Ang nakatagong pamana ng kaliwa ng kapital (V): Debate - isang brutal na tunggalian para sa burgesya, isang napakahalagang sandata para sa proletaryado

Printer-friendly version

Ang artikulong ito ay bahagi ng seryeng Ang nakatagong pamana ng kaliwa ng kapital na mungkahi namin sa maraming grupo at militante ng Kaliwang Komunista paano unawain ang isang mahirap na bagay : hindi lang ito usapin paano kumawala sa lahat ng mga pampulitikang posisyon ng mga partido ng kapital (populista, pasista, kanan, kaliwa, dulong-kaliwa) kundi ito rin ay pangangailangan na kumawala sa kanilang organisasyunal na paraan, sa kanilang moralidad at paraan ng pag-iisip. Absolutong kailangan ang pagtakwil pero mahirap dahil araw-araw namuhay tayo sa gitna ng mga ideolohikal na kaaway para sa kalayaan ng sangkatauhan: burgesya, peti-burgesya at lumpen-proletaryado. Sa panlimang serye ng artikulo titingnan natin ang napakahalagang usapin ng debate.

Ang proletaryado, ang uri ng debate

Ang debate ay ang pinagkukunan ng buhay ng proletaryado, ang uri na hindi isang hindi-mulat na pwersa na bulag na nakibaka at naudyok ng determinismo sa obhetibong kondisyon. Kabaliktaran, ito ay isang mulat na uri kung saan ang kanyang pakikibaka ay ginagabayan ng pag-unawa sa mga pangangailangan at posibilidad patungong komunismo. Ang pang-unawang ito ay hindi lumitaw mula sa absolutong katotohanan ng Manipesto ng Partido Komunista o sa pribilehiyadong diwa ng mga matatalinog lider kundi ito ay produkto “ng intelektwal na pag-unlad ng uring manggagawa (na kailangang magmula sa nagkakaisang pagkilos at diskusyon). Ang mga kaganapan at ang pagtaas at pagbaba ng pakikibaka laban sa kapital, mga kabiguan na mas mahalaga kaysa kanyang mga tagumpay, ay maramdaman lamang ng mga mandirigma sa mga kakulangan ng kanilang mga solusyon at gagabay sa kanila na pundamental na unawain ang kanilang tunay na kalagayan para sa paglaya ng mga manggagawa".

Ang mga rebolusyonaryong proletaryado ay nanindigan sa malawak na mga debate ng masa. Ang independyente at pag-oorganisa-sa-sarili na pagkilos ng uring manggagawa ay nakabase sa debate kung saan ang libu-libong mga manggagawa, kabataan, kababaihan, retirado, ay aktibong lumalahok. Ang rebolusyong Ruso ng 1917 ay nakabase sa permanenteng debate ng libu-libong mga diskusyon sa mga lokalidad, lansangan at terminal... Ang mga araw ng 1917 ay nag-iwan sa atin ng dalawang imahe na nagpakita ng kahalagahan ng debate para sa uring manggagawa: ang binarikadahang terminal dahil ang mga nagbarikada, kabilang na ang drayber, ay nagpasyang huminto at magtalakay ng paksa; o sa bintana sa lansangan kung saan ang nagsasalita ay nagtalumpati na nakapag-ipon ng daan-daang tao na nakikinig at nagsasalita.

Ang Mayo 68 ay isa ring permanenteng debate ng masa. Napakalaki ang kaibahan sa pagitan ng mga diskusyon ng mga manggagawa sa mga welga ng Mayo kung saan may talakayan paano ibagsak ang estado, paano itayo ang bagong lipunan, sa pananabotahe ng unyon, atbp, at sa “asembliya” ng mga estudyante sa Alemanya sa 1967, na kontrolado ng mga “radikal” na maoista kung saan umabot sa tatlong oras ang pagdesisyon paano mag-organisa ng demonstrasyon. “Nag-uusap kami sa isat-isa at nakikinig kami sa isat-isa” ang isa sa pinaka popular na mga islogan sa Mayo 68.

