Bakit hindi dapat lumahok ang mga rebolusyonaryo sa burges na eleksyon?

Printer-friendly version

Ang artikulo na nasa ibaba ay sinulat ng isang estudyante na nagsusuri sa "kabuluhan" ng eleksyon para sa panlipunang pagbabago.

Sang-ayon kami sa esensya ng artikulo ni kasamang Edward na hindi dapat lumahok sa eleksyon ang mga rebolusyonaryo dahil hindi ito ang paraan para isulong ang rebolusyon sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo. Ang pagsisikap ng kasamang ito, na kabilang sa bagong henerasyon ng mga manggagawa ay nararapat lamang na purihin lalupa't lubhang nangibabaw sa hanay ng kabataan sa Pilipinas ang iba't ibang burges na idelohiya ng Kanan at Kaliwa.

Subalit, may ilan lamang kaming paglilinaw sa mga puntong hinugutan ng kasama sa kanyang paninindigan at sa kanyang pananaw sa Kaliwa sa pangkalahatan:

Una, ang eleksyon at parliyamentarismo ay isa sa mga pundamental na katangian ng burges na demokrasya. Ito ang mahika ng naghaharing uri upang lukuban ng mga ilusyon ang masa na may "maaasahan pa" sa estado at bulok na sistema basta "maka-masa at maka-tao" lamang ang nasa loob nito.

Ang demokrasya ay hindi abstrakto. Ito ay may makauring katangian. Sa paghahari ng kapitalismo, ang "demokrasya" ay walang dudang burges at nagsisilbi para sa interes ng burgesya.

Ang sinabi ni kasamang Edward na "Hindi makamit ang tunay na demokrasya sa ilalim ng kapitalismo" ay tila impluwensyado ng usaping moralidad hindi ng materyal na batayan sa pagsusuri sa demokrasya. Tunay na demokrasya ang pinatupad ng burgesya ngayon: ito ay isang porma ng diktadura ng mapagsamantalang uri laban sa kanyang mga pinagsamantalahan.

Malamang ang sinasabi ni kasamang Edward na "tunay na demokrasya" ay ang proletaryong demokrasya dahil iginiit niya na "napakalinaw ang kaibahan sa prinsipyo ng tunay na demokrasya laban sa nangibabaw na demokrasya ngayon sa pamumuno ng mga burges na pulitiko, na nagiging "democrazy"." Subalit ang ultimong layunin ng komunistang rebolusyon ay pawiin ang kaibahan ng "mayorya" at "minorya" na siyang tungtungan ng burges na demokrasya, na nakabatay naman sa pagkahati-hati ng lipunan sa mga uri.

Ang proletaryong demokrasya ay temporaryo lamang, sa panahon lamang ng transisyon mula kapitalismo tungong komunismo. Ang demokrasya ng proletaryado ay ang diktadura ng proletaryado. Sa isang komunistang lipunan, na pandaigdigan ang saklaw, maglaho na ang diktadura ng proletaryado dahil maglaho na ang mga uri, ang estado at ang mga pambansang hangganan. Sa komunistang lipunan, kung saan maging realidad na ang tunay na pagkapantay-pantay batay sa kasaganaan, ang abstraktong konsepto ng demokrasya ay maglaho na rin.

Ikalawa, tila hindi lubusang naintindihan ni kasamang Edward ang papel ng Kaliwa para ilihis at ilayo ang masang manggagawa sa proletaryong rebolusyon. Tila umaasa ata si kasamang Edward na darating ang panahon na maunawaan ng Kaliwa sa Pilipinas ang kabulukan ng eleksyon at makumbinsi itong hindi na lalahok dito dahil sinabi niyang "Sana maunawaan ito ng Kaliwa, laluna ng mga Maoista-Stalinista na ang estado laluna ang mga batas ay instrumento na ng burgesya para palawakin ang kanilang impluwensya at para ipagpatuloy ang pang-aapi sa nakararami."

Ang tungkulin ng Kaliwa ay harangan ang pag-unlad ng kamulatan ng manggagawa tungo sa rebolusyonaryo at komunistang kamulatan. Hinahadlangan ng Kaliwa na susulong at magtagumpay ang proletaryong rebolusyon. Sila ay mortal na kaaway ng uring manggawa sa loob ng kilusang paggawa at kilusang masa.

Pero kung hindi ba lalahok ang Kaliwa sa eleksyon ay maging marxista na sila? Ang pundamental na sukatan kung ang isang organisasyon ay marxista o hindi ay ang kanyang programa at aktibidad sa loob ng kilusang paggawa.

Ang maoistang PKP ay hindi lumahok sa eleksyon noong 1970s hanggang 1986. Nangampanya ito ng boykot sa halalan ng diktadurang Marcos sa dahilan na "walang demokrasya" sa ilalim ni Marcos. Nang pumalit si Corazon Aquino, lumahok na sa eleksyon ang mga maoista.

