Pinunit ng naghaharing uri sa Timog Korea ang kanyang tabing na "demokrasya"

Printer-friendly version

Nakatanggap kami ng balita mula sa Korea na walong militante ng "Liga ng Sosyalistang mga Manggagawa sa Korea" (Sanoryun) ang dinakip at kinasuhan sa ilalim ng kinamuhiang "Batas ng Pambansang Seguridad" ng Timog Korea[1] . Ngayong Enero 27 ay ibaba ang hukom sa kanila.

Walang duda na ito ay isang pampulitikang kaso, at isang masaklap na komedya sa tinatawag ng naghaharing uri na "hustisya". Tatlong katotohanan ang saksi dito:

  • Una, ang katotohanan na dalawang beses binasura ng sariling korte ng Timog Korea ang akusasyon ng kapulisan laban sa mga arestado.[2]
  • Ikalawa, ang katotohanan na ang mga militante ay inakusahang "nagtayo ng grupo para sa kaaway" (ie Hilagang Korea), sa kabila ng katotohanan na sila Oh Se-Cheol at Nam Goong Won, ay isa sa mga pumirna noong Oktubre 2006 sa "Internasyunalistang Deklarasyon mula sa Korea laban sa banta ng digmaan" kung saan kinondena ang pagsubok nuleyar ng Hilagang Korea at partikular na nagdeklara na: "ang kapitalistang estado ng Hilagang Korea (...) ay absolutong walang kinalaman sa uring manggagawa o sa komunismo, at ito ay walang iba kundi pinakamalala at brutal na bersyon ng pangakalahatng tendensya tungo sa militaristang barbarismo ng bumubulusok na kapitalismo"[3].
  • Pangatlo, ang pahayag ni Oh Se-Cheol ay walang duda na tutol siya sa lahat ng porma ng kapitalismo, kabilang na ang kapitalismo ng estado sa Hilagang Korea.

Ang mga militanteng ito ay akusado ng krimen sa kaisipan sa pagiging sosyalista. Ibig sabihin, inakusahan sila ng panghihikayat sa mga manggagawa na ipagtanggol ang mga sarili, ng kanilang mga pamilya, ng kanilang kalagayan sa pamumuhay, at sa hayagang paglantad sa tunay na katangian ng kapitalismo. Ang mga parusang kinakailangan ng prosekyusyon ay isa lamang sa mga halimbawa ng panunupil na ipinapataw ng naghaharing uri sa Timog Korea laban sa mga humarang sa kanyang daan. Ang brutal na panunupil na ito ay ginawa na sa mga kabataang ina ng "baby strollers' brigade" na nagdala ng kanilang mga anak noong mga demonstrasyon ng pagsindi ng kandila sa 2008 at kalaunan ay naharap sa panunupil na legal at ng kapulisan[4]; pinuntirya din ang mga manggagawa sa Ssangyong na binugbog ng kapulisang pumasok sa paktorya.[5]

Naharap sa posibilidad ng mabigat na parusa, ang dinakip na mga militante ay nagpakita ng matatag na dignidad sa korte, at ginamit na oportunidad para ilantad ng malinaw ang pampulitikang katangian ng kaso. Inilimbag namin sa ibaba ang salin ng huling pahayag ni Oh Se-Cheol sa korte.

Tumataas ang tensyong militar sa rehiyon, matapos ang mapang-udyok na pambobomba sa isla ng  Yeonpyeong sa Nobyembre noong nakaraang taon at ng pagkamatay ng mga sibilyan dahil sa panganganyon ng rehimen ng Hilagang Korea, bilang tugon sa pagpunta ng barkong pandigma ng Amerika na may dalang nukleyar sa rehiyon para sa isang pinagsanib na aktibidad militar kasama ang armadong pwersa ng Timog Korea. Sa sitwasyong ito, mas totoo kaysa nakaraan ang pahayag na ang pagpipilian ng sangkatauhan ngayon ay sa pagitan ng sosyalismo at barbarismo.

