Submitted by Internasyonalismo on
1) Noong Marso 1991, matapos bumagsak ang bloke ng Silangan at ang tagumpay ng Koalisyon sa Iraq, dineklara ni Presidente George Bush Senior sa Kongreso ng Amerika ang pagsilang ng "Bagong Kaayusan sa Mundo" batay sa paggalang sa internasyunal na batas. Ito bagong kaayusan ang magbibigay ng kapayapaan at kasaganaan sa planeta. Ang "pagbagsak ng komunismo" ay nagkahulugan ng tiyak na panalo ng liberal-kapitalismo. Ilang tao, tulad ng "pilosopong" si Francis Fukayama, ay nagpahayag ng prediksyon ng "kataposan ng kasaysayan". Pero hindi nagtagal pinakita ng kasaysayan, iyong tunay at hindi ang pampropagandang bersyon, na ang hungkag na mga deklarasyong ito ay katawa-tawa. Sa halip na kapayapaan, ang taong 1991 ay naging simula ng digmaan sa dating Yugoslavia, na nag-iwan ng daan-daang libong patay sa mismong pusod ng Uropa, ang kontinenteng hindi naapektohan ng malagim na digmaan sa loob ng halos kalahating siglo. Kahalintulad, ang resesyon sa 1993, pagkatapos ang pagbagsak ng mga "tigre" at "dragon" sa Asya sa 1997, pagkatapos ang resesyon sa 2002, na nagwakas sa bula ng Internet, ang nagpamalas na mga ilusyon ang kasaganaang dineklara ni Bush Senior. Pero tipikal sa burgesya na kalimutan ngayon ang sinabi nito kahapon. Sa pagitan ng 2003 at 2007 ang opsiyal na mga pahayag ng pangunahing mga sektor ng burgesya ay nagkaroon ulit ng masayang tono, pinagbunyi ang tagumpay ng "modelong Anglo-Saxon" na nagbigay ng malaking tubo, malaking tantos ng paglago at maging ng signipikanteng pagbaba ng kawalan ng trabaho. Walang pagsisidlan sa mga awit ng pagsamba sa "ekonomiyang liberal" at sa mga benepisyo ng "deregulasyon". Subalit sa kalagitnaan ng 2007 at higit sa lahat mula sa kalagitnaan ng 2008 natunaw ang optimismong ito tulad ng bolang yelo sa ilalim ng araw. Bigla na lang, ang mga salita at kataga tulad ng "kasaganaan", "paglago", "tagumpay ng liberalismo" ay patagong binitawan. Sa engrandeng bangkete ng kapitalistang ekonomiya ay may nakaupo ngayong isang bisita na akala nila ay tuluyan ng naglaho: ang krisis, ang multo ng bagong napakalaking depresyon na maikumpara sa 1930s.
2) Sa mga salita ng pinaka-responsableng mga representante ng burgesya, sa lahat ng mga ekonomistang espesyalista, kabilang na ang mga sagad-saring tagasuporta ng kapitalismo, ang kasalukuyang krisis ay ang pinaka-seryoso na dinaanan ng sistema magmula noong bantog na depresyon na nagsimula sa 1929. Ayon sa OECD, "Ang pandaigdigang ekonomiya ay nasa gitna ng kanyang pinakamalalim at pinaka-sinkronisadong resesyon sa buong buhay nito ".[1] Ang ilan ay walang pag-aalinlangang nagsabi na mas seryoso pa ito kaysa dati, nagsabing ang dahilan bakit ang kanyang epekto ay hindi kasing mapanira sa 1930s ay sa panahong iyon, ang mga lider ng mundo, pinatibay ng karanasan, ay natuto ng harapin ang ganitong klase ng sitwasyon, laluna ang pag-iwas na madaliin ang "bawat isa para sa kanyang sarili": "Habang ang ilan ay nagsabing ang malalang pagbulusok-pababa ay isang ‘bantog na resesyon', mananatili itong malayo na maulit ang ‘Bantog na Depresyon' sa 1930s, salamat sa kalidad at intensidad ng mga polisiya ng gobyerno na kasalukuyang pinapatupad. Pinalalim ang Bantog na Depresyon sa teribleng mga pagkakamali sa polisiya, mula sa magkasalungat na polisiya sa pera hanggang sa polisiyang gawing pulubi ang karatig-bansa sa porma ng proteksyunismo ng industriya at kompetisyon sa debalwasyon. Kabaliktaran, ang resesyong ito ang nagbigay ng tamang polisiya."[2]
Subalit, kahit na tinaggap ng lahat ng sektor ng burgesya ang bigat ng kasalukuyang kombulsyon ng kapitalistang ekonomiya, ang mga paliwanag na binigay nila, sa kabila na laging magkaiba ang pananaw nila sa isa't-isa, ay malinaw na walang kapasidad na unawain ang tunay na kabuluhan ng mga kombulsyong ito at ang perspektibang dineklara nila sa buong lipunan. Para sa iilan, ang responsable sa malalang kahirapan ng kapitalismo ay ang "kabaliwang pinansyal", katunayan magmula 2000s nakita natin ang paglago ng buong serye ng "nakalalasong produktong pinansyal" na siyang dahilan ng pagsabog ng utang na walang garantiyang mabayaran. Ang iba naman ay nagsabing ang kapitalismo ay dumaranas ng labis na "deregulasyon" sa pandaigdigang saklaw, ang oryentasyon na nasa bag-as ng "Reaganomics" na siyang pinatupad simula 1980s. Pero ang iba, sa partikular ang mga representante ng kaliwa ng kapital, ay kinukonsidera na ang dahilan ng krisis ay hindi sapat ang kita mula sa sahod, na siyang pumilit sa mga manggagawa na umutang para sa kanilang batayang pangangailangan. Pero anuman ang kanilang pagkakaiba, ang katangian ng lahat ng mga interpretasyong ito ay kinikilala nila na hindi ang kapitalismo bilang moda ng produksyon ang may sala, kundi ang ganito o ganung porma ng sistema. At dahil sa ganitong pananaw hindi nasisid ng mga interpretasyong ito ang tunay na ugat ng kasalukuyang krisis.