Ang kilusan ng 2006 at 2011 (pakikibaka laban sa CPE sa Pransya at ng kilusang Indignados sa Espanya) ay binuo sa buhay na debate ng libu-libong mga manggagawa, kabataan, atbp, at walang restriksyon na diskusyon. Sa mga okupadong lugar itinayo ang mga "flying libraries", parang panahon ng rebolusyong Ruso ng 1917, tulad ng binigyang-diin ni John Reed sa Ten Days Which Shook the World: “Lahat sa Rusya ay natutong magbasa, at nagbasa sila (pampulitikang ekonomiya, kasaysayan) dahil gusto ng mga tao ang kaalaman. Sa lahat ng mga lungsod, malaki o maliit, sa larangan, bawat pampulitikang paksyon ay may pahayagan (minsan marami). Pinamudmod ang daan libong mga polyeto ng libu-libong mga organisasyon at pinakalat sa hukbo, sa mga komunidad, mga paktorya at lansangan. Ang pagiging uhaw sa kaalaman na sinupil ng matagal ay tunay na kamangha-mangha sa panahon ng rebolusyon. Mula sa unang anim na buwan sa Smolny Institute lang, tren at trak ng mga babasahin ay pumuno sa buong bansa. Binasa ng gutom na Rusya ang lahat ng babasahin tulad ng pagsipsip ng mainit na buhangin mula sa dagat. At ito ay hindi galing sa mga kwentong engkanto, palsipikadong kasaysayan, mabantong relihiyon at masama at walang halagang mga nobela kundi panlipunan, ekonomiko at pilosopikal na mga teorya, ang sinulat nila Tolstoy, Gogol at Gorky".

Kung ang debate ay napakahalaga sa uring manggagawa, mas mahalaga ito sa kanyang mga rebolusyonaryong organisasyon: “Salungat sa paninindigan ng Bordigista, hindi maaring ‘monolitiko’ ang organisasyon ng mga rebolusyonaryo. Ang pag-iral ng pagtatalo sa loob nito ay ekspresyon na ito ay buhay na organo na walang kompletong mga sagot na kagyat na ilapat sa mga suliranin na lumitaw sa uri. Hindi dogma ni katekismo ang Marxismo. Ito ay teoretikal na instrumento ng uri na sa pamamagitan ng kanyang karanasan at pananaw sa kanyang istorikal na hinaharap, ay dahan-dahan na sumusulong, ng pataas at pababa, tungo sa pagiging mulat-sa-sarili na napakahalagang kondisyon para mapalaya ang sarili. Tulad ng lahat ng kaisipan ng tao, ang proseso ng pag-unlad ng proletaryong kamalayan ay hindi diretso o mekanikal na proseso kundi nagsasalungatan at kritikal: kailangan ang diskusyon at komprontasyon ng mga argumento. Katunayan, ang bantog na 'monolitismo' o 'hindi nagbabago' ng mga Bordigista ay isang panlalansi (na makikita sa posisyon ng mga Bordigistang organisasyon at kanilang mga mga seksyon); maaring ang organisasyon ay ganap ng manhid at hindi na apektado sa buhay ng uri, o ito ay hindi monolitiko at ang kanyang mga posisyon ay nagbabago.".

Bakit nagsasalita sila ng "debate" pero sa realidad ito ay isang digmaan?

Subalit, ang mga militante na nanggaling sa mga burges na pampulitikang partido ay nakaranas mismo na ang “debate” nila ay isang komedya at pinagmulan ng paghihirap. Sa lahat ng mga burges na partido, ano man ang kulay, ang debate ay isang “digmaan na may latigo”, ang bantog na pinta ni Goya sa Prado Museum sa Madrid. Ang elektoral na mga debate ay basura, puno ng insulto, akusasyon, maruming lenggwahe, bitag at sekretong kudeta. Ito ay pagtatanghal ng paninira at paghiganti katulad ng isang boksing kung saan ang realidad at katotohanan ay walang saysay. Ang tanging nakataya ay kung sino ang mananalo at matatalo, sino ang pinakamagaling mandaya at magsinungaling, sino ang pinakamagaling sa pangungutya para magmanipula ng damdamin.

