Para sa mga kabataan-estudyante

Printer-friendly version
Bilang susunod na henerasyon ng uring manggagawa, nanawagan kami sa inyo na basahin at talakayin ninyo ang laman ng aming sulat para sa inyo. Walang mawawala sa inyo kung gagawin ninyo ito. MARAMING SALAMAT.

Ang mundo ngayon ay nababalot ng kaguluhan, digmaan, kahirapan, gutom, epidemya at patuloy na pagkasira ng kalikasan. Idagdag pa natin ang lumalalang kabulukan ng lahat ng mga gobyerno, Kaliwa man o Kanan ang nasa pamunuan; ang drug addiction at gangsterimso laluna sa inyong hanay, at ang halos walang katapusang kriminalidad, at iba pa.

Ang iba’t-ibang gobyerno, mula sa pinakaabante hanggang sa pinakaatrasadong mga bansa kasama ang iba’t-ibang malalaking multilateral na mga institusyon gaya ng United Nations at iba’t-ibang Non-Government Organizations (NGOs) habang nangangakong hanapan ng solusyon ang mga mabibigat na problemang pinapasan ng sangkatauhan ay nagtuturuan kung sino ang may kasalanan sa delubyong nangyayari ngayon.

Ang mga Kaliwa naman, mga umaangking sila ay ‘komunista’ — Maoista, Stalinista, Trotskyista at ‘Leninista’ — at mga anarkista ay sinisisi ang Globalisasyon (Liberalisasyon, Pribatisasyon at Deregulasyon); sinisisi ang estado dahil pinabayaan diumano na pagsamantalahan ang mga mamamayan ng mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal. Para sa Kaliwa, ang solusyon ay ang pagtatayo ng ‘estado ng manggagawa’ o ‘demokratikong gobyernong koalisyon’ na kokontrol sa buhay panlipunan, na ang tunay na kahulugan ay KAPITALISMO NG ESTADO.

Subalit marami pa rin ang nagtatanong at nababahala: May magandang kinabukasan pa ba ang mundo sa ilalim ng kasalukuyang panlipunang sistema o hindi na mapigilang mawasak ito?

Kung mayroon mang pinaka-interesado na sagutin ang tanong na ito ay dapat kayong mga kabataan-estudyante dahil nasa inyong mga balikat ang kinabukasan ng mundo. Sa ilalim ng sistemang kapitalismo, kayo ang susunod na henerasyon ng mga sahurang alipin ng kapital. Kayo ang magkakaroon ng panibagong mga pamilya at siguradung kayo mismo ang bubuhay at magpalaki sa inyong mga anak.

Kayo ay nag-aaral at nagsisikap makapagtapos ng pag-aaral dahil sa layuning magkaroon kayo ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa inyong mga sarili kundi higit sa lahat para sa inyong mga pamilya sa hinaharap. Kaya napakahalaga ang tanong sa itaas na masagot ninyo bilang mga manggagawa sa hinaharap (kahit marami na sa inyo ngayon ang naging manggagawa para matustusan ang pag-aaral). Subalit hindi ninyo masagot ang tanong kung patuloy kayong matali sa mga usapin sa loob lamang ng eskwelahan gaya ng pagtaas ng matrikula. Ang matrikula ay mahigpit na nakaugnay sa pagiging ganid ng mga kapitalista sa tubo partikular sa larangan ng edukasyon. Hangga’t kapitalismo ang maghari — pribado man o estado ang magkontrol — ang sistema ng edukasyon ay laging magsisilbi sa batas ng pamilihan at sa pagsasamantala sa lakas-paggawa.

Sa Ilalim ng Dekadenteng Kapitalismo Barbarismo ang Kinabukasan ng Sangkatauhan

Ang ugat sa mga problemang dinaranas ng sangkatauhan ngayon ay ang sistema ng sahurang pang-aalipin, ang sistema ng tubo at kalakal sa pamilihan, ang sistema ng kompetisyon. Ang tawag dito ay KAPITALISMO.

Sa kasalukuyang panahon, ang pandaigdigang kapitalismo ay nasa kanyang permanenteng pagbulusok-pababa na, nasa kanyang permanenteng krisis, nasa kanyang dekadenteng yugto. Dahil pandaigdigan ang sistemang ito, walang bansa ngayon ang hindi nakaranas ng permanenteng krisis. Kahit pa ilang datos ng ‘pag-unlad’ ng ekonomiya ang ilathala ng mga gobyerno sa buong mundo, ang katotohanan ay patuloy na lumalala ang kahirapan sa daigdig. Ang walang hintong mga digmaan ngayon sa iba’t-ibang dako ng mundo ang isa sa pinakamatingkad na patunay na lumalala ang kapitalistang krisis.

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo imposibleng ‘uunlad’ pa ang isang bansa na hindi nito pagsamantalahan ang ibang mga bansa. Ang ‘pag-unlad’ ng isang bansa ay bunga ng matinding pagsasamantala sa kanyang mga manggagawa at/o sa mga manggagawa sa ibang mga bansa. Ang ‘pagdami’ ng may trabaho sa isang bansa ay may katumbas ng pagdami ng mga walang trabaho sa ibang mga bansa.

Maling-mali ang mga Kaliwa sa kanilang paniniwala na kung maputol ang kontrol ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas ay uunlad na ang ekonomiya ng bansa. Ang katotohanan, sa panahon ng imperyalismo ang bawat bansa ay may imperyalistang katangian dahil ‘uunlad’ lamang ito kung pagsamantalahan nito ang