Ang panatikong maoista-thirdworldista ay boykot ang paninindigan sa eleksyon. Ang mga maoista sa India at Peru ay hindi lumalahok sa eleksyon. Pero marxista na ba sila? Hindi.

Ang maoistang programa ay para ipagtanggol ang pambansang kapitalismo, ito man ay sa pamamagitan lamang ng "armadong pakikibaka sa kanayunan" o kombinasyon ng "elektoral na pakikibaka" sa kalungsuran.

Ikatlo, ang proletaryong rebolusyon ay isang marahas na pagdurog ng mga manggagawa sa estado at sa sistema. Sa rebolusyong ito, mag-aarmas at makikidigma ang mga manggagawa laban sa armadong estado. Subalit, ang uri mismo ang mangangasiwa sa kanilang armas at sa kanilang armadong pakikibaka sa panahon ng rebolusyonaryong sitwasyon. Ang mga armadong manggagawa at maralita ay nasa direktang superbisyon at pamumuno ng kanilang mga konseho at asembliya. Taliwas ito sa banggardistang pananaw ng mga maoista na ang "armadong hukbo" ay nasa "absolutong pamumuno ng partido".

Tutol ba si kasamang Edward sa armadong pakikibaka kaya nasabi niya na "Pero bakit kailangang magbuhis ng dugo ang mga Maoista-Stalinista para isulong ang sinasabi nilang "pambansang demokrasya""? Nagbuhis ng dugo ang mga maoista-stalinista, at itinulak nila ang masa para dito hindi para baguhin ang sistema kundi para ipagtanggol ang interes ng burgesyang Pilipino sa ngalan ng "anti-imperyalismo" at burges na nasyunalismo. Ang pagbubuhis ng dugo at paglulunsad ng armadong pakikibaka ng proletaryado sa panahon ng rebolusyonaryong sitwasyon ay para durugin ang estado at kapitalismo.

Pang-apat, ang mga komunista/rebolusyonaryong organisasyon, na ang pinakamataas na porma nito ay ang internasyunal na partido, ay produkto ng makauring pakikibaka. Ang pakikibaka ng manggagawa ay magluluwal ng mga abanteng elemento - mga komunista/rebolusyonaryo - na iniorganisa ang sarili sa mga organisasyong nasa unahan ng pakikibaka ng uri. Samakatuwid, ang mga organisasyong ito, batay sa kapasyahan ng masang manggagawa, ang mamuno sa kanila para ipagtagumpay ang komunistang rebolusyon.

Ang pamumunong ito ay salungat sa "pamumuno" na ginagawa ngayon ng mga Kaliwang partido. Ang pamumuno nila ay nakabatay lamang sa kanilang kagustuhang mamuno at sa pagkakaroon nila ng sariling armadong pwersa.

Ang pamumuno ng mga komunistang organisasyon ay nakabatay sa mulat na pakikibaka ng uri at mulat na pag-organisa nila sa kanilang sarili. Napapanday ang namunong papel ng marxistang partido sa pamamagitan ng aktibong interbensyon nito sa loob ng mga asembliya at konseho ng manggagawa na itinayo at pinamunuan mismo ng masang proletaryado. Sa madaling sabi, ang pampulitikang pamumuno ng komunistang organisasyon o partido ay mahigpit na nakabatay at nagsisilbi sa "ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa mga kamay mismo ng masang manggagawa."

Gayong tama na hindi pwedeng "iatas" ng partido sa uri ang rebolusyon, mali naman kung sabihing "hindi ito mangyari kung ang mga rebolusyonaryo mismo .... (ang) mamuno sa mga manggagawa para isulong ang rebolusyon." Hindi simpleng propagandista-ahitador-edukador lamang ang papel ng mga komunistang organisasyon. Ang papel nila ay bilang pampulitikang lider ng rebolusyon. Mas mahalaga sa lahat ay maging aktibong salik ito para pabilisin ang tagumpay ng komunistang rebolusyon.

Sang-ayon kami sa pagsusuma ni kasamang Edward sa tungkulin ng mga rebolusyonaryo ngayon: "Ang dapat gawin ngayon ay ibagsak ang kapitalismo kasama na ang estado sa pamamagitan ng nagkakaisa, independyente at pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa."

Internasyonalismo

--------------------------------------

1)Hindi dapat makialam ang mga rebolusyonaryo sa eleksyon, dahil hindi ito ang tamang instrumento para isulong ang rebolusyon at ang mithiin ng nakararami. Ang eleksyon ay laro ng burgesya na nasa estado. Dito pinakita ang kapangyarihan nila at hanggang saan ang kanilang impluwensya, sa pamamagitan ng bangayan at kompetisyon. Ito ang malinaw na katangian ng ating lipunan ngayon.

Katunayan, nakasulat ito sa manusripto ni Karl Marx na ang lipunan ay tunggalian at kompetisyon, at ang mananaig ay ang makapangyarihan. Ito ang makikita sa burges na eleksyon kung saan laging nasa bentahe ang nasa kapangyarihan.

