Submitted by Internasyonalismo on
Hindi na maaring itago at napilitang aminin ng mga estado at internasyunal na institusyon gaya ng International Monetary Fund at United Nations na merong pandaigdigang krisis sa pagkain. Subalit nagsisikap pa rin ang burgesya na pakalmahin ang masa at ipakitang “under control” pa rin nila ang krisis ng kanilang sistema.
Ang pandaigdigang krisis ng pagkain ay hindi maiwasang resulta ng permanenteng pandaigdigang krisis ng kapitalismo magmula pa noong huling bahagi ng dekada 60 at sinindihan ngayon ng malalim na resesyon sa Amerika. Dahil sa paghahanap ng mga produktong madaling mabili sa pamilihan at malaki ang tubo, binabago ng mga kapitalista ang prayoridad sa mga produktong agrikultural (hal, asukal, rubber, atbp) hindi pa kasama dito ang pagkasira sa lupa sa pamamagitan ng paggamit ng chemical fertilizers, ang lumalalang polusyon bunga ng walang pakundangang kompetisyon sa industriyal na produksyon na nakaapekto sa klima at agrikultura at marami pang iba. Isa din sa salik dito ang batas ng kapitalismo na nagmula sa pagkagahaman sa tubo – ang law of supply and demand na dinidikta ng batas ng pamilihan. Mayor na salik din ang pagtaas ng presyo ng mga kagamitang pansakahan at gastos sa transportasyon na itinutulak ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. Sa madaling sabi, ang krisis ng pagkain ay bunga ng samut-saring krisis ng sistema na naiipon sa loob ng ilang dekada.
Katunayan, sa kalagayan ngayon ng naghihingalong sistema, ang ibig sabihin ng “normal” na sitwasyon ay mas malala kaysa sa nakaraang taon. Halimbawa, kung “manormalisa” man ang presyo ng bigas, tiyak mas mataas na ito sa nakaraan. Ganun din sa gasolina at maging sa lahat ng batayang pangangailangan ng populasyon.
Nahubaran din ang maka-kapitalistang ideolohiya ng mga anti-globalisasyon na“isinusuko” na diumano ng mga estado sa mga pribadong kapitalista ang pagpapatakbo sa pandaigdigang ekonomiya. Maliwanag pa sa sikat ng araw kung paano pinangunahan at aktibong pinakialaman ng mga estado ang pagsisikap na isalba ang kasalukuyang krisis. Kaya, makikita natin ang nangunguna at aktibong interbensyon ng mga ito sa krisis sa bigas. Patunay lamang ito na ang estado pa rin ang tanging may kontrol sa takbo ng kapitalistang lipunan at pangunahing kaaway ng uring manggagawa, kontrolado man ito ng Kanan o Kaliwa ng burgesya.
Tuloy-tuloy ang mga atake ng kapital sa pamumuhay ng uring manggagawa sa buong mundo. Pinipilit ng estado ang uring naghihirap na dagdagan pa ang pasanin na pagdurusa para lamang maisalba ang bulok na sistema. Kakutsaba ng estado ang Kaliwa ng burgesya para lasunin ang kaisipan ng mga manggagawa na “tanging ang estado” lamang ang makapagligtas sa masang api mula sa kahirapang kagagawan mismo ng sistemang pinagtanggol nito. Pangunahing linya ngayon ng iba’t-ibang grupo ng Kaliwa na dagdagan pa ang panghihimasok at kontrol ng estado para maisalba ang bulok na sistema. Sa anyo ng pagiging “radikal”, “kinudena” ng Kaliwa ang matamlay na panghihimasok ng kapitalistang estado sa kasalukuyang krisis ng sistema at tila humihiling sila ng abosulotong kontrol ng estado sa buong lipunan. Tila nagyayabang pa ang Kaliwa na kung sila ang nasa kapangyarihan titiyakin nila na absoluto ang kontrol ng estado sa buong populasyon gaya ng nangyayari ngayon sa China, Vietnam, Cuba, Venezuela at iba pang mga bansa na ang sistema ay kapitalismo ng estado.
Walang solusyon na krisis sa loob ng kapitalistang sistema
Kapwa ang Kanan at Kaliwa ng burgesya ay nagtutulungan na itago sa malawak na masang anakpawis ang katotohanan na wala ng solusyon ang kasalukuyang krisis sa loob ng sistema. Nasa rurok na ang kontradiksyon sa pagitan ng mga pwersa at relasyon ng produksyon. Ganap ng hadlang ang huli sa pag-unlad ng una. Dahil dito, ang bawat temporaryong solusyon na mahanap ng burgesya sa kaniyang krisis ay magbunga lamang ng mas malalim at malalang krisis at pagkasira ng kalikasan. Ang bawat “epektibong” solusyon ng estado ay nagkahulugan ng mas mabigat na pasanin na kahirapan at paghihikahos ng malawak na masang anakpawis.
Kahit pa maging absoluto ang kontrol ng estado sa buhay pang-ekonomiya ng lipunan, patuloy na lalala ang krisis na bunga ng pagkasaid ng pandaigdigang pamilihan at permanenteng kawalan ng kapasidad ng populasyon na bilhin ang labis-labis na mga produkto ng sistemang nabubuhay sa matinding kompetisyon at tubo. Napatunayan na sa kasaysayan na ang kapitalismo ng estado ay bunga ng matinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo at bumagsak ang mga ito sa USSR at Eastern Europe noong 1990s.
Tanging solusyon sa krisis
Ang tanging solusyon sa krisis ay wala sa estado at sa loob ng sistemang kapitalismo kundi nasa labas nito. Ibig sabihin, kailangang ibagsak ang estado at durugin ang kapitalismo. Masolusyunan lamang ang krisis sa pamamagitang ng sosyalisasyon ng pag-aari ng mga kagamitan ng produksyon sa pandaigdigang saklaw. Ang unang hakbang para dito ay hawakan ng uring manggagawa ang kapangyarihan sa pamamagitan ng kanilang mga ASEMBLIYA.
Subalit hindi ito mangyari kung hindi magkaisa ang malawak na uring manggagawa para tutulan at labanan ang mga atake ng kapital sa kanilang pamumuhay. Dapat maunawaan ng milyun-milyong manggagawa na ang kalayaan mula sa kahirapan ay wala sa estado kundi nasa kanilang mga kamay mismo, sa kanilang makauring pagkakaisa sa loob ng mga ASEMBLIYA na lalahukan ng lahat ng tipo ng manggagawa na nasa pampubliko at pribadong mga empresa.
Ang makauring pagkakaisa at sama-samang pagkilos ang tanging rekisito para makamit ang tunay na pagbabago sa lipunan. Ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos na ito ay hindi na sa pamumuno ng mga unyon at elektoral na partido kundi nasa pamumuno na ng mga ASEMBLIYA ng mga manggagawa.
Mga kapatid na manggagawa, may solusyon sa krisis. At ang solusyon ay nasa labas ng kapitalismo at nasa ating mga kamay! Muli tayong magtiwala sa sariling lakas ng ating pagkakaisa! Lagpasan natin ang mga balakid na hinaharang ng mga unyon at elektoral na partido! Gawin nating inspirasyon at halawan ng aral ang malawakang pagkakaisa at mga welga ng ating mga kapatid na manggagawa sa Amerika, France, Germany, Britain, Egypt, Bangladesh, Greece, Dubai at iba pang bansa.
Benjie, April 25, 2008