Sa mga burges na partido, ang "malayang pamamahayag" ay ganap na panloloko. Pwedeng sabihin ang lahat basta hindi lang tuligsain ang dominasyon ng “liderato”. Kung aapakan ang limitasyong ito, isang kampanya ng kasinungalingan ang oorganisahin laban sa mga nag-iisip kung hindi sila susunod sa partido. Ginagawa ang praktikang ito pareho sa nagpapahirap at biktima. Si Rosa Diez, isang lider ng Basque PSOE, ay target ng isang mapaminsalang kampanya ng mga akusasyon ng mga impormante mula sa kanyang mga “kasama” sa partido. Hindi siya sumunod sa oryentasyon, at pinilit sa panahong yaon, para sa kolaborasyon sa nasyunalismong Basque at pinahirapan siya hanggang umalis siya sa partido. Itinayo niya ang UYPD (na nagtangkang manatili sa sentristang posisyon, pagkatapos ay nakontrol ng Ciudadanos) at, ng lumitaw ang mga karibal at katunggali sa kanya mismong teritoryo, ganoon din ang ginawa sa kanila, hanggang sa punto na mas matindi pa ang lalim ng sadismo at pangungutya na maging si Stalin ay mangangatog.

Sa pangkalahatan iniiwasan ang debate sa mga burges na partido, anuman ang kanilang komplikasyon. Pinagbawal ni Stalin ang debate, na sinamantala ang seryosong pagkakamali ng Partidong Bolshevik sa 1921: ang pagbabawal sa mga praksyon, isang hakbangin ni Lenin bilang maling tugon sa Kronstadt. Pinipigilan din ng Trotskyismo ang debate sa loob nito at ginagawa ang parehong ekslusyon at panunupil. Ang tangkang pagtiwalag sa Kaliwang Oposisyon ay nangyari sa loob ng Stalinistang bilangguan(!) na nasaksihan sa libro ni Anton Ciliga, na sinipi sa naunang mga artikulo sa serye: "Sa ideolohikal na pakikibaka ng Trotskyistang ‘Kolektibo’, ay naidagdag ang organisasyunal na tunggalian sa loob ng ilang buwan, ang organisayunal na usapin ay umatras sa ikalawang antas. Ang mga bangayang ito ay nakitaan ng kaisipan at aktitud ng Oposisyon sa Rusya. Parehong ang kanan at gitna ay nagbigay ng ultimatum sa mga ‘militanteng Bolshevik’: lusawin nila ang mga sarili at itigil ang publikasyon ng kanilang pahayagan o patalsikin sila sa Trotskyistang organisasyon.

"Ibig sabihin iniisip ng mayoriya na hindi kailangan na magkaroon ng isang sub-grupo sa loob ng Trotskyistang praksyon. Ang prinsipyo ng ‘monolitikong praksyon’ ay sa batayan pareho sa pumukaw kay Stalin para sa buong partido".

Sa mga kongreso ng naturang organisasyon, walang nakinig sa mga nakakayamot na presentasyon kung saan parehong pinagtibay ang magkatunggaling mga punto. Ang mga organisadong sektoral na mga kumperensya, seminar at maraming pagdiriwang ay walang iba kundi  isang pampublikong propaganda.

Lumitaw ang ‘debate’ sa mga organisasyong ito kung ang usapin ay ang pagpalit ng bagong pangkat sa kapangyarihan. Ito ay dahil sa maraming kadahilanan: interes ng mga paksyon, hindi kapani-paniwalang resulta sa eleksyon... Mula dito ay nagsimula ang “debate” na naging tunggalian para sa kapangyarihan. Sa ilang mga okasyon ang laman ng “debate” ay kung ang isang paksyon ay nag-imbento ng isang pinagsama-sama at magkatunggaling “tesis” at marahas na salungat sa mga karibal, na nagbunga ng mabangis na kritisismo sa salita, nag-aapoy na pang-uri ("opotunista", "pagtalikod sa Marxismo", atbp.) at iba pang sopistikadong mga pagkukunwari. Ang "debate" ay naging mga insulto, pagbabanta, masamang salita sa publiko, akusasyon...  na sinamahan ngayon ng diplomatikong mga aksyon ng pagsang-ayon sa kaayusan para “ipakita” ang pagnanais ng pagkakaisa at pagtangkilik na ang karibal ay “kasama” rin naman. Sa huli nabuo ang balanse sa pagitan ng nagtunggaliang mga pwersa kung saan ang “debate” ay naging suma-total ng mga “opinyon” na pinagtanggol ng bawat isa na kanilang pag-aari, na nagbunga ng kawalan ng klaripikasyon kundi magulong suma-total ng mga ideya o “pampalubag-loob” na mga teksto kung saan ang magkatunggaling mga ideya ay magkatabing nakaupo.

