Submitted by Internasyonalismo on
20 taon na ang nakalipas, sa 2001, binigyang diin ng ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change ang dokumento mula sa Global Scenario Group, na pinulong ng Stockholm Environmental Institute, na bumalangkas sa tatlong posibleng senaryo sa kinabukasan ng sangkatauhan bunga ng krisis sa klima:
“Kabilang sa balangkas ng GSG ang tatlong malawak na kategoriya ng mga senaryo ng hinaharap: ‘Conventional Worlds’, ‘Barbarisation’ at ‘Great Transition’ – na may pagkakaiba sa bawat kategoriya. Lahat ay tugma sa kasalukuyang mga pattern at tunguhin, pero may ibat-ibang implikasyon sa lipunan at kapaligiran sa 21 siglo … Sa senaryo ng ‘Conventional Worlds’, dahan-dahang uunlad ang pandaigdigang lipunan mula sa kasalukuyang mga pattern at dominanteng tendensya, kung saan ang pag-unlad ay pangunahing itutulak ng mabilis na paglaki ng pamilihan habang nagsasalubong ang mga umuunlad na mga bansa patungo sa modelo ng pag-unlad ng abanteng (‘maunlad’) industriyalisadong mga bansa. Sa senaryo ng ‘Barbarisation’, ang mga tensyon sa kapaligiran at lipunan bunga ng konbensyunal na pag-unlad ay hindi naresolba, humina ang mga makataong pamantayan, at ang mundo ay naging mas awtoritaryan o mas anarkiya. Ang ‘Great Transitions’ ay naghahanap ng mga bisyonaryong solusyon para manatili ang mga hamon, na naglalarawan ng pag-angat ng bagong mga kaugalian, istilo ng pamumuhay at institusyon”. mula sa p. 140 ng 2001 IPCC, Working Group 3 report on mitigation
Sa 2021, kasunod o kasabay ng walang katulad na heatwaves mula sa Canada hanggang sa Siberia, mga baha sa hilagang Uropa at China, tagtuyo at wildfires sa California, mga bagong tanda ng pagkatunaw ng yelo sa Arctic, ang unang bahagi ng ulat ng IPCC, ang ulat na nakatuon sa syentipikong pagsusuri sa mga tunguhin ng klima, ay pinakita na ang “konbensyunal” na pagpapatuloy sa kapitalistang akumulasyon ang nagtulak sa atin patungong “barbarisation”. Nakatanaw sa Oktubre-Nobyembre COP26 na kumperensya sa klima sa Glasgow, mariing pinaliwanag ng ulat na kung walang mahigpit at nagkakaisang pandaigdigang pagkilos para bawasan ang emisyon sa susunod na ilang dekada, hindi posible na malimitahan ang pag-akyat ng temperatura sa 1.5 degrees mataas sa antas pre-industrial, hakbang na kailangan para mapigilan ang pinakamalalang epekto sa pagbabago ng klima. Hindi lang ‘yan: tinukoy ng ulat ang serye ng mga “planetary boundaries” o tipping points na posibleng maging dahilan ng hindi makontrol na pagbilis ng pag-init ng planeta, na posibleng ang malaking bahagi ng mundo ay hindi na mabuhay ang tao. Ayon sa maraming mga eksperto na binanggit sa ulat, apat sa mga hangganang ito ay natawid na, kapansin-pansin sa antas ng pagbabago ng klima, biodiversity loss at hindi masustine na mga paraan ng agrikultura, at marami pa, tulad ng acidification ng mga karagatan, plastic pollution at ozone depletion, na nagbabanta na magbunga ng paglala ng ibang mga salik[1].
Napakalinaw rin na sinabi ng ulat na ang mga peligrong ito ay higit sa lahat dulot ng “pakikialam ng tao” (na sa esensya, nagkahulugan ng produksyon at ekstensyon ng kapital) at hindi mula sa natural na proseso tulad ng solar activity o pagsabog ng mga bulkan, mga paliwanag na kadalasan huling paraan ng mga tutol na nagbabago na ang klima kung saan mas dumarami ang ayaw ng maniwala sa kanila.
