking mayoriya, ang katotohanan na ang bilyun-bilyong dolyar na sobrang pera ng Wall Street ay ayaw nitong muling ipuhunan sa ekonomiya ng Amerika, ang pangunahing mga hinaing ng kilusan. Dagdag pa, ang pagkilala na ang pangunahing problema ay “hindi kontrolado na kapital ng pinansya” ay nagsilbi para manatili ang ilusyon na hindi makasarili ang burges na estado ng U.S.

Malinaw, ang anti-politikal na aktitud ng kilusang OWS ay nagsilbi para maging harang ito na lumampas sa proseso mismo at sa huli ay nagsilbi lamang para lilitaw ang pampulitikang dominasyon na kinatatakutan nito. Dapat magsilbi itong makapangyarihang aral sa mga kilusan sa hinaharap. Habang tama na ang kilusan ay magduda sa mga nais magsalita para sa kanya, ang uring manggagawa ay hindi umiiwas sa bukas na diskusyon at komprontasyon ng mga ideya. Ang proseso ng plorisasyon, ng pagbuo ng kongkretong mga layunin at kahilingan—gaano man kahirap—ay hindi maiwasan, kung nais ng kilusan na sumulong. Sa huli, ang kilusan na dominado ng maraming halu-halong mga ideya (“lahat ng mga kahilingan ay parehong makatarungan”) ay nagtitiyak lamang na ang mananaig ay ang mga kahilingang katanggap-tanggap sa burgesya. Ang mga layuninng muling kontrolin ang kapitalismo, na buhisan ang mayayaman at buwagin ang pagkatali ng pera ng korporasyon sa elektoral na proseso ay mga kahalintulad din na mga layunin ng maraming paksyon ng burgesyang Amerikano! Hindi ba parang nagkataon na gusto ni Obama na ang magbayad sa kanyang planong pagbibigay ng trabaho ay ang buhis ng mga milyonaryo? Malaking risgo na ang pangunahing mga paksyon ng burgesya ay madala ang kilusan sa direksyon na nagsisilbi sa kanilang pansariling interes sa kanyang paksyunal na pakikitunggali sa pagbangon ng Kanan. Subalit, sa huling pagususri, ang ganap na kawalang kapasidad ng burgesya na solusyonan ang kanyang mortal na krisis ang dudurog sa ilusyon ng ‘American Dream’, at mapalitan ng pag-iral ng bangungot sa ilalim ng kapitalismo.  

Tanging ang uring manggagawa lamang ang makapagbigay ng magandang bukas sa sangkatauhan

Sa lahat ng kanyang mga kahinaan, kailangang kilalanin natin na ang mahalagang mga aral ng mga protestang OWS ay lalupang pag-unlad ng makauring pakikibaka. Ang paglitaw ng mga GAs—malamang sa unang pagkakataon sa nagdaang mga dekada sa Hilagang Amerika—ay kumakatawan ng malaking hakbang pasulong para sa uring manggagawa habang naghahanap paano paunlarin ang pakikibaka lagpas sa kontrol ng unyon at kaliwa ng burgesya. Subalit, iginiit naming na ang kilusan na natali lang sa kanyang sarili sa halip na maghahanap ng paraan para palawakin ang pakikibaka sa buong uri ay tiyak ang pagkatalo, ang kabiguan man ay dahil sa panunupil, demoralisasyon o sa kalaunan ay makontrol ng kaliwa ng burgesya. Sa kasalukuyang sitwasyon ng makauring pakikibaka, naharap tayo sa isang kalagayan na ang sektor ng uring manggagawa na wala masyadong karanasan sa kolektibong paggawa ang siyang pinaka-militante. Sa kabilang banda, ang mga pinaka may karanasan sa kongkretong pakikibaka sa pagtatanggol ng kanilang kabuhayan at kalagayan sa trabaho ay nanatiling dis-oryentado ng mga atake ng kapitalismo at hindi sigurado kung paano lalaban. Marami ang natutuwa dahil may trabaho pa at nanahimik dahil sa bigat ng opensiba ng kapitalismo sa kanilang kabuhayan at kalagayan sa trabaho.

Dagag pa, sa U.S., ang malakas na kampanya ng Kanan upang durugin ang mga unyon ay mayroong epekto sa muling pagbangon ng unyon bilang tagapagtanggol sa mata ng mga manggagawa sa isang antas, at lalupang nagbigay dis-oryentasyon sa isang sektor ng uring manggagawa.[7] Katunayan, ang sektor na ito ng uring manggagawa na lumahok sa kilusang OWS, ay sa kalakhan nasa ilalim ng bandila ng unyon, pero sistimatikong gumagalaw ang unyon para ihiwalay ang kanilang mga membro sa mga nag-okupa, hindi para sumama sa kanila! Nasa pakikibaka ng uring manggagawa para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at kondisyon sa trabaho, sa lugar kung saan gumagawa mismo ang lipunan ng produkto para sa sarili, lilitaw ang mga organo na tunay na magpatupad ng transisyon tungo sa lipunan ng nagkakaisang gumagawa ng produkto —ang konseho ng manggagawa. Dito makita ang katotohanan na ang kapitalismo ay hindi na makapagbigay ng matagalang mga reporma, dahil ang pakikibaka ng uring manggagawa para ipagtanggol ang kabuhayan at kalagayan sa trabaho ay laging dinidiskaril ng patuloy na pang-ekonomiyang krisis. Nasa produksyon makita ng uring manggagawa ang katotohanan na ang lipunan ng tao ngayon ay uunlad lang sa pandaigdigang saklaw.

Hindi namin minamaliit na naharap sa napakahirap na sitwasyon ang lahat ng sektor ng uring manggagawa sa paghahanap ng makauring landas at pagpapaunlad ng sa kapasyahang labanan ang mga atake ng kapitalismo. Sa unang punto, tingin namin nanatiling nakulong ang kilusang OWS sa burges na daan; subalit, sa huling punto napakahalaga na makita kung paano makontrol ng uring manggagawa ang kanyang sariling pakikibaka.

Internationalism, 10/19/2011.

 


[1] Tingan ang dito ang thread on our forum

[2] Tingan an gaming artikulo dito on the indignado movement here.

[3] Bagamat kabaliktaran sa Wisconsin, kung saan sa isang yugto ay nanawagan ng pangkalahatang welga sa buong syudad, kinakatawan ng OWS ang mas maliit na “malawakang” mobilisasyon, na makita sa bag-as ng mga nagprotesta at ng mga hindi regular na lumahok.

[5] Tingnan Peter Beinhart, “Occupy Protests’ Seismic Effects” para sa pahayag kung paano tiningnan ng kaliwa ng burgesya na ang OWS ay maaring magamit bilang baseng suporta sa kandidatura ni Obama bilang pangulo.

[6] Sa loob ng ilang linggo, nag-ulat ang media ng maraming kaso ng kabataang umalis sa kanilang trabaho na mababa ang sahod o huminto sa pag-aaral para lumahok sa mga okupasyon.

[7] Tingan an gaming artikulo on the recent Verizon strike