Submitted by Internasyonalismo on
Tinanggal ng PLDT management ang 575 empleyado nito. Ang dahilan: redundancy. Ikalawang batch na ito ng maramihang tanggalan magmula 2002 kung saan mahigit 500 manggagawa ang tinanggal sa taong iyon.
Hindi ito simpleng union busting dahil ang tanggalan ay hindi lang nangyayari sa mga kompanyang may unyon kundi kahit sa mga walang unyon. Ang tanggalan at kontraktwalisasyon ay manipestasyon lamang ng kawalang kapasidad ng kapitalismo na ipasok sa bilangguan ng sahurang pang-aalipin ang paparaming tao. Ang kontraktwalisasyon ay isang maniobra ng mga kapitalista sa buong mundo (sa atrasadong mga bansa man gaya ng Pilipinas o sa abanteng mga bansa tulad ng Estados Unidos) para itago ang katotohanan na nasa permanenteng krisis na ang kapitalismo at wala ng kinabukasan ang uring manggagawa sa ganitong sistema.
Kahit saang bahagi ng mundi laluna sa abanteng mga bansa, nakibaka ang mga manggagawa laban sa mga atake ng uring kapitalista sa kanilang kabuhayan. At isa sa mga ito ay ang tanggalan ng manggagawa.
Ang makapangyarihang pwersa ay nasa pagkakaisa ng mas marami at mas malawak na manggagawa
Hindi napigilan ng unyon sa PLDT ang tanggalan magmula 2002. Ang negosasyon sa pagitan ng unyon sa PLDT at managemnet ay napatunayang hindi na epektibo at itinali lamang nito ang mga manggagawa sa ilusyon ng negosasyon sa management. Ang kilusang protesta ng mga manggagawa sa PLDT na nag-iisa lang ay hindi na rin epektibo at nagbunga lamang og pagkatalo.
Sa nagkakaisang mga atake ng buong uring kapitalista kailangang ang pagkakaisang ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika. At dapat makongkreto ito sa nagkakasiang pakikibaka ng iba’t-ibang mga pabrika dala ang komon na mga isyu at kahilingan. Ang suporta ay hindi na sa usaping pinansyal, materyal at moral kundi sa paglunsad din ng mga welga o demonstrasyon ng ibang mga manggagawa sa kani-kanilang mga pabrika.
Sa halip na unahin ang pagpunta sa “impluwensyadong” mga personalidad tulad ng Obispo, pulitiko o media, ang dapat sentrohan ng pagkilos ay ang pagpadala ng mga manggagawa ng PLDT ng mga delegasyon sa ibang mga pabrika at direktang magpaliwanag at mangumbinsi sa mga manggagawa doon (hindi sa mga lider ng kanilang mga unyon na walang iniisip kundi ang preserbasyon ng unyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa “illegal” actions bilang suporta sa mga manggagawa sa PLDT). Ang tagumpay ng pakikibaka ng mga manggagawa sa PLDT ay nasa aktibong suporta mismo ng ibang mga manggagawa sa ibang mga pabrika at wala sa “impluwensyadong” indibidwal at personalidad.
Asembliya ng mga manggagawa: Tanging epektibong organisasyon ng pakikibaka
Sa panahon ng nagkakaisang atake ng mga kapitalista, mauuwi sa pagkatalo ang nag-iisang pakikibaka gaano man katapang o kadeterminado ang mga manggagawa sa isang pabrika. Marami ng mga halimbawa nito.
Ang angkop na organisasyon sa kasalukuyang katangian ng pakikibaka ay hindi na ang mga unyon, na labis-labis ng nahati at mayor na dahilan pa ng pagkakahati ng mga manggagawa sa Pilipinas. Ang tanging epektibong organo ng pakikibaka ay ang mga asembliya ng manggagawa kung saan membro ang lahat ng manggagawa — regular, kontraktwal, unyonista o hindi — sa isang pabrika o inter-pabrika para sa komon na pakikibaka. Sa mga asembliya pag-usapan, debatehan at desisyonan ang mga hakbang na gagawin sa pakikibaka. Ang piniling mga lider ng asembliya ay maaring tanggalin anumang oras ng asembliyang naghalal sa kanila. Sa pamamagitan ng mga asembliya mahawakan ng mga manggagawa sa kanilang sariling mga kamay ang direksyon ng kanilang pakikibaka.
Mapigilan lamang natin ang mga atake ng uring kapitalista kung magawa nating maging realidad ang multong kinatatakutan nito: MALAWAKANG PAGKAKAISA AT PAKIKIBAKA NG MANGGAGAWA. At ang unang hakbang para dito ay ang mga asembliya ng manggagawa bilang organo ng pakikibaka na hindi kontrolado ng mga unyon.
Internasyonalismo, Septyembre 2007