3) Katunayan, tanging ang pandaigdigan at istorikong pananaw sa kapitalistang moda ng produksyon ang makapagbigay linaw sa atin para maunawaan ang kasalukuyang krisis at ang perspektiba mula dito. Ngayon, at ito ang tinatago ng lahat ng mga ekonomistang "espesyalista", lumantad na ang realidad ng mga kontradiksyon na bumabayo sa kapitalismo: ang krisis sa sobrang produksyon, ang kawalan ng kapasidad ng sistema na ibenta ang mga kalakal na nilikha nito. Hindi ito sobrang produksyon kaugnay sa tunay na pangangailangan ng sangkatauhan, na napakalayo pang makamit, kundi sobrang produksyon kaugnay sa makayanang pangangailangan, pangangailangan na nakasandal sa kapasidad magbayad. Ang opisyal na mga pahayag, tulad ng mga solusyong pinatupad ng halos lahat ng mga gobyerno, ay nakapokus sa krisis pinansyal, sa kapalpakan ng mga bangko, pero ang realidad, ang tinatawag ng mga komentarista na "tunay na ekonomiya" (salungat sa "di-tunay na ekonomiya") ay nasa proseso na pinapakita ang katotohanang ito: walang araw na walang pahayag ng pagsara ng kompanya, malawakang tanggalan at pagkalugi ng mga industriya. Ang katotohanan na ang General Motors, na sa ilang dekada ay ang pinakamalaking kompanya sa mundo, ay humihinga lamang, salamat sa malawakang suporta ng estado ng Amerika, habang ang Chrysler ay hayagang nagdeklara ng pagkalugi at pumailalim sa kontrol ng Italyanong kompanyang FIAT, ay signipikanteng senyales ng lalim ng problema ng kapitalistang ekonomiya. Kahalintulad, ang pagbagsak ng pandaigdigang kalakalan, kauna-unahan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na tinasa ng OECD na nasa -13.2% para sa 2009, ay nagpakita ng kahirapan ng mga kompanyang makakita ng mga bibili ng kanilang produkto.
Ang krisis sa sobrang produksyon, na malinaw ngayon, ay hindi simpleng epekto ng krisis pinansyal gaya ng nais ipaniwala sa atin ng halos lahat ng mga "eksperto". Ito ay nasa loob mismo ng mikanismo ng kapitalistang ekonomiya, gaya ng pinakita ng marxismo sa loob isang siglo at kalahati. Habang sinasakop pa ng sentral na kapitalistang mga bansa ang mundo, ang mga bagong merkado na nakukuha sa paraang ito ay temporaryong nagbigay solusyon sa krisis ng sobrang produksyon. Nang makompleto na ang pananakop na ito, sa simula ng 20 siglo, ang mga sentral na kapitalistang bansang ito, partikular ang huling dumating sa panahon ng kolonisasyon, Alemanya, ay walang ibang paraan kundi atakehin ang teritoryo ng ibang kapangyarihan, na nagtulak sa Unang Pandaigdigang Digmaan kahit hindi pa lubusang nagpakita ang krisis sa sobrang produksyon. Ang huli ay malinaw na nakita sa pagbagsak sa 1929 at ang bantog na depresyon sa 1930s, na nagtulak sa pangunahing kapitalistang mga bansa tungo sa militarismo at Ikalawang Digmaang Pandaigdig na tinalo ang una sa usapin ng mga masaker at barbarismo. Lahat ng mga solusyon ng malalaking kapangyarihan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa partikular ang organisasyon ng pangunahing mga bahagi ng kapitalistang ekonomiya, sa erya ng pera (Bretton Woods) at sa pagpatupad ng mga polisiyang neo-Keynesian, kabilang na ang mga positibong epekto ng de-kolonisasyon sa usapin ng pamilihan, ay siyang dahilan na nagawa ng kapitalismo sa loob ng halos tatlong dekada na isaboy ang ilusyon na sa wakas ay nasolusyonan na nito ang kanyang mga kontradiksyon. Pero ang ilusyong ito ay dumanas ng matinding dagok noong 1974 ng pumutok ang marahas na resesyon, laluna sa pangunahing ekonomiya ng mundo. Ang resesyong ito ay hindi ang simula ng kahirapang dinaranas ng kapitalismo dahil lumitaw ito matapos yaong sa 1967 at ang sunod-sunod na krisis sa pound at dolyar, ang dalawang susi sa internasyunal na pera ng sistemang Bretton Woods. Katunayan, sa kataposan ng 1960s nalantad na ang neo-Keynesianismo ay nasa kanyang istorikal na pagkabangkarota, punto na binigyang diin ng mga grupong nagtayo ng IKT. Para sa lahat na burges na komentarista at para sa mayorya ng uring manggagawa, ang taong 1974 ang nagmarka ng simula ng bagong yugto ng buhay ng kapitalismo matapos ang digmaan, laluna ang muling paglitaw ng isang penomenon na pinaniwalaan ng marami na lubusan ng naglaho sa maunlad na mga bansa: malawakang kawalan ng trabaho. Sa puntong ito na bumibilis ang penomenon ng pagkalubog sa utang: sa panahong iyon ang mga bansa sa Ikatlong Daigdig ang nasa unahan ng pagkalubog sa utang at sa ilang panahon ay naging "makina" para sa rekoberi. Natapos ang sitwasyong ito sa simula ng 1980s dahil sa krisis ng utang, ang kawalang kapasidad ng mga bansa sa Ikatlong Mundo na bayaran ang utang na binigay sa kanila para mabili nila ang produktong galing sa malalaking industriyalisadong mga bansa. Pero hindi huminto ang pagkalubog sa utang. Ang Amerika ay nagsimulang maging baton bilang "makina" pero ang kabayaran ay ang pagtaas ng depisit sa kalakal at, higit sa lahat, sa kanyang depisit sa badyet, isang polisiya na nagawa nilang ipatupad salamat sa pribelihiyo ng kanyang pera bilang pandaigdigang pera. Sa kabila na ang islogan ni Reagan ng panahong iyon ay "ang estado ay hindi solusyon, ito ang problema", para bigyang katuwiran ang likidasyon ng neo-Keynesianismo, ang Pederal na estado ng Amerika, sa pamamagitan ng kanyang malaking depisit sa badyet, ay patuloy na naging ahente sa pambansa at internasyunal na buhay ekonomiya. Subalit, ang "Reaganomics", na kumuha ng inspirasyon kay Margaret Thatcher ng Britanya, ay sa batayan kumakatawan sa pagwasak ng "welfare state", i.e. ang walang hintong atake sa uring manggagawa para mapangibabawan ang lumalaking inplasyon na nakaapekto sa kapitalismo magmula 1970s.
