Submitted by Internasyonalismo on
Punong-puno ng pambobola at kasinungalingan ang SONA ni Gloria noong Hulyo 28. Ang malawak na manggagawa at maralita na lubhang nakaranas ng kahirapan ay hindi na naniniwala sa mga ‘achievements’ ng rehimeng Arroyo.
Hindi na natin pagdebatehan ang mga datos na sinasabi ni Arroyo dahil alam naman ng lahat na malaking bahagi nito ay kasinungalingan at para lamang bigyang katuwiran ang kanyang panunungkulan bilang chief executive officer ng pambansang kapitalismo.
Ang pagtuunan natin ng pansin dito ay ang sumusunod na argumento ng naghaharing paksyon sa likod ng kanyang SONA:
1. “Hindi kasalanan ni Gloria ang krisis ngayon kundi ng pandaigdigang krisis ng sistema”.
2. “E-VAT epektibong solusyon para maibsan kahit papano ang epekto ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo sa bansa”
Kaakibat nito, suriin din natin ang inihaing solusyon ng Kaliwa at ilang personaldiad ng burges na oposisyon na para makaraos sa krisis ang bansa kailangang tanggalin ang E-VAT at muling kontrolin ng estado ang batayang mga industriya gaya ng langis at kuryente.
Sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo lahat ng mga pambansang kapital sa mundo ay nakagapos sa pandaigdigang kapital. Kasinungalingan ang sinasabing maaring maging malaya ang isang bansa sa kadena ng pandaigdigang kapitalismo.
Ang ganitong katotohanan ba ay nagtatanggol sa argumento ng nagharing paksyong Arroyo na “hindi dapat sisihin ang gobyerno ng Pilipinas dahil pandaigdigan ang krisis”? HINDI.
Tama din ba ang Kaliwa na may magagawa ang estado na ipagtanggol ang pambansang kapitalismo sa kabila ng pandaigdigang krisis? HINDI.
Dahil nakagapos ang lahat ng pambansang kapitalismo sa pandaigdigang kapitalismo, ang mga polisiya ng mga estado ay nagsisilbi sa mga pangangailangan ng huli. Sa panahon ng pandaigdigang krisis, MALAKI ang kasalanan ng mga estadong ito. Pero ang mga kasalanan nila ay hindi simpleng bunga ng ‘kagustuhan’ o ‘di-kagustuhan’ ng partikular na mga estado kundi ito ay tulak ng obhetibong pangangailangan ng pandaigdigang sistema. Ang paglikha ng labis-labis na produkto, pagpapaigting ng kompetisyon at pagpiga sa paggawa ng mga manggagawa ang mga obhetibong salik na nagtulak sa lahat ng mga estado.
MALI din kung ang ‘sisihin’ lamang ay ang nagharing paksyon na siyang may hawak ng estado. Ang tama at kailangang sisihin ay ang estado mismo na nagtatanggol sa bulok na sistema at hindi lang ang isang partikular na paksyon ng burgesya. Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri ay reaksyonaryo, kontra-rebolusyonaryo at anti-manggagawa.
Ang pagsisi sa isang paksyon lamang sa krisis ay pagtatago sa tunay na dahilan ng krisis at pagligaw sa direksyon ng pakikibaka ng manggagawa para makalaya sa kahirapan – ang durugin ang kapitalistang estado mismo kahit anong paksyon pa ng burgesya ang hahawak nito. Pangalawa, pagpapalakas ito sa mistipikasyon na maari pang isalba ang pambansang kapitalismo sa gitna ng krisis ng pandaigdigang sistema. At ang pinakamasahol na kasinungalingan ay: ang pagsalba sa pambansang kapitalismo ay daan para lalaya ang malawak na masang anakpawis mula sa kahirapan.
Sa panahon ng permanenteng krisis ng sistema (kahit pa sa nakaraang mga makauring lipunan bago pa ang kapitalismo) patakaran ng estado na pangunahing nagtatanggol sa bulok na sistema na pigain ang mamamayan para buhayin ang mga parasitikong institusyon sa naaagnas na lipunan. At isa sa batayang pinagkukunan ng estado ng pondo ay ang buhis na kinikikil mula sa naghihirap na masang anakpawis.
Sa ganitong konteksto natin ilagay kung bakit may E-VAT at kung bakit ang paksyong Arroyo ay mahigpit ang paninindigan na hindi ito dapat tanggalin o bawasan. Alam ng naghaharing paksyon na sa panahon na mabawasan ang kakailanganing pondo para buhayin ang mga parasitikong institusyon – hukbong sandatahan, polis, mga burukrata, at iba pa – mas mapabilis ang pagguho ng estado na siyang tanging nagtatanggol sa naghihingalong sistema.
Ang sinasabi ng Kaliwa na progressive taxation na “maka-mahihirap” na solusyon sa usapin ng pagbubuhis ay nakaangkla pa rin sa pagtatanggol ng pambansang ekonomiya. Ang ganitong iskema sa nakaraan (sa karanasan ng mga maka-Kaliwang rehimen sa ibang mga bansa) ay napatunayan palpak dahil oobligahin talaga ang estado ng pandaigdigang sistemang kapitalismo na pigain ang lakas-paggawa ng masang anakpawis para magkamal ng kapital ang bawat pambansang ekonomiya laban sa kanyang mga karibal.
Hangga’t patuloy na naghahari at nananalasa ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw, itutulak nito ang lahat ng mga bansa upang lalupang pagsamantalahan ang mga manggagawa at maralita o kaya, palalakasin ng bawat bansa ang ekonomiya-para-sa-digmaan (war economy) para magakaroon ng artipisyal at temporaryo na paglakas sa produktibidad ng lipunan gaya ng nangyari mula noong WW I.
Sa ngayon, dalawang malalakas na super-bagyo ang bumabayo sa mundo: lumalalang krisis pinansyal at walang hinto na paglobo ng mga presyo ng batayang mga bilihin. Ang unang epekto nito ay ang mabilis na pagbaba ng purchasing power ng uring manggagawa na nagbunga ng mas malalang kahirapan.
Lahat ng tipo ng oposisyon (Kanan o Kaliwa) sa Pilipinas ay humihiling sa paksyong Arroyo na magkaroon ng ‘political will’ upang magkaroon ng ‘makabuluhang’ mga reporma sa bulok na sistema. Ang tawag dito ay repormismo kahit pa gamitan ng anu-anong radikal na mga lenggwahe.
Nagtutulungan ang administrasyon at oposisyon na itago ang katotohanan na ang TANGING solusyon ay ibagsak ang estado at ang sistema dahil ang KATOTOHANAN ay wala na itong kapasidad (kahit gugustuhin pa nito) na magbigay ng anumang makabuluhang reporma para sa kapakanan ng masang anakpawis.
Ang mistipikasyon ng Kaliwa na ang problema ay ang ‘kawalan o kakulangan ng demokrasya’ at ‘kawalan ng determinasyon na ipagtanggol ang pambansang ekonomiya’ laban sa pananakop ng dayuhang ekonomiya ay walang ibang ibig sabihin kundi sa Pilipinas may ‘pag-asa pang uunlad ang pambansang kapitalismo’ basta ang nasa kapangyarihan ay ‘tunay’ na demokratiko at makabayan.
Kaya naman ang linya ng Kaliwa ay: patalsikin si Gloria at itayo ang TRG (Transitional Revolutionary Government) o DCG (Democratic Coalition Government) na ang ibig sabihin ay koalisyon ng iba’t-ibang uri/sektor na kaaway ng paksyong Arroyo para muling ibangon ang dignidad ng bansa sa ilalim ng permanenteng krisis ng pandaigdigang sistema!
Nais itago ng Kaliwa na ang TANGING uri na may kapasidad na baguhin ang bulok na sistema ay ang uring manggagawa; ang layunin ng pakikibaka ng uri ay ibagsak ang kapitalistang estado at itayo ang DIKTADURA ng PROLETARYADO sa pamamagitan ng mga asembliya at konseho ng manggagawa at HINDI ng isang gobyerno na koalisyon ng iba’t-ibang uri kasama ang pambansang burgesya.
Ang
bukambibig ng Kaliwa na “para sa sosyalismo” at “para sa sosyalistang
rebolusyon” ay mga panlilinlang lamang dahil hindi daan tungong
sosyalismo ang pagtatanggol sa pambansang ekonomiya kundi ito ay daan
tungong kapitalismo ng estado na siyang tunguhin ngayon ng lahat ng mga
bansang nakagapos sa permanenteng krisis ng pandaigdigang kapitalismo.