Pero hindi ito ang pakikibaka na bigyang halaga ng mga rebolusyonaryo. Ang dapat ay kung paano imulat ang nakararami sa kagaguhan at kabulukan ng sistema ngayon, hindi lang bilang indibidwal kundi bilang tao mismo.

Para sa akin ang eleksyon ay parang laro ng solitaryo. Ang kapangyarihan ng mga burges na politiko ay galing sa mga maliliit na myembro ng lipunan hanggang sa pangkalahatang kasapian. Pasukin nila ang ibat-ibang tao, ibat-ibang hanapbuhay, para sila ang mapili at uupo sa kapangyarihan ng estado na gustong-gusto nila. Ganyan ang eleksyon, kahit saang eleksyon dahil nahawa na ito sa kabulukan ng sistemang kapitalismo.

Pagtatayo ng "bagong imperyo" ng kapitalismo para palawakin ang pagsasamantala at pang-aabuso ng burgesya sa nakararami. Ito ang dapat bigyang pansin ng mga rebolusyonaryo, laluna ng kabataan. Paano durugin at ibagsak ang bulok na kaayusan.

2)Hindi makamit ang tunay na demokrasya sa ilalim ng kapitalismo. Para sa mga rebolusyonaryo ngayon, hindi ito mahirap unawain. Kaiba sa iniisip ng maraming Kaliwang grupo: Maoista-Stalinista at Abuevaista (yaong nagsisikap na maging pederal-parliyamentaryo ang Pilipinas), at kasama na ang mga reaksyunaryong grupo na nasa Kanan ngayon. Parang itim at puti. Ang ibig kong sabihin, napakalinaw ang kaibahan sa prinsipyo ng tunay na demokrasya laban sa nangibabaw na demokrasya ngayon sa pamumuno ng mga burges na pulitiko, na nagiging "democrazy".

Hindi na kailangang biyakin ang ating ulo para makita ang kaibahan. Tulad ng sinabi ng mga bantog na pilosopo sa mundo, na ang prinsipyo ay para sa lahat at para sa kaunlaran kung makita sa teorya at implementasyon. Pero bakit kailangang magbuhis ng dugo ang mga Maoista-Stalinista para isulong ang sinasabi nilang "pambansang demokrasya". Katunayan, ilang libong buhay na ang binuhis ng kabataan para lamang isulong ang prinsipyong ito. Bulag ba sila sa kulay o "color blind" na hindi nila nakita ang kaibahan ng itim at puti? Ang lagi nilang binibigay na katuwiran sa atin ay: iba ang binabasa naming manuskripto.

Natatawa na lang ako dahil napakalinaw na hindi makamit ang tunay na demokrasya sa ilalim ng kapitalismo, laluna kung nahawa pa ng kapitalismo ang buong mundo. Lalo na ngayon na may ilang bumaba mula sa kabundukan para isulong ang prinsipyo ng paglahok sa eleksyon. Wala ba silang natutunan sa nangyari sa Rusya, China at Alemanya, para sana mamulat sila na ang estado ay hindi instrumento para isulong ang rebolusyon kundi sa ibang paraan?

3) Sana maunawaan ito ng Kaliwa, laluna ng mga Maoista-Stalinista na ang estado laluna ang mga batas ay instrumento na ng burgesya para palawakin ang kanilang impluwensya at para ipagpatuloy ang pang-aapi sa nakararami. Pero paano ba ito ginawa ng burgesya? Para sa akin ay simple lang: ang mga batas na ginagawa ng mga burges na politiko maliban sa hindi para sa lahat ay walang ngipin dahil pabor sa mga kapitalista, laluna sa mga dayuhang kapitalista. Pero dapat tandaan at maunawaan ng mga Maoista at Kaliwa na hindi lang mga dayuhang kapitalista kundi mismong mga Pilipinong kapitalista din ang nagsasamantala at nang-aapi sa kapwa Pilipino.

Ang dapat gawin ngayon ay ibagsak ang kapitalismo kasama na ang estado sa pamamagitan ng nagkakaisa, independyente at pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa. Sana magkaisa ang mga rebolusyonaryo sa ganitong layunin para magtagumpay. Pero hindi ito mangyari kung ang mga rebolusyonaryo mismo ang mag-atas at mamuno sa mga manggagawa para isulong ang rebolusyon. Ang mga manggagawa mismo ang magdesisyon kung nais ba nila itong makamit sa panahon ng rebolusyon, sa pamamagitan ng paghawak ng armas o hindi. Ang gawin lamang ng mga rebulosyonaryo ay ang pagbibigay ng ideya at maging kritikal sa lahat ng sitwasyon laluna sa pagwasak sa bulok na sistema.

Mabuhay ang independyente at pandaigdigang rebolusyon ng mga manggagawa!

Edward