Sa panahon ng 1990s, ang isa sa mga makina ng pandaigdigang ekonomiya ay ang mga "tigre" at "dragon" ng Asya, na nakaranas ng ispektakular na paglaki ng tantos ng paglago dahil sa utang, ay dumanas ng mga kombulsyon sa 1997. Habang ang "bago" at "demokrationg" Rusya mismo na nasa sitwasyon na hindi na mabayaran ang utang, ay nagbigay demoralisasyon sa mga taong umaasa sa "kataposan ng komunismo" para lalago ang ekonomiya ng matagalan. Ang nangyari, ang bula ng Internet sa kataposan ng 1990s, na sa katunayan ay isang porma ng ispekulasyon ng "hi-tech" na mga kompanya, ay pumutok sa 2001-2, na tumapos sa pangarap na muling babangon ang pandaigdigang ekonomiya sa pamamagitan ng pag-unlad ng bagong teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon. Kaya pumasok ang utang sa bagong yugto ng paglaki, salamat sa malalaking pautang na binigay para sa konstruksyon sa maraming kompanya, partikular sa Amerika. Ang huli ay pinalakas ang kanyang papel bilang "makina ng pandaigdigang ekonomiya", pero ang kabayaran ay ga-higanteng paglaki ng utang, laluna sa populasyong Amerikano, batay sa lahat ng klase ng "produktong pinansyal" para makaiwas sana sa risgo ng mga utang na hindi na mabayaran. Sa realidad, ang malawak na ekstensyon ng kaduda-dudang mga utang ay hindi nakapagbago sa katangian nito bilang Espada ni Damocles na nasa ibabaw ng ulo ng ekonomiya ng Amerika at daigdig. Kabaliktaran, bunga ito sa "nakalalasong utang" na naipon bilang kapital ng mga bangko at siyang pinanggalingan ng kanilang pagbagsak matapos ang 2007.
4) Kaya, hindi ang krisis pinansyal ang pinaggalingan ng kasalukuyang resesyon. Kabaliktaran, pinakita lamang ng krisis pinansyal ang katotohanan na ang utang, na siyang dahilan kung bakit naging posible na pangingibawan ang sobrang produksyon, ay hindi maaring solusyon ng matagalan. Sa malao't madali, ang "tunay na ekonomiya" ay maghiganti. Sa ibang salita, ang pundasyon ng mga kontradiksyon ng kapitalismo, sobrang produksyon, kawalang kapasidad ng pamilihan na lamunin ang kabuuang produktong nalikha, ay bumalik sa eksena.
Sa ganitong punto, ang mga solusyon na pinagpasyahan noong Marso 2009 sa G20 sa London, pagdoble ng reserba ng International Monetary Fund, malawakang suporta ng mga estado sa mga naluging bangko, pang-engganyo sa huli na ipatupad ang mga aktibong polisiyang pampasigla ng ekonomiya sa kapinsalaan ng paglaki ng depisit sa badyet, ay hindi maging lunas sa batayang problema. Ang tanging "solusyon" na maaring magawa ng burgesya ay ... panibagong utang. Hindi makaimbento ng solusyon ang G20 sa krisis na wala ng solusyon. Ang kanyang pangunahing tungkulin ay iwasan ang pagbulusok-pababa tungo sa "bawat isa para sa kanyang sarili" tulad sa 1930s. Ang layuninin nito ay ibalik ang minimum na tiwala sa pangunahing pang-ekonomiyang ahensya, dahil sa kapitalismo ito ay esensyal na salik sa operasyon ng utang, na siyang puso ng sistema. Dahil dito, ang panggigiit sa kahalagahan ng "sikolohiya" bilang salik ng pang-ekonomiyang kombulsyon, ang pokus sa salita at mala-teatrong galaw sa harap ng materyal na realidad, ay nagpakita sa batayan na isang ilusyon ang pundamental na katangian ng mga hakbangin na maaring gawin ng kapitalismo sa harap ng kanyang istorikong krisis. Sa realidad, bagama't hindi babagsak ang kapitalistang sistema tulad ng baraha, ang perspektiba ay lalupang pagdausdos sa kailaliman ng kanyang istorikal na pagkabangkarota, sa pagbulusok tungo sa mas maraming kombulsyon na naranasan nito ngayon. Sa mahigit apat na dekada, hindi napigilan ng burgesya ang patuloy na paglala ng krisis. Ngayon naharap ito sa isang sitwasyon na mas masahol pa noong 60s. Sa kabila ng karanasan nitong nagdaang mga dekada, mas malala lang ang magagawa nito, hindi pagbibigay-ginhawa. Sa partikular, ang mga hakbanging neo-Keynesian na giniit ng G20 sa London (hanggang sa nasyunalisasyon ng mga bangkong nagkaproblema) ay walang tsansang maibalik ang "sigla" ng kapitalismo, dahil ang pinagmulan ng kanyang mayor na problema sa huling bahagi ng 1960s ay bunga ng kapalpakan ng mga hakbanging neo-Keynesian na tinangkilik matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
5) Bagama't nasorpresa ang naghaharing uri sa brutal na paglala ng krisis, hindi ito nakakagulat sa mga rebolusyonaryo. Tulad ng sinabi namin sa resolusyon sa internasyunal na sistwasyon sa aming huling kongreso, kahit wala pa ang kaguluhan sa kalagitnaan ng 2007: "Sa ngayon, ang banta ng paglobo ng pabahay sa Amerika, na isa sa mga motor ng ekonomiya ng Amerika, at nagbanta ng nakakasirang pagkalugi ng mga bangko, ay nakababahala sa mga ekonomista." (bilang apat).[3]
Ang nasabing resolusyon din ang nagbuhos ng malamig na tubig sa maling pag-asa sa "milagro sa Tsina":
"malayong maging hangin para sa kapitalistang ekonomiya, ang ‘milagro' sa Tsina at ilang mga bansa sa ikatlong daigdig ay isa na namang manipestasyon ng dekadenteng kapitalismo. Dagdag pa, ang matinding pag-asa ng ekonomiyang Tsino sa kanyang eksport ay bukal ng bulnerabilidad sa anumang pagliit ng demand mula sa kanyang kasalukuyang kasosyo, bagay na hindi malayong mangyari dahil obligado ang Amerika na hanapan ng paraan ang napakalaking utang nito na siyang dahilan sa kasalukuyan para magampanan ang papel na makina ng pandaigdigang demand. Kaya, katulad ng ‘milagrosong' dobleng bilang ng paglago ng mga tigre at dragon sa Asya na bumagsak sa kataposan ng 1997, ang kasalukuyang milagro sa Tsina, kahit pa hindi magkatulad ang pinanggalingan at mas malaki ang hawak na kapital, ay sa malao't madali ay kaharapin ang mabangis na realidad ng istorikong pagkabangkarota ng kapitalistang moda ng produksyon." (bilang 6).
