Ang nakatagong pamana ng kaliwa ng kapital (unang bahagi): Maling pananaw sa uring manggagawa

Printer-friendly version

Isa sa mga salot na nakakaapekto sa mga rebolusyonaryong organisasyon ng Kaliwang Komunista ay ang katotohanan na marami sa kanyang mga militante ay impluwensyado ng mga partido o grupo ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital (mga partido Sosyalista at Komunista, Trotskyismo, Maoismo, opisyal na anarkismo, ang tinawag na “Bagong Kaliwa" ng Syriza o Podemos). Hindi yan maiwasan dahil sa simpleng dahilan na walang militanteng isinilang na may ganap at kagyat na kalinawan. Subalit ang yugtong ito ay nag-iwan ng sagabal na mahirap mapangingibawan: posibleng kumawala sa mga pampulitikang posisyon ng mga organisasyong ito (unyonismo sa pagawaan, pambansang pagtatanggol at nasyunalismo, partisipasyon sa eleksyon, atbp.) pero mas mahirap tanggalin sa sarili ang mga aktitud, paraan ng pag-iisip, paraan ng pakikipag debate, pag-uugali, pananaw na pilit na ipinakilala ng mga organisasyong ito at bumuo sa kanilang uri ng pamumuhay.

Ang pamanang ito, na tinatawag namin na ang nakatagong pamana ng kaliwa ng kapital, ay nakatulong para manulsol ng tensyon sa mga rebolusyonaryong organisasyon sa pagitan ng mga kasama, nagbunsod ng kawalang tiwala, labanan, mapanirang pag-uugali, hadlang sa debate, magkaibang teoretikal na posisyon, atbp., na, sa kombinasyon ng presyur ng burges at peti-burges na ideolohiya, ay seryosong ikapahamak ng mga organisasyong ito. Ang layunin ng serye na sinimulan namin dito ay kilalanin at labanan itong mapang-aping pasanin.

Ang kaliwa ng kapital: kapitalistang pulitika sa ngalan ng "sosyalismo"

Mula sa kanyang unang kongreso (1975), hinarap ng IKT ang problema ng mga organisasyon na maling inangkin ang "sosyalismo" habang gumagawa ng kapitalistang pulitika. Sa Plataporma ng IKT, na pinagtibay ng kongresong ito, iginiit sa punto 13: "Lahat ng mga partido o organisasyon na ngayon ay nagtatanggol, kahit pa ‘kondisyonal’ o ‘kritikal’, sa ilang mga estado o paksyon ng burgesya sa ngalan man ng ‘sosyalismo’, ‘demokrasya’, ‘anti-pasismo’, ‘pambansang kalayaan’, pakikipag-isang prente o ang ‘hindi masyadong masama’, na nakabatay ang kanilang pulitika sa burges na eleksyon, sa loob ng kontra-manggagawang aktibidad ng unyonismo sa pagawaan o sa mistipikasyon ng pamamahala-sa-sarili, ay mga ahente ng kapital. Sa partikular, ang mga partido Sosyalista at Komunista."

Tinutukan din ng aming Plataporma ang problema ng mga grupo na inilagay ang mga sarili sa "kaliwa" ng mga mas malaking grupong ito, kadalasan gumagawa ng mga "maalab na kritisismo" sa kanila at nagpatibay ng mas "radikal" na pustura: "Lahat ng mga diumano tendensyang ‘rebolusyonaryo’ – tulad ng Maoismo na simpleng isa lang sa mga partido na ganap ng naging burges, o Trotskyismo na matapos maging proletaryong reaksyon laban sa pag-traydor ng mga Partido Komunista ay nahulog sa parehong proseso ng pagkabulok, o ang tradisyunal na anarkismo, na ngayon parehong nagtatanggol sa maraming posisyon ng mga PK at PS tulad ng ‘anti-pasistang alyansa’ – ay parehong nasa isang kampo: ang kampo ng kapital. Ang kanilang mas kaunting impluwensya o mas radikal na lenggwahe ay walang saysay dahil sa burges na batayan ng kanilang programa, pero nagagamit sila bilang agresibo at pandagdag ng mga partidong ito."

Para maintindihan ang papel ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital, mahalagang tandaan na sa pagbulusok-pababa ng kapitalismo, pinakita ng estado na "ang tendensya ng kapitalismo ng estado ay lalong malakas, makapangyarihan, at sistematikong pagkontrol ng makinarya ng estado sa buong buhay panlipunan, at sa partikular ang ehekutibo. Sa mas malawak kaysa dekadenteng Roma o pyudalismo, ang estado sa dekadenteng kapitalismo ay naging halimaw, malamig, impersonal na makinarya na nilamon ang pinaka-mahalagang sangkap ng lipunang sibil"1. Ito ang katangian ng mga hayag na mga rehimeng nasa ilalim ng diktadura ng isang partido (Stalinismo, Nazismo, diktadurang militar) at ng mga demokratikong rehimen.

Sa ganitong balangkas, ang mga pampulitikang partido ay hindi mga kinatawan ng ibat-ibang uri o saray ng lipunan kundi mga totalitaryan na instrumento ng estado na ang tungkulin ay sumunod ang buong populasyon (pangunahin ang uring manggagawa) sa mga utos ng pambansang kapital. Naging ulo sila ng mga network ng kroni-ismo, mga grupo ng pamimilit at impluwensya na may kombinasyon ng mga aksyong pulitikal at ekonomiko at pinagmulan ng hindi maiwasang katiwalian.Sa demokratikong sistema, ang pampulitikang makinarya ng kapitalistang estado ay nahati sa dalawang kampo: ang kanang kampo na nakaugnay sa klasikong paksyon ng burgesya at responsable sa pagkontrol sa atrasadong saray ng populasyon2, at ang kaliwang kampo (ang kaliwa at kanilang mga unyon at ang mga organisasyon ng dulong-kaliwa). Ang tungkulin nila ay kontrolin at hati-hatiin ang uring manggagawa at sirain ang kanilang kamulatan.

Bakit ang mga lumang partido ng manggagawa ay naging mga partido ng kaliwa ng kapital?

Ang mga organisasyon ng proletaryado ay hindi ligtas sa pagkabulok. Ang presyur ng burges na ideolohiya ay naninira mula sa loob at posibleng hahantong sa oportunismo, na, kung hindi agad malabanan, ay tutungo sa pagtaydor at integrasyon sa kapitalistang estado3. Mapagpasya ang oportunismo sa panahon ng napakahalagang istorikal na mga kaganapan sa buhay ng kapitalistang lipunan: hanggang ngayon ang dalawang susing kaganapan ay ang pandaigdigang digmaan at proletaryong rebolusyon. Sa Plataporma, pinaliwanag namin ang proseso na tumungo sa huling yugto: "Ito ang nangyari sa mga partido Sosyalista sa panahon na nasakop sila sa kanggrena ng oportunismo at repormismo, karamihan sa mga pangunahing partido sa pagputok ng Unang Pandaigdigang Digmaan (na tanda ng kamatayan ng Ikalawang Internasyunal) ay pinagtibay, sa ilalim ng liderato ng sosyal-sobinistang kanan na mula noon ay nasa kampo na ng burgesya, ang patakarang ‘pambansang pagtatanggol, at pagkatapos ay hayagang tinutulan ang rebolusyonaryong alon pagkatapos ng digmaan, hanggang sa punto na naging berdugo na laban sa proletaryado, tulad ng nangyari sa Alemanya sa 1919. Ang ganap na integrasyon ng bawat partido sa kani-kanilang burges na estado ay nangyari sa ibat-ibang panahon matapos ang Unang Pandaigdigang Digmaan. Pero ang prosesong ito ay ganap ng natapos sa simula ng 1920s, ng ang pinakahuling proletaryong tendensya ay inalis o umalis sa kanilang hanay at sumapi sa Komunistang Internasyunal.

Sa parehong proseso, ang mga Partido Komunista ay lumipat sa kapitalistang kampo matapos ang
proseso ng oportunistang pagkabulok. Ang prosesong ito na nagsimula pa sa maagang bahagi ng 1920s, ay nagpatuloy matapos mawasak ang Komunistang Internasyunal (ng pagtibayin sa 1928 ang teorya na ‘Sosyalismo sa isang bansa’), para lubusin, sa kabila ng maigting na pakikibaka ng kaliwang praksyon at matapos itiwalag ang huli, ang integrasyon ng mga partidong ito sa kapitalistang estado sa simula ng 1930s sa kanilang partisipasyon sa kani-kanilang burgesya sa pagparami ng armas at pagpasok sa mga ‘prente popular’. Ang kanilang aktibong partisipasyon sa ‘Resistance’ sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig, at sa sumunod na ‘pambansang rekonstruksyon’, ay patunay na sila ay tapat na ahente ng pambansang kapital at dalisay na kongkretisasyon ng kontra-rebolusyon".4 Sa loob ng 25 taon (sa pagitan ng 1914 at 1939) unang nawala sa uring manggagawa ang mga Sosyalistang partido, pagkatapos, sa 1920's, ang mga partido Komunista at sa huli, mula 1939, ang mga grupo ng Kaliwang Oposisyon sa palibot ni Trotsky na sinuportahan ang mas barbarikong Ikalawang Digmaang Pandaigdig: "Sa 1938, ang Kaliwang Oposisyon ay naging Ikaapat na Internasyunal. Ito ay isang oportunistang pakikipagsapalaran dahil imposibleng itayo ang isang pandaigdigang partido sa sitwasyon na patungo sa imperyalistang digmaan at malalim na pagkatalo ng proletaryado. Ang resulta ay nakakapinsala: sa 1939-40, ang mga grupo ng diumano Ikaapat na Internasyunal ay pumusisyon pabor sa digmaan sa pinaka-magkaibang mga dahilan: ang mayoriya ay suportado ang ‘sosyalistang amangbayan’ ng Rusya, pero may minoriya na suportado ang Pransya ng Petain (tagasunod mismo ng mga Nazis).

Laban sa pagkabulok ng mga Trotskyistang organisasyon, nag-react ang huling nanatiling internasyunalistang nuclei: partikular ang asawa ni Trotsky at isang rebolusyonaryo mula sa Espanya, si Munis. Magmula noon ang mga Troskyistang organisasyon ay naging ‘radikal’ na ahente ng kapital upang pukawin ang proletaryado sa lahat ng klase ng mga ‘rebolusyonaryong adhikain’ na sa pangkalahtan ay umaayon sa ‘anti-imperyalistang’ paksyon ng burgesya (tulad ng sikat na ahente na si Chavez ngayon). Kahalintulad, hinatak nila ang mga manggagawa na may diskontento sa elektoral sirkus na “kritikal” na bomoto sa mga ‘Sosyalista’ para ’pigilan ang kanan’. Panghuli palagi silang may mataas na pag-asa na maagaw ang mga unyon sa pamamagitang ng mga ‘palaban na kandidato’".5

May kapasidad ang uring manggagawa na lumikha ng kaliwang praksyon sa loob ng mga partido na nagsimulang maapektohan ng sakit ng oportunismo. Kaya sa loob ng mga partido ng Ikalawang Internasyunal, ang papel na ito ay ginampanan ng mga Bolshevik, ng tendensya ni Rosa Luxemburg, Dutch Tribunism, ng mga militante ng Italian abstentionist fraction, atbp. Tanyag ang kasaysayan ng pakikipaglaban ng mga praksyong ito dahil ang kanilang mga teksto at kontribusyon ay naisangkongkreto sa pagkabuo ng Ikatlong Internasyunal.

At mula 1919, ang proletaryong reaksyon, sa harap ng mga kahirapan, pagkakamali at ang kasunod na pagkabulok ng Ikatlong Internasyunal, ay ipinahayag ng komunistang kaliwa (Italian, Dutch, German, Russian, atbp.) na nagbunga (na may matinding kahirapan at sa kasamaang-palad kalat-kalat) ng isang magiting at determinadong pakikibaka. Lumitaw sa huli ang Kaliwang Oposisyon ni Trotsky at mas nalilitong paraan. Sa 1930's, ang agwat sa pagitan ng kaliwang komunista (pangunahin ang kanyang pinaka-malinaw na grupong Bilan, na kumakatawan sa Kaliwang Komunista sa Italya) at ang Oposisyon ni Trotsky ay mas malinaw. Habang nakita ng Bilan na ang mga lokalisadong imperyalistang digmaan ay ekspresyon ng tunguhin ng pandaigdigang imperyalistang digmaan, ang Oposisyon ay nasangkot sa masalitang pambansang kalayaan at progresibong katangian ng antipasismo. Habang nakita ng Bilan ang ideolohikal na pagpapalista para sa imperyalistang digmaan at sa interes ng kapital ang nasa likod ng mobilisasyon ng manggagawang Espanyol para sa digmaan sa pagitan ni Franco at ng Republika, ang nakita ni Trotsky sa 1936 na mga welga sa Pransya at sa anti-pasistang labanan sa Espanya ay ang simula ng rebolusyon... Subalit, ang mas malala kahit hindi pa malinaw sa Bilan ang eksaktong katangian ng USSR, malinaw sa kanya na hindi ito dapat suportahan dahil higit sa lahat ang USSR ay aktibong ahente sa paghahanda ng digmaan. Si Trotsky sa kabilang banda, sa kanyang mga ispekulasyon hinggil sa USSR bilang isang "nabubulok na estado ng manggagawa", ay binuksan ang pintuan para suportahan ang USSR, na nagkahulugan na suportahan ang pangalawang pandaigdigang patayan sa 1939-1945.

Ang papel ng dulong-kaliwa ng kapital laban sa muling pagbangon ng pakikibaka ng manggagawa sa 1968

Magmula 1968, muling sumulong ang proletaryong pakikibaka sa buong mundo. Mayo 68 sa Pransya, ang "Hot Autumn" sa Italya, ang “cordobazo" sa Argentina, ang Polish October, atbp., ay iilan sa kanyang pinaka-signipikanteng ekspresyon. Ang pakikibakang ito ay nagluwal ng isang bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Maraming minoriya ng uring manggagawa ang lumitaw kahit saan at lahat ng ito ay bumuo ng isang pundamental na lakas para sa proletaryado.

Subalit, importanteng tandaan ang papel ng mga grupo ng dulong-kaliwa sa pagpapahina at pagsira sa mga minoriya: ang mga Trotskyista na binanggit na namin, opisyal na anarkismo6, at Maoismo. Hinggil sa huli, importanteng idiin na hindi ito naging proletaryong tunguhin. Ang mga Maoistang grupo ay isinilang mula sa imperyalistang tunggalian at mga digmaan para sa impluwensya katulad ng sa pagitan ng Peking at Moscow na tumungo sa alitan ng dalawang estado at sa pagkampi ng Peking sa imperyalismong Amerikano sa 1972.

Tinatayang sa pagpasok ng 1970 ay may daang libong militante sa buong mundo na, bagamat marami ang kalituhan, ay nagpahayag na sila ay pabor sa rebolusyon, laban sa tradisyunal na mga partido ng kaliwa (mga partido Sosyalista at Komunista), laban sa imperyalistang digmaan, at nakatanaw sa pagsulong ng lumalakas na proletaryong pakikibaka. Mahalagang bahagi nito ay pinalakas ng mga grupo ng dulong-kaliwa. Ang kasalukuyang serye ng mga artikulo ay magpakita ng ilang ditalye sa lahat ng mekanismo na ginawa nila sa pagpapalakas. Ipaliwanag namin hindi lang ang kapitalistang programa na nakasulat sa kanilang radikal at “uring manggagawa” na mga istandard kundi pati na rin ang kanilang mga paraan sa organisasyon at debate, kanilang moda ng pagkilos at kanilang pananaw sa moralidad.

Ang tiyak ay ang kanilang mga ginagawa ay napakahalaga para sirain ang potensyal ng uring manggagawa na itayo ang malawak na taliba para sa kanyang pakikibaka. Ang potensyal na mga militante ay hinila patungong aktibismo at pagmamadali, inilipat sa mga baog na pakikibaka sa loob ng mga unyon, munisipyo, kampanyang elektoral, atbp.

Malinaw ang resulta:

- Ang mayoriya ay umalis sa pakikibaka, labis ang demoralisasyon at madaling kapitan ng pag-aalinlangan sa pakikibaka ng uring manggagawa at sa posibilidad ng komunismo; signipikanteng bahagi ng sektor na ito ay nagumon sa droga, alkohol at pinaka-matinding kawalan ng pag-asa;

- Ang minoriya ay nanatiling bag-as na tropa ng mga unyon at partido ng kaliwa, nagpalaganap ng may alinlangan at nakakademoralisang pananaw sa uring manggagawa;

- Isa pa, mas nag-aalinlangang minoriya, ay ginagawang hanapbuhay ang mga unyon at partido ng kaliwa at ang iilan sa mga “nagtagumpay” ay nagiging kasapi ng mga partido ng kanan7.

Ang mga militanteng komunista ay mahalagang pwersa at sentral na tungkulin ng mga grupo ng kaliwang komunista, na tagapagmana ng Bilan, Internationalisme, atbp., na halawin ang mga aral mula sa malaking pagkawala ng mga militanteng pwersa na naranasan ng proletaryado magmula sa kanyang istorikal na pagkamulat sa 1968.

Maling pananaw sa uring manggagawa

Para maisakatuparan ang kanilang maruming gawain ng pagbilanggo, paghati-hati at panlilito, ang mga unyon, mga partido ng kaliwa at dulong-kaliwa ay nagpalaganap ng maling bisyon sa uring manggagawa. Bininhian nila ang mga militanteng komunista at sinira ang kanilang kaisipan, aktitud at pakikitungo. Kaya mahalaga na kilalanin at labanan ito.

1. Kabuuan ng mga indibidwal na mamamayan

Para sa kaliwa at dulong-kaliwa, hindi antagonistikong panlipunang uri ang mga manggagawa sa loob ng kapitalismo kundi kabuuan ng mga indibidwal. Sila ang “mas mababang” bahagi ng “mamamayan”. Kaya, ang tanging maaasahan lamang ng mga indibidwal na manggagawa ay isang “istableng kalagayan”, isang "patas na pabuya” sa kanilang paggawa, “respeto sa kanilang mga karapatan", atbp.

Naitago ng kaliwa ang pinaka-mahalaga: ang uring manggagawa ay isang uri na kailangang-kailangan sa kapitalistang lipunan dahil kung wala ang kanilang kolektibong paggawa hindi aandar ang kapitalismo. Pero, kasabay nito, ito ay isang uri na hindi kabilang sa lipunan, banyaga sa lahat ng kanyang mga batas at mahalagang kaugalian; kaya ito ay isang uri na ma-realisa lamang ang sarili kung mabuwag nito ang kapitalistang lipunan mula ulo hanggang paa. Sa kabila ng realidad na ito, tinutulak ng kaliwa ang ideya ng isang "integradong uri" na, sa pamamagitan ng mga reporma at partisipasyon sa mga kapitalistang organisasyon ay makamit ang kanyang mga interes.

Sa ganitong pangkalahatang pananaw ang uring manggagawa ay nabuwag sa pagiging walang anyo at masa ng halu-halong uri ng “mamamayan” aka "ang bayan".Sa naturang kaguluhan, ang manggagawa ay naging bahagi ng peti-burges na tutol sa kanya, sa pulis na sumusupil sa kanya, sa hukom na isinusumpa siya, sa mga pulitiko na nagsinungaling sa kanya at maging sa "progresibong burgesya". Ang ideya sa panlipunang mga uri at makauring antagonismo ay naglaho, na nagbigay-daan sa paniniwala hinggil sa mamamayan ng bansa, sa maling "pambansang komunidad".

Sa sandaling nabura sa kaisipan ng uring manggagawa ang ideya ng uri, ang pundamental na paniniwala sa isang istorikal na uri ay naglaho rin. Ang proletaryado ay isang istorikal na uri na, sa kabila ng sitwasyon ng ibat-ibang henerasyon o hiyograpikal na lugar, ay may rebolusyonaryong kinabukasan sa kanyang mga kamay, sa pagtayo ng isang bagong lipunan at lutasin ang mga kontradiksyon ng kapitalismo na tutungo sa pagwasak ng sangkatauhan.

Sa pagwalis sa mahalaga at mga syentipikong ideya ng panlipunang mga uri, makauring antagonismo at istorikong uri, pinababa ng kaliwa at dulong-kaliwa ang rebolusyon sa pagiging banal na kahilingan na nasa kamay ng mga pampulitikang “eksperto” at partido. Nagharap sila ng ideya ng delegasyon ng kapangyarihan, isang konsepto na perpektong balido para sa burgesya pero mapanira para sa proletaryado. Katunayan ang burgesya, isang mapagsamantalang uri na may pang-ekonomiyang kapangyarihan, ay maaring ipagkatiwala ang pamamahala sa kanyang negosyo sa espesyalisadong pampulitikang tauhan na bumubuo ng burukratikong saray na may sariling interes sa loob ng komplikadong pangangailangan ng pambansang kapital.

Pero hindi ito maaari sa proletaryado na parehong pinagsamantalahan at rebolusyonaryong uri na walang pang-ekonomiyang kapangyarihan kundi ang tanging lakas ay ang kamulatan, pagkakaisa at pagtutulungan at tiwala sa sarili. Lahat ng mga salik na ito ay mabilis na masisira kung aasa sa espesyalisadong saray ng mga intelektwal at pulitiko.

Tangan ang ideya ng delegasyon, pinagtatanggol ng mga partido ng kaliwa at dulong-kaliwa ang partisipasyon sa eleksyon bilang paraan para “hadlangan ang kanan", ibig sabihin minaliit nila ang independyenteng pagkilos ng masang manggagawa at ginawa silang mga botanteng mamamayan: isang indibidwalistang masa, bawat isa bilanggo sa kanyang “sariling interes". Sa ganitong pananaw, hindi na umiiral ang pagkakaisa at pag-oorganisa sa sarili ng proletaryado.

Panghuli, ang mga partido ng kaliwa at dulong-kaliwa ay nanawagan rin sa proletaryado na umasa sa estado para “maabot ang isa pang lipunan". Kaya gumawa sila ng panloloko na ang berdugong kapitalistang estado ay "kaibigan ng mga manggagawa" o "alyado nito".

2. Bulgar na materyalismo na ang nakikita lang ay ang masa ng mga talunan

Nagpalaganap ang kaliwa at mga unyon ng isang bulgar na konsepto sa uring manggagawa. Ayon sa kanila, ang mga manggagawa ay mga indibidwal na ang tanging iniisip ay ang kanilang mga pamilya, kanilang kaginhawaan, mas magarang sasakyan o bahay. Nalunod sa konsumerismo, wala silang “ideyal" na pakikibaka, gugustuhin pang manatili sa bahay manood ng football o sa bar kasama ang kanilang mga barkada. Para makompleto ang silo, pinagtibay nila na dahil ang mga manggagawa ay lubog sa utang sa kanilang konsumerismo, hindi nila kayang makibaka8.

Sa mga aral ng moral na ipokrasiya binago nila ang pakikibaka ng manggagawa, na isang materyal na pangangailangan, sa pagiging ideyal na kagustuhan, samantalang ang komunismo - ang ultimong layunin ng uring manggagawa - ay isang materyal na pangangailangan bilang tugon sa walang solusyon na mga kontradiksyon ng kapitalismo9. Pinaghiwalay at pinagbangga nila ang kagyat na pakikibaka mula sa rebolusyonaryong pakikibaka samantalang sa realidad ay may pagkakaisa sa pagitan ng dalawa dahil ang pakikibaka ng uring manggagawa ay, tulad ng sabi ni Engels, ay ekonomiko, pulitikal at tunggalian ng mga ideya.

Ang alisan ang ating uri ng pagkakaisang ito ay tutungo sa idealistang bisyon ng “taong makasarili” at "materyalista" na pakikibaka para sa pang-ekonomiyang pangangailangan at “dakila” at "moral" na pakikibaka para sa "rebolusyon". Ang ganyang mga ideya ay malalim na nakademoralisa sa mga manggagawa na nakaramdam ng pagkahiya at makasalanan dahil nag-aalala sa kanilang sariling pangangailangan at sa kanilang mga mahal sa buhay, at parang mga busabos na indibidwal na ang iniisip lang ay ang kanilang mga sarili. Sa ganitong mga maling paraan, na sumusunod sa mapang-uyam at mapagkunwaring linya ng Simbahang Katoliko, sinira ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital ang kumpyansa ng mga manggagawa sa kanilang mga sarili bilang uri at pinakilala sila bilang “pinaka-mababang” bahagi ng lipunan.

Sinalubong ng ganitong aktitud ang dominanteng ideolohiya na pinakilala ang uring manggagawa na mga talunan. Sinabi ng sikat na "common sense" na ang mga manggagawa ay mga indibidwal na nanatiling manggagawa dahil hindi sapat ang kanilang galing o hindi sapat ang kanilang pagsisikap para umasenso. Tamad ang mga manggagawa, walang ambisyon at ayaw magtagumpay...

Talagang binaliktad ang mundo! Ang panlipunang uri sa pamamagitan ng kanyang kolektibong paggawa ay lumikha ng mayoriya ng yaman ng lipunan ay diumano binuo ng pinaka-talunang mga elemento. Dahil ang proletaryado ang bumuo sa mayoriya ng lipunan, tila ito ay pundamental na binuo ng mga duwag, talunan, hindi sibilisadong indibidwal na walang anumang motibasyon. Hindi lang pinagsamantalahan ang proletaryado, kinukutya pa ito. Ang minoriya na nabubuhay mula sa pagsisikap ng milyun-milyong tao ay may kabastusan na kilalanin ang mga manggagawa na tamad, walang kwenta, talunan at walang pag-asa.

Radikal na iba ang panlipunang realidad: sa pandaigdigang kolektibong paggawa ng proletaryado, pinaunlad nito ang kultura, syensya at, ang malalim na pag-uugnayan ng sangkatauhan: pakikiisa, tiwala at kritikal na diwa. Sila ang pwersa na tahimik na sinusulong ang lipunan, ang pinagmulan ng pag-unlad ng mga produktibong pwersa.

Ang anyo ng uring manggagawa ay walang kwenta, pasibo at hindi kilalang masa. Ang anyong ito ay resulta ng kontradiksyon na naranasan ng uring manggagawa bilang pinagsamantalahan at rebolusyonaryong uri. Sa isang banda ito ay uri ng pandaigdigang kolektibong paggawa at dahil dito, ito ang nagpapagulong sa kapitalistang produksyon at nasa kanyang mga kamay ang pwersa at kapasidad na radikal na baguhin ang lipunan. Subalit sa kabilang banda, ang kompetisyon, ang pamilihan, ang normal na buhay sa lipunan kung saan nangibabaw ang pagkahati-hati at isa laban sa lahat, ay dinurog ito sa pagiging kabuuan ng mga indibidwal, bawat isa ay binaog ng kabiguan at konsensya, hiwalay mula sa iba, atomisado at napilitang makibaka na nag-iisa at para sa sarili.

Ang kaliwa at dulong-kaliwa, katulad ng burgesya, nais na ang makita lang natin ay ang walang anyo na atomisadong masa ng mga indibidwal. Kaya nagsilbi sila sa kapital at estado sa kanilang tungkulin na demoralisahin at ibukod ang uri mula sa anumang panlipunang perspektiba.

Binalikan namin dito ang sinabi namin sa simula: ang pananaw na ang uring manggagawa bilang kabuuan ng mga indibidwal. Pero, isang uri ang proletaryado at kumikilos bilang uri sa panahon na nagtagumpay ito na makalaya sa pamamagitan ng matatag at independyenteng pakikibaka mula sa kadena na umaapi at naghati-hati sa kanila. Kaya hindi lang natin nakita ang uri na nakibaka kundi nakita rin natin na ang bawat isa sa kanyang mga sangkap ay binago ang sarili sa pagiging aktibo, lumalaban, gumagawa ng inisyatiba at pinauunlad ang pagiging malikhain. Nakita natin ito sa mahalagang mga yugto ng makauring pakikibaka, tulad ng rebolusyon sa Rusya sa 1905 at 1917. Tulad ng maayos na pagbigay-diin ni Rosa Luxemburg sa The Mass Strike, the Political Party and the Trade Unions: “Pero sa unos ng rebolusyonaryong panahon kahit ang proletaryado ay nagbago mula sa humihingi lang ng suporta, tungo sa pagiging ‘rebolusyonaryong romantisista’, kung saan kahit ang pinakamataas na kagandahan ng buhay, ay walang saysay kumpara sa mga ideyal ng pakikibaka."10

Bilang uri, ang indibidwal na lakas ng bawat manggagawa ay napalaya, kumalas sa kanyang kadena at pinauunlad ang potensyal ng tao. Bilang kabuuan ng mga indibidwal, nawala ang kapasidad ng bawat isa, pinalabnaw, sinayang para sa sangkatauhan. Ang tungkulin ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital ay manatiling nakagapos ang mga manggagawa sa kanilang kadena, ibig sabihin, simpleng kabuuan ng mga indibidwal.

Uri na tinigil ang orasan sa mga taktika ng ika-19 na siglo

Sa pangkalahatan sa panahon ng progresibong kapitalismo at mas partikular sa kanyang rurok (1870-1914), maaring makibaka ang uring manggagawa para sa pagpapabuti at mga reporma sa loob ng balangkas ng kapitalismo na walang kagyat na perspektiba para sa kanyang rebolusyonaryong pagwasak. Sa isang banda ito ay nagpahiwatig ng pagtayo ng malakihang pangmasang mga organisasyon (sosyalista at partido ng manggagawa, unyon sa pagawaan, kooperatiba, unibersidad ng manggagawa, asosasyon ng kababaihan at kabataan, atbp.) at sa kabilang banda ng mga taktika kabilang ang partisipasyon sa eleksyon, petisyon, planadong welga ng mga unyon, atbp.

Ang mga paraang ito ay mas naging hindi na sapat sa simula ng 20 siglo. Sa hanay ng mga rebolusyonaryo may malawakang debate na tumututol kay Kautsky, ang isa pabor sa mga paraang ito at ang kabila, si Rosa Luxemburg11 na humalaw ng mga aral sa rebolusyong 1905, ay malinaw na pinakita na ang uring manggagawa ay dapat humawak ng bagong mga paraan ng pakikibaka na umaayon sa pagbukas ng bagong sitwasyon ng pangkalahatang digmaan at pang-ekonomiyang krisis – ibig sabihin, sa pagpasok ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. Ang bagong mga porma ng pakikibaka ay nakabatay sa direktang aksyon ng masa, sa pag-oorganisa sa sarili sa mga asembliya at konseho ng mga manggagawa, sa abolisyon ng lumang dibisyon ng Minimum at Maksimum na programa. Ang mga paraang ito ay bumabangga sa unyonismo sa pagawaan, reporma, partisipasyon sa eleksyon, at sa landas ng parliyamentarismo.

Ang kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital ay nakatuon ang kanilang mga patakaran sa pagtali sa uring manggagawa sa lumang mga paraan na sa kasalukuyan ay radikal na sumasalungat sa pagtatanggol sa kagyat at istorikal na mga interes ng huli. Tinigil nila ang orasan sa panahon ng mga “gintong taon” ng kapitalismo sa 1890 hanggang 1910 para dis-armahan at buwagin ang uring manggagawa sa pagboto sa eleksyon, aksyon ng mga unyon, mga demonstrasyon na maagang nakaplano, atbp., mga mekanismo na ibinaba ang mga manggagawa sa pagiging "mabuti, mamamayan na manggagawa", pasibo at atomisado, sumunod na may disiplina sa lahat ng pangangailangan ng kapital: matiyagang nagtatrabaho, bomoboto tuwing apat na taon, magmartsa sa likod ng mga unyon, hindi tutulan ang mga nagpahayag-sa-sarili na pinuno.

Ang polisiyang ito ay walang-hiyang pinagtatanggol ng mga partido Sosyalista at Komunista habang ang kanilang mga karugtong na “dulong kaliwa” ay kinopya ito na may “kritikal” at “radikal” na kalabisan habang nagtatanggol sa pananaw na ang uring manggagawa ay isang uri para sa kapital; isang uri na susunod sa lahat ng kagustuhan nito habang naghihintay ng mumo na nahulog mula sa ginintuang mesa sa kanyang bangkete.

C. Mir. 18.12.17
 

1 Punto 4 sa Plataporma ng IKT.

2 Ang klasikal na mga partido ng kanan (konserbatibo, liberal, atbp) ay pangpuno ang kanilang papel sa mga partido ng dulong-kanan (pasista, neo-Nazi, maka-kanang populista, atbp) para kontrolin ang lipunan. Mas komplikado ang katangian ng huli; tingnan ito sa "Contribution on the problem of populism", International Review no. 157

3 Para maintindihan paanong nakapasok ang oportunismo at sumira sa proletaryong buhay ng organisasyon, tingnan ang "The road towards the betrayal of German Social-Democracy", International Review no. 152.

4 Punto 13 ng aming Plataporma.

5 Tingnan ang aming artikulong Espanyol: "Cuales son las diferencias entre la Izquierda Comunista y la IV Internacional?"

6 Hindi namin pinag-usapan dito maliit na internasyunalistang anarkistang mga grupo, na, sa kabila ng kanilang kalituhan, ay nagdadala ng maraming mga posisyon ng uring manggagawa, malinaw na pinakita ang sarili laban sa imperyalistang digmaan at para sa proletaryong rebolusyon.

7 Marami ang halimbawa: Durao Barroso, dating Presidente ng European Union, ay isang Maoista sa kanyang kabataan; Cohn-Bendit, European Parliament Deputy at councillor ni Macron; Lionel Jospin, dating Prime Minister ng Pransya ay isang Trotskyista sa kanyang kabataan; Jack Straw, dating British Home Secretary at renditioner-in-chief ng estado ay isang maka-kaliwa, "matapang" na lider-estudyante..

8 Dapat kilalanin natin na ang konsumerismo (tinataguyod sa panahon ng 1920's sa Estados Unidos at matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig) ay nakatulong para pahinain ang diwa ng protesta sa loob ng uring manggagawa, dahil ang mahalagang pangangailangan ng bawat manggagawa ay binaluktot ng konsumerismo, binago ang kanyang pangangailangan sa pagiging indibidwal na kapakanan kung saan "lahat makukuha sa pamamagitan ng utang".

9 Tingnan ang aming seryeng "Communism isn't just a nice idea but a material necessity": https://en.internationalism.org/go_deeper

11 Tingnan ang libro sa Espanyol: "Debate sobre la huelgade masas" (texts of Parvus, Mehring, Luxemburg, Kautsky, Vandervelde, Anton Pannekoek).

Rubric: 

Kaliwa