Submitted by Internasyonalismo on
Sinimulan na naman ng mga alipures ni GMA sa Kongreso ang pagtatambol sa Cha-Cha sa pamamagitan ng Con-Ass. Garapalan nila itong ginagawa kahit walang "basbas" ng Senado.
Bakit ba desperado si Arroyo sa cha-cha nito? Maintindihan natin ito ng lubusan kung mailagay sa internasyonal na konteksto ang plano ng rehimen.
Nasa dekadenteng yugto na ang internasyonal na kapitalismo. Lubusan ng naging hadlang ang kapitalistang relasyon sa produksyon sa pag-unlad ng mga pwersa ng produksyon. Sa panahon ng imperyalismo, crisis-war-reconstruction-deeper crisis ang direksyon nito. At sa bawat igpaw ng krisis ay mas nakakasirang imperyalistang gera ang kapalit. Dagdag pa, lahat ng bansa ngayon ay nasa sapot na ng kapitalistang ekonomiya at imperyalistang kontrol. Ibig sabihin, kung hindi kontrolado ng imperyalistang bansa ang isang bansa ito ay katulad din ng una o pareha.
Bakit? Dahil hindi na sapat ang pambansa at pandaigdigang merkado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo o imperyalismo sa labis na produksyon ng huli at wala nang bagong pamilihan na makikita. Para manatiling buhay ang mga pambansang kapitalista ay kailangan nilang makaungos sa pandaigdigang kompetisyon sa pamamagitan ng pagkampi sa isang makapangyarihang imperyalista laban sa isa pa o ilunsad ang digmaan para sa re-dibisyon ng mundo o rehiyon. Dahil tapos na ang "bipolar world", wala nang permanenteng alyansa ngayon ng mga kapitalistang bansa sa mundo. Lahat ay nagkanya-kanyang diskarte sa gitna ng mas tumitinding kompetisyon para makaungos sa pandaigdigang kompetisyon. Kahit ang pambansang burgesya sa Pilipinas ay hindi habang panahon ay makokontrol ng imperyalistang Amerika. Maaring ibigay nito ang katapatan sa ibang imperyalistang bansa "if the price is right".
Sa ganitong sitwasyon naoobliga ang mga kapitalistang bansa sa buong mundo (malaki o maliit, malakas o mahina, abante o atrasado) na mas lalo pang sasandal sa estado para manatili sa tumitinding kompetisyon at sa kapangyarihan.
Kabalbalan ang sinasabi ng anti-globalisasyon na mga peti-burges na ang globalisasyon daw ay nagpapahina o kaya ay bumabalewala sa estado sa galaw ng kapitalismo sa mundo at nasa mga matatalas na kuko na daw ang sangkatauhan sa MNCs/TNCs. Ito’y panlilinlang at ang nais lamang nito ay kabigin ang manggagawa sa linya na "proteksyunan ang bansa" na walang ibig sabihin kundi proteksyunan ang pambansang kapitalismo at "ibalik muli sa kontrol ng estado ang ekonomiya" (state capitalism).
Dito ngayon nakaangkla ang cha-cha na gusto ni GMA – mas pahigpitin ang kontrol ng estado sa buong populasyon hindi lang para sa interes ng paksyong Arroyo kundi higit sa lahat ay para sa interes ng nabubulok na pandaigdigang kapitalismo. Sa ganitong layunin din nakaangkla nangyayaring "regional protectionism" ngayon laban sa mga pinakamakapangyarihang imperyalistang bansa.
Gayong tama naman ang mga radikal na grupong nagsasabing sasagasaan ng cha-cha ni Gloria ang nalalabing pretensyon ng 1987 konstitusyon sa "pambansang patrimonya" at para sa paksyonal na interes ng paksyong Arroyo ay aminado naman ang mga ito na pretensyon lang ang "pambansang patrimonya" dahil hindi naman talaga ito nangyayari sa panahon ng imperyalismo. Samakatuwid, ang sentral na usapin ng cha-cha ay tanggalin na ang mga pretensyon o hindi sa Konstitusyon.
Cha-cha o walang cha-cha sa ilalim ng kapitalistang sistema ay walang saysay sa uring pinagsamantalahan. Walang magbabago sa kanilang sitwasyon bilang sahurang-alipin ng kapital, bilang pinagsamantalahang uri sa lipunan. Ang sentralisasyon ng buhay panlipunan sa estado ay lalo pang magpapahirap sa masang anakpawis. Cha-cha o walang cha-cha ay hindi na makabangon pa ang pambansang ekonomiya sa krisis dahil nasa dekadenteng yugto na ang pandaigdigang kapitalismo.
Panalo o talo ang cha-cha ni GMA ay walang saysay sa manggagawa. Hindi lalakas ang independyenteng kilusan ng manggagawa kung ang uri ay makipag-alyansa sa kapitalistang oposisyon laban sa cha-cha ni Gloria. Konstitusyon ni Gloria (cha-cha) o Konstitusyon ni Cory (1987 Konstitusyon) ay uring kapitalista-haciendero pa rin ang nasa kapangyarihan at kapitalismo pa rin ang sistema ng lipunan.
Ang linyang "Yes to cha-cha after Gloria’s ouster" ng mga radikal na grupo ay pagbibigay ilusyon lamang sa uring manggagawa na may pag-asa pang uunlad ang kapitalistang sistema sa bansa at magkaroon ng "pro-worker" constitution ang Pilipinas kung mapatalsik si GMA sa Malakanyang.
Ang sentral na usapin ngayon ay ang pag-agaw ng kapangyarihan ng uring manggagawa sa buong mundo. Isa na itong nesisidad at posibilidad. Ito na ang pangunahing agenda sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo.
Sa pamamagitan ng pag-akyat ng manggagawa bilang naghaharing uri ay masimulan ang mga hakbangin para sa tunay na pagpapaunlad sa lipunan sa internasyonal na saklaw.
Magkaroon lamang ng "pro-worker" constitution kung madurog ang kapitalismo sa Pilipinas at ang uring manggagawa na ang may hawak ng pampulitikang kapangyarihan. Subalit ito’y panandalian lamang kung hindi mahigpit na nakaugnay ang proletaryong rebolusyon sa Pilipinas sa pagpapalawak ng rebolusyon sa internasyonal na saklaw.
Ang pagpapalawak ng rebolusyon sa buong daigdig ang garantiya na hindi mauulit ang nangyari sa USSR noong panahon ni Lenin kung saan ay napilitan itong magbigay ng mga kompromiso na nakakasira sa marxistang mga prinsipyo para lamang manatili sa kapangyarihan ang partidong Bolshevik sa gitna ng panggigipit dito ng internasyonal na kapital.
Nagtagumpay nga ang partidong Bolshevik pero ang kapalit naman nito ay ang pagbukas ng pituan para sa estadong kapitalismo sa kontra-rebolusyonaryong "sosyalismo sa isang bansa" ng Stalinismo. Ang Stalinismo ay hindi pagpapatuloy ng rebolusyong Oktubre gaya ng mga sinasabi ng iilang demoralisadong partido komunista at ng internasyonal na burgesya. Ito ay kontra-rebolusyonaryong halimaw na pumasok sa pintuang binuksan ng mga pagkakamali ng partidong Bolshevik. Ang Stalinismo ay hindi Bolshevismo kundi ang kabaliktaran nito.
Sa kabilang banda naman, ang Trotskyismo, gaano man ka anti-Stalinismo ang mga pahayag ay pinuprotektahan nito ang "sosyalismo sa isang bansa" (estadong kapitalismo) sa pamamagitan ng pagkilala na mayroong "depormadong sosyalistang esatdo" gaya ng USSR, China, Vietnam, North Korea at Cuba.
Isang malaking pagkakamali kung mahihigop ang mga rebolusyonaryong manggagawa sa usapin ng Yes or No sa Cha-Cha at sa bangayan ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri sa maling rason na "hindi pa handa ang manggagawa sa pag-agaw ng kapanyarihan". Ito ay distorsyon pangunahin ng mga maoista para mabigyang katuwiran ang kanilang dalawang-yugtong rebolusyon subalit naging matamis naman na patibong sa mga anti-maoistang grupo sa Pilipinas.
Paano ba naman maihahanda ang masang manggagawa sa pag-agaw sa kapangyarihan kung ang mismong mga rebolusyonaryo ay nagapos sa mga usaping walang direktang kaugnayan sa paghahanda sa uri gaya ng : Yes to Cha-Cha but not to GMA’s cha-cha, defend national patrimony, impeachment, burges na eleksyon at iba pa.
Nagmula ito sa maling akala na posible pa ang mga reporma sa panahon ng dekadenteng kapitalismo at ang mga "repormang makakamit ay makakatulong sa manggagawa upang maihanda ang sarili para sa pag-agaw ng kapangyarihan sa darating na panahon" o kaya sa maling paniniwala na "posible pa ang burges-demokratikong rebolusyon na ang layunin ay itayo ang malayang bansa." Ang masaklap ay hindi dumating ang panahon na pinangarap ng mga rebolusyonaryo sa 2nd and 3rd Internationals. Sa halip, distorsyon ng Stalinismo sa internasyonalismo at marxismo ang dumating kaya pumutok ang WW 2 hanggang sa bumagsak ang imperyalistang USSR noong 1989. Ang dumating ay ang pagpasok ng dekadenteng yugto sa kanyang kabulukan (decomposition) sa dekada 80.
Sentral na tungkulin ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa buong mundo ang tuwiran at malinaw na pagpapaliwanag sa kanyang uri na pangunahing agenda na sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ang pag-agaw sa kapangyarihan – ang pagtatayo ng diktadura ng proletaryado sa internasyonal na saklaw. At kasabay nito ay ang puspusang paglalantad sa lahat ng tipo ng burges na ideolohiya — Stalinismo, Maoismo, Trotskyismo, Anarkismo, Ultra-nasyonalismo/Pilipinismo, Repormismo – na nasa kaliwa o kanan ng burgesya at lumalason sa manggagawa para ilihis sila sa kanilang makasaysayang misyon.
Kailangang mahigpit na hawakan, intindihin at ipraktika ng mga rebolusyonaryo sa ika-21 siglo ang sinasabi ng Communist Manifesto:
The Communists are distinguished from the other working-class parties by this only:
1. In the national struggles of the proletarians of the different countries, they point out and bring to the front the common interests of the entire proletariat independently of all nationality.
2. In the various stages of the development which the struggle of the working class against the bourgeoisie has to pass through, they always and everywhere represent the interests of the movement as a whole.
Ang ibig sabihin nito ay Internasyonalismo at Independyenteng Kilusang Manggagawa. Kabaliktaran ito sa nasyonalismo/ultra-nasyonalismo, anarkismo, Trotskyismo, pambansang kalayaan, burges-demokratikong rebolusyon at prenteng popular (kahit temporaryo lang) sa isang paksyon ng burgesya sa panahon ng imperyalismo.