Kaya masasabi namin na ang "debate" sa mga burges na organisasyon (anuman ang kanilang posisyon sa board ng chess mula sa dulong-kanan hanggang sa dulong-kaliwa) ay isang komedya at paraan para ilunsad ang nag-aapoy na personal na mga atake, na may seryosong sikolohikal na epekto sa mga biktima at nagpakita ng kapansin-kapansin na kabangisan at ganap ng kawalan ng moral na pag-aalinlangan ng mga taga-usig. Sa huli, ito ay isang laro kung saan minsan ang taga-usig ay nagiging biktima at vice-versa. Ang kakila-kilabot na pagtratong naranasan nila ay maaring ilapat sa maraming iba pa kung sila na ang nasa kapangyarihan.

Ang mga prinsipyo at paraan ng proletaryong debate

Pundamental na kaiba ang proletaryong debate. Radikal na iba ang mga prinsipyo ng debate sa loob ng mga proletaryong organisasyon kaysa nakikita natin sa mga burges na partido.

Tanging ang makauring kamulatan ng proletaryado (i.e., ang pinaunlad-sa-sarili na kaalaman sa layunin at paraan ng kanyang istorikal na pakikibaka) ang magluluwal ng walang hanggan at walang sagabal na debate: "Hindi uunlad ang kamulatan kung walang praternal, publiko at internasyunal na debate" na pinagtibay namin sa aming teksto: Ang kultura ng debate, sandata ng makauring pakikibaka. Ang mga komunistang organisasyon na nagpahayag ng pinaka-abante at permanenteng pagpupunyagi para sa pagpapaunlad ng kamulatan ng uri, ay nangangailangan ng debate bilang isang mahalagang sandata: "... ilan sa unang mga kahilingan na mga ito na pinapahayag ng mga minorya ay ang pangangailangan ng debate, hindi bilang luho kundi isang mahalagang pangangailangan, ang pangangailangan na seryosohin at pakinggan ang iba ano ang sinasabi nila; kailangan din na ang proseso ay hindi brutal kundi sandata ng diskusyon, na ito ay magiging pakiusap sa moralidad o sa awtoridad ng mga teoretisyan", pagpapatuloy ng teksto.

Sa proletaryong organisasyon, kailangang ang debate ay salungat sa nakakasuklam na paraan na binatikos natin sa itaas. Ito ay usapin ng komon na pagkakaisa sa katotohanan kung saan walang panalo o talo at ang tanging panalo ay ang komon na kalinawan. Ang diskusyon ay nakabatay sa mga argumento, palagay, pagsusuri, duda... Ang mga pagkakamali ay bahagi ng proseso tungo sa mga kongklusyon. Kailangang kategorikal na ipinagbabawal ang mga akusasyon, insulto, personalisasyon sa mga kasama o organisasyunal na istruktura dahil ito ay hindi usapin kung sino ang nagsabi, kundi kung ano ang sinabi.

Ang mga hindi pagkakasundo ay kailangang yugto tungo sa pagkakaroon ng posisyon. Hindi dahil mayroong “demokratikong karapatan” kundi tungkulin na ipahayag ang saloobin kung hindi kumbinsido sa posisyon o kung naramdaman na ito ay kulang o nakakalito. Sa proseso ng debate may tunggalian sa mga posisyon at minsan may minoriyang posisyon na, sa kalaunan, nagiging mayoriya. Ito ang nangyari kay Lenin sa kanyang April Theses na, ng ilahad niya pagdating sa Rusya sa 1917, ay isang minoriyang posisyon sa loob ng Partidong Bolshevik na dominado ng oportunistang paglihis na ipinataw ng Komite Sentral. Sa pamamagitan ng mainit na diskusyon, na malawak na nilahukan ng lahat ng mga militante, nakumbinsi ang partido sa katumpakan ng mga posisyon ni Lenin at pinagtibay sila.

