Mga pag-alsa sa Tunisia at Ehipto: Ang pinakamabisang pakikiisa ay makauring pakikibaka

Printer-friendly version

Nasa ibaba ang salin sa tagalog ng pahayag ng seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Britanya hinggil sa kasalukuyang dumadaluyong na mga pag-aalsang masa sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan.

Ang burges na media at ang iba't-ibang paksyon ng Kaliwa ay nagtatambol na ito ay isang 'rebolusyon', na ito ay mga kilusan para sa demokrasya. Ang naghaharing uri sa Pilipinas sa pangunguna ng rehimen ni Benigno "Noynoy" Aquino ay ipagmayabang na naman ang "People Power Revolution" noong 1986 kung saan naluklok ang kanyang ina na si Corazon Aquino at ihalintulad ang nangyayari ngayon sa Ehipto sa 'Edsa 1986 Revolution'.

Tunay ngang malakas ang impluwensya ng demokratikong mistipikasyon sa mga pangyayari ngayon sa Tunisia at Ehipto laluna't ang mga rehimen doon ay diktadura at kurakot gaya ng naranasan ng mga Pilipinong manggagawa noong panahon ng diktadurang Marcos. At narito ang peligro na mauwi sa pagkatalo ang mga kilusan doon ngayon.

Subalit sa likod ng ingay ng burges na demokrasya ay nakikita naman sa ibaba, bagamat mahina pa, ang isang proletaryong kilusan para sa isang tunay na pagbabago sa bulok na lipunan. Isang kilusan na pinangunahan ng mga militanteng manggagawa sa mga bansang ito.

Sa panig ng Pilipinas, matagal ng nalasap ng masang Pilipino ang bangis ng mga demokratikong rehimen na pumalit sa diktadurang Marcos, bagay na hindi malimutan ng mga nagsuusring elemento at grupo sa Pilipinas. Ang diktadura at demokratikong porma ng paghari ng uring burges ay walang kaibahan sa esensya.

Hindi pa naglaho sa alaala ng mga nagsusuring pwersa sa Pilipinas ang bangis ng estado mula sa panahon ni Corazon Aquino hanggang sa panahon ni Gloria Arroyo, at maging sa kasalukuyang paghahari ng paksyong Aquino na tinaguriang isang 'popular' na pangulo. Ang mga ito ay lumitaw matapos ang isang 'rebolusyon para sa demokrasya' noong 1986.

Ngayong buwan ng Pebrero ay lalakas na naman ang mistipikasyon ng "People Power" sa 1986 lalupa't ang anak ni Corazon Aquino ang nasa Malakanyang. At tiyak tutulong ang rehimeng Aquino sa pangkalahatang kampanya ngayon ng internasyunal na burgesya sa pangunaguna ng imperyalistang Amerika sa panawagang "ibalik ang demokrasya" sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan.

Kaalinsabay nito ay dadagdag sa ingay ng naghaharing uri ang lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas para palakasin pa ang mistipikasyon sa burges na demokrasya sa pamamagitan ng kanilang bangkarotang linya na 'dalawang-yugtong rebolusyon', gerilya-ismo, parliyamentarismo at repormismo.

Kaya nararapat lamang na lalupang magsuri ang mga rebolusyonaryong elemento sa Pilipinas sa mga pangyayari ngayon sa mundo, sa mga naglalagablab na mga pakikibaka ng mamamayan laban sa bulok na kaayusan. At mula sa pagsusuring ito ay pag-isipan ng malalim ang mistipikasyon ng demokrasya, ang bangkarotang linya na "dadaan muna sa demokratikong rebolusyon" ang pakikibaka ng mga atrasadong bansa gaya ng sa Pilipinas, Hilagang Aprika at Gitnang Silangan bago pa ang sosyalista-proletaryong rebolusyon.

Ang pakikiisa ng manggagawang Pilipino sa pakikibaka sa Ehipto ay hindi makikita sa pagsuporta sa mistipikasyon ng demokrasya na siyang ninanais ng naghaharing uri sa Ehipto at ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng imperyalistang Amerika kundi sa makauring pakikibaka laban sa kapitalistang gobyerno ni Noynoy Aquino at sa lahat ng paksyon ng burgesya sa Pilipinas.

INTERNASYONALISMO

Pebrero 11, 2011

---------------------------------------------------

Ang kulog sa Tunisia at Ehipto ay umalingaw-ngaw sa Algeria, Libya, Morocco, Gaza, Jordan, Syria, Iraq, Bahrain at Yemen. Anumang bandila ang dinadala ng mga demonstrador, ang ugat ng lahat ng mga protestang ito ay ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ang direktang epekto nito: kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin, panggigipit, at ang panunupil at korupsyon ng mga gobyernong namahala sa brutal na mga atake sa istandard ng pamumuhay. Sa madaling sabi, ang mga ito ay katulad ang pinagmulan sa pag-alsa ng mga kabataang Griyego laban sa panunupil ng polisya sa 2008, sa pakikibaka laban sa 'reporma' sa pensyon sa Pransya, sa rebelyon ng mga estudyante sa Italya at Britanya, at sa mga welga ng manggagawa mula sa Bangladesh at Tsina at mula sa Espanya hanggang sa USA.