Hindi pa inilabas ang bahagi ng ulat na tumutukoy sa posibleng mga paraan para masolusyunan ang krisis, pero sa nakaraang mga ulat alam natin na, gaano man kalaki ang usapin ng “transisyon” para sa bagong ekonomikong modelo na pipigil sa paglabas ng greenhouse gases na nasa hindi masustining antas na, walang ibang solusyon ang “Intergovernmental Panel” kundi makiusap lang sa mga gobyerno, i.e. kapitalistang mga estado, na matauhan, magkaisa, at sumang-ayon para sa radikal na pagbabago sa operasyon ng kanilang mga ekonomiya. Ibig sabihin, ang kapitalistang moda ng produksyon, na walang awang naghahanap ng tubo ang puso mismo ng krisis, ay kailangang mapalitan ng bago: isang nagkakaisang komunidad kung saan ang produktubidad ay kontrolado hindi ng pangangailangan ng merkado kundi ng mga tao na kailangang mabuhay.
Hindi ibig sabihin na ganap ng nakalimutan ng mga kapitalistang institusyon ang mga peligro na idudulot ng pagbabago ng klima. Ang paglaganap ng mga internasyunal na kumperensya sa klima at ang pag-iral mismo ng IPCC ay patunay nito. Habang mas naging madalas ang bunga nito na mga sakuna, malinaw na napakalaki ang kabayaran nito: syempre sa ekonomiya, dahil sa pagkasira ng mga kabahayan, agrikultura, at inprastruktura, kundi pati sosyal: laganap na kahirapan, pagdami ng mga bakwit mula sa nasirang mga rehiyon, at marami pa. At lahat maliban sa pinaka-madayang mga pulitiko at burukrata ay naunawaan na ito ay malaking pasanin sa kaban ng estado, tulad ng malinaw na pinakita sa pandemiya sa Covid (na nakaugnay rin sa krisis sa kapaligiran). At tumutugon rin ang mga indibidwal na kapitalistang empresa: tila bawat negosyo ngayon ay nagpapakita ng kanilang berdeng kredensyal at komitment sa bago, sustenableng mga modelo. Partikular ito sa industriya ng sasakyan: mulat na ang internal combustion engine (at sa industriya ng langis) ay mayor na pinagmulan ng greenhouse emissions, halos lahat ng mga mayor na nagmanupaktura ng sasakyan ay lumilipat na sa electric cars sa susunod na dekada. Pero ang hindi nila magawa ay itigil ang kompetisyon sa isat-isa sa pagbebenta ng pinakamaraming “green cars”, sa kabila na ang produksyon ng electrical cars ay may sariling signipikanteng ekolohikal na mga epekto – pinaka-kapansin-pansin ang pagkuha ng hilaw na materyales, tulad ng lithium, na kailangan para sa produksyon ng baterya ng sasakyan, na nakabatay sa napakalaking proyekto ng pagmimina at lalupang pag-unlad ng network sa pandaigdigang transportasyon. Ganun din sa antas ng mga pambansang ekonomiya. Inaasahan na ng kumperensya ng COP ang konsiderableng kahirapan na kumbinsihin ang mga “umuunlad” na ekonomiya tulad ng Russia, China at India na bawasan ang kanilang pagkandili sa fossil fuels para mabawasan ang mga emisyon. At tinutulan nila ang naturang presyur dahil sa perpektong lohikal na kapitalistang kadahilanan: dahil mas lalupang mabawasan ang kanilang kapasidad sa kompetisyon sa mundo na binaha na ng mga kalakal.