Ang pagbagsak ng tantos ng paglago ng ekonomiyang Tsino, ang pagsabog ng kawalang trabaho na itinulak nito, dahilan na bumalik sa kanilang mga baryo ang milyun-milyong magsasaka na dati nakapasok sa mga sentro ng industriya pero ngayon ay napilitang umuwi dahil sa hindi makayanang kahirapan, ay ganap na kompirmasyon ng pananaw na ito.
Katunayan, ang kapasidad ng IKT na makita ang mangyayari ay hindi dahil sa partikular na kalakasan ng aming organisasyon. Ang tanging "kalakasan" nito ay ang kanyang pagiging tapat sa marxistang pamamaraan, sa kanyang determinasyon na palagi itong ipraktika sa kanyang pagsusuri sa pandaigdigang sitwasyon, sa kanyang kapasidad na mahigpit na labanan ang mga proklamasyong "bigo ang marxismo".
6) Ang kompirmasyon ng balidasyon ng marxismo ay hindi lamang sa usapin ng pang-ekonomiyang buhay ng lipunan. Sa pusod ng mga mistipikasyon na inilako simula ng 90s ay ang ideya ng panibagong panahon ng pandaigdigang kapayapaan. Ang kataposan ng Cold War, ang paglaho ng bloke sa silangan, na sinabi ni Reagan na "Imperyo ng Dimonyo", ay diumano tatapos sa iba't-ibang armadong labanan bunga ng bangayan ng dalawang imperyalistang bloke mula 1947. Sa harap ng mistipikasyong ito hinggil sa posibilidad ng kapayapaan sa ilalim ng kapitalismo, laging binigyang diin ng marxismo ang imposibilidad para sa mga burges na estado na pawiin ang kanilang pang-ekonomiya at militar na tunggalian, laluna sa panahon ng pagbulusok-pababa. Kaya nagawa naming sumulat noong Enero 1990 na "Ang paglaho ng imperyalistang berdugong Ruso, at ang napipintong paglaho ng bloke sa pagitan ng Amerika at kanyang dating mga ‘kasosyo', ay magbukas ng pintuan para sa mas maraming lokal na bangayan. Ang mga tunggalian at labanang ito ay hindi, sa kasalukuyang mga sirkumstansya, tutungo sa isang pandaigdigang labanan...Sa kabilang banda, dahil sa pagkawala ng disiplinang ipinataw ng presensya ng mga bloke, ang mga labanang ito ay magiging mas marahas at mas marami, sa partikular, syempre, sa mga lugar na pinakamahina ang proletaryado".[4] Hindi nagtagal, kinumpirma ng pandaigdigang kalagayan ang analisis na ito, ng pumutok ang unang digmaan sa Gulpo sa Enero 1991 at ang digmaan sa dating Yugoslavia sa taglagas ng naturang taon. Magmula noon, walang hinto na ang madugo at barbarikong mga labanan. Hindi na namin malagay lahat dito pero mapansin natin sa partikular:
- ang pagpapatuloy ng digmaan sa dating Yugoslavia, na nakitaan, sa ilalim ng NATO, ng direktang panghimasok ng Amerika at mga pangunahing kapangyarihan sa Uropa sa 1999;
- ang dalawang digmaan sa Chechnya
- ang maraming digmaan na patuloy na nanalanta sa kontinente ng Aprika (Rwanda, Somalia, Congo, Sudan, atbp);
- ang mga operasyong militar ng Israel sa Lebanon at ang pinakahuli, sa Gaza;
- ang digmaan sa Afghanistan, na nagpatuloy pa hanggang ngayon;
- ang digmaan sa Iraq sa 2003 kung saan ang bunga ay patuloy na nagpapahirap sa bansang ito, kundi pati na rin sa pasimuno ng digmaan, ang Amerika.
Matagal ng sinuri ng IKT ang direksyon at implikasyon ng polisiya ng Amerika:
"hindi na nagmumulto ang digmaan sa pandaigdigang saklaw, pero nakita natin ang pagkalag ng kadena ng imperyalistang mga antagonismo at lokal na mga digmaan na direktang may kaugnayan sa malalaking kapangyarihan, sa partikular ang pinakamakapangyarihan sa kanilang lahat, ang Amerika. Ang Amerika, na sa ilang dekada ay naging ‘pulis ng mundo', ay nagsisikap na patuloy itong ipatupad at palakasin ang kanyang papel sa harap ng ‘panibagong pandaigdigang kaguluhan' na lumitaw pagkatapos ng Cold War. Subalit habang seryoso nitong ginampanan ang kanyang papel, hindi ito ginawa para sa layuning makamit ang istabilidad sa mundo kundi para mapanatili ang kanyang liderato sa mundo, na lalong pinahina ng katotohanang wala na ang semento para pagkaisahin ang bawat imperyalistang bloke - ang banta mula sa karibal na bloke. Sa pagkawala ng ‘bantang Sobyet', ang tanging paraan para maipataw ng Amerika ang kanyang disiplina ay umasa sa kanyang pangunahing lakas, ang kanyang malaking superyoridad sa antas militar. Pero sa paggawa nito, ang imperyalistang polisiya ng Amerika ay siyang naging isa sa pangunahing mga salik ng pandaigdigang instabilidad."[5]
7) Ang pagpasok ng Demokratang si Barak Obama sa pagiging pinuno ng pangunahing kapangyarihan sa mundo ay nagluwal ng lahat ng klaseng ilusyon hinggil sa posibilidad ng pagbabago sa estratehikong oryentasyon ng Amerika, isang pagbabago na magbukas ng "panahon ng kapayapaan". Isa sa mga batayan ng mga ilusyong ito ay ang katotohanan na isa si Obama sa iilang senador na bumoto laban sa interbensyong militar sa Iraq sa 2003, at hindi katulad ng kanyang Republikanong karibal na si McCain, komitido siya na paalisin ang armadong pwersa ng Amerika mula sa Iraq. Subalit ang mga ilusyong ito ay madaling bumangga sa realidad. Sa partikular, kung inisip ni Obama na umatras ang Amerika mula sa Iraq, ito ay para mapalakas ang kanyang panghihimasok sa Afghanistan at Pakistan. Dagdag pa, ang pagpapatuloy ng polisiyang militar ng Amerika ay malinaw na makita ng gawin ng bagong administrasyon na Kalihim ng Depensa si Gates, na nominado ni Bush.
