Submitted by Internasyonalismo on
Pinakita ng mga kabataan-estudyante ang tanging porma ng pakikibaka para maibagsak ang bulok na kapitalistang sistema – malawakang pagkakaisa sa pakikibaka.
Nang mag-walk-out ang daan-daang mga estudyante sa kani-kanilang mga eskwelahan sa Metro Manila para iprotesta ang lingguhang pagtaas ng presyo ng langis, ito ay senyales na unti-unti ng namulat ang mga kabataan sa mga nangyayari sa lipunan, partikular sa walang puknat na atake ng kapital sa pamumuhay ng uring manggagawa. Pinakita din nito ang pakikiisa nila sa kanilang uri sa hinaharap – ang uring manggagawa.
Nauna na itong pinakita ng mga estudyanteng Pranses noong 2006 ng maglunsad sila ng malawakang mga pambansang pagkilos at welga upang labanan ang CPE (Contrat Première Embauche), isang tipo ng kontraktwalisasyon para sa kabataang manggagawa ng gobyernong Villepin.
Gayong sa usapin ng makauring oryentasyon at lawak ng partsipasyon ay malayung-malayo pa ang pakikibaka ng mga estudyanteng Pilipino kumpara sa pakikibaka ng mga estudyanteng Pranses, makikita naman natin ang diwa ng paghahanap ng malawakang pagkakaisa at pagdadala sa makauring kahilingan ng uri nila sa hinaharap.
Ang diwang ito ay ang pagkakaisa ng mga estudyante sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad para sa iisang pakikibaka – tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at para itaas ang sahod ng mga manggagawa.
Narito ang aral na dapat muling panghawakan ng mga Pilipinong manggagawa (na ginagawa na nila noong mga dekada 70 at 80) – ang malawakang pagkakaisa ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika para sa iisang laban.
Pakikibaka ng estudyante: Hindi sapat
Hindi ang kilusang estudyante ang makapagbabago ng lipunan. Maraming beses na itong napatunayan ng kasaysayan. Hindi sila maaring manguna o kaya ay maging mapagpasyang pwersa para sa pagbabagong panlipunan. Subalit hindi rin sila simpleng kilusang pampropaganda lamang. Ang malaking bilang ng masang estudyante ay bahagi ng uring manggagawa – sila mismo ay nagtatrabaho na habang nag-aaral pa o kaya ay ang mga magulang nila ay mga manggagawa.
Ang uring manggagawa ang may angking lakas at kapangyarihan upang baguhin ang bulok na kapitalistang lipunan. Ang uring ito lamang ay may angking lakas upang pigilan ang sunod-sunod na atake ng uring kapitalista at ng estado nito.
Sa abanteng kapitalistang mga bansa, pinangunahan ng uring manggagawa ang mga pakikibaka laban sa tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Pero hindi lamang sa mga abanteng bansa nangyayari ito; maging sa mga atrasadong bansa tulad ng Bangladesh ay malawakang nagwelga ang mga manggagawa para ipagtanggol ang kanilang pamumuhay at trabaho.
Pagkakaisa ng masang estudytante sa kanilang kauri at mga magulang na manggagawa
Para magkaroon ng tunay na lakas ang kabataan-estudyante kailangang makipagkaisa ito sa kanilang mga magulang na manggagawa. Magkaroon lamang ng makapangyarihang lakas ang mga kilusang protesta laban sa atake ng estado at ng naaagnas na sistema kung magkaroon ng malawakang nagkakaisang pagkilos ang mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika. Ang tunay na kinatatakutan ng kapitalistang estado ay kung lalabas sa kalsada ang libu-libong manggagawa mula sa iba’t-ibang pabrika at iba’t-ibang lugar ng bansa para labanan ang atake ng kapital.
Isang malaking ambag ng kilusang estudyante kung magkaroon sila ng isang malawak na kilusan para puntahan sa mga pabrika, kausapin at kumbinsihin ang kanilang mga magulang na manggagawa na ipakita ang lakas ng pagkakaisa nito sa lansangan laban sa pamahalaan at sa krisis ng kapitalismo.
Ang paglulunsad ng mga diskusyon sa loob at labas ng pabrika na dadaluhan ng mga estudyante at manggagawa ay magandang simula para sa isang malawakang pagkilos na pangunahan ng uring manggagawa. Gamit ang makapangyarihang sandata ng uri – welga – temporaryong nitong mapigilan ang mga atake ng kapital. At gamit ang sandatang ito, maaring ituloy-tuloy ito ng uri hanggang maibagsak ang burges na estado.