Ang ibat-ibang mga posisyon sa loob ng rebolusyonaryong organisasyon ay hindi nakapirming tindig na pag-aari ng mga nagtatanggol sa kanila. Sa rebolusyonaryong organisasyon, "ang mga pagkakaiba ay hindi ekspresyon ng pagtatanggol sa personal na materyal na interes o partikular na grupo, kundi sila ay salin ng buhay at dinamikong proseso ng klaripikasyon sa mga problema na iniharap sa uri at sa gayon nakaukol para palalimin sa mga diskusyon batay sa karanasan" ("Report on the Structure and Functioning of the Revolutionary Organisation", ang sipi sa ibabaw).

Sa mga proletaryong organisasyon walang “henyo” na kailangang bulag na susundin. Malinaw na may mga kasama na may mas malaking kapasidad o mas dalubhasa sa partikular na mga aspeto. May mga militante na ang debosyon, konbiksyon at enerhiya ay may moral na awtoridad. Subalit, wala silang pribilihiyo para maging “magaling na lider” ang sinumang militante, isang ekspertong espesyalista sa anumang usapin o "magaling na teoretisyan". "Walang manunubos, walang diyos, walang Caesar, walang tagapagtanggol, manggagawa iligtas ang sarili at magkaisa para sa kalayaan", ang mga salita mula sa mapanlabang awit ng Ikalawang Internasyunal.

Mas tumpak, tulad ng nabanggit sa teksto ng Istruktura at Pag-andar, “Sa loob ng organisasyon walang ‘marangal’ na tungkulin at walang ‘segundaryo’ at ‘hindi masyadong marangal’ na tungkulin. Parehong ang gawain ng teoretikal na elaborasyon at realisasyon ng praktikal na tungkulin, parehong ang gawain sa sentral na organo at ispisipikong gawain ng lokal na seksyon, ay pantay ang kahalagahan sa organisasyon at hindi dapat ilagay sa hirarkikal na pagkaayos (ang kapitalismo ang may hirarkiya)”. 

Sa komunistang organisasyon kailangang labanan ang anumang tendensya ng bulag na pagsunod, isang pagkakamali na ihanay ang sarili, na hindi nag-iisip, sa posisyon ng isang “malinaw na militante" o sa sentral na organo. Sa komunistang organisasyon, bawat militante ay may kritikal na diwa, hindi tinatanggap ang lahat ng nabasa kundi sinusuri ano ang paksa kabilang na ang mula sa “liderato”, sa sentral na organo o sa “pinakaabanteng militante". Salungat ito sa kalakaran sa mga burges na partido at partikular sa kanilang mga kinatawan sa kaliwa. Sa mga organisasyong ito pamantayan ang bulag na pagsunod at pinakamatinding respeto sa mga lider; at katunayan ang mga tendensyang ito ay umiral sa Trotskyistang Oposisyon: "Ang mga sulat nila Trotsky at Rakovsky tungkol sa agenda, ay ipinuslit sa bilangguan at nagdulot ng maraming komento. Ang hirarkikal at masunuring diwa sa harap ng mga lider ng Oposisyon sa Rusya ay kahanga-hanga. Isang parirala o talumpati mula kay Trotsky ay isang palatandaan. Dagdag pa, habang nagsisikap ang mga Trotskyista ng kanan at kaliwa na bigyan ang mga ito ng tamang kahulugan, ang mga ito ay binigyang kahulugan nila ayon sa kani-kanilang pagkaunawa. Ang bulag na pagsunod kay Lenin at Stalin na nangibabaw sa partido ay umiral din sa Oposisyon pero hinggil kay Lenin at Trotsky: ang iba ay sa Dimonyo na" (Anton Ciliga, Op. Cit., Page 273).

Napaka peligrosong ideya na kailangang itakwil: may mga militanteng "eksperto" na, kung magsalita na sila ay “nasabi na nila ang lahat", "mas magaling ang pagkasabi" at ang iba ay nagkasya na lang sa pagkuha ng mga tala at nanahimik.