Sa realidad, ang bagong oryentasyon ng diplomasyang Amerika ay sumasang-ayon sa balangkas na nasa itaas. Ang kanyang layunin ay para makuha pa rin ang paghahari ng Amerika sa mundo sa pamamagitan ng kanyang superyoridad sa militar. Kaya ang kilos ni Obama para palakasin ang diplomasya ay para makaipon ng panahon at ispasyong kailangan para sa hindi maiwasang imperyalistang interbensyon sa hinaharap ng kanyang militar, na sa kasalukuyan ay napakanipis at lubhang pagod na para isustini ang isa pang teatro ng digmaan kasabay ng Iraq at Afghanistan.
Subalit, gaya ng laging binigyang diin ng IKT, merong dalawang magkaibang opsyon sa loob ng burgesya para makamit ang layunin nito:
- ang opsyon na kinakatawan ng Partido Demokrata na nagsisikap sa abot ng makakaya na katulungin ang ibang kapangyarihan sa proyektong ito;
- ang mayoryang opsyon ng mga Republikano, na nagnanais pangunahan ang opensibang militar at igiit ang sarili ibabaw sa ibang kapangyarihan sa kahit anuman ang mangyari.
Ang unang opsyon ay pinatupad ni Clinton sa kataposan ng 90s sa dating Yugoslavia, kung saan nagawa ng Amerika na makuha ang suporta ng pangunahing mga kapangyarihan sa kanlurang Uropa, sa partikular Alemanya at Pransya, para makipagtulungan sa pambobomba ng NATO sa Serbia para pilitin itong iwanan ang Kosovo.
Ang ikalawang opsyon ay ginamit sa digmaan sa Iraq sa 2003, na nangyari sa kabila ng mariing pagtutol ng Alemanya at Pransya, na sa panahong ito, ay suportado ng Rusya sa loob ng UN Security Council.
Subalit, alinman sa mga opsyong ito ay hindi napigilan ang paghina ng liderato ng Amerika. Ang polisiya na ipilit ang mga bagay, na nakita sa dalawang termino ni Bush Junior, ay nagbunga hindi lang ng kaguluhan sa Iraq, na hindi na mapangibabawan, kundi sa lumalaking pagkakahiwalay ng diplomasyang Amerikano, na makita partikular sa ilang bansa na sumuporta sa Amerika sa 2003, tulad ng Espanya at Italya, ay lumayo na mula sa adbenturismo sa Iraq (hindi pa kasama ang patagong pagdistansya ni Gordon Brown at gobyernong Britanya mula sa walang kondisyon na suporta na binigay ni Tony Blair sa adbenturismo sa Iraq). Sa panig nito, ang polisiyang "kooperasyon" na nais ng mga Demokrata ay walang katiyakan na makuha ang katapatan ng mga kapangyarihang nais kabigin ng Amerika sa kanyang gawaing militar, partikular dahil nagbigay ito sa ibang kapangyarihan ng mas malawak na puwang ng maniobra para itulak ang kanilang sariling interes.
Sa ngayon, halimbawa, ang administrasyong Obama ay nagpasya ng mas pampalubag-loob na polisiya sa Iran at mas mahigpit naman sa Israel, dalawang oryentasyon na patungo sa iisang direksyon dahil halos lahat ng mga Unyong Uropeo, laluna ang Alemanya at Pransya, dalawang bansang naglalayong muling makuha ang kanilang dating impluwensya sa Iraq at Iran. Ang oryentasyong ito ay hindi makapigil sa paglitaw ng mayor na mga tunggalian ng interes sa pagitan ng mga bansang ito at ng Amerika, laluna sa bahagi ng silangang Uropa (kung saan sinisikap ng Alemanya na mapanatili "de-prebilihiyong" relasyon sa Rusya) o Aprika (kung saan ang dalawang paksyon na siyang dahilan ng karahasan at kaguluhan sa Congo ay sinusuportahan ng Amerika at Pransya).
Sa mas pangkalahatan, ang paglaho ng pagkahati ng mundo sa dalawang malaking bloke ay nagbukas ng pintuan para sa mga ambisyon ng nasa ikalawang antas ng mga imperyalista na lalupang nagpagulo sa internasyunal na sitwasyon. Ito ang kaso halimbawa sa Iran, na ang layunin ay makuha ang dominanteng posisyon sa Gitnang Silangan sa ilalim ng bandilang paglaban sa "Makapangyarihang Satanas" na Amerika at sa paglaban sa Israel. May malawak na kaparaanan, pinalawak ng Tsina ang kanyang impluwensya sa ibang kontinente, partikular sa Aprika kung saan ang kanyang lumalaking pang-ekonomiyang presensya ang batayan para sa diplomatiko at militar na presensya, gaya ng nangyari sa digmaan sa Sudan.
