Diwa ng Mayo Uno: MAGKAISA AT MAKIBAKA LABAN SA KAPITALISMO!

Printer-friendly version

Dineklara ng lahat ng manggagawa sa mundo ang Mayo Uno bilang Internasyunal na Araw ng Paggawa. Isa lamang ang ibig sabihin nito: Ang mga manggagawa ay isang internasyunal na uri at pareho ang mga interes at pinaglalaban kahit saang bansa man sila. Iisa lamang ang kaaway ng mga manggagawa sa buong mundo – ang uring kapitalista at ang bulok na sistema nito.

Subalit hindi pagbubunyi ang ginagawa ngayon ng naghihirap na mga manggagawa sa kanilang Internasyunal na Araw kundi mga kilusang protesta. Nagdurusa ang mga manggagawa, sa mga atrasadong bansa man gaya ng Pilipinas o sa mga abanteng bansa gaya ng Amerika sa mataas na presyo ng mga batayang bilihin laluna ng bigas, mababang sahod, di-makataong kalagayan ng trabaho, walang katiyakan ng trabaho, pagkalubog sa utang, kawalan ng permanenteng tirahan at marami pang iba.

Daang libong mga manggagawa ang nagwelga sa France, Germany, Amerika, Britain, Greece, Bangladesh, Egypt, Dubai at iba pang bansa laban sa mga atake ng kapital sa kanilang pamumuhay mula 2003. Malawak na mga welga ang sagot ng mga manggagawa laban sa krisis ng kapitalismo. Sa mga welgang ito temporaryong napahinto ng mga manggagawa ang mga atake ng kapital at nakamit ng masang anakpawis ang ilang mga temporaryong tagumpay.

Ang kalagayan ng manggagawang Pilipino

Magkatulad ang kalagayan at kahirapang naranasan ng manggagawang Pilipino at ng kanilang mga kapatid na manggagawa sa ibang mga bansa. Isang malaking KASINUNGALINGAN ang propaganda ng mga kapitalista at ng gobyerno na magkaiba daw ang kalagayan ng mga manggagawa sa Pilipinas at sa ibang mga bansa laluna sa mga abanteng bansa gaya ng Amerika. Sapat na ang mga karanasan ng ating OFWs at ng mga welga mismo sa naturang mga bansa para makita natin ang katotohanan mula sa kasinungalingan.

Subalit maraming hadlang sa pag-unlad ng pakikibaka ng manggagawang Pilipino na nagbunga ng demoralisasyon at kawalang tiwala sa lakas ng sariling pagkakaisa.

Ano ang mga hadlang sa pag-unlad ng pakikibaka ng manggagawang Pilipino?

Una, pag-asa na mayroong “tagapagligtas” sa kanila mula sa kahirapan at pang-aapi ng kapitalista at ng gobyerno. Ang inaasahan nila ay ang mga unyon, mga abogado, mga relihiyoso, panggitnang uri, mga politiko at mga elektoral na partido. Ang iba ay umaasa sa mga armadong gerilya at mga rebeldeng militar.

Pangalawa, paniniwala na ang pagkatalo at kabiguan ay isang “tagumpay”. Ang mga pangako at panlilinlang ng kapitalista at gobyerno ay iniisip na “tagumpay”. Ang settlement ng DOLE at NLRC ay pinaniwalaang “tagumpay ng pakikibaka”. Ang malaking perang binayad ng management bilang separation pay ay iniisip  na “tagumpay” ng mga kaso sa NLRC at DOLE.

Pangatlo, pag-iisip na walang magandang ibubunga ang paglaban sa kapitalista at gobyerno dahil siguradong talo pa rin. Kaya mabuti pang tiisin ang kahirapan at patayin ang katawan sa trabaho para lalaki ang kita. Pag-iisip na walang magagawa ang pagkakaisa at mabuti pang magkanya-kanya ng paghahanp-buhay. 

Dalawang hakbang tungo sa tagumpay ng pakikibaka

Ang unang hakbang tungo sa tagumpay ng pakikibaka ay hawakan mismo ng mga manggagawa ang pagsusuri sa kanilang kalagayan at ang pagdesisyon kung ano ang dapat gawin at HINDI aasa sa mga “tagapgligtas”. Ang kongkretong ekspresyon nito ay ang mga ASEMBLIYA o malawak na pulong ng mga manggagawa — hindi lang sa loob ng pabrika kundi ng iba’t-ibang pabrika para mag-usap, magdiskusyon at magdebate hanggang makamit ang kolektibong pagkakaisa kung ano ang dapat gawin. Pero magagawa lamang ito kung independyente ang mga ASEMBLIYA mula sa kontrol ng anumang tipo ng unyon o elektoral na partido. Hinati-hati at pinahihina lamang ng mga unyon at elektoral na partido ang ating pagkakaisa.  

Ang mga ASEMBLIYA ng lahat ng manggagawa (dadaluhan ng mga regular, kontraktwal, unyonista at di-unyonista, empleyado ng publiko o pribadong empresa, walang trabaho, at mga indibidwal na totoong tumindig para sa interes ng manggagawa) ang epektibong organisasyon ng pakikibaka laban sa pagsasamantala ng mga kapitalista at ng gobyerno sa kasalukuyang panahon at hindi ang mga unyon at elektoral na partido.

Ang mga ASEMBLIYA ng manggagawa ng iba’t-ibang pabrika ang tunay na ekspresyon ng pagkakaisa. Kung hindi pa kakayanin ang mga asembliya ay maaring magsimula sa mga grupo ng diskusyon at talakayan upang pag-usapan at suriin ang kalagayan at karanasan sa loob ng pagawaan.

Dapat nating muling isabuhay ang kasabihan na napatunayang wasto sa mahigit 200 taon na pakikibaka ng manggagawa sa buong mundo: ANG EMANSIPASYON NG MGA MANGGAGAWA AY NASA PAGKAKAISA MISMO NG MGA MANGGAGAWA.

Ang pangalawang hakbang tungo sa tagumpay ng pakikibaka ay ang pagtanggap sa katotohanan na WALANG maibigay na matagalang kagalingan ang kapitalistang gobyerno at sistema para sa mga manggagawa hawak man ito ng administarsyon o oposisyon, ng Kanan o Kaliwa ng burgesya. Ang tanging maibigay lamang nila ay panlilinlang at mga pangakong hindi matutupad, ibayong pang-aapi, pagdurusa at kahirapan. Nasa permanenteng krisis na ang kapitalismo at para makahinga pa ito, kailangan nitong ilublob tayo sa kahirapan. WALANG MAAASAHAN SA GOBYERNO. Para makaraos sa kahirapan, kailangang magkaisa at lumaban ang mga manggagawa sa buong daigdig.

INTERNASYONALISMO
Mayo 1, 2008