Ang pananaw na ito ay itinanggi ang proletaryong debate na isang dinamikong proseso kung saan maraming pagsisikap na ginawa, kabilang na ang ilang pagkakamali para harapin ang mga problema. Ang mababaw na bisyon, na nakaugat sa lohikang merkantilista na ang nakikita lang ay ang "produkto" o ang huling resulta na hindi ito pinag-iba mula sa proseso tungo sa kanyang elaborasyon, na nakapokus lang sa abstrakto at walang kataposang halaga ng palitan, ay nagbunga ng kaisipan na lahat ay galing sa “magaling” na mga lider. Hindi sinang-ayonan ni Marx ang ganitong pananaw. Sa sulat para kay Wilhem Blos sa 1877, sinulat niya: "Wala sa amin (Marx at Engels) ang naghahanap ng popularidad. Banggitin ko ang isa sa patunay nito: tulad ng aking pagkamuhi sa kulto ng personalidad na sa panahon ng Internasyunal, sa panahon na binubwisit ng maraming hakbangin — na nagmula sa maraming bansa — na bigyan ako ng pampublikong parangal, Isa man sa kanila ay hindi ko pinayagan na malaman ng publiko, ni tumugon ako sa kanila, hindi ko pinansin. Nang unang umanib si Engels at ako sa sekretong komunistang grupo, ito ay sa kondisyon na tanggalin mula sa mga Alituntunin ang anumang paniniwala sa awtoridad".

Sa proseso ng isang debate, nabuo ang mga palagay at magkatunggaling posisyon. Ilang pagtataya ang ginawa, may mga pagkakamali at may mas malinaw na interbensyon; pero ang pandaigdigang resulta ay hindi nagmula sa "pinakamagaling na militante", kundi sa dinamiko at buhay na sintesis sa lahat ng mga posisyon sa panahon ng diskusyon. Ang pinal na pinagtibay na posisyon ay hindi mula sa mga "tama", at hindi nagkahulugan ng anumang antagonismo sa mga "mali"; ito ay bago at superyor na posisyon na kolektibong nakatulong sa paglilinaw ng mga bagay.

Ang mga hadlang sa pag-unlad ng proletaryong debate

Malinaw, hindi madali sa loob ng isang proletaryong organisasyon ang debate. Hindi ito sumusulong na may ibang mundo kundi kailangan nitong pasanin ang bigat ng dominanteng ideolohiya at dala-dala nitong konsepto ng debate. Hindi maiwasan na ang mga “porma ng debate” na pag-aari ng burges na lipunan at araw-araw nilulusob tayo sa pamamagitan ng palabas ng kanyang mga partido, ng kanyang telebisyon at basurang mga programa, social networks, kampanyang elektoral, atbp., ay nakalusot sa buhay ng mga proletaryong organisasyon. Isang permanenteng pakikibaka ang dapat ilunsad laban sa mapanirang impiltrasyon. Tulad ng naunang binanggit ng aming teksto sa kultura ng debate:

Dahil ang ispontanyong tendensya sa loob ng kapitalismo ay hindi klaripikasyon ng mga ideya kundi karahasan, manipulasyon at panalo ng mayoriya (pinakamabisang pinakita sa elektoral na karnabal ng burges na demokrasya), ang pagpasok ng impluwensyang ito sa loob ng mga proletaryong organisasyon ay laging nagdadala ng mikrobyo ng krisis at pagkabulok. Tumpak na pinakita ito sa kasaysayan ng Partidong Bolshevik. Hanggat nasa unahan ang partido sa rebolusyon, ang pinakamasigla, kadalasan kontrobersyal na debate ay isa sa kanyang pangunahing katangian. Salungat dito, ay ang pagbabawal sa tunay na mga praksyon (matapos ang masaker sa Kronstadt sa 1921) higit sa lahat ay tanda at aktibong salik ng kanyang pagkabulok”. 

Itinuro ng teksto ang nakakalasong pamana ng Stalinismo sa hanay ng mga manggagawa at may impluwensya sa mga komunista, marami sa kanila ay nagsimula sa kanilang pampulitikang buhay sa Stalinista, Maoista o Trotskyistang mga organisasyon at iniisip na "Lumaki sa pulitika ang mga elementong ito na naniwalang ang palitan ng mga argumento ay kahalintulad sa ‘burges liberalismo’, na ang ‘mabuting komunista’ ay hindi nagrereklamo at hindi nag-iisip at walang emosyon. Ang mga kasama ngayon na determinadong iwaksi ang mga epekto ng bulok na produkto ng kontra-rebolusyon ay mas lumalaki ang unawa sa nangangailangan ito hindi lang sa pagtakwil sa kanyang mga posisyon kundi sa kanyang pag-iisip rin.”  