Ang determinasyon, katapangan, at pakikiisang pinakita sa mga lansangan sa Tunis, Cairo, Alexandria at marami pang syudad ay tunay na inspirasyon. Ang mga masang nagbarikada sa Tahrir Square sa Cairo o kahalintulad na pampublikong mga lugar ay nagtulong-tulong para may makain sila, nilabanan ang mga atake ng mga goons ng maka-rehimen at polisya, nanawagan sa mga sundalo na makiisa sa kanila, inalagaan ang mga sugatan, hayagang itinakwil ang sektaryang dibisyon sa pagitan ng Muslim at Kristyano, sa pagitan ng mga relihiyoso at sekular. Sa mga komunidad bumuo sila ng mga komite para ipagtanggol ang kanilang ari-arian mula sa mga magnanakaw na minamanipula ng polisya. Libu-libo ang nagwelga ng ilang araw at maging linggo na nagparami pa sa bilang ng mga demonstrador.

Naharap sa multo ng malawakang pag-alsa, sa bangungot ng posibilidad na paglawak sa buong 'mundo ng Arabo' at maging lagpas pa, ang naghaharing uri sa buong mundo ay tumutugon gamit ang kanyang pinakamaasahang dalawang sandata: panunupil at mistipikasyon. Sa Tunisia, marami ang binaril sa lansangan, pero ngayon dineklara ng naghaharing uri ang simula ng transisyon tungong demokrasya; sa Ehipto, pinagsasalitan ng rehimeng Mubarak ang pamamalo, pamamaril, pag-tear gas at paghahabol sa mga nagprotesta at pahayag ng malabong mga pangako. Sa Gaza, inaresto ng Hamas ang mga demonstrador na nagpakita ng pakikiisa sa mga pag-aalsa sa Tunisia at Ehipto; sa West Bank pinagbawal ng PLO ang "walang pahintulot na pagtitipon" na nanawagan ng suporta sa mga pag-aalsa; at sa Iraq pinaputukan ng rehimen na binuo ng 'mapagpalayang' US at Britanyaang mga protesta laban sa kawalan ng trabaho at kakulangan ng pagkain. Sa Algeria, matapos mapigilan ang inisyal na pag-aalsa, gumawa ng mga konsesyon na nag-legalisa sa malalamyang porma ng protesta; sa Jordan binuwag ng Hari ang kanyang gobyerno.

Sa internasyunal na antas, pinagsasalitan din ng naghaharing uri ang kanyang lenggwahe: ang iilan - laluna ng kanan, at syempre ang mga naghahari sa Israel - hayagang sumuporta sa rehimeng Mubarak bilang tanging balwarte laban sa pag-agaw ng mga Islamista. Pero ang susing mensahe ay binigay ni Obama: matapos ang inisyal na pag-aalinlangan, ang mensahe ay kailangang bumaba si Mubarak at bumaba agad. Ang 'transisyon tungong demokrasya' ay isinusulong bilang tanging daan para sa mga naghihirap na masa sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan.

Ang mga peligrong kinakaharap ng kilusan

Naharap sa dalawang peligro ang kilusang masa na nakasentro sa Ehipto. Ang una ay ang diwa ng pag-aalsa ay malunod sa dugo. Tila ang inisyal na pagtatangka ng rehimeng Mubarak na iligtas ang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng kamay na bakal ay napahina: una, umatras ang polisya sa lansangan sa harap ng malawakang mga demonstrasyon, at ang pagpakawala ng mga goons na maka-Mubarak sa nagdaang linggo ay nabigo na pahinain ang determinasyon ng mga demonstrador na magpatuloy. Sa naturang mga komprontasyon pinakita ng hukbo ang kanyang sarili bilang 'nyutral', minsan ay parang kampi sa mga anti-Mubarak na pagtitipon at pinagtanggol sila mula sa mga atake ng mga maka-rehimen. Walang duda na marami sa mga sundalo ay sumisimpatiya sa mga protesta at hindi handa na barilin ang mga masa na nasa lansangan; ang ilan sa kanila ay lumayas na sa hukbo. Sa mga opisyal ng hukbo, tiyak may mga paksyon na nais ng bumaba si Mubarak ngayon. Pero ang hukbo ng kapitalistang estado ay hindi nyutral. Ang kanyang 'proteksyon' sa Tahrir Square ay isa ring porma ng pagkontrol, isang malawak na kulungan; at kung mapilitan, tiyak gagamitin ang hukbo laban sa pinagsamantalahang populasyon, liban lang kung magtagumpay ang masa na makuha ang suporta ng ordinaryong sundalo at epektibong mabuwag ang hukbo bilang organisadong bahagi ng kapangyarihan ng estado.