Hindi na malaki ang mundo para sa kapitalismo
Magmula sa panahon ng Manipesto ng Komunista, giniit ng mga marxista na ang kapitalismo ay tinutulak ng kanyang krisis ng sobrang produksyon at paghahanap ng bagong pamilihan para “sakupin ang mundo”, para maging pandaigdigang sistema, at itong “unibersal na tendensya” ay lumikha ng posibilidad para sa isang bagong lipunan kung saan ang pangangailangan ng tao, ang ganap na pag-unlad ng indibidwal, ang nagiging layunin ng lahat ng panlipunang aktibidad. Subalit kasabay nito, ito mismong tendensya ay naglalaman din ng mga binhi ng pagkabulok, ang pagkawasak-sa-sarili ng kapital, at kaya ang napakatinding pangangailangan para sa transisyon sa bagong komunidad ng sangkatauhan, sa komunismo[2]. At kasabay ng Unang Pandaigdigang Digmaan, mas kongkretong pinakita ng mga marxista tulad nila Bukharin at Luxemburg paanong itong banta ng pagkawasak-sa-sarili ay uunlad: sa pagiging mas pandaigdigan ng kapitalismo, ito ay mas lalamunin ng nakakamatay na kompetisyong militar sa pagitan ng mga imperyalistang bansa na desperadong makakuha ng bagong mapagkukunan ng hilawng materyales, mas murang lakas-paggawa, at bagong pamilihan ng kanilang produkto.
Pero sa kabila na si Marx, Engels at iba pa ay maagang nakita na nilalason ng kapitalistang sistema ang hangin at sinira ang kalupaan, hindi nila nakita ang lahat ng ekolohikal na epekto sa mundo kung saan halos bawat rehiyon ay pinasok na ng kapital sa apat na direksyon, isinailalim ang mundo sa laganap na urbanisasyon at sa kanyang mapanlasong paraan ng produksyon at distribusyon. Ang kapitalistang ekspansyon, inudyukan ng mga ekonomikong kontradiksyon na nasa loob ng relasyon sa pagitan ng kapital at sahurang paggawa, ay itinulak sa sukdulang pagkabukod ng sangkatauhan mula sa kalikasan. Dahil may limitasyon sa abilidad ng kapitalismo sa realisasyon ng sobrang halaga na kinuha mula sa mga manggagawa, ang nakabatay sa tubo na pagkuha sa likas na yaman ng mundo ay lumikha ng panibagong balakid sa kapasidad ng kapitalismo na pakainin ang kanyang mga alipin at panatilihin ang kanyang paghari. Hindi na sapat ang laki ng mundo para sa kapitalismo. At sa halip na makita ng mga kapitalistang estado ang dahilan at magkaisa para sa kabutihan ng planeta, ang pagkaubos ng yaman at mga resulta ng pagbabago ng klima ay mas lalupang magpalala ng kompetisyong militar sa mundo kung saan ang bawat estado ay nagsisikap iligtas ang sarili sa harap ng sakuna. Ang kapitalistang estado, hayag man na despotiko o nakatago sa pakitang-tao na demokrasya, ay maipapatupad lang ang mga batas ng kapital na pinagmulan mismo ng malalim na mga banta sa kinabukasan ng sangkatauhan.
Ang kapitalismo, kung papayagan na magpatuloy, ay sasagasa lang sa mundo tungo sa mabilis na “barbarismo”. Ang tanging “transisyon” na pipigil dito ay ang transisyon sa komunismo, na hindi magiging produkto sa mga pakiusap sa mga gobyerno, pagboto sa mga “berdeng” partido o protesta bilang “nagmalasakit na mga mamamayan”. Ang transisyong ito ay makakamit lang sa pamamagitan ng komon, internasyunal na pakikibaka ng pinagsamantalahang uri, ang proletaryado, na kadalasan unang biktima ng krisis sa klima katulad ng sa ekonomikong krisis. Nakapaloob sa pakikibaka ng manggagawa sa harap ng mga atake sa kanyang kabuhayan ang mga binhi ng pangkalahatang rebolusyonaryong kilusan para panagutin ang kapitalismo sa lahat ng kahirapan na binigay nito sa sangkatauhan at sa planeta.
Amos
Source URL: https://en.internationalism.org/content/17075/necessity-transitionto-com...