Submitted by Internasyonalismo on
Simula noong baklasan sa loob ng CPP-NPA sa 1992 ay naging mapanirang propaganda na ng mga Maoista na ang mga bumaklas ay mga "ahente" ng reaksyunaryong estado. Tumimo ang propagandang ito sa kanyang pwersa at baseng masa. At dahil ahente na umano ang mga taong ito, sila ay "kaaway" na ng rebolusyonaryong kilusan na dapat pandirihan at may kaparusahang kamatayan .
Hindi kami sang-ayon sa pulitika ng mga bumaklas sa CPP-NPA (yaong kinikilala ang mga sarili na "rebolusyonaryo"), ngunit bilang sentrong usapin ng artikulong ito ay ipapakita namin na ang "pinaka-matalik" na kaibigan ng kapitalistang estado ay hindi ang mga bumaklas kundi ang CPP-NPA mismo.
Militarismo at Digmaan: Paraan ng Kapitalismo sa Kanyang Dekadenteng Yugto
Sa pagpasok ng internasyonal na kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto noong 1914 (WW I), naging kabahagi na nito ang militarismo at digmaan. Hindi na kasi naging sapat ang "trade war" para sa mga kapitalistang estado (malaki man o maliit) upang mapanatili nila ang kanilang sarili sa poder ng kapangyarihan at maghari sa lipunan. Ginagamit na rin nila bilang pangunahing paraan ng kompetisyon ang digmaan para makaagaw ng merkado, ng mapagkukunan ng hilaw na materyales at makahap ng pinakamurang lakas-paggawa. Ang imperyalismo ay digmaan at ang lahat ng tipo ng digmaan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay imperyalista ang katangian.
Nilamon na ng aktwal na pangyayari sa mundo ang sinasabi ng mga radikal na lumalaban sa globalisasyon na may "pagbabago" na sa porma ng kompetisyon - mula sa gera patungong "trade war". Ito daw ang "bagong" mukha ng imperyalismo sa panahon ng globalisasyon. Ngunit sa pagpasok ng kabulukan (decomposition) ng dekadenteng yugto ng kapitalismo ay binigyang "katarungan" ng buong uring burgesya (nasa kapanyarihan o wala) ang militarismo at digmaan sa ngalan sa pakikipaglaban sa terorismo. Kaya naman ang pagpapalakas ng armadong hukbo at armas ay mayor ng konsiderasyon, kundi man pangunahing layunin na ng bawat bansa at nasa unahan ng pambansang badyet ng estado.
"Digmaan para sa Pambansang Kalayaan": Hindi Interes ng Uring Manggagawa
Ang mga manggagawa ay walang bansa. Ito ang diwa ng internasyonalismo simula pa noong sinulat ang Communist Manifesto. Ang sosyalismo ay internasyonal o wala ito.
Hindi gaya noong panahon na nasa progresibong yugto pa ang kapitalismo (ascendant stage), kung saan ang pagtatayo ng mga bansa ay para sa pagpapaunlad at pagpapalawak ng kapitalismo sa buong mundo at ang mga digmaan sa sariling pagpapasya ay nagresulta ng kaunlaran sa bagong tayong bansa, ang pagtatayo ng mga bagong estado sa ngayon ay lalong nagpapabigat sa kapitalismo na nasa mas grabe at matinding krisis sa labis na produksyon at sagad na pamilihan. Ito ay interes ng burgesya at kailan man ay hindi interes ng uring manggagawa. Ang burgesya kasi ay nabubuhay sa pagkanya-kanya ng mga bansa, samantalang ang manggagawa ay makakalaya lamang sa kanilang pagkakaisa sa buong daigdig.
Ang mga digmaan para sa "pambansang paglaya" laluna pagkatapos ng WW II ay bahagi ng imperyalistang digmaan ng naglalabanang makapangyarihang mga bansa. Hindi lumaya ang mga nasabing bansa kundi napunta lamang sa bunganga ng isa pang imperyalistang halimaw - mula imperyalistang USA patungo sa imperyalistang USSR o vice-versa. At kahit tapos na ang "Cold War" ay hindi pa rin nagbago ang katangian ng mga digmaan. Lalo pa ngang naging mabangis, marahas at nakakasira ang mga ito. At dahil sa tumitinding imperyalistang pangangailangan ng lahat ng bansa sa buong mundo ay lalo pang umiigting ang labanan sa agawan ng pamilihan, hilaw na materyales at murang lakas-paggawa.
Sa ganitong konteksto dapat ilagay ang "matagalang digmang bayan" ng Maoistang CPP-NPA at mga kahalintulad nito gaya ng paglitaw ng mga teroristang nagdadala sa isyu ng "sariling pagpapasya" na dinadaan sa panatisismo ng relihiyon. Ang mga ito ang hindi maiiwasang resulta sa wala ng katapusan na krisis ng kapitalismo. Mas matinding pagdurusa at pagkasira sa uring manggagawa at mundo ang dulot ng imperyalistang gera. Naglalabanan man ang mga pwersang ito pero iisa lamang ang kanilang adhikain - para sa "inang bayan" o "amang bayan" - na ang ibig sabihin ay para sa pambansang kapitalismo. Ang paglalabanan nila ay nauuwi sa kung sino ang "tunay na makabayan".
Kaya naman madaling magkaisa ang magkaaway laban sa bagong kaaway. Tingnan na lang natin ang "taktika" ng CPP-NPA sa pakikipag-isang prente mula noong panahon ni Marcos hanggang sa panahon ni Gloria Arroyo. Ang mga pro-Marcos na politiko ay naging kaalyado na nito. Ang mga pro-Erap na buwaya ay naging kaibigan na nila. Si GMA na dating kaalyado ay naging kaaway nila. Ganito din ang taktika ng mga paksyon ng burgesya sa CPP-NPA mula kay Marcos hanggang ngayon. Ikanga, walang permanenteng kaibigan at kaaway sa burges na pulitika.
Ang lahat na ito ay nagmula sa distorsyon ng Stalinismo sa Marxismo na pinalitan ng "socialism in one country" at "block of four classes" ni Mao. Ang Stalinismo ang nagpasimuno sa pakikipagkaisang prente sa isang paksyon ng burgesya - ang Prente Popular - na popular sa bansag na "united front". Samantalang ang Maoismo naman ay ang anak ng imperyalistang gera at kontra-rebolusyon, at kailan man ay hindi ito napabilang sa kampo ng proletaryado simula ng lumitaw ito sa China noong 1930s.
Ang "political killings, massacres, salvagings, militarization" at iba pang karahasan ay kagagawan ng dalawang naglalabanang armadong burges na kilusan - ang isa ay nasa kapangyarihan at ang kabila ay nag-aambisyong makaagaw. Tinutulak kapwa ng CPP-NPA at kapitalistang estado ang manggagawa at maralita sa isang digmaan na wala namang mapapala ang huli para sa kanilang tunay na makauring paglaya. Nanawagan ang mga kaalyadong organisasyon ng CPP-NPA na itigil ang politikal na karahasan sa kanilang hanay na kagagawan umano ng estado. Ipokrito ang CPP-NPA dahil ito din ang ginagawa nila bilang "estado sa bundok" sa kanilang itinuturing na mga kaaway - armado man o hindi.
Sa totoo lang, mas gusto ng CPP-NPA at ng estado ang karahasan dahil ito ang nagbibigay-katwiran sa kani-kanilang "adhikain". Ang nangyayari sa Middle East at Africa ay kahalintulad ng nangyayari sa Pilipinas ngayon - maraming buhis ang nasakripisyo. Sa kasaysayan at karanasan sa buong mundo, ang "digmaan para sa pambansang paglaya" ay altar kung saan inialay ng dalawang paksyon ng burgesya - kaliwa at kanan - ang buhay ng mamamayan laluna ng kabataan sa imperyalistang digmaan sa ngalan ng nasyonalismo, anti-imperyalismo, anti-pasismo at burges na demokrasya.
Nililinlang lamang ng estado at ng Maoistang partido ang mamamayan sa kanilang panawagan para sa "mapayapang solusyon" sa digmaan. Kailan man ay walang interes ang dalawang halimaw na ito na ihinto ang digmaan hanggat may dahilan pa ang bawat isa sa armadong pakikipaglaban. At hindi sila mauubusan ng dahilan.
Nagkaisa ang Maoistang partido at kapitalistang estado sa pagpapalakas ng militarismo at pagpapatindi ng digmaan. Hindi paglaya ang resulta ng "digmaan sa sariling pagpapasya" kundi mas matinding pagdurusa ng uring manggagawa. Kahit sino ang manalo sa kanila sahurang alipin pa rin ang masang manggagawa.
Proletaryong Rebolusyon : Solusyon sa Karahasan sa Mundo
Gayong hindi sinuportahan ng ibang mga "rebolusyonaryong grupo" sa Pilipinas ang "gerilyang pakikidigma" ng CPP-NPA, ay sang-ayon naman sila na dapat suportahan ang "pakikibaka sa pambansang kalayaan at demokrasya". Wala itong ibig sabihin kundi naniniwala ang una na may progresibo at rebolusyonaryong papel pa ang burges na sistema sa mga bansang atrasado gaya ng Pilipinas sa panahon ng dekadenteng yugto basta "nasa pamumuno ng uring manggagawa" na ang kahulugan ay "nasa pamumuno ng Partido ang estado". Para sa mga "rebolusyonaryong grupo" na bumaklas sa CPP-NPA, "daan" patungong sosyalismo ang estadong kapitalismo. Sa esensya, wala itong pagkakaiba sa linya ng Maoistang partido.
Hindi dapat suportahan ng manggagawa ang karahasan kapwa ng Maoistang partido at kapitalistang estado. Sa halip ay dapat ilunsad ng uri ang kanyang sariling rebolusyon dahil ang rebolusyon lamang ng manggagawa ang daan sa paglaya ng sangkatauhan. Ito lamang ang rebolusyon na tatapos sa lahat ng uri ng pagsasamantala at karahasan sa lipunan.
Ang rebolusyon ng manggagawa ay rebolusyon para sa pagdurog ng kapitalismo - pribado man o estado - at sa kapitalistang mga relasyon sa lipunan. Ang rebolusyon ng manggagawa ay internasyonal ang saklaw at hindi isang digmaan para ihiwalay ang uring manggagawa sa kanya-kanyang bansa sa ngalan ng nasyonalismo. Ang rebolusyon ng manggagawa ay ang tanging paraan upang mawakasan na ang karahasan ng estado, mula man ito sa Maoismo o sa kanang paksyon ng burgesya. (Tess, 09/18/06)