Sa propaganda ng US at kanyang mga alyado ang Hilagang Korea ay isang "estado ng gangster", kung saan marangya ang pamumuhay ng naghaharing paksyon salamat sa mabangis na panunupil sa kanyang nagugutom na populasyon. Ito ay totoo. Pero ang panunupil ng gobyerno ng Timog Korea sa mga ina, anak, nakibakang manggagawa, at ngayon ang mga sosyalistang militante ay malinaw na nagpakita na sa huling pagsusuri, bawat pambansang burgesya ay naghari sa pamamagitan ng takot at brutal na pwersa.

Sa harap ng ganitong sitwasyon dineklara namin ang aming ganap na pakikiisa sa mga inarestong militante, sa kabila ng hindi namin pagsang-ayon sa kanila sa usaping pampulitika. Ang kanilang pakikibaka ay ating pakikibaka. Pinaabot namin ang taus-pusong simpatiya at pakikiisa sa kanilang mga pamilya at kasamahan. Ikagagalak naming iparating sa mga kasamahan ang anumang mensahe ng suporta at pakikiisa na matanggap namin sa [email protected].[6]

Ang huling pahayag ni Oh Se-Cheol sa korte, Disyembre 2010

(ang sumusunod ay ang teksto ng pahayag ni Oh Se-Cheol, isinalin namin mula sa Korean)

Maraming teorya ang nagsisikap ipaliwanag ang krisis na nangyayari sa buong kasaysayan ng kapitalismo. Isa sa mga ito ay ang teorya ng pagkawasak, na nagsasabing kusang mawasak ang kapitalismo sa kanyang sarili sa panahon na maabot ng mga kapitalistang kontradiksyon ang kanilang rurok, para hawanin ang daan ng panibagong paraiso ng milinyum. Ang ganitong paniniyak o ultra-anarkistang posisyon ay lumikha ng pagkalito at ilusyon sa pag-unawa sa paghihikahos ng proletaryado mula sa kapitalistang pang-aapi at pagsasamantala. Maraming tao ang nahawa sa ganitong hindi syentipikong pananaw.

Ang isa pang teorya ay optimistiko na  laging sinasaboy ng burgesya. Ayon sa teoryang ito, ang kapitalismo mismo ay may mga paraan para mapangibabawan ang kanyang sariling mga kontradiksyon at tatakbo ng matiwasay ang tunay na ekonomiya kung mapawi ang ispekulasyon.

Ang mas pino na posisyon kaysa dalawang nauna sa itaas, at nangibabaw kaysa dalawa pa, ay ang pagkonsidera na ang kapitalistang krisis ay pana-panahon, at kailangan lamang natin na hintayin hanggang matapos ang unos para muling makaabante.

Ang naturang posisyon ay angkop sa panahon ng kapitalismo sa 19 siglo: hindi na ito balido sa kapitalistang krisis ng 20 at 21 siglo. Ang kapitalistang krisis sa 19 siglo ay krisis ng kapitalismo sa yugto ng walang limitasyong ekspansyon, na tinawag ni Marx sa Manipesto ng Komunista na epidemya ng sobrang produksyon. Pero ang tendensya ng sobrang produksyon na siyang dahilan ng gutom, kahirapan at kawalang trabaho ay hindi dahil sa kakulangan ng kalakal kundi dahil sa sobrang dami ng kalakal, sobrang dami ng industriya at sobrang dami ng rekurso. Isa pang dahilan ng kapitalistang krisis ay ang anarkiya ng kapitalistang sistema ng kompetisyon. Sa 19 siglo, ang kapitalistang mga relasyon ng produksyon ay maaring mapalawak at mapalalim sa pamamagitan ng pagsakop ng bagong lugar para makakuha ng bagong sahurang paggawa at bagong merkado para sa mga kalakal at kaya ang krisis sa yugtong ito ay pulso ng isang malusog na puso.

Sa 20 siglo ang naturang pagsulong ng kapitalismo ay natapos noong Unang Digmaang Pandaigdig. Mula sa yugtong ito, ang kapitalistang mga relasyon ng produksyon at sahurang paggawa ay pinalawak sa buong mundo. Sa 1919 tinawag ng Komunistang Internasyunal ang kapitalismo sa yugtong yaon na yugto ng "digmaan o rebolusyon". Sa kabilang banda, ang kapitalistang tendensya ng sobrang produksyon ang nagtulak ng imperyalistang digmaan sa layuning manakop at kontrolin ang pandaigdigang pamilihan. Sa kabilang banda, hindi tulad sa 19 siglo, ginawa nitong umasa ang pandaigdigang ekonomiya sa semi-permanenteng krisis ng instabilidad at pagkasira.