Katunayan, kailangang labanan natin ang kaisipan na pinapalsipika ang debate at nagnanaknak sa burges na mundo at sa partikular ang bulgar na Stalinismo at lahat ng kanyang mga galamay, ang mapagpanggap na mas “bukas” tulad ng mga Trotskyista. Kailangan na maging malinaw at mapagpasya sa pagtatanggol ng posisyon pero hindi ito nagkahulugan ng arogansya at brutalidad. Maaring ang isang diskusyon ay mapanlaban pero hindi mapang-away at agresibo. Dapat tayong maging prangka pero hindi mapang-insulto at mapangkutya. Hindi kailangang maghanap ng konsilyasyon at kompromiso pero hindi dapat unawain na ito ay sektaryanismo at pagtanggi na makinig sa mga argumento ng iba. Higit sa lahat, kailangang maghanap tayo ng paraan na makaalis sa pagkalito at pambaluktot ng Stalinismo at kanyang mga katulad.

Indibidwalismo: ang kaaway ng debate

Bagamat ang burukratikong kolektibismo ng mga burges na partido, kasama ang kanilang monolitismo at brutal na panunupil, ay hadlang sa debate, kailangan proteksyunan ang sarili laban sa tila oposisyon pero sa realidad ay komplemento. Ang tinukoy namin dito ay ang indibidwalistang bisyon sa debate.

Ito ay ang bawat isa ay “may sariling opinyon” at ang “opinyon” na ito ay pribadong pag-aari. Kaya, ang pagpuna sa posisyon ng kasama ay naging atake: niyurakan ang kanilang “pribadong pag-aari” dahil pag-aari nila ito. Ang pagpuna sa ganito o ganoong posisyon ng ganito o ganoong kasama ay kapantay ng pagnanakaw mula sa kanila o pagkuha sa kanilang pagkain.

Seryosong mali ang bisyon na ito. Ang kaalaman ay hindi dahilan ng paglitaw ng “personal na pagiging magaling” o “tapat na konbiksyon” ng bawat individwal. Ang iniisip natin ay bahagi ng isang istorikal at sosyal na pagsisikap na nakaugnay sa paggawa at pag-unlad ng mga produktibong pwersa. Nagiging “orihinal” lang ang sinasabi ng bawat tao kung ito ay may kaakibat na kritikal at kolektibong kaisipan. Ang kaisipan ng proletaryado ay produkto ng kanyang istorikal na pakikibaka sa pandaigdigang saklaw, isang pakikibaka na hindi limitado sa kanyang ekonomikong pakikibaka kundi, tulad ng sabi ni Engels, naglalaman ng tatlong magkakaugnay na mga elemento: ekonomiko, pulitikal at ideolohikal na pakikibaka.

Bawat proletaryong pampulitikang organisasyon ay nakaugnay sa kritikal na istorikal na pagpapatuloy sa mahabang kadena mula sa Liga Komunista (1848) hanggang sa maliit na umiiral na mga organisasyon ng Kaliwang Komunista. Itong istorikal na linya, kasama ang mga posisyon, ideya,  pagpapahalaga at kontribusyon ng bawat militante. Habang ang bawat militante ay naglalayong mas palawakin ang kanyang kaalaman, hindi nila iniisip ito na indibidwal na pagsisikap kundi may layunin na maabot ang klaripikasyon ng mga posisyon at oryentasyon para sa buong organisasyon ng proletaryado.

Ang ideya na “bawat isa may opinyon” ay seryosong hadlang sa debate at komplementaryo sa burukratikong monolitismo ng mga burges na partido. Sa debate, kung saan bawat isa ay may opinyon, ang resulta ay kundiman bangayan sa pagitan ng nanalo at natalo o suma-total ng iba-iba, walang kwenta, at magkasalungat na mga opinyon. Hadlang ang indibidwalismo sa kalinawan, at tulad ng isang monolitikong partido, ang usapin ng “narito ang aking opinyon, tanggapin ito o itakwil”, ay nagkahulugan ng walang debate kung ang bawat tao ay maghapag ng kanilang “sariling opinyon”.