Kaya ang perspektiba na haharapin ng mundo matapos mahalal si Obama bilang pinuno ng pinakamalaking kapangyarihan sa mundo ay hindi pundamental na kaiba sa sitwasyon na nangibabaw hanggang ngayon: patuloy na komprontasyon sa pagitan ng mga kapangyarihan ng una o ikalawang hanay, patuloy na barbarikong mga digmaan na may mas mapaminsalang resulta (gutom, epidemya, malawakang dislokasyon) para sa mga populasyon na namuhay sa pinag-aagawang mga erya. Dapat din nating ikonsidera kung ang instabilidad na tinulak ng paglala ng krisis sa kabuuang serye ng mga mahirap na bansa ay hindi magbunga ng intensipikasyon ng mga komprontasyon sa pagitan ng pangkating militar sa loob ng mga bansang ito, na tulad ng dati, may partisipasyon ng iba't-ibang imperyalistang kapangyarihan. Naharap sa ganitong sitwasyon, si Obama at ang kanyang administrasyon ay hindi kayang ipagpatuloy ang mapandigmang mga polisiya ng kanyang mga nasundan, tulad ng nakita natin sa Afghanistan halimbawa, isang polisiya na kahalintulad ng lumalaking barbarismong militar.
8) Tulad ng ang mabuting intensyon na inaanunsyo ni Obama sa diplomatikong antas ay hindi makapigil sa kaguluhang militar sa pagpapatuloy at paglala sa buong mundo, ni mapigilan nito ang Amerika na maging aktibong salik sa kaguluhang ito; kahalintulad, ang re-oryentasyon ng polisiya ng Amerika na inaanunsyo niya sa larangan ng proteksyon sa kapaligiran ay hindi makapigil sa pagpapatuloy ng paglala. Hindi ito usapin ng mabuti at masamang intensyon ng mga gobyerno, gaano man sila ka makapangyarihan. Ang bawat nagdaang araw ay lalupang nagpakita sa tunay na kapinsalaang naranasan ng planeta: dumarami ang marahas na mga bagyo sa mga bansa na dati hindi nakaranas nito; tagtuyo at matinding init; baha at pagsabog ng mga harang-sa-baha; mga bansang nasa peligro na malunod sa dagat... mas lalong nakakalungkot ang perspektiba. Ang kapinsalaang ito ng kapaligiran ay nagbunga din ng peligro sa paglala ng tunggaliang militar, partikular sa pagkaubos ng mainom na tubig, na siyang nakataya sa mga labanan sa hinaharap.
Tulad ng sinabi ng resolusyon na pinagtibay ng nagdaang internasyunal na kongreso: "Kaya, tulad ng pinakita ng IKT sa loob ng mahigit 15 taon, dala ng dekomposisyon ng kapitalismo ang mayor na banta sa buhay ng sangkatauhan. Ang alternatibong sinabi ni Engels sa huling bahagi ng 19 siglo, sosyalismo o barbarismo, ay naging nakakatakot na realidad sa buong 20 siglo. Simple lang ang pinakita sa atin na perspektiba sa 21 siglo, sosyalismo o pagkawasak ng sangkatauhan. Ito ang tunay na nakataya na kinaharap ngayon ng tanging pwersa sa lipunan na may kapasidad na ibagsak ang kapitalismo: ang uring manggagawa."[6]
9) Ang kapasidad na ito ng uring manggagawa na tapusin ang barbarismong dulot ng kapitalismong nasa pagkaagnas, para dalhin ang sangkatauhan palabas sa kanyang kawalang kasaysayan (prehistory) at tungo sa "kaharian ng kalayaan", kung gamitin ang ekspresyon ni Engels, ay pinalalakas ngayon sa araw-araw na mga pakikibaka laban sa kapitalistang pagsasamantala. Sa pagbagsak ng bloke sa silangan at sa diumano "sosyalistang" mga rehimen, ang nakabibinging kampanya hinggil sa "kataposan ng komunismo", at maging sa "kataposan ng makauring pakikibaka" ay matinding humambalos sa kamulatan at militansya ng uring manggagawa. Nagdurusa ng pag-atras ang proletaryado sa dalawang antas na ito, pag-atras na umabot ng mahigit sampung taon. Noon lamang 2003, gaya ng tinutumbok ng IKT ng maraming beses, na bumalik ang uring manggagawa sa daan ng pakikibaka laban sa mga atake ng kapital. Magmula noon, ang tendensyang ito ay lalupang nakumpirma at sa dalawang taon mula noong huling kongreso nakita natin ang pag-unlad ng signipikanteng mga pakikibaka sa buong mundo. Sa ilang panahon nakita natin maging ang kapuna-punang pagkasabay-sabay ng mga pakikibaka ng manggagawa sa pandaigdigang saklaw. Kaya sa simula ng 2008 ang sumusunod na mga bansa ay sabay-sabay na natamaan ng mga pakikibaka ng manggagawa: Russia, Ireland, Belgium, Switzerland, Italy, Greece, Rumania, Turkey, Israel, Iran, Bahrain, Tunisia, Algeria, Cameroon, Swaziland, Venezuela, Mexico, USA, Canada at China.