Mga asembliya: Organisasyon sa pakikibaka
Sa pamamagitan ng mga asembliya ng mga estudyante sa Pransya ay napalakas nila ang kanilang pagkakaisa. Sa mga asembliya nag-uusap, nagdiskusyon at nagdesisyon sila para sa pakikibaka. Sa kanilang mga asembliya ay dumalo ang mga manggagawa. At sa mga asembliya din ng mga manggagawa ay dumalo ang mga estudyante.
Hindi ang mga unyon ng manggagawa o “pangmasang” organisasyon ng mga estudyante na hawak ng Kanan at Kaliwa ng burgesya ang organo ng pakikibaka kundi ang awtonomos na mga asembliya ng lahat ng estudyante at manggagawa. Ito lamang ang tanging organisasyon para ma-realisa at titibay ang malawak na makauring pagkakaisa at pakikibaka.
Ang mga asembliya ng estudyante ang tunay na ekspresyon ng pagkakaisa at malawakang partisipasyon sa kilusang protesta ng masang estudyante mismo. Ito din ang porma ng organisasyon sa pakikibaka ng uring manggagawa. Napatunayan na sa kasaysayan at karanasan magmula noong 1905 na ang mga asembliya ang ekspresyon ng pagkakaisa at tiwala ng uri sa kanilang sariling lakas.
Mapagmatyag sa pananabotahe ng iba’t-ibang paksyon ng burgesya
Dapat maging mapagmatyag ang mga estudyante sa mga maniobra ng iba’t-ibang paksyon ng burgesya para pahinain ang pagkakaisa at ihiwalay ito sa kilusang manggagawa sa layuning ilihis ang pakikibaka palayo sa pagdurog sa kapitalistang estado.
Ang nais ng uring kapitalista ay mapako lamang ang pakikibaka sa usapin ng anti-Gloria at pro-Gloria at maitago na ang sistema mismo ang dapat wasakin. Iwasan dapat ng mga estudyante na ang usapin sa krisis ng kapitalismo ay iikot lamang sa usaping pro-GMA at anti-GMA dahil ang katotohanan ay administrasyon man o burges na oposisyon, Kanan o Kaliwa man ng burgesya ay walang kapasidad na bigyang solusyon ang krisis ngayon. Katunayan, komon ang interes ng lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri (oposisyon at administarsyon) na ipagtanggol ang naghihingalong pambansang kapitalismo. Ang rehimen ni Hugo Chavez sa Venezuela (ang pinakasikat at pinaka-popular na representante ng Kaliwa sa Central at Latin America) ang magandang halimbawa sa kainutilan ng Kaliwa na resolbahin ang krisis ng pambansang kapitalismo sa Venezuela na bunga ng pandaigdigang krisis ng sistema.
Pinakamsahol pa ay kung gagamitin lamang ng Kaliwa at burges na oposisyon ang mga protesta ng kabataan-estudyante para lamang sa SONA ni Gloria ngayong Hulyo 28. At pagkatapos ng SONA ay balik na naman sa “normal” ang mga kolehiyo at unibersidad pati na ang mga pabrika. Ang ganitong iskema ng mga pagkilos sa pamumuno ng Kaliwa ay nagpakita lamang sa banggardismo nito at sa pagtingin na ang kilusang masa ay magiging militante lamang sa ilalim ng iskemado at sekretong plano ng mga lider ng Kaliwa at burges na oposisyon.
Ang burges na estado mismo at ang lahat ng paksyon ng burgesya ang kailangang maging target ng pakikibaka at hindi lamang ang naghaharing paksyong Arroyo. Ang pakikibaka sa pagtaas ng sahod ay makakamit lamang sa pamamagitan ng malawakang pagkakaisa ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika at malawakang pakikibaka sa lansangan laluna ang pangmasang welga. Ganun pa man, sa ilalim ng kapitalismo ang sahod ay mabilis na bumababa kaysa tumataas dahil sa panahon ng paghihingalo ng sistema, ang uring manggagawa ang aapakan ng kapital para makasinghap ng kakaunting hangin. Kaya, para maiwasan ang repormistang direksyon sa pakikibaka, dapat lalawak ang pakikibaka at itaas ito hanggang sa usapin ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika ng uring manggagawa mismo sa pamamagitan ng kanilang mga asembliya at konseho.