Para sa pagpapaunlad ng isang internasyunal na proletaryong debate

Ang proletaryong debate ay may istorikal na katangian; malugod nitong tinanggap ang pinaka magaling na syentipiko at kultural na diskusyon na umiral sa kasaysayan ng sangkatauhan: “Sa batayan, ang kultura ng debate ay isang ekspresyon ng katangiang sosyal ng sangkatauhan. Sa partikular, ito ay produkto ng ispisipikong paggamit ng tao ng lenggwahe. Ang paggamit ng lenggwahe bilang komunikasyon ng palitan ng impormasyon ay bagay na parehong ginagamit ng tao at maraming hayop. Ang kaibahan ng tao ay ang kapasidad nito na pagyamanin at makipagpalitan ng argumento (nakaugnay sa pag-unlad ng lohika at syensya), at para makilala ang bawat isa (ang paglinang ng pakikiramay, na nakaugnay sa pagpapaunlad ng arte”.

Nakaugat ang kultura ng debate sa primitibong komunismo subalit may mahalagang pag-unlad sa panahon ng Sinaunang Gresya: "Si Engels halimbawa ay tinukoy ang papel ng mga pangkalahatang asembliya ng mga Griyego sa panahon ng Homeric, sa unang mga tribo sa Alemanya o sa mga Iroquois sa Hilagang Amerika, na ispisipikong pinuri ang huli”.

Lumitaw ang debate bilang tugon sa praktikal na pangangailangan. Sa Gresya, umunlad ito sa pamamagitan ng pagkumpara sa ibat-ibang pinanggalingan ng kaalaman. Pinagkumpara sa isat-isa ang ibat-ibang paraan ng pag-iisip, moda ng imbestigasyon at kanilang resulta, paraan ng produksyon, kustombre at tradisyon. Pinagsalungat sila, kinumpirma o pinagbangga sa isat-isa. Nagbangayan sila  sa isa-isa o sinusuportahan ang isat-isa, o pareho. Sa pagkumpara naging relatibo ang mga absolutong katotohanan”.

Sinusuma ng aming tekstong Istruktura at Pag-andar ng Organisasyon ang mga pundamental na prinsipyo ng proletaryong debate:

  • “Pagtakwil sa anumang aksyong disiplina o administratibo sa panig ng organisasyon hinggil sa mga myembro na nagpahayag ng hindi pagsang-ayon: kung ang minoriya ay kailangang mulat paano maging minoriya sa loob ng organisasyon, ang mayoriya ay kailangang mulat paano maging mayoriya, at sa partikular kailangang hindi nito abusuhin ang katotohanan na ang kanyang posisyon ay naging posisyon ng organisasyon at lipulin ang debate, halimbawa, sa pamamagitan sa pagpilit sa mga myembro ng minoriya na maging tagapagsalita sa mga posisyon na hindi sila sang-ayon; 

  • Interesado ang buong organisasyon sa pinakamalawak at pinakamalinaw na posibleng diskusyon (kahit tungkol sa pagkakaiba ng prinsipyo na maaring tutungo sa organisasyunal na paghihiwalay): parehong nasa minoriya at mayoriya na gawin ang makakaya (syempre hindi nakakaparalisa o napahina ang mga tungkulin ng organisasyon) na kumbinsihin ang isat-isa sa katumpakan ng kani-kanilang pagsusuri, o sa minimum makamit ang posibleng pinakamalinaw na kaibahan mula sa hindi pagkakasundo. 

  • Hanggang sa punto na ang mga debate sa loob ng organisasyon na sa pangkalahatan ay may kaugnayan sa buong proletaryado” 

Ang proletaryado ay isang internasyunal na uri at dahil dito ang debate ay kailangang internasyunal at sentralisado ang katangian. Kung ang debate ay hindi pagdagdag ng mga indibidwal na opinyon, lalo ng hindi ito suma-total ng mga lokal na opinyon. Ang lakas ng proletaryado ay ang kanyang pagkakaisa at kamulatan na naglalayong ipahayag ang sarili sa pandaigdigang saklaw.

Internasyunal na debate, pagsama-sama ng mga kontribusyon at karanasan ng proletaryado sa lahat ng mga bansa ang nagbibigay ng klaripikasyon at pandaigdigang bisyon na mas nagpapalakas sa pakikibaka ng proletaryado. 

C. Mir, 11 Hulyo 2018

 

Rubric: 

Kaliwa ng Burgesya