Ganun din, nakita natin ang ilan sa signipikanteng mga pakikibaka ng manggagawa sa nagdaang dalawang taon. Hindi na natin uubusin, maari nating banggitin ang sumusunod na mga halimbawa:
- sa Ehipto, sa tag-init ng 2007, kung saan ang malawakang mga pakikibaka sa industriya ng tela ay sinalubong ng aktibong pakikiisa mula sa ibang mga sektor (pantalan, transportasyon, ospital, atbp);
- sa Dubai, sa Nobyembre 2007, kung saan ang mga manggagawa sa konstruksyon (karamihan mga migrante) ay malawakang kumilos;
- sa Pransya, sa Nobyembre 2007, kung saan ang mga atake laban sa pensyon ay nagtulak ng militanteng welga ng mga manggagawa sa perokaril, na may mga halimbawa ng pakikiisa mula sa mga estudyante na kasabay na lumalaban sa pagtatangka ng gobyerno na patingkarin ang sosyal na paghiwalay sa mga unibersidad; isang welga na naghubad ng maskara sa papel ng mga pederasyong unyon bilang mananabotahe, ang CGT at ang CFDT, na umobliga sa burgesya na muling ayusin ang imahe ng kanyang aparatus para kontrolin ang uring manggagawa;
- sa Turkey, sa kataposan ng 2007, kung saan 26,000 manggagawa sa Turk Telecom ay nagwelga ng mahigit isang buwan, ang pinakamahalagang mobilisasyon ng proletaryado sa bansang ito magmula 1991, and sa panahon na ang pamahalaang Turkish ay nasangkot sa operasyong militar sa hilaga ng Iraq;
- sa Rusya, sa Nobyembre 2008, kung saan ang mahalagang mga welga sa St Petersburg (laluna ang pabrika ng Ford) ay nagpakita ng kapasidad ng mga manggagawa na pangibabawan ang ilang pananakot ng kapulisan, laluna sa bahagi ng FSB (ang dating KGB);
- sa Greece, sa kataposan ng 2008, kung saan sa klima ng napakalawak na diskontentong nakita na noon, ang mobilisasyon ng mga estudyante laban sa panunupil ay nakatanggap ng masidhing pakikiisa mula sa loob ng uring manggagawa, na may ilang mga sektor na kumilos labas sa opisyal na mga unyon; isang pakikiisa na hindi nanatili sa loob ng Greece dahil ang kilusang ito ay nakatanggap ng napaka-signipikanteng eko ng simpatiya mula sa maraming bansa sa Uropa;
- sa Britanya, kung saan ang welgang wildcat sa planta ng langis sa Lindsey sa simula ng 2009 ay isa sa pinakasignipikanteng kilusan ng uring manggagawa sa bansang ito sa loob ng dalawang dekada, isang uring manggagawa na nakaranas ng matinding pagkatalo sa 1980s; pinakita ng kilusang ito ang kapasidad ng uring manggagawa na palawakin ang kanyang pakikibaka at, sa partikular, ay nakitaan ng simula ng komprontasyon laban sa nasyunalismo, sa ekspresyon ng pagkakaisa sa pagitan ng manggagawang British at mga manggagawang Polish at Italyano.
10) Ang paglala ng krisis ng kapitalismo ngayon ay malinaw na kumakatawan ng napaka-importanteng elemeto sa pag-unlad ng pakikibaka ng manggagawa. Sa mismong panahong ito, sa lahat ng mga bansa ng mundo, naharap ang mga manggagawa ng malawakang tanggalan, sa hindi malabanang pagtaas ng kawalang trabaho. Sa pinaka-kongkreto, sa kanyang laman at buto, naranasan ng proletaryado ang kawalang kapasidad ng kapitalistang sistema upang tiyakin ang batayang disenteng pamumuhay ng pinagsamantalahang nitong manggagawa. Dagdag pa, lalo itong nawalan ng kapasidad na magibigay ng kinabukasan sa bagong henerasyon ng uring manggagawa, na kumakatawan ng elemento ng pagkabahala at desperasyon hindi lamang para sa kanila kundi para sa kanilang mga magulang. Kaya nahihinog ang mga kondisyon para sa ideya na ibagsak ang sistemang ito para signipikanteng umunlad sa loob ng proletaryado. Subalit, hindi sapat para sa uring manggagawa na maintindihan na dapat ng iabgsak ang kapitalistang sistema, na dapat palitan ito ng bagong lipunan, para mahawakan nito ang rebolusyonaryong perspektiba. Kailangan din nito na magkaroon ng pananalig na ang naturang perspektiba ay posible at na may lakas ito para ipatupad ito. At talagang sa antas na ito matagumpay na naka-iskor ang burgesya laban sa uring manggagawa sa panahon na bumagsak ang "tunay na umiiral na sosyalismo". Sa isang banda, nagawa nitong ipataw ang ideya na ang perspektiba ng komunismo ay isang walang lamang pangarap: "hindi uubra ang komunismo. Ang patunay ay iniwan ito ng mga populasyong nabuhay sa naturang sistema para palitan ng kapitalismo". Kaalinsabay, nagawa nitong lumikha ng damdamin ng kawalang kapangyarihan sa loob ng uring manggagawa dahil hindi nito nakayanang maglunsad ng malawakang mga pakikibaka. Sa puntong ito, ang sitwasyon ngayon ay lubhang kaiba mula sa umiral noong istorikong pagbangon ng uri sa kataposan ng 60s. noong panahong iyon, ang malawakang katangian ng mga pakikibaka ng manggagawa, laluna sa malawakang welga sa Mayo 68 sa Pransya at sa "mainit na taglagas" sa Italya sa 69, ay nagpakita na ang uring manggagawa ay maaring bumuo ng isang mayor na pwersa sa buhay ng lipunan at ang ideya na balang araw ay maibagsak nito ang kapitalismo ay hindi isang walang kabuluhang pangarap. Subalit, dahil ang krisis ng kapitalismo ay nagsimula pa lang, ang kamulatan ng matinding pangangailangang ibagsak ang sistemang ito ay wala pang materyal na batayan na lumawak sa hanay ng mga manggagawa. Masumada natin ang sitwasyong ito sa sumusunod: sa kataposan ng 1960s, ang ideya na posible ang rebolusyon ay maaring malawakang tinanggap, pero ang ideya na kailangan talaga ito ay hindi madaling maintindihan. Ngayon, sa kabilang banda, ang ideya na kailangang ang rebolusyon ay nakakuha ng maraming suporta, pero ang ideya na posible ito ay hindi gaanong malawak.