Pero narito ang pangalawang malaking peligro na kinakaharap ng kilusan: ang peligro ng malawak na ilusyon sa demokrasya. Ang paniniwala na ang estado, matapos ang ilang reporma, ay magawang magsilbi sa sambayanan; ang paniniwala na ‘lahat ng mga taga Ehipto', liban sa iilang kurakot na indibidwal, ay magkatulad ang batayang interes. Ang paniniwala na nyutral ang hukbo. Ang paniniwala na ang malubhang kahirapang dinaranas ng mayorya ng populasyon ay mapangingibawan kung merong buhay na parliyamento at mawala na ang arbitraryong paghari ni Ben Ali o Mubarak.

Ang mga ilusyong ito, na araw-araw sinasabi ng mga demonstrador sa kanilang sariling pananalita at mga istrimer, ay nagpapahina sa tunay na kilusan para sa kalayaan, na susulong lamang bilang kilusan ng uring manggagawa na lumalaban para sa kanyang sariling interes, na iba mula sa ibang panlipunang istrata, at higit sa lahat salungat sa interes ng burgesya at ng kanyang mga partido at paksyon. Ang hindi mabilang na mga ekspresyon ng pakikiisa at pag-oorganisa sa sarili na nakita natin sa ngayon ay repleksyon ng tunay na proletaryong elemento sa kasalukuyang panlipunang mga pag-aalsa; at, tulad ng sinabi ng maraming nagprotesta, umaasa sila ng bago at mas makataong lipunan. Pero itong bago at mas magandang lipunan ay hindi mabuo sa pamamagitan ng parliyamentaryong eleksyon, sa pagluklok kay el Baradei o ng Muslim Brotherhood o ng kahit anong paksyon ng burgesya bilang ulo ng estado. Ang mga paksyong ito na malamang malagay sa kapangyarihan dahil sa lakas ng ilusyon ng masa, ay hindi mag-alinlangang gagamit ng panunupil laban sa masa kalaunan.

Maraming nagsasabi ng ‘rebolusyon' sa Tunisia at Ehipto, kapwa mula sa pangunahing media at dulong-kaliwa. Pero ang tanging rebolusyon na may katuturan ngayon ay ang proletaryong rebolusyon, dahil nasa yugto na tayo kung saan ang kapitalismo, demokratiko o diktadura, ay walang maibigay sa sangkatauhan. Ang rebolusyong ito ay magtagumpay lamang sa internasyunal na antas, lagpasan ang lahat ng pambansang hangganan at ibagsak ang lahat ng estado ng mga bansa. Ang mga makauring pakikibaka at pangmasang pag-aalsa ngayon ay unang hakbang tungo sa rebolusyong ito, pero naharap sila sa lahat ng tipo ng balakid; at para maabot ang layunin ng rebolusyon, malalimang pagbabago sa pampulitikang organisasyon at kamulatan ng milyun-milyong tao ang dapat maganap.

Ang sitwasyon sa Ehipto ay sumada ng istorikong sitwasyon na kinaharap ng sangkauhan sa pangkalahatan. Nasa terminal na pagbulusok ang kapitalismo. Walang anumang maibigay ang naghaharing uri na perspektiba para sa kinabukasan ng mundo; pero hindi pa mulat ang pinagsamantalahang uri sa kanyang sariling kapangyarihan, sa kanyang sariling programa para sa pagbabago sa lipunan. Ang ultimong peligro ay kung ang temporaryong pagkapatas ay mauwi sa "mutwal na pagkawasak ng naglalabanang mga uri", na sinabi ng Manipesto ng Komunista - patungo sa kaguluhan at pagkawasak. Pero makita lamang ng uring manggagawa, ng proletaryado, ang kanyang tunay na kapangyarihan sa pamamagitan ng tunay na mga pakikibaka, at ito ang dahilan kung bakit ang nangyayari ngayon sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan, sa kabila ng kanyang mga kahinaan at ilusyon na humaharang nito, ay tunay na tanglaw sa mga manggagawa sa buong mundo.

At higit sa lahat ito ay panawagan sa mga proletaryado sa abanteng mga bansa, na nagsimula ng bumalik sa daan ng paglaban, na gawin ang susunod na hakbang, ipakita ang kanilang praktikal na pakikiisa sa mga masa ng ‘ikatlong daigdig' sa pamamagitan ng pagpalawak sa kanilang sariling paglaban sa panggigipit at kahirapan, at sa paggawa nito ay malantad ang lahat ng kasinungalingan ng kapitalistang kalayaan at demokrasya, na matagal na nilang masaklap na naranasan.

WR, 5/2/11