Ang naturang kontradiksyon ay bunga ng dalawang istorikal na mga pangyayari, ang Unang Pandaigdigang Digmaan at pandaigdigang depresyon ng 1929 na kumalas ng 20 milyon buhay at tantos ng kawalan ng trabaho na 20% - 30%, na nagbunga ng tinatawag na "sosyalistang nma bansa" ng kapitalismo ng estado sa pamamagitan ng nasyunalisasyon ng ekonomiya sa isang banda at liberal na mga bansa na kombinasyon ng pribadong burgesya at burukrasya ng estado sa kabilang banda.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdi, kabilang ang tinaguriang "sosyalistang mga bansa", ay nakaranas ng ekstra-ordinaryong kasaganaan bunga ng 25 taong rekosntruksyon at paglaki ng utang. Ito ang nagtulak sa burukrasya ng gobyerno, mga lider ng unyon, ekonomista, at mga "Marxista" kuno na malakas na magdeklarang napangibabawan na ng kapitalismo ang kanyang krisis. Pero patuloy na lumala ang krisis na pinakita ng sumusunod na halimbawa: ang debalwasyon ng Pound Sterling sa 1967, ng krisis sa Dolyar sa 1971, ng krisis sa langis sa 1973, ang pang-ekonomiyang resesyon sa 1974-75, krisis sa inplasyon sa 1979, krisis sa utang sa 1982, krisis sa Wall Street sa 1987, ekonomiyang resesyon sa 1989, de-istabilisasyon sa pera ng Uropa sa 1992-93, krisis sa mga "tigre" at "dragon" sa Asya sa 1997, ang krisis sa "bagong ekonomiya" ng Amerika sa 2001, ang krisis sa sub-prime sa 2007, ang krisis pinansyal ng Lehman Brothers, atbp at ang krisis pinansyal ng of 2009-2010.

Ang krisis ba ay 'paikot-ikot', 'pana-panahon' na krisis? Hindi! Ito ay bunga ng walang lunas na sakit ng kapitalismo, ang kakulangan ng merkado na may kapasidad magbayad, pagbaba ng tantos ng tubo. Sa panahon ng malaking depresyon sa daigdig sa 1929 ang pinakamalalang sitwasyon ay hindi nangyari dahil sa panghihimasok ng mga estado. Pero pinakita ng huling kaso ng krisis pinansyal, ang pang-ekonomiyang krisis ng kapitalistang sistema ay hindi na maaring mabuhay sa tulong ng perang pangsagip mula sa mga estado o utang ng estado. Naharap ngayon ang kapitalismo ng istagnasyon dahil imposible ng lumawak pa ang produktibong pwersa. Subalit nakibaka ang kapitalismo hanggang kamatayan laban sa istagnasyon. Kaya depende ito sa walang kataposang pangungutang ng estado at paghahanap ng pamilihan para sa sobrang produksyon sa pamamagitan ng paglikha ng gawa-gawang merkado.

Sa loob ng 40 na taon ang kapitalismo ay tumatakas sa pagkawasak sa pamamagitan ng utang. Ang utang sa kapitalismo ay katulad ng droga para sa mga adik. Sa huli ang mga utang ay naging pabigat na humihingi ng dugo at pawis ng mga manggagawa sa mundo. Magbunga din ito ng kahirapan sa mga manggagawa sa buong mundo, sa imperyalistang mga digmaan, at pagkasira ng kalikasan.

Pabulusok na ba ang kapitalismo? Oo. Papunta ito hindi sa kagyat na pagkawasak kundi sa panibagong yugto ng pagbagsak ng sistema, ang huling yugto sa kasaysayan ng kapitalismo na nalalapit na sa kanyang wakas. Kailangan nating taimtim na alalahanin ang 100 taong islogan na "digmaan o rebolusyon?" at muling maghanda sa pag-unawa sa alternatibong "barbarismo o sosyalismo" at ang praktika ng syentipikong sosyalismo. Ibig sabihin nito na ang mga sosyalista ay kailangang magtulungan at magkaisa, kailangang matatag sila na manindigan sa batayan ng rebolusyonaryong Marxismo. Ang ating layunin ay pangibabawan ang kapitalismong nakabatay sa kwarta, merkado ng kalakal, sahurang paggawa at halaga sa palitan, at itayo ang lipunan ng malayang paggawa sa komunidad ng malayang mga indibidwal.

