Submitted by Internasyonalismo on
Lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri ay abala na sa paghahanda para sa pambansang eleksyon sa susunod na taon. Ang lahat ay nagtulong-tulong - administrasyon, oposisyon, Kaliwa, media at Simbahan - para kumbinsihin ang malawak na masa na magparehistro at bomoto. Dagdag pa, nanawagan sila na "bantayan" at "ipagtanggol ang boto" para "mahalal ang mga karapat-dapat na kandidato".
Milyun-milyon ang perang ginugol ng mga kaaway sa propaganda para kumbinsihin ang mamamayan na lumahok sa eleksyong 2010.
Ang kasalukuyang isyu ng Internasyonalismo ay nakasentro sa pagtalakay sa marxistang pananaw at paninindigan hinggil sa burges na eleksyon. Kailangan ito para maintindihan ng mga seryosong elemento at grupo sa Pilipinas na naghahanap ng tamang daan para sa panlipunang pagbabago.
Mahalaga ang pag-aaral at diskusyon kung may kabuluhan o wala na ang paglahok sa eleksyon at parliyamento para isulong ang proletaryong rebolusyon lalupa't nangyari sa Maguindanao noong Nobyembre ang pinakamarahas na masaker sa kasaysayan ng Pilipinas na may kaugnayan sa eleksyon.
Nilamon ng permanenteng marahas na bangayan ng iba't-ibang paksyon ng mapagsamantalang uri para kontrolin ang kapangyarihan sa pambansa o lokal na antas ang pagsisikap ng naghaharing uri na palakasin ang mistipikasyon ng demokrasya at "mapayapa at malinis" na eleksyon sa 2010.
Batas Militar sa Maguindanao
Ang masaker sa Maguindanao nitong Nobyembre ay patunay lamang na palala ng palala ang kompetisyon ng iba't-ibang paksyon ng mapagsamantalang uri para makontrol ang estado. Ito ay malinaw na indikasyon na naaagnas na ang bulok na panlipunang sistema.
Maihalintulad ito sa patayan ng iba't-ibang grupo ng gangster para sa teritoryo habang halos walang magawa ang "godfather" para sa "mapayapang" kompetisyon ng kanyang nasasakupang iba't-ibang grupo ng mga kriminal at pusakal.
Para makontrol ang anarkiya sa Maguindanao ay pinataw ng estado ang batas militar. Ang layunin nito ay bantaan at ipaalala sa mga paksyon na huwag gumawa ng anumang karahasan lagpas sa kayang ipahintulot ng estado at naghaharing uri lalupa't ang pangunahing layunin ay palakasin ang mistipikasyon ng eleksyon at demokrasya sa Pilipinas.
Bilang huling sandalan ng naghaharing uri at naghihingalong sistema, kailangang ipataw ng estado ang kanyang kapangyarihan sa buong lipunan, kahit pa sa kanyang mga paksyon na ganid sa kapangyarihan. Ito ang esensya ng deklarasyon ng batas militar sa Maguindanao. Katulad ito ng digmaan ng mga gangster kung saan kailangan na ang interbensyon ng "godfather" para "parusahan" ang isang gangster na "lumabag" sa "panuntunan" ng organisasyon para mapanatili ang "kaayusan" sa tunggalian ng iba't-ibang gangster sa teritoryo at pangungulimbat ng yaman.
Ang malaking problema ay nahihirapan na ang estado na kontrolin ito dahil mabilis na kumikipot ang teritoryo at yamang paghahatian dahil sa lumalalang krisis ng kapitalismo habang tumataas naman ang kahayukan ng bawat paksyon sa kapangyarihan. Ang paglala ng anarkiya sa ekonomiya ay nagbunga ng paglala ng anarkiya sa politika.
Nasupil man ng estado (ang pinakamakapangyarihang "warlord", ang "godfather") ang warlord na angkang Ampatuan, pinalakas naman nito ang karibal na warlord - angkang Mangudadatu sa Maguindanao. At dahil sa karahasan, tiyak na naghahanda na rin ang ibang mga warlord sa iba't-ibang sulok ng bansa laban sa kanilang mga karibal. Hindi maglalaho ang mga karahasan sa panahon ng eleksyon. Sisikapin lang itong itago o maliitin ng estado para ipakitang "mapayapa" at "malinis" ang halalan.
Matapos ipakita ng estado ang kanyang kapangyarihan bilang "warlord" at "godfather", matapos ang walong (8) araw na batas militar sa Maguindanao, ay binawi ito noong Disyembre 12.
Sa kabilang banda, nagamit din ng naghaharing uri ang batas militar upang palakasin ang mistipikasyon ng demokrasya. Ang pagtutol ng ibang paksyon sa batas militar ng paksyong Arroyo ay ginamit na propaganda para kumbinsihin ang malawak na masa na lumahok sa eleksyon at bantayan ang boto laban sa naghaharing paksyon.
Ang isa pang epekto nito, sa gitna ng demoralisasyon ng nakararami dahil sa pananabotahe ng Kaliwa sa kanilang pakikibaka, ay lukuban ng takot ang mahihirap laluna sa mga lugar na malakas ang mga warlord at may mga armadong grupo tulad ng CPP-NPA-NDF, RPM-RPA-ABB, MLPP-RHB, MILF, MNLF, Abu Sayyaf, at iba pa. Kaya, kung ano ang kagustuhan ng mga armadong grupong ito, kung sinu-sino at anong partido ang nais nila iboto ng taumbayan, ay malaki ang posibilidad na susundin, hindi dahil gusto nila kundi dahil takot sila na gawin sa kanila ang nangyari sa Maguindanao.
**********
Anumang mga pakulo at panlilinlang ng naghaharing uri para maengganyo ang malawak na masa na lumahok sa halalan sa susunod na taon, hindi nito maitago na anumang partido, sinumang personalidad ang manalo at uupo sa kapangyarihan, mananatiling instrumento ang estado at parliyamento sa pagsasamantala at pang-aapi sa masang manggagawa at maralita. Dadami man ang mga representante ng Kaliwa sa loob ng pugad ng mga baboy, hindi nito kayang pabanguhin ang estado na matagal ng kailangang ibagsak para lumaya ang proletaryado mula sa pagsasamantala at pang-aapi.
Ang mga masaker, militarisasyon at batas militar ay hindi maglaho habang patuloy na naghari sa lipunan ang bulok na kapitalistang sistema. Habang ang estado ay hindi naibagsak, mananatili ang armadong labanan ng iba't-ibang paksyon ng burgesya na hayok sa kapangyarihan. Tandaan natin na ang estado ay isang armadong institusyon ng naghaharing uri laban sa mga pinagsamantalahang uri.
Tanging ang armadong manggagawa na organisado ang sarili at mulat sa sariling interes ang may kapangyarihan na wakasan ang lahat ng kaguluhang nangyayari sa lipunan ngayon. At hindi ito magagawa ng uri kung lalahok sila sa eleksyon at papasok sa pugad ng mga baboy - ang parliyamento. #