Submitted by ICConline on
Ang pambansang kalayaan at ang pormasyon ng bagong mga nasyon ay hindi naging ispisipikong tungkulin ng proletaryado. Kung sa ika-19 siglo ay binigay ng mga rebolusyonaryo ang kanilang suporta sa ilan sa mga pambansang kilusan para sa pagpapalaya, wala silang anumang ilusyon na ito ay walang iba kundi burges na mga kilusan; ni binigay nila ang suporta sa ngalan ng ‘karapatan ng mga bansa para sa sariling pagpapasya'. Sumusuporta sila sa naturang mga kilusan dahil sa pasulong na yugto ng kapitalismo ang bansa ay kumakatawan sa pinaka-angkop na balangkas para mapaunlad ang kapitalismo, at sa pagtatayo ng mga estadong-bansa, sa pamamagitan ng pagpawi sa lumiliit na mga labi ng hindi-pa-kapitalista na panlipunang mga relasyon, kumakatawan sa isang hakbang pasulong sa pagpapaunlad ng mga produktibong pwersa sa pandaigdigang saklaw at para mahinog ang materyal na kondisyon para sa sosyalismo. (tinngnan sa note)
Nang pumasok ang kapitalismo sa yugtong pabulusok-pababa, ang bansa kasama ang kapitalistang mga relasyon ng produksyon sa pangkalahatan, ay napakakitid na para sa kaunlaran ng mga produktibong pwersa. Ngayon sa isang sitwasyon na kahit ang pinaka-matagal at napaka-makapangyarihang mga bansa ay wala ng kapasidad na uunlad pa, ang huridikal na konstitusyon ng bagong mga bansa ay hindi tutungo sa anumang progreso. Sa mundong hinati ng mga imperyalistang bloke, ang bawat pakikibaka para sa ‘pambansang kalayaan', sa halip na kakatawan ng kaunlaran, ay panahon lamang ng tuloy-tuloy na alitan sa pagitan ng magkaribal na mga imperyalistang bloke kung saan ang mga manggagawa at magsasaka, boluntaryo man o pinilit na nagpalista, ay lumahok lamang bilang pambala ng kanyon.
Ang naturang mga pakikibaka ay hindi ‘nakapagpahina sa imperyalismo' dahil hindi nila tinutulan ang ugat na pinagmulan nito: sa kapitalistang mga relasyon ng produksyon. Kung mapahina nito ang isang imperyalistang bloke, mapalakas lang nito ang kabila; at ang bagong mga bansa na itinayo sa ganung tunggalian ay kailangang maging imperyalista din, dahil sa yugto ng dekadenteng kapitalismo walang bansa, malaki man o maliit, ang makaiwas sa imperyalistang mga polisiya.
Sa kasalukuyang yugto ang ‘matagumpay' na pakikibaka para sa ‘pambansang pagpapalaya' ay nagkahulugan lamang ng pagpapalit ng imperyalistang amo ng naturang bansa; para sa mga manggagawa, laluna sa bagong ‘sosyalistang' mga bansa, nagkahulugan ito ng intensipikasyon, sistematisasyon, militarisasyon ng pagsasamantala ng estadong kapital na - dahil ito ay ekspresyon ng barbarismo ng sistema - nagresulta sa transpormasyon ng ‘napalayang' bansa sa isang concentration camp. Kabaliktaran sa pahayag ng ilang tao, ang mga pakikibakang ito ay hindi nagbigay sa proletaryado sa Ikatlong Daigdig ng oportunidad para sa makauring pakikibaka. Sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga manggagawa sa likod ng pambansang kapital sa ngalan ng 'patriyotikong' mistipikasyon, ang mga pakikibakang ito ay laging kumikilos bilang hadlang sa proletaryong pakikibaka na kadalasan ay lubhang masaklap sa naturang mga bansa. Sa mahigit limampung taon pinakita ng kasaysayan, kabaliktaran sa panggigiit ng Komunistang Internasyunal, ang mga pakikibaka para sa ‘pambansang pagpapalaya' ay hindi nagsilbing motibasyon sa pakikibaka ng mga manggagawa sa abanteng mga bansa o sa mga manggagawa sa atrasadong mga bansa. Ni walang anumang makukuha mula sa naturang mga pakikibaka, o anumang kampong pipiliin. Sa mga tunggaliang ito ang tanging rebolusyonaryong islogan laban sa modernong bersyon ng ‘pambansang pagtatanggol' na binihisan ng tinatawag na ‘pambansang pagpapalaya', ay ang hinawakan ng mga rebolusyonaryo noong Unang Digmaang Pandaigdig: rebolusyonaryong pagpatalo, "gawing digmaang sibil ang imperyalistang digmaan". Anumang posisyon ng ‘di-kondisyonal' o ‘kritikal' na suporta ng mga pakikibakang ito, sinadya man o hindi, ay katulad ng posisyon ng mga ‘pambansang sobinista' sa Unang Digmaang Pandaigdig. Kaya ganap itong taliwas nagkakaisang komunistang aktibidad.
Note