Kinumpirma ng Marxistang pagsusuri na ang pangkalahatang krisis ng kapitalistang moda ng produksyon ay umabot na sa kanyang kritikal na yugto dahil sa pagbaba ng tantos ng tubo at pagkipot ng pamilihan sa proseso ng produksyon at realisasyon ng labis na halaga. Naharap tayo sa alternatibo sa pagitan ng kapitalismo, ibig sabihin barbarismo, at sosyalismo, komunismo ibig sabihin sibilisasyon.

Una, ang kapitalismo ay naging sistema na kahit ang pagpapakain sa sahurang alipin ay hindi na kaya. Bawat araw sa buong munod ay isang daang libo ang nagugutom at bawat 5 segundo ay isang bata na mababa sa 5 taon ang namatay sa gutom. 842 milyong tao ang permanenteng nagdusa sa malnutrisyon at isang katlo sa 6 billyong populasyon ng mundo ay nakibaka para mabuhay sa tumataas na presyo ng pagkain.

Ikalawa, ang kasalukuyang kapitalistang sistema ay hindi na kayang panatilihin ang ilusyon ng pang-ekonomiyang kasaganaan.

Ang pang-ekonomiyang milagro sa India at Tsina ay napatunayang mga ilusyon. Sa  loob ng kalahating taon ng 2008 sa Tsina 20 milyong manggagawa ang nawalan ng trabao at 67,000 kompanya ang nabangkarota.

Pangatlo, inaasahan ang pagkasira ng ekolohiya. Sa punto ng pag-init ng mundo, tumataas ng 0.6% ang average na temperatura ng daigdig mula 1896. Sa 20 siglo ang hilagang bahagi ay nakaranas ng pinakamatinding init sa loob ng nagdaang 1000 taon. Ang mga lugar na nabalutan ng yelo ay bumaba ng 10% mula sa katapusan ng 1960s at ang yelo sa Hilagang Bahagi ay lumiit ng  40%. Ang average na antas ng dagat ay tumataas ng 10-20% sa panahon ng 20 siglo. Ang naturang pagtaas ay nagkahulugan ng 10 beses mas mataas sa nagdaang 3000 taon. Ang pagsasamantala sa mundo sa loob ng nagdaang 90 taon ay sa porma ng walang patumanggang pagkalbo sa kagubatan, pagdausdos ng lupa, polusyon (hangin, tubig), paggamit ng mga materyal na kemikal at radioactive, pagsira sa mga hayop at tanim, eksplosibong paglitaw ng epidemya. Makita ang pagkasira ng ekolohiya bilang integrado at pandaigdigan. Kaya imposibleng mahulaan kung gaano talaga  kalala ang problemang ito sa hinaharap.

Paano naman umuunlad ang kasaysayan ng makauring pakikibaka laban sa panunupil at pagsasamantala?

Patuloy ang pag-iral ng makauring pakikibaka pero hindi naging matagumpay. Nabigo ang Unang Internasyunal dahil sa kapangyarihan ng kapitalismo na nasa kanyang pasulong na yugto. Nabigo ang Ikalawang Internasyunal dahil sa nasyunalismo at sa kanyang pag-abandona sa kanyang rebolusyonaryong katangian. At nabigo ang Ikatlong Internasyunal dahil sa Stalinistang kontra-rebolusyon. Laluna ang panlilihis ng kontra-rebolusyonaryong tendensya mula 1930 sa mga manggagawa sa katangian ng kapitalismo ng estado na tinatawag nilang ‘sosyalismo'. Sa huli, naging tagasuporta sila sa pandaigdigang kapitalistang sistema, sinupil at pinagsamantalahan ang pandaigdigang proletaryado gamit ang kumprontasyon sa pagitan ng dalawang bloke.