11) Para makakuha ng signipikanteng suporta sa loob ng uring manggagawa ang kamulatan na posible ang komunistang rebolusyon, dapat magkaroon ng tiwala ang una sa kanyang sariling lakas, at mangyari ito sa pamamagitan ng pag-unlad ng malawakang mga pakikibaka. Ang napakaraming mga atake sa pandaigdigang saklaw ang nagbigay ng obhetibong batayan para makibaka. Subalit, ang pangunahing porma ng atake ngayon, ang malawakang tanggalan, ay inisyal na hindi nagbunga ng naturang mga pagkilos; sa pangkalahatan, at pinatunayan ito sa nakalipas na mahigit 40 taon, ang mga panahon ng mataas na kawalang trabaho ay hindi naging teatro ng pinakamahalagang labanan. Ang kawalang trabaho, malawakang tanggalan, ay may tendensyang magtulak ng temporaryong pakiramdam na paralisis sa uri, na napailalim sa pananakot ng kapitalista: "kung hindi kayo masaya, maraming mga manggagawa ang papalit sa inyo". Magagamit ng burgesya ang sitwasyong ito para magbunsod ng pagkahati-hati at maging tahasang bangayan sa pagitan ng nawalan ng trabaho at sa mga may "prebilihiyong" panatilihin ito. Higit sa lahat, ipinataw ng mga kapitalista at gobyerno ang kanilang "mapagpasyang" argumento: "hindi namin kasalanan ang pagtaas ng kawalang trabaho o sa pagkatanggal ninyo. Ito ay dahil sa krisis". Sa huli, sa pagsara ng mga kompanya, hindi na epektibo ang welga, na nagpapalakas sa pakiramdam ng manggagawa ng kawalang kapangyarihan. Sa isang istorikong sitwayon kung saan ang proletaryado ay hindi nakaranas ng istorikong pagkatalo gaya sa 1930s, ang malawakang tanggalan, na nagsimula na, ay magbunsod ng napakatinding paglaban, maging ng pagsabog ng karahasan. Pero malamang sa simula ay desperado at relatibong hiwalay na mga pakikibaka, kahit pa makuha nila ang tunay na simpatiya mula sa ibang mga sektor ng uring manggagawa. Ito ang dahilan, sa darating na panahon, ang katotohanan na wala tayong nakitang malawakang tugon mula sa uring manggagawa laban sa mga atake ay hindi dapat magbunga ng paniniwala na sumuko na ito sa pakikibaka para ipagtanggol ang kanyang interes. Sa ikalawang yugto, kung saan hindi na ito masyadong bulnerable sa pananakot ng burgesya, kung saan ang mga manggagawa ay humawak na sa ideyang ang nagkakaisa at solidong pakikibaka ang magpaatras sa mga atake ng naghaharing uri, laluna kung ang huli ay pinagbayad ang buong uring manggagawa sa napakalaking depisit sa badyet na naipon ngayon kabilang ang lahat ng plano para iligtas ang mga bangko at pasiglahin ang ekonomiya. Hindi ito nagkahulugan na ang mga rebolusyonaryo ay wala sa kasalukuyang pakikibaka. Bahagi sila sa mga karanasan na dinaanan ng proletaryado para makahakbang sa kanyang paglaban sa kapitalismo. At nasa komunistang mga organisasyon na isulong, sa loob ng mga pakikibakang ito, ang pangkalahatang perspektiba ng proletaryong kilsuan at ang mga hakbang tungo sa direksyong ito.
12) Mataas ang daan tungo sa rebolusyonaryong pakikibaka at sa pagpabagsak sa kapitalismo. Pinakita ng bawat araw na nagdaan ang pangangailangang ibagsak ang sistema, pero kailangan munang ipatupad ng uring manggagawa ang maraming hakbangin para makamit ito:
- ang muling pagdiskubre sa kanyang kapasidad na kontrolin ang kanyang pakikibaka dahil, sa kasalukuyan, mayoriya ng mga pakikibaka, laluna sa maunlad na mga bansa, ay nanatiling nasa kontrol ng mga unyon (kabaliktaran sa nakita natin sa 1980s);
- ang pag-unlad ng kanyang kapasidad na ilantad ang mga bitag at mistiikasyon ng burgesya, na humahadlang sa daan tungo sa malawakang pakikibaka, at sa muling pagpundar ng kanyang tiwala sa sarili, dahil habang ang malawakang katangian ng pakikibaka sa kataposan ng 60s ay sa pangkalahatan dahil sa katotohanang nasorpresa ang burgesya matapos ang ilang dekada ng kontra-rebolusyon, malinaw na hindi ito ang sitwasyon ngayon;
- ang politikalisasyon ng kanyang pakikibaka, i.e. sa kanyang kapasidad na imarka sa kanilang istorikong dimensyon, na makita sila bilang yugto ng mataas, istorikal na pakikibaka ng proletaryado laban sa pagsasamantala at sa kanyang abolisyon.
Malinaw na ang hakbang na ito ang pinaka-mahirap na ipatupad, dahil sa:
- ang pagpatid ng kontra-rebolusyon sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyang pakikibaka ng uri;
- ang epekto ng organikong pagkapatid na ito sa mga rebolusyonaryong organisasyon;
- ang pag-atras ng makauring kamulatan matapos bumagsak ang bloke sa silangan;
- ang napakasamang epekto ng pagkaagnas ng kapitalismo sa kamulatan ng proletaryado;
- ang kapasidad ng naghaharing uri na itayo ang mga organisasyon (gaya ng New Anticapitalist Party sa Pransya at Die Linke sa Alemanya) na ang tungkulin ay palitan ang Stalinistang mga partido na ngayon ay naglaho o naging bulok, o sa sosyal demokrasya na sa ilang dekada ay nasira ang puri dahil sa kanyang papel na pangasiwaan ang krisis ng kapitalismo. Dahil bago sila, nagawa ng mga partidong ito na panatilihin ang mayor na mga misyipikasyon sa loob ng uring manggagawa.
Katunayan, ang politikalisasyon ng proletaryong pakikibaka ay nakaugnay sa presensya ng komunistang minorya sa loob ng kanyang hanay. Ang katotohanan na napakahina pa ng internasyunalistang kampo ay indikasyon na napakalyo pa ang lalakarin ng uring manggagawa para maglunsad ng ng mga rebolusyonaryong pakikibaka at iluwal ang kanyang makauring pandaigdigang partido, isang mahalagang organo na kung wala ito maging impsosible ang tagumpay ng rebolusyon;
Mataas at mahirap ang daan, pero hindi dapat panghinaan ng loob ang mga rebolusyonaryo o maparalisa ang kanilang determinasyon. Kabaliktaran!
IKT 5/9
[1]. World Economic Outlook, Interim Report, Marso 2009, p.5.
[2]. Ibid., p.7.
[3]. Tingnan International Review n° 130 para dito at sa susunod na mga sipi mula sa resolusyon.
[4]. International Review n° 61, "Matapos bumagsak ang bloke sa silangan, de-istabilisasyon at kaguluhan ".
[5]. International Review n° 130, "Resolusyon sa internasyunal na sitwasyon ", Ika-17 Kongreso ng IKT, bilang 7.
[6]. Ibid, bilang 10.