Ang Pang-aapi sa Kababaihan

Printer-friendly version
 

Ang paninidigan ng marxismo sa kababaihan ay nakabatay sa makauring tunggalian sa lipunan. Malinaw ito sa teksto ni Engels na sinulat noong 1887, “The Origin of the Family, Private Property and the State” at sa sinulat ni Bebel noong 1891, “Woman and Socialism”. Ang solusyon ng usapin ng kababaihan ay nasa solusyon paano wakasan ang makauring tunggalian, ibig sabihin paano at sa anong kondisyon mapawi ang mga uri sa lipunan – ang pagtatayo ng komunistang lipunan.

 

Para sa karagdagang pag-unawa, inanyayahan namin ang mga marxistang mambabasa na basahin ang mga links na ito:

Ang usapin ng kababaihan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo

 

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo lalong lumala ang pang-aapi sa kababaihan. Subalit dapat bang “lumahok at pamunuan” ng rebolusyonaryong minorya ang naglitawang parang kabute na mga “kilusan para sa pagpapalaya sa kababaihan” na nagsimula noong 1960s?

 

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, nasa agenda na ng kilusang manggagawa ang pagdurog sa estado at pagtatayo ng diktadura ng proletaryado sa pandaigdigang saklaw. Ito ang tanging programa na akma sa kasalukuyan. At dito dapat nakabatay ang usapin ng kababaihan at hindi sa kanilang “sektoral” at inter-classist na mga kahilingan sa loob ng kapitalistang sistema.

 

Ang iba’t-ibang organisasyon ng Kaliwa – maoista, stalinista, trotskyista at maging anarkista – ay nag-oorganisa at naglunsad ng mga kampanya para sa “sektoral” o isyung pangkababaihan lamang gaya ng isyu sa aborsyon, prostitusyon, battered women, kasal, at iba pa. Kabilang na dito ang “kilusan ng mga homosexual”. Humihiling sila sa kapitalistang estado na bigyang halaga ang mga problemang ito ng kababaihan at homesexual. Pinagbigyan naman sila ng burgesya. Subalit para sa Kaliwa, ang mga ito ay di-sapat at may “magagawa pa ang estado at sistema pero wala lang political will”.   

 

Ito ang pangkalahatang linya ng Kaliwa para “mapalahok” ang kababaihan sa rebolusyon. Ang linyang ito ay nakaangkla sa paniniwalang may kapasidad pa ang naaagnas na sistema na magbigay ng makabuluhang mga reporma gaya noong 19 siglo.

 

Subalit para sa Marxismo, sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, walang maibigay ang sistema liban sa lalupang pagpapalala sa aping kalagayan ng kababaihan dahil kailangan ng naghihingalong sistema na patindihin ang pagsasamantala sa uring manggagawa para patuloy na makahinga.

 

Ganun pa man, tuwang-tuwang ang burgesya sa mga “kilusan ng pagpapalaya sa kababaihan” dahil ang mga kahilingan nila ay hindi para ibagsak ang kapitalismo kundi para repormahin ito, para pabanguhin sa mata ng malawak na masang proletaryo. Kaya naman, maraming mga debate at diskusyon at maging mga batas hinggil sa aborsyon, prostitusyon, gay marrtiage at iba pa na sinalihan mismo ng mga burges na “maka-kababaihan.”

 

Sa ganitong punto nanindigan kami na ang mga “kilusang” ito ay naglalayong ipako ang isyu sa pagitan ng kasarian, demokratikong karapatan, burges na pagkapantay-pantay at higit sa lahat, hatiin ang kilusang manggagawa. Para sa amin, ang tanging solusyon sa mga problema ng kababaihan ay ang paglakas ng kilusang manggagawa at komunistang rebolusyon.

Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryong minorya ay mamulat at magkaisa ang malawak na masa – lalaki, babae, o homoseksuwal – bilang mga manggagawa, bilang isang uri laban sa kapitalismo. At ang mga isyu na maaring makapag-isa sa kanila ay ang mga isyu bilang inaapi at pinagsamantalahang manggagawa – sahod, trabaho, pension, at iba pa. Mga isyu na direktang umaatake sa burges na estado at kapitalistang mga relasyon. Ang dapat linangin ng mga komunista ay isang malakas na kilusang manggagawa anuman ang kanyang kasarian, kulay, nasyunalidad o relihiyon.

 

Sa madaling sabi, ang sentralidad ng kilusang manggagawa at hindi ang mga sektoral na kilusan na walang idudulot kundi hati-hatiin lamang ang uri. Wala itong kaibahan sa “kilusan ng mga kontraktwal”, “kilusan ng may-kapansanan”, “kilusan ng immigrants”, at iba pa at kaakibat na mga permanenteng organisasyon na walang ibinunga kundi pagkahati-hati at pagpapahina sa kilusang proletaryo.

 

Ang unitaryong organisasyon ng mga manggagawa – asembliya at konseho – ay umaangkop sa sentralidad ng pagpapalakas ng independyenteng kilusan ng manggagawa.

 

Hangga’t hindi naunawaan ang pundamental na pagbabago ng kapitalismo mula 19 siglo – mula pasulong tungo sa dekadenteng kapitalismo — at ang nasa agenda ng kilusang manggagawa – mula pakikibaka para sa reporma tungo sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika, hindi maunawaan na wala ng silbi ang mga sektoral at parsyal na kahilingan sa loob ng kapitalismo.

 
Lalaya lamang ang kababaihan kung lalaya ang uring manggagawa mula sa kapital. Ibig sabihin, lalaya lamang ang kababaihan kung madurog ang kapitalismo at maitayo ang komunismo.