Dagdag pa, ayon sa kampanya ng burgesya, ang pagbagsak ng Bloke sa Silangan at ng Stalinistang sistema  ay "patunay ng tagumpay ng liberalistang kapitalismo", "ang katapusan ng makauring pakikibaka" at maging ang katapusan ng uring manggagawa mismo. Ang naturang kampanya ang nagtulak sa uring manggagawa tungo sa matinding pag-atras sa antas ng kanyang kamulatan at militansya.

Sa panahon ng 1990s hindi ganap na sumuko ang uring manggagawa pero wala itong bigat at kapasidad na tapatan ang mga unyon bilang organisasyon ng pakikibaka sa nagdaang yugto. Pero ang mga pakikibaka sa Pransya at Austria laban sa mga atake sa pensyon ang nagbigay-tulak sa uring manggagawa mula 1989 para simulan muli ang paglaban. Dumami ang mga pakikibaka ng manggagawa sa halos lahat ng mga abanteng bansa: ang pakikibaka sa Boeing at ang welga sa transportasyon sa New York sa USA sa 2005; ang mga pakikibaka sa Daimler at Opel sa 2004, ang pakikibaka ng mga doktor sa tagsibol sa 2006, ang pakikibaka sa Telekom sa 2007 sa Alemanya; ang pakikibaka sa paliparan sa London sa Agosto 2005 sa Britanya at ang Kontra-CPE na pakikibaka sa Pransya sa 2006. Sa hindi abanteng mga bansa, may pakikibaka sa mga manggagawa sa konstruksyon sa panahon ng tagsibol sa Dubai, ng mga manggagawa sa tela sa tagsibol sa 2006 sa Bangladesh, ng mga manggagawa sa tela sa Ehipto sa tagsibol sa 2007.

Sa pagitan ng 2006 at 2008 ang pakikibaka ng pandaigdigang uring manggagawa ay lumalawak sa buong mundo, sa Ehipto, Dubai, Algeria, Venezuela, Peru, Turkey, Greece, Finland, Bulgaria, Hungary, Rusya, Italya, Britanya, Alemanya, Pransya, sa USA, at Tsina. Gaya ng nakita sa huling pakikibaka sa Pransya laban sa reporma sa pensyon, inaasahan na lalupang maging malawak ang opensiba ng uring manggagawa.

Tulad ng pinakita sa itaas, ang pinal na tendensya ng pagbulusok ng pandaigdigang kapitalismo at ang krisis na nagpabigat sa uring manggagawa ay hindi mapigilang mag-udyok ng pakikibaka sa mga manggagawa sa buong mundo, hindi tulad ng ating naranasan sa nakaraan.

Tumatayo tayo ngayon sa alternatiba, mabuhay sa barbarismo hindi bilang tao kundi tulad ng mga hayop o mabuhay na masaya sa kalayaan, pagkapantay-pantay at may dignidad bilang tao.

Ang lalim at lawak ng mga kontradiksyon ng kapitalismo sa Korea ay mas malala kaysa mga tinatawag na abanteng mga bansa. Ang pagdurusa ng mga manggagawang Koreano ay mas mabigat kaysa mga manggagawa sa mga bansa sa Uropa kabilang na ang mga nakamit nilang tagumpay sa nagdaang mga pakikibaka ng uring manggagawa. Ito ay kwestyon ng makataong buhay ng uri, na hindi masukat sa walang lamang pretensyon ng gobyerno ng Korea bilang host ng pulong ng G20, o ng pagpapakita ng kantitatibong datos sa ekonomiya.

Sa kanyang kalikasan ang Kapital ay internasyunal. Ang magkakaibang pambansang kapital ay laging may kompetisyon at nagbangayan pero nagtulungan sila para panatilihin ang kapitalistang sistema, itago ang krisis at atakehin ang mga manggagawa bilang tao. Nakibaka ang mga manggagawa hindi laban sa mga kapitalista kundi laban sa kapitalistang sistema na gumagalaw lamang sa pamamagitan ng pagpalaki ng tubo at walang hanggang kompetisyon.