Ang kilusang estudyante at manggagawa ay kailangang magtulungan subalit dapat hiwalay at independyente sa anumang paksyon ng burgesya. Dahil sa panahon na mabuslo ito sa taktika ng Kaliwa na pakikipag-isang prente sa isang paksyon ng naghaharing uri, ito man ay transitional government o coalition government, ang pakikibaka ay tiyak na mauuwi sa muling paghawak ng isang paksyon ng naghaharing uri sa kapangyarihan gaya ng nangyari noong 1986 at 2001. Kung lalakas at lalawak ang pagkilos ng mga manggagawa sa lansangan, hindi mag-aalinlangan ang burgesya na palitan ang paksyong Arroyo ng isang “popular” na paksyon para mabuhusan ng tubig ang militansya ng uri at mapreserba ang bulok na sistema.
Dapat mapagmatyag ang mga estudyante sa mga organisasyon ng Kanan at Kaliwa na walang interes kundi kontrolin ang kilusan para sa kani-kanilang mga layunin na walang iba kundi ipagtanggol ang pambansang kapitalismo at itali lamang ang usapin sa paksyunal na labanan ng naghaharing uri.
Hindi solusyon ang pagkonsolida sa pambansang kapitalismo dahil sa panahon ngayon na nasa permanenteng krisis ang pandaigdigang sistema, imposible ng “uunlad” pa ang anumang pambansang kapital na hindi maghihirap ang uring anakpawis. At dahil dito, ito ay hindi tunay na kaunlaran kundi lalupang paglala ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Hindi rin makapagpalakas sa militanteng kilusang manggagawa ang pakikipag-alyansa (direkta man o indirekta) sa isang paksyon ng naghaharing uri; bagkus ay hihina pa ang kilusan dahil dito.
Ang lumalakas na interbensyon ng kapitalistang estado para subukang isalba ang krisis ng pambansang kapitalismo (“subsidyo sa mahihirap”, pakikialam ng Bangko Sentral sa krisis sa pinansya, pagtatangkang kunin ng estado ang MERALCO at maging ang Sulpicio Lines, at iba pang hakbangin para maipakita na tanging estado na lang ang tanging masandalan laban sa krisis) ay lalupang lilikha ng panibagong krisis at kahirapan dahil ang estado mismo ay lubog sa utang at umaasa lamang sa buhis na pinipiga nito sa naghihirap na mamamayan. Hindi na rin makaasa ang estado sa Pilipinas na tutulungan ng imperyalistang USA dahil sa kanila mismo nagsimula ang mitsa ng panibagong pandaigdigang krisis ngayon.
Ang ibang mga karibal na imperyalistang bansa ng Amerika gaya ng China, Japan at European Union ay hindi rin maaring asahan ng Pilipinas dahil ang mga ito mismo ay malubhang apektado sa krisis ng Amerika. Kaya ang pangunahing “solusyon” ng kapitalistang estado sa Pilipinas ay lalupang pigain sa pagsasamantala ang Pilipinong masang anakpawis.
Ang tanging solusyon ay durugin ang kapitalismo at ang burges na estado sa pamamagitan ng isang rebolusyon ng mga manggagawa sa buong mundo dahil wala ng magandang kinabukasan pa ang mga kabataan sa ilalim ng kapitalistang sistema hawak man ng Kanan o Kaliwa ng burgesya ang gobyerno.
Ang tanging layunin ng pakikibaka ngayon ay ibagsak ang kapitalismo at hindi repormahin ito. Ang kagyat na layunin sa pakikibaka ay mapalawak ito sa iba’t-ibang pabrika at panig ng Pilipinas. Sa ganitong paraan lamang muling makasabay ang manggagawang Pilipino sa lumalakas na kilusang manggagawa ngayon sa buong mundo.
Kung matali ang mga protesta ng kabataan-estudyante sa isang sektoral na kilusan (mga protesta na “purong” estudyante o “suportahan” lamang ng uring manggagawa o sa ilalim ng isang multi-sektoral na kilusan dala-dala ang mga repormistang kahilingan) malaki ang posibilidad na mauuwi lamang ito sa panandalian at kagyat na aktibismo na ang bunga ay hindi makatulong para manumbalik mismo ang militansya at pagkakaisa ng uring manggagawa gaya noong 1970s at maagang bahagi ng 1980s.