Ang “magsasaka” sa panahon ng dekadenteng kapitalismo

Printer-friendly version

Marxism is first and foremost a critical method, since it is the product of a class which can only emancipate itself through the ruthless criticism of all existing conditions. A revolutionary organisation that fails to criticise its errors, to learn from its mistakes, inevitably exposes itself to the conservative and reactionary influences of the dominant ideology. And this is all the more true at a time of revolution, which by its very nature has to break new ground, enter an unknown landscape with little more than a compass of general principles to find its way. The revolutionary party is all the more necessary after the victorious insurrection, because it has the strongest grasp of this compass, which is based on the historical experience of the class and the scientific approach of marxism. But if it renounces the critical nature of this approach, it will both lose sight of these historical lessons and be unable to draw the new ones that derive from the groundbreaking events of the revolutionary process.” (World Revolution no. 314)

Ang diwa ng metodolohiyang marxismo ay ang walang awang kritisismo sa lahat ng umiiral na mga kondisyon. Ganun din sa kasaysayan mismo ng internasyunal na kilusang komunista sa nagdaang mahigit 200 taon. Kailangang maunawaan natin hindi lamang ang mga tagumpay kundi higit sa lahat ang mga kabiguan at pagkakamali ng rebolusyonaryong kilusan – ang mga obhetibo at suhetibong kondisyon kung bakit nangyari ang mga iyon. Kaya naman ang dogmatismo ay walang puwang sa marxismo.

Ang huling mga komento ni Alex (8 installments) ay nagtatanggol sa “kahalagahan” kundi man “sentralidad” ng kilusang magsasaka sa panahon ng proletaryong rebolusyon at ang diumano “continuity” ng maoismo sa marxismo. Dahil dito, mapapansin natin ang tahasang pagtatanggol niya sa armadong pakikibaka sa kanayunan kung saan “pangunahing pwersa” ang mga magsasaka para makamit ang “sosyalismo sa Pilipinas” (sa “pamamagitan ng pambansa-demokratikong rebolusyon”).

Hindi lamang si Alex ang may ganitong pananaw: naglipanan ngayon sa iba’t-ibang mga bansa sa ikatlong daigdig ang mga “gerilyang pakikidigma” para sa “pambansang kalayaan at demokrasya” ito man ay impluwensyado ng maoismo o hindi. Ang mga kilusang ito ay pangunahing umaasa sa direktang suporta ng masang magsasaka sa kanayunan para sa kanilang pakikibaka at sa mga imperyalistang bansa na karibal ng kanilang kaaway na imperyalista (direkta man o indirekta).

Binaybay ni Alex ang kasaysayan mula pa kina Marx upang bigyang “katuwiran” ang teorya ng “magsasaka bilang pangunahing pwersa” ng rebolusyon sa kasalukuyang panahon at ang maoismo bilang “pagpapaunlad” sa marxismo.

Batayang pundasyon ng marxismo mula noon hanggang ngayon

Bago natin sagutin ng komprehensibo ang mga distorsyon ni Alex sa marxismo para itulak ang kontra-rebolusyonaryong ideolohiya ng maoismo bilang “bahagi” at “rurok” ng marxismo, kailangang ilatag muna natin ang batayang pundasyon ng marxismo mula noon hanggang ngayon na PINATUNAYAN sa kasaysayan at karanasan na tama. 

1. Proletaryado TANGING rebolusyonaryo at komunistang uri sa lipunang kapitalismo.

Lahat ng mga marxista ay naninindigan na ang uring manggagawa ay isang rebolusyonaryong uri dahil ito lamang ang nagdadala ng bago at mas maunlad na moda ng produksyon — komunismo. Ito ay hindi nakabatay sa “kagustuhan” ng mga komunista na gawin ang uring ito na rebolusyonaryo kundi ang obhetibong kalagayan at katangian mismo ng uring ito sa lipunang kapitalista ang nagpakita na ito ay isang rebolusyonaryo at komunistang uri. 

Ang mga komunistang organisasyon/partido ay produkto lamang ng uring manggagawa. Mayroong rebolusyonaryong partido dahil mayroong rebolusyonaryong uri at hindi ang kabaliktaran nito. 

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lipunan: ang rebolusyonaryong uri ay isang PINAGSAMANTALAHANG uri.

Sa panahon ng lipunang alipin, pinagsamantalahang uri ang mga alipin pero hindi sila isang rebolusyonaryong uri kundi ang uring pyudal na nagdadala ng bago at mas maunlad na moda ng produksyon. Sa panahon ng lipunang pyudal, pinagsamantalahang uri ang mga magsasaka pero hindi sila rebolusyonaryo kundi ang uring burgesya. Sa panahon ng kapitalismo, maraming mga uri ang pinagsamantalahan ng kapitalismo tulad ng magsasaka at peti-burgesya pero hindi sila mga rebolusyonaryong uri. Sa nagdaang mga lipunan, ang rebolusyonaryong uri ay isa ring MAPAGSAMANTALANG uri.

Kaya hindi lalaya ang uring manggagawa kung hindi niya mapalaya ang sangkatauhan mula sa lahat ng tipo ng pagsasamantala:

“in the following formation of the class with radical chains, a class of civil society which is not a class of civil society, a class which is the disoolution of classes, a sphere which has a universal character because of its universal suffering and which lays claim to no particular right because the wrong it suffers is not a particular wrong but wrong in general; a sphere of society which can no longer lay any claim to a historical title, but merely to a human one…….and finally, a sphere which cannot emancipate itself without emanciapting itself from – and therefore emancipating – all the other spheres of society, which is, in a word, the total loss of humanity and which can redeem itself only through the total redemption of humanity. This dissolution of society as a particular class is the proletariat.” (Marx, ‘Critique of Hegels’ Philosophy of Law’, Collected Works, Vol. 3)

Ito ang tahasang inabandona ng mga maoista ng dineklara nilang “wala ng proletaryado” sa Unang Daigdig.

Samakatuwid, hindi dahil pinagsamantalahan ang isang uri ay awtomatik na agad na ito ay rebolusyonaryo at hindi dahil nagsasamantala ang isang uri ay awtomatik na agad na reaksyonaryo. Kailangang gamitin ang materyalismong istoriko para maunawaan bakit sa isang takdang panahon ng kasaysayan ng lipunan ay rebolusyonaryo ang papel ng mga depinidong uring mapagsamantala at bakit sa kasalukuyang panahon ng kapitalismo ay imposible na itong mangyari; na sa panahon ngayon, ang rebolusyonaryong uri ay isa ng PINAGSAMANTALAHANG uri. 

Ang buod ng sagot dito ay: sa nakaraan, nagsalitan lamang ang mga lipunang mapagsamantala na nakabatay sa pribadong pag-aari at mga uri. Ang lipunan sa kasalukuyan ang kahuli-hulihang makauring lipunan at nakabatay sa pagsasamantala dahil ang lipunan sa hinaharap ay isang lipunan na wala ng mga uri at wala ng pagsasamantala.

Ang subject ng rebolusyon ay ang uring manggagawa. Ibig sabihin, ang sentralidad sa pagpapalakas ng kilusang manggagawa ang laging pinanindigan ng mga komunista saang panig man sila ng mundo mula noong panahon nila Marx hanggang ngayon. 

Lahat ng ibang uri na pinagsamantalahan ng kapitalismo ay mga uri sa nakaraan. Ang hinaharap ng mga uring ito ay ang pagiging manggagawa. Ang magsasaka bilang uri ay mabilis na winawasak ng kapitalismo. Sa Pilipinas, mahigit 100 taon ng winawasak ng kapital ang magsasaka bilang uri. Wala ng istrata sa kanayunan ngayon na hindi nagapos sa kapitalistang mga relasyon. 

2. Proletaryado isang internasyunal na uri at ang rebolusyon nito ay isang internasyunal na rebolusyon.

Ang sistemang kinasasadlakan ng proletaryado ay isang pandaigdigang sistema. Ang kapitalismo ang tanging sistema na hindi mabubuhay kung hindi ito lalawak sa lahat ng sulok ng mundo at isanib sa kanyang mga relasyon ng produksyon ang lahat ng bahagi ng mundo. Ang pamilihan ng kapitalismo ay isang pandaigdigan kung saan lahat ng pambasang pamilihan ay nakatali dito.

Dahil dito, ang sosyalisadong paggawa ng produkto ng uring manggagawa ay umunlad mula sa antas pabrika noong mga unang siglo ng kapitalismo hanggang sa antas pandaigdigan noong 19 siglo (laluna sa huling mga dekada nito). Samakatuwid, ang sosyalisasyon ng produksyon ay naging pandaigdigan na noon pa mang huling bahagi ng 19 siglo dahil nasakop na ng kapitalistang sistema ang buong mundo.

Sa ngayon sa panahon ng kapitalistang imperyalismo, lalupang napatunayan ang pagiging ganap ng integrado ng lahat ng mga pambansang ekonomiya sa pandaigdigang ekonomiya; ng mga manggagawa sa lahat ng mga bansa.

Kaya mula pa sa panahon nila Marx, ang mga marxista ay laging nanindigan sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon dahil ang kaaway nito ay pandaigdigang kapitalismo at lahat ng mga pambansang ekspresyon nito:

“Working men have no country. You cannot take from them what they do not have”; “Workers of all countries unite”; “united action, of the leading civilised countries at least, is one of the first conditions for the emancipation of the proletariat”. (Communist Manifesto).

“Question: Will it be possible for this revolution to take place in one country alone?

Answer: No. By creating the world market, big industry has already brought all the peoples of the earth, and especially the civilised peoples, into such close relation with one another that none is independent of what happens to others. Further, it has coordinated the social development of the civilised countries to such an extent that in all of them bourgeois and proletariat have become the decisive classes and the struggle between them the great struggle of the day. It follows that the communist revolution will not merely be a national phenomenon but must take place simulataneously in all civilised countries, that is to say, at least in England, America, France and Germany……It is a universal revolution and will accordingly have a universal range.” (Principles of Communism)

Gayong nagkamali sila Marx at Engels sa prediksyon na magsimula ang rebolusyon sa abanteng kapitalistang mga bansa, nanatiling tama ang kanilang pagsusuri sa internasyunal na katangian ng rebolusyon: Ang rebolusyong Ruso sa 1917 ay bahagi at nakapailalim sa internasyunal na rebolusyonaryong alon ng maraming mga bansa sa Europe laluna sa Germany mula 1917-23. Katunayan, ang insureksyon ng mga manggagawa sa Shanghai, China noong 1927 ay ang huling singhap ng internasyunal na pag-aalsang ito. Natalo man ang unang internasyunal na alon, hindi maaring burahin ng kabiguan ang pagiging tama sa praktika ng mga sinabi ni Marx at Engels.

Ang mga pagsusuri at pananaw nila Marx, Engels, Lenin, Luxemburg at iba pang komunista ay laging pandaigdigan at hindi pangunahing nakabatay sa pambansang saklaw.

3. Lahat ng lipunan ay may simula at may kataposan; may pasulong na yugto at may dekadenteng yugto. Ang kapitalismo ay may pasulong na yugto at may dekadenteng yugto.  

Hindi eternal ang pag-iral ng mga moda ng produksyon laluna ang mga moda na nakabatay sa pagsasamantala. Hindi abswelto dito ang kapitalismo.

Ganun pa man, ang galaw ng bawat lipunan ay nahahati sa pangkalahatan sa kanyang pasulong at dekadenteng yugto (permanenteng krisis). Tanging ang hindi mga marxista ang hindi nakaintindi nito. 

Sa panahon na ang mga relasyon at pwersa sa produksyon ay relatibong magkatugma pa, ang sistema ay nasa pasulong na yugto. Sa yugtong ito naranasan ng lipunan ang kaunlaran sa halos lahat ng aspeto. At ang mga makauring tunggalian ay hindi pa umabot sa rurok. Ang naghaharing uri sa pangkalahatan ay isang progresibo/rebolusyonaryo pa. Ganito ang nangyari sa unang bahagi ng lipunang alipin, pyudal at kapitalista. Sa obhetibo, ang usapin ng rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan ay hindi pa agenda sa panahon ng pasulong na yugto.

Nang umabot na sa yugto na naging hadlang na ang mga relasyon sa produksyon sa pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon, pumasok na ang lipunan sa kanyang dekadenteng yugto; sa kanyang permanenteng krisis. Ang naghaharing uri (at lahat ng mga paksyon nito) ay ganap ng naging reaksyonaryo at kontra-rebolusyonaryo. Nasa agenda na ang rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan. Sa nakaraang mga lipunan, lumitaw bilang uri ang mga uring nagdadala ng bagong moda ng produksyon sa panahon ng dekadenteng yugto ng lipunan. Lumitaw ang uring pyudal sa panahon ng dekadenteng yugto ng sistemang alipin. Lumitaw ang burgesya bilang uri sa panahon ng dekadenteng pyudalismo.

Tanging sa kapitalistang lipunan lamang kasabay na lumitaw ang rebolusyonaryong uring proletaryado sa paglitaw ng mapagsamantalahang uring burgesya.

Sa panahon ng 19 siglo, ang kapitalismo ay isa pang progresibong sistema sa pangkalahatan. Sa panahong ito ay lumalawak pa ang sistema. Subalit tahasang ideyalismo kung sabihin na dahil progresibo pa ang isang mapagsamantalahang sistema ay walang tunggalian ng uri. Laging kakambal ng isang mapagsamantalang sistema ang makauring pakikibaka. Ang punto dito ay: sa panahon na sumusulong pa ang lipunan, hindi pa obhetibo na ilagay sa mesa ang agenda ng rebolusyonaryong pagbabago. Kaya, ang pagkatalo ng Komuna sa Paris noong 1871 ay hindi simpleng kamalian sa estratehiya at taktika na para bang kahit sa anong panahon ay hinog ang sitwasyon na agawin ang kapangyarihang pampulitika.

Kaya sa panahon ng 19 siglo ay may materyal na batayan pa ang pakikibaka sa reporma sa loob ng kapitalistang sistema dahil obhetibong may kapasidad pa itong magbigay. Syempre, hindi naman boluntrayong nagbibigay ang naghaharing uri kundi dumaan sa isang militante at kadalasan marahas na pakikibaka ng proletaryado.

Sa pagpasok ng 20 siglo ay umabot na sa rurok ang pag-unlad ng kapitalismo dahil ganap ng sakop ng kapitalistang pamilihan nito ang buong daigdig. Ganap ng nahati ang mundo ng mga kapitalistang kapangyarihan. Ito ang panahon ng imperyalismo; ang panahon ng dekadenteng kapitalismo; ang pagpasok ng sistema sa kanyang permanenteng krisis.

Sa panahon ng imperyalismo kung saan ganap ng nahati ang mundo sa mga imperyalistang kapangyarihan, ang krisis sa sobrang produksyon at pagkasaid ng pamilihan ay hindi na maaring solusyonan ng ibayo pang paglawak dahil wala ng ilalawak pa ang sistema. Ang pagputok ng unang pandaigdigang imperyalistang digmaan sa 1914 ang hudyat na pumasok na ang sistema sa kanyang permanenteng krisis kung saan magkaroon lamang ng temporaryong solusyon kung aagawin ng isang kapangyarihan ang teritoryo ng kanyang karibal sa pamamagitan ng digmaan. Kaya kasabay ng permanenteng krisis ng kapitalismo ay ang permanenteng paghahanda at aktwal na paglulunsad ng mga digmaan para mang-agaw ng pamilihan at teritoryo.

Ang sinasabing pakikibaka para sa “pambansang kalayaan” sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay bahagi na ng imperyalistang digmaan. Kaiba ito noong 19 siglo kung saan ang mga digmaan para sa pagtatayo ng isang bansa ay bahagi ng pag-unlad ng sistema. Ngayon, ang mga digmaang ito ay direkta at indirektang kontrolado ng makapangyarihang mga imperyalista laban sa kani-kanilang mga karibal. Ang pinakamalinaw na halimbawa nito ay ang “Cold War” matapos ang WW 2 sa pagitang ng imperyalistang bloke ng USSR at USA.

Napakahalagang maunawaan ang pundamental na ebolusyon ng kapitalismo mula sa kanyang pasulong na yugto tungo sa kanyang dekadenteng yugto dahil nakasalalay dito ang usapin ng pagbabago sa mga porma at laman ng pakikibaka ng proletaryado kabilang na ang usapin sa magsasaka at agraryo. 

Ang tatlong puntong nasa itaas ay kabilang sa marxistang prinsipyo hindi lamang dahil “sinasabi” nila Marx, Engels at Lenin kundi higit sa lahat ito ay repleksyon sa buhay na pakikibaka ng uri at sa galaw ng lipunan. At ang mga ito laluna ang pagpasok ng pandaigdigang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto ang ating gabay sa pagtingin sa magsasaka at usaping agraryo.

Ang usaping magsasaka sa panahon nila Marx at Engels

Medyo ditalyado ang presentasyon ni Alex sa kanyang pagbaybay sa kasaysayan sa usapin ng magsasaka. At saludo kami sa kanyang kaseryosohan.

Saan ang batayang pagkakamali nila Marx at Engels?

Sa kalagitnaan ng 1800s ay natanaw nila Marx na nalalapit ng puputok ang proletaryong rebolusyon sa Europe bagamat mulat sila na karamihan sa mga bansa dito ay nasa iba’t-ibang antas pa ng istorikal na pag-unlad at ang sentral na isyu ay burges na demokrasya, pambansang kalayaan at unipikasyon ng bansa laban sa pyudal na absolutismo at mga labi nito. Ang ganitong pananaw at kamulatan ay mababasa natin sa Communist Manifesto. Dito nagkamali sila na mananalo ang rebolusyon ng manggagawa sa panahon na sumusulong ang kapitalismo sa pangkalahatan. Makikita din ito sa taktikang inilatag niya sa Germany:

“The communists turn their attention chiefly to Germany, because that country is on the eve of a bourgeois revolution that is bound to be carried out under more advanced conditions of European civilasation, and a musch more developed proletariat, than that of England was in the seventeenth century, and of France in the eighteenth century, and because the bourgeois revolution in Germany will be the prelude to an immediately following proletarian revolution”. (Marx-Engels, Collected Works, Vol 6.)

Kaya ang taktika ay suportahan ang burgesya hanggat inilunsad nito ang anti-pyudal na rebolusyon pero laging ipagtanggol ang awtonomiya ng proletaryado dahil inaasahan nito na mangyari kaagad pagkatapos ang proletaryong rebolusyon.

Ganun pa man, tinuwid kaagad ito nila Marx at Engels matapos hindi naganap ang agarang proletaryo-komunistang rebolusyon pagkatapos ng mga burges na rebolusyon sa 1848 at mas malinaw na nakita nila na nasa pasulong na yugto ang pandaigdigang kapitalismo:

“In view of this general prosperity, in which the productive forces of bourgeois society are flourishing as exuberantly as they possibly can under bourgeois conditions, there can be no talk of a real revolution. Such a revolution is only possible at periods, when the two factors, modern forces of production and bourgeois forms of production, come into conflict. The incessant squabbles in which the representatives of the continental Party of Order are now indulging and compromising one another are remote from providing any opportunity for a new revolution. On the contrary, they are only possible because conditions for the time being are so secure and – what the reaction does not know – so bourgeois. All attempts of the reaction to put a stop to bourgeois development will recoil upon themselves as certainly as all the moral indignation and enthusiastic proclamations of the democrats. A new revolution is only possible as the result of a new crisis. But it will come, just as surely as the crisis itself”. (Marx, Class Struggle in France)

Sang-ayon kami sa pahayag ni Alex na walang kapasidad ang magsasaka para sa komunismo dahil hindi naman talaga sila ang komunistang uri. Ang magsasaka ay uri sa nakaraan. Sa kasalukuyan ang magsasaka bilang uri ay mabilis na nawawasak kundiman ganap ng nawasak. Ang hinaharap na uri ng magsasaka ay ang pagiging manggagawa. Malinaw sa Communist Manifesto na ang magsasaka at peti-burgesya ay bilang uri ay reaksyonaryo at tutol sa komunismo. Tanging ang maoismo lamang ang nagsasabing rebolusyonaryo o di kaya ay progresibo ang mga uring ito sa kasalukuyan. 

Subalit dapat nating palalimin ang panahong nabanggit ni Alex, ang panahong nag-atubili ang burgesya sa kanyang sariling rebolusyon. Bakit?

Sa 1840s, ang pangunahing agenda ay kompletuhin ang burgis na rebolusyon – wasakin ng lubusan ang mga labi ng pyudalismo, itayo ang unipikadong mga bansa-estado, itayo ang pampulitikang rehimen ng burges demokrasya. Ang lahat ng layuning ito ay pabor sa mga magsasaka. Pero hindi para ganap silang lumaya mula sa pagsasamantala kundi para mailipat lamang sila mula sa pyudal na pagsasamantala tungo sa kapitalistang pagsasamantala. Sa ganitong punto mapalahok ang uring magsasaka laban sa pyudalismo para sa burges na rebolusyon.

Ganun pa man, nagsimula ng lumakas ang independyenteng kilusan ng manggagawa. Makikita ito sa pagputok ng rebolusyon sa 1848 sa maraming bansa sa Europe.

Katunayan ang burges na rebolusyon sa 1848 ay pundamental na kaiba sa ‘klasikal’ na burgis na rebolusyon sa 1789. Ang pag-aalsa sa 1848 ay hindi tulak ng ‘pyudal na krisis’ kundi ng krisis ng batang-batang kapitalismo. Ang mga pag-aalsa sa Paris, Berlin, Vienna, at iba pang syudad ay pinangunahan ng mga manggagawa at mala-manggagawa.

Dahil isang mapagsamantalang uri at mulat ang burgesya kung anong uri ang kanyang pangunahing kaaway, nag-aatubili itong isulong ng lubusan ang burges na rebolusyon para ganap na durugin ang mga labi ng pyudalismo dahil alam niyang ang kanyang kaaway sa hinaharap ay lalupang lalakas. Kaya, maliban sa takot ng kakabuo pa lang na uring kapitalista sa absolutismo ay mas natakot siya sa ibayong paglakas ng proletaryado. Kaya, sa halip na gawin ang ginawa nito noong 1789 na determinadong nanawagan sa malawak na masa na durugin ang kapangyarihang pyudal, sa 1848 ay minabuti ng burgesya na makipagkompromiso sa reaksyon para makontrol ang banta “mula sa ibaba” (sa proletaryado). Subalit ang proletaryado mismo ay hindi pa sapat ang lakas at kamulatan para labanan ng tuloy-tuloy ang burgesya dahil nasa pasulong na yugto pa ang sistema.

Mas malinaw ito sa ating panahon, nakahanda ang burgesya (laluna ang makabayang istrata nito) na makipag-alyansa anumang oras sa mga nalalabing pwersang pyudal laban sa uring manggagawa.

Ang panawagan ni Marx ng “ikalawang edisyon” ng rebolusyong magsasaka ay nakabatay sa pangkalahatang katangian ng kapitalismo noon – nasa pasulong na yugto.

Ang usapin ng magsasaka sa panahon ni Lenin

Mula 1890s pumasok na ang kapitalismo sa kanyang pinakahuling yugto, ang imperyalismo. Sa panahon nila Lenin, nasa pintuan na ang sistema papasok sa kanyang dekadenteng yugto, sa kanyang permanenteng krisis; sa panahon ng mga imperyalistang digmaan at proletaryong rebolusyon.

Hindi sapat na konsentrahan lamang sa pagsusuri ang Rusya at hindi ito mahigpit na ikawing sa pandaigdigang pagbabago ng ebolusyon ng kapitalismo. Subalit, kahit ang mga internasyunalistang-komunista gaya ni Lenin ay hindi rin nakaiwas sa malakas na impluwensya ng 19 siglo, sa panahon na sumusulong ang kapitalismo.

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, nangyari ang sinasabi ni Alex na “de-peasantization” ng uring magsasaka batay sa nangyari sa Rusya. Pero hindi lang sa Rusya ito nangyari kundi sa lahat ng bahagi ng mundo na unang napasok ng kapitalismo ng mga panahong yun. At hindi lang simpleng “de-peasantization” kundi unang hakbang ng “proletarianization” ang ginawa ng kapitalismo. Pero kaiba sa 19 siglo na malaking bahagi ng magsasaka ay napasok sa aktwal na kapitalistang produksyon (sa mga industriya), sa dekadenteng kapitalismo, hanggang unang hakbang lamang ang nangyari sa magsasaka – napatalsik at napalayas lamang sila sa lupang kanilang sinasaka dahil sa pagpasok ng kapitalistang relasyon sa kanayunan na nagdulot ng ibayong kahirapan subalit hindi na dumiretso sa ikalawang hakbang – ang pumasok sila sa industriya sa kalungsuran man at kanayunan. Ang nagyari, dumami ang mga maralita sa kalungsuran at kanayunan na walang trabaho at naging “informal sector”. Samakatuwid, wala ng kapasidad ang dekadenteng kapitalismo, gugustuhin man ito ng uring kapitalista na isanib sa kapitalistang produksyon ang paparaming bilang ng populasyon (gawing mga sahurang alipin).

At lalo natin itong nakikita sa ating panahon, ng pumasok na ang dekadenteng sistema sa kanyang naaagnas na yugto (demomposition stage) magmula 1980s.

Huwag din nating ihiwalay ang pagbubuo ng Partido sa Rusya sa pangkalahatang kalagayan na naitayo ang 2nd International kung saan membro ang partidong Ruso. Ang punto ay: ang programa ng partidong Ruso ay impluwensyado sa isang antas ng programa ng 2nd International kung saan ito ay hinati sa dalawa: minimum at maksimum na programa. Ang una ay pumapatungkol sa pakikibaka sa reporma sa loob ng kapitalistang sistema batay sa karanasan sa 19 siglo (burges-demokratikong programa) at ang ikalawa ay ang komunistang programa ng uri mismo. Organikong humiwalay lamang ang partidong Bolshevik sa 2nd International ng nagtraydor na ang huli sa internasyunalismo at proletaryong rebolusyon sa WW I.

Ang programa sa kilusang magsasaka – libreng pamamahagi ng lupa at pagdurog sa mga labi ng pyudal na relasyon sa kanayunan – ay bahagi ng minimum na programa, isang burges-demokratikong programa. Dagdag pa, ito ay isang taktikal na hakbangin para makuha ng proletaryado ang suporta ng magsasaka sa isang sitwasyon na atrasado ang kapitalismo sa Rusya kung saan mayorya sa populasyon ay nagbubungkal ng lupa sa kanayunan.

Nang ganap ng pumasok sa yugto ng pagbulusok-pababa ang kapitalismo sa pagputok ng WW I, ang programang pamamahagi ng maliitang parsela ng lupa sa magsasaka ay umabot na rin sa kanyang limitasyon.  

Nagpahayag ng puna si Rosa Luxemburg (isa sa mga lider at martir ng Rebolusyong Aleman sa 1919 at kung saan napakataas ang respeto ni Lenin) sa kanyang sinulat na The Russian Revolution sa agraryong programa ng mga Bolshevik. 

Sa puna ni Luxemburg, habang sinabi niya na ang programang agraryo sa Rusya ay “an excellent tactical move”pinakita niya na may negatibong epekto ito: “Unfortunately it had two sides to it; and the reverse side consisted in the fact that the direct seizure of the land by the peasants has in general nothing at all in common with socialist economy…Not only is it not a socialist measure, it even cuts off the way to such measures; it piles up insurmountable obstacles to the socialist transformation of agrarian relations”. Dahil sa polisiyang pamimigay ng maliit na parsela ng lupa sa indibidwal na magsasaka, lalupang bumigat ang problema ng mga Bolshevik sa kalaunan dahil lumikha ito ng panibagong istrata ng maliliit na pribadong may-ari ng lupa na natural na tutol sa sosyalisasyon sa ekonomiya. Tama din ang paalala ni Luxemburg na ang pamamahagi ng lupa ay pabor sa mayayamang magsasaka sa kapinsalaan ng mahihirap na magsasaka.

Sa usaping agraryo, mas angkop ang kolektibisasyon sa lupa kaysa maliitang pamamahagi nito sa indibidwal na magsasaka. Ganun pa man, kahit ang kolektibisasyon ay hindi garantiya sa pagsulong tungong sosyalismo. Tanging ang tagumpay ng pandaigdigang rebolusyon ang garantiya sa sosyalistang solusyon sa problemang agraryo sa kanayunan. Samakatuwid, habang naghari pa ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw, anumang programang agraryo ang ipatutupad ng isang bansa (kontrolado man ang estado ng Kaliwa) ay para sa kapitalismo at hindi para sa sosyalismo.

Napatunayan ito hindi lang sa mismong karanasan ng Rusya kung saan lumakas ang Kulaks (mayamang magsasaka) at naging kontra-rebolusyonaryo kundi maging sa lahat ng programang agraryo sa kasalukuyan, ito man ay ipinatupad ng Kanan (Taiwan, South Korea, atbp) o ng Kaliwa (China, Vietnam, North Korea, Venezuela ni Chavez, atbp).

Tahasang ideyalismo kung ang simpleng sagot lamang nito ng mga maoista ay “hindi kasi maoismo ang ideolohiya ng naghaharing partido na may hawak sa estado” dahil ang ideolohiya ay salamin lamang ng obhetibong realidad. At ang realidad na ito ay naghari ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.

Pangalawa, ang usapin ng programa ng proletaryado para sa mga pinagsamantalahan pero hindi proletaryong uri (non-proletarian exploited strata) ay isa sa mayor na problema ng diktadura ng proletaryado sa panahon ng transisyon tungong komunismo. Atrasado o abante man ang isang kapitalistang bansa, kailangang magkaroon ng kongkreto at epektibong programa ang manggagawa paano maisanib sa sosyalisadong produksyon ang mga uri at istratang ito. Bakit? Dahil ang layunin ng proletaryado ay pawiin ang mga uri, at magaganap lamang ito kung magiging “manggagawa” (direktang lumahok sa sosyalisadong produksyon) ang mga uri at istrata na labi ng nakaraan.

Dapat ding tandaan na ang lahat ng ito ay nakapailalim sa marxistang prinsipyo ng partidong Bolshevik sa sentralidad ng kilusang manggagawa sa pagsusulong ng rebolusyon at hindi ang kilusang magsasaka. Pinatunayan ito ng kasaysayan sa rebolusyong 1905 at 1917 kung saan ang PANGUNAHIN at NAMUNONG pwersa sa rebolusyon ay ang uring manggagawa. Ang pagiging pangunahin at namunong pwersa ng proletaryado sa rebolusyon ang tunay na pagpapatuloy ng marxismo. 

May isa pang distorsyon ang mga maoista sa usapin ng pamumuno ng uring manggagawa: simplistikong sinasabi nila na “basta nasa ilalim ng pamumuno at kontrol ng Partido, ito ay nasa pamumuno na rin ng mga manggagawa”. Ito ay substitutionism! Hindi magkatulad ang Partido at uri bagama’t mahigpit ang kanilang ugnayan dahil produkto ng uri ang partido at higit sa lahat, hindi mananalo ang rebolusyon kung walang INTERNASYUNAL na partido ang uri. Ang sinasabing pamumuno ng manggagawa ay ang PAMUMUNO NG KILUSANG MANGGAGAWA (sa pamamagitan ng mga asembliya at konseho nito) at hindi ang pamumuno ng Partido sa pakikibaka ng ibang uri. Dahil sa rebisyunismong ito ng mga maoista, napaniwala nila ang mga magsasaka na “pinamunuan” sila ng mga manggagawa sa pamamagitan ng Partido.  

Ang mga datos na inihapag ni Alex sa kasaysayan ng Rusya ay nagpatotoo sa paninindigan ni Lenin at ng partidong Bolshevik sa pagiging pangunahin at namunong pwersa ng proletaryado sa rebolusyon (maging sa “demokratikong” rebolusyon). Tanging ang partidong Socialist-Revolutionaries (SR) na tagagpamana ng mga Narodniks ang nanindigan (pero hindi hayagan dahil napakalakas ng kilusang manggagawa) sa “sentralidad” ng kilusang magsasaka.

Ayaw man aminin ng mga maoista pero mas malapit ang continuity ng maoismo sa Narodismo kaysa marxismo. Kung ang mga kabataang impluwensyado ng Narodniks sa Rusya noon ay pumupunta sa kanayunan upang ipraktika ang “go to the people”, mayroon namang “serve the people” ang maoismo para pumunta ang kabataan sa kanayunan at lumahok sa gerilyang pakikidigma.  

Sa katotohanan pa lang na ito ay sablay na ang kasinungalingan na “pagpapatuloy” ng marxismo ang maoismo. Binaliktad ng maoismo ang marxismo at ito ang pinauunlad ng iba’t-ibang grupong maoista sa buong mundo hanggang rumurok ngayon sa kabaliwan na maoism-thirdwordism (teoryang hinugot mula kay Lin Biao). 

Ang “dalawang-yugtong” rebolusyon

Ang “dalawang-yugtong” rebolusyon (demokratiko muna, sosyalista ang susunod) ang bukambibig hindi lamang ng mga maoista kundi pati ng mga “leninista” at trotskyista. Ang ibang pangalan ng “teoryang” ito ay “tuloy-tuloy” na rebolusyon ng mga “leninista” at “permanenteng” rebolusyon ng mga trotskyista. Iba-iba ang pangalan pero iisa lamang ang kahulugan: dadaan muna sa burges-demokrasya bago ang sosyalismo.

Ang mga maoista ay mahigpit na inugnay ang usapin ng magsasaka at agraryo para tindigan na “tama” ang teoryang ito.

Saan ba ito nagmula?

Si Marx mismo ay nagsabi na kailanagang dumaan muna sa burges na rebolusyon bago ang proletaryong rebolusyon. Sinabi niya ito sa panahon ng 19 siglo. Tama si Marx sa mga panahong iyon. At ito na ang sinunod ng 2nd International na humantong sa repormismo at pagtraydor sa komunismo dahil dala-dala pa rin ito kahit pundamental ng nagbago ang katangian ng kapitalismo – pumasok na sa kanyang dekadenteng yugto.

Ang hindi naunawaan ng mga marxista noon na ng sinabi ito ni Marx ang kapitalismo ay nasa pasulong na yugto, ang obhetibong kondisyon ay makapagpalawak pa ang kapitalismo at isa pang progresibong uri ang burgesya sa pangkalahatan vis-a-vis sa pagpapaunlad ng lipunan.

Nang pumasok na sa dekadenteng yugto ang kapitalismo ay ganap ng naging reaksyonaryo ang lahat ng paksyon ng burgesya at permanente ng naging hadlang ang kapitalistang mga relasyon sa ibayong pag-unlad ng produktong pwersa. Naganap ito dahil naabot na ng kapitalismo ang rurok ng kanyang paglawak sa buong mundo. Nasakop na nito ang pandaigdigang pamilihan. Naging permanente na ang krisis ng sistema at ang kahirapan ng sangkatauhan. Kaya isang malaking kasinungalingan na “alyado” ng rebolusyon ang pambansang burgesya.

Subalit sadyang sa pangkalahatan ay laging nahuhuli ang kamulatan kaysa realidad. Kaya nagkaroon ng pagkakamali ang kahit pinakadeterminado at pinaka-mulat na mga komunista gaya nila ni Marx, Engels at Lenin. Pero dapat nating tandaan na sa sandaling nakita ng mga lider na ito ang kanilang pagkakamali ay agad nila itong tinutuwid at hindi sila nahihiyang aminin ang kanilang pagkakamali. 

Ganun pa man, kailangan nating pag-ibahin ang pagkakamali ng isang rebolusyonaryo sa pagtraydor ng mga disipulo nito sa marxismo. Ang ginagawa ng mga maoista, stalinista at trotskyista ngayon ay ginawang dogma ang mga pagkakamali ng mga lider komunista. Ginawang banal na salita ang lahat ng kanilang mga sinasabi, pinauunlad ang kanilang mga pagkakamali.

Ano ang rebolusyon sa praktika?

Laging sinasabi ng mga marxista na ang tanging magpatunay na tama ang teorya ay kung napatunayan ito sa praktika. 

Lahat ng mga komunista kabilang na ang mga peke ay laging tumitingala sa Rusya bilang “modelo” ng rebolusyon (syempre ang mga maoista ay hindi lang Rusya kundi pati na rin China sa panahon ni Mao).

Bukambibig ng mga maoista at ng mga “leninista” ang ‘Two-Tactics of Social Democracy in Democratic Revolution’ na sinulat ni Lenin noong July 1905 bilang isa sa “teoretikal” na batayan sa kanilang “rebolusyong dalawang yugto”. 

Hindi nagkatotoo ang rebolusyong dalawang yugto sa Rusya gaya ng pinaniniwalaan ng iba. Ang “rebolusyon” naman sa China noong 1949 ay hindi bahagi ng proletaryong rebolusyon kundi ng Stalinistang kontra-rebolusyon. Ang resulta mismo ng kasaysayan ang patunay nito.

Ang rebolusyong 1905 at 1917 ay isang proletaryo-sosyalistang rebolusyon

Ang pangunahing sukatan kung anong makauring rebolusyon ang nangyari ay ay kung anong uri ang nangunguna at namuno sa naturang rebolusyon. Anong uri ang naluklok sa kapangyarihan. Huwag na nating isama dito ang sinasabing “rebolusyong bayan” o “gobyernong bayan” para sabihing ang mga ito ay bahagi ng proletaryong rebolusyon o kaya ay papunta na doon. Kahit sa panahon pa man nila Marx ay binatikos na ng mga komunista ang mistipikasyon ng abstarktong katergorya ng “bayan” o “sambayanan” at inilinaw na ito ay isang burges na mistipikasyon para itago ang katotohanan ng diktadura ng burgesya.

Ayon sa ilang maoistang teoritisyan ang rebolusyon ng 1905 ay isang “demokratikong rebolusyon” pero natalo lang. Ang “nanalong” Pebrero 1917 ay isang demokratikong rebolusyon at ang Oktubre 1917 ay isang sosyalistang rebolusyon. Ergo, “rebolusyong dalawang yugto” nga!

Totoo ba ito sa aktwal na nangyari? 

Hinggil sa rebolusyong 1905 ayon kay Lenin (sa kanyang lectures hinngil sa 1905 noong Enero 1917 bago ang rebolusyong Pebrero):

“The peculiarity of the Russian Revolution (1905) is that it was a bourgeois democratic revolution in its social content, but a proletarian revolution in its method of struggle. It was bourgeois democratic revolution since its immediate aim, which it could achieve directly and with its own forces, was a democratic republic, the eight-hour day and confiscation of the immense estates of the nobility—all the measures the French bourgeois revolution in 1792-93 had almost completely achieved.

At the same time, the Russian revolution was also a proletarian revolution, not only in the sense that the proletariat was the leading force, the vanguard of the movement, but also in the sense that a specifically proletarian weapon of struggle – the mass strike was the principle means of bringing the masses into motion and the most characteristic phenomenon in the wave like rise of decisive events.” (SW, Lenin Volume 1 Page: 781 (Moscow edn.))

Unang-una, dapat mailinaw na hindi ang kilusang magsasaka ang naging pangunahing pwersa sa rebolusyong 1905 kundi ang uring manggagawa. Ang nag-alsang manggagawa ay organisado sa kanilang awtonomiyang organo ng pakikibaka – ang mga sobyet – at hindi sa mga unyon.

Pangalawa, pangmasang welga (mass strike) ang porma ng kanilang pakikibaka. Kaiba ito sa simpleng welga o pangkalahatang welga. Para maunawaan ng lubusan kung ano ang mass strike, dapat pag-aaralan ang pampleto ni Rosa Luxemburg hinggil dito. Katunayan, ginawa na ng uri ang mass strike bago pa ang 1905 (1896 sa Rusya at 1902 sa Belgium).

Pangatlo, mapapansin natin ang kalituhan ni Lenin dahil sa impluwensya ng iskemang rebolusyon ng 2nd International (pero nagkaroon ng rektipikasyon si Lenin noong Abril 1917). Ayon kay Lenin sa panahong ito, ang rebolusyong 1905 ay burges sa laman pero proletaryo sa porma. Isang kontradiksyon bunga ng iskematikong pananaw sa rebolusyon. Ang kalituhang ito ni Lenin ay bunga ng hindi pa hayagang nalantad na mga salik ng pundamental na pagbabago mula sa pasulong na yugto ng kapitalismo tungo sa kanyang dekadenteng yugto.

Sa pagpasok ng pandaigdigang kapitalismo sa kanyang permanenteng krisis; ng ganap ng lumantad ang pagiging hadlang ng mga relasyon ng produksyon sa pag-unlad ng mga pwersa ng produksyon, lumantad na rin sa unahan ng lahat ng mga kontradiksyon ng lipunang kapitalista ang kontradiksyon sa pagitan ng BURGESYA at PROLETARYADO.

Kung mayroon pa mang mga labi ng pyudal na kaayusan sa atrasadong mga bansa gaya ng Rusya noon at Pilipinas ngayon ito ay hindi dahil sa simpleng kagustuhan lamang ng isang makapangyarihang bansa gaya ng nais ipahiwatig ng Kaliwa kundi ito ay malinaw na manipestasyon na: HINDI NA KAYA NG SISTEMA MISMO NA MOLDEHIN SA KANYANG SARILING IMAHE ANG LAHAT NG MGA BANSANG NASAKOP NA NITO. Umabot na sa rurok ng pag-unlad at paglawak ang kapitalismo bilang sistema magmula ng pumutok ang WW I.

Gaya ng sabi ng 3rd International sa 1919:

“A new epoch is born. The epoch of the disintegration of capitalism, of its inner collapse. The epoch of the communist revolution of the proletariat”.

Nang bumagsak ang Tsar noong Pebrero 1917 at naitayo ang Provisional Revolutionary Government, mayorya sa mga Bolshevik ang naghahanda ng pumasok sa PRG dahil ito ay nasa Two-Tactics ni Lenin na sinulat niya noong 1905. Ibig sabihin, maari ng simulan ang mga “burges-demokratikong” hakbangin. Subalit nagulat ang lahat ng bumalik si Lenin noong Abril at nanawagan ng walang suporta sa PRG, bagkus kailangan itong ibagsak at hawakan ng proletaryado sa pamamagitan ng kanilang mga sobyet ang kapangyarihan. Ibig sabihin, itayo ang diktadura ng proletaryado. 

Itinuwid ni Lenin ang kanyang pagkakamali sa Two-Tactics sa April Theses of 1917. Pero sa simula ay hindi siya naunawaan ng mga beteranong Bolsheviks at maging ng kalakhan ng mga membro ng Partido. Nalagay siya sa minorya at binansagan pang “anarkista” at “Jacobinista”. Ang April Theses ay isang syentipikong pagsusuri hindi lamang sa pagbabago ng kalagayan sa Rusya kundi sa pagbabago mismo sa katangian ng pandaigdigang kapitalismo:

“For the present, it is essential to grasp the incontestable truth that a marxist must take cognisance of real life, of the true facts of reality, and not cling to a theory of yesterday, which, like all theories, at best only outlines the main and the general, only comes near to embracing life in all its complexity. "Theory, my friend is grey, but green is the eternal tree of life"” (Lenin, Letters on Tactics, April 8-13, 1917 - the quotation is from Mephistopheles in Goethe’s Faust).

At sa Letters of Tactics pa rin:

“those "old Bolsheviks who more than once already have played a regrettable role in the history of our Party by reiterating formulas senselessly learned by rote instead of studying the specific features of the new and living reality”. 

Ang mga maoista ay nahumaling lamang sa dogma at sa “tagumpay” ng China noong 1949 hanggang sa panahon ng “Cultural Revolution” noong 1960s. Hindi nila nakikita at naunawaan ang pagbabago ng realidad sa mundo.

Pagsusuma

1. Walang marxistang partido ang hindi niya isama sa kanyang programa kung ano ang gagawin sa mga pinagsamantalahan pero hindi proletaryong uri kabilang na dito ang magsasaka sa panahon ng transisyon tungong komunismo. Pero anumang programa para sa mga istratang ito ay matutupad lamang sa ilalim ng diktadura ng proletaryado at sa sosyalistang balangkas ng ekonomiya. Ibig sabihin, ang usaping agraryo ay kailangang nakapailalim sa usapin ng pagdurog sa pandaigdigang kapitalismo at komunistang rebolusyon.

Kaya hindi maaring sabihin ni Alex na “pinaunlad” ng maoismo ang usaping magsasaka mula 19 siglo. Pangalawa, binaybay ni Alex ang kasaysayan ng internasyunal na kilusang komunista na HIWALAY sa pundamental na pagbabago ng katangian ng pandaigdigang kapitalismo at implikasyon nito sa porma at laman ng proletaryong pakikibaka. Sa pagbaybay tuloy ni Alex ay pinakita niya na “walang nagbago” sapagitan ng 19 siglo at 20 siglo, sa pagitan ng pasulong na kapitalismo at dekadenteng kapitalismo. 

Para sa maoismo, ang usaping agraryo ay nakapailalim sa pagpapaunlad ng pambansang kapitalismo sa ilalim ng kontrol ng kapitalismo ng estado.

Ang rebolusyong dalawang yugto ay napatunayang hindi nangyari sa praktika ng proletaryong pakikibaka dahil malinaw na diktadura ng proletaryado ang naitayo sa Rusya noong Oktubre 1917 kung saan naging alyado nito ang kilusan ng mga maralitang magsasaka. Natalo man ang rebolusyon sa Rusya at naagaw ng Stalinismo ito ay dahil natalo ang pandaigdigang rebolusyon noong 1917-23.

2. Ang “teoryang rebolusyong dalawang yugto” ay angkop lamang sa panahon noong 19 siglo kung saan nasa pasulong na yugto pa ang kapitalismo. Kung ipraktika ito sa panahon ngayon, hindi sosyalismo ang kalalabasan kundi kapitalismo ng estado. May hihigit pa bang guro kaysa karanasan ng mga bansang pinatupad ang “teorya ng dalawang yugto” gaya ng China, Vietnam, at iba pa? 
3. Mabilis na nawawasak ang uring magsasaka magmula 1914. Winawasak ito ng permanenteng krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Ang pagkahati-hati ng “magsasaka” sa maraming kategorya – mayaman, gitna at maralita ang patunay nito. Naglaho na ang klasikal na uring magsasaka sa 18 at 19 siglo. Malaking bahagi ng populasyon sa kanayunan ay manggagawa o malapit ang kategorya sa uring manggagawa. Kahit ang panginoong maylupa ay dumaan na rin sa ebolusyon ng pagbabago. Naglaho na ang klasikal na panginoong pyudal. Ang nakikita natin ngayon sa kanayunan ay mga kapitalistang panginoong maylupa na nagmay-ari ng malawak na kultibadong kalupaan. Ito ang katotohanan na ayaw tanggapin ng mga maoista hanggang ngayon dahil tiyak madudurog ang kanilang bangkarotang teorya. 

Hindi kami umaasa na maliwanagan ang mga maoista sa aming teksto dahil alam namin na sarado na ang kanilang mga isip sa paniniwala sa “teorya ng dalawang yugtong rebolusyon” kung saan nakapailalim ang kanilang programang agraryo. Hahayaan na lang natin na ang proletaryo-komunistang rebolusyon mismo sa hinaharap ang dudurog sa kanilang bangkarotang teorya. Ang mga maoista at iba pang grupo/partido ng Kaliwa ang siyang tinamaan sa sinabi ni Marx:

“The tradition of the dead generations weighs like a nightmare on the minds of the living. And, just when they appear to be engaged in the revolutionary transformation of themselves and their material surroundings, in the creation of something which does not yet exist, precisely in such epochs of revolutionary crisis they timidly conjure up the spirits of the past to help them; they borrow their names, slogans and costumes.” (Marx, The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte, 1852)

Pero para sa mga mambabasa na naghahanap ng teoretikal na kalinawan ay malaking tulong ang tekstong ito upang mahikayat silang magpursige sa KRITIKAL na pag-aaral sa teorya at sa karanasan ng internasyunal na proletaryong kilusan.

INTERNASYONALISMO