Sa kasaysayan ang mga Marxista at uring manggagawa, ang panginoon ng kasaysayan, ay laging nagkaisa sa pakikibaka sa pamamagitan ng pagpakita sa kalikasan ng istorikal na mga batas ng lipunan ng tao at ng mga batas ng panlipunang mga sistema, pinakita ang oryentasyon tungo sa mundo ng tunay na buhay ng tao, at pagpuna sa mga hadlang ng hindi makataong mga sistema at batas.

Sa naturang rason bumuo sila ng mga organisasyon tulad ng mga partido at lumahok sa praktikal ng mga pakikibaka. Kahit paano mula Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang naturang praktikal na aktibidad ng mga Marxista ay hindi nakaranas ng restriksyon ng batas. Sa halip ang kanilang kaisipan at praktika ay mataas na pinahalagahan bilang kontribusyon sa pag-unlad ng lipunan ng tao. Ang mga bantog na sulatin ni Marx gaya ng Kapital at Manipesto ng Komunista ay malawak na binabasa gaya ng Bibliya.

Ang kaso ng LSMK ay isang makasaysayang kaso dahil pinakita sa buong mundo gaano kabangis ang lipunan ng Korea sa pamamagitan ng kanyang pagsupil sa kaisipan, at maging mantsa sa kasaysayan ng paghusga sa mga sosyalista sa mundo. Sa hinaharap magkaroon ng mas hayag at pangmasang sosyalistang mga kilusan, lalawak at maging makapangyarihan na uunlad ang mga Marxistang kilusan sa mundo at sa Korea. Maaring makontrol ng hudisyal na makinarya ang organisadong karahasan pero hindi nito maaring supilin ang mga sosyalistang kilusan, ang Marxistang mga kilusan. Dahil habambuhay silang magpatuloy hangga't umiiral ang sangkatauhan at mga manggagawa.

Hindi maaring parusahan ng hudikatura ang mga sosyalistang kilusan at ang kanilang praktika. Sa halip kailangan silang respetuhin at bigyang tiwala. Narito ang aking panghuling mga salita:

  • Alisin ang batas ng pambansang seguridad na sumusupil sa kalayaan ng pag-iisip, sa syensya at pagpapahayag!
  • Itigil ang panunupil at kapangyarihan ng kapital laban sa nakibakang mga manggagawa na siyang pinagmulan ng kasayayan, ng produksyon at ng kapangyarihan!
  • Manggagawa sa buong mundo, magkaisa para wasakin ang kapitalismo at itayo ang komunidad ng mga malayang indibidwal!

 

Links:
[1] https://english.hani.co.kr/arti/english_edition/e_national/324965.html
[2] https://en.internationalism.org/icconline/2006-north-korea-nuclear-bomb
[3] https://english.hani.co.kr/arti/english_edition/english_editorials/31872...
[4] https://www.youtube.com/watch?v=F025_4hRLlU
[5] https://libcom.org/forums/organise/korean-militants-facing-prison-08012011

 

 

 


 

[1] Sila Oh Se-Cheol, Yang Hyo-sik, Yang Jun-seok, at Choi Young-ik ay naharap sa pitong taong pagkabilanggo, habang sila Nam Goong Won, Park Jun-Seon, Jeong Won-Hyung, at Oh Min-Gyu ay naharap sa limang taon. Nakasaad sa Batas ng Pambansang Seguridad ang parusang kamatayan bilang pinakamasahol na parusa laban sa mga akusado.

[2] Tingnan ang artikulo sa Hankyoreh edisyong English [1]

[3] Tingnan sa teksto ng deklarasyon [2].

[4] Tingnan sa Hankyoreh [3].

[5] Bidyu ng pag-atake ng kapulisan sa Youtube [4].

[6] Nais din naming pansinin ng aming mambabasa ang inisyatibang protesta na inilunsad ni Loren Goldner [5]. Habang sang-ayon kami sa pagkabahala ni Loren sa epektibidad ng kampanyang "magsulat ng mail", sang-ayon kami sa kanya na ang "ang pagiging internasyunal ng kasong ito ay maaring magkaroon ng epekto sa pinal na pagbaba ng desisyon sa mga matatag na militante". Ang mga sulat ng protesta ay ipadala kay Huwes Hyung Doo Kim sa address na ito: [email protected] (ang mga mensahe ay kailangang matanggap sa Enero 17 para maipadala nila kay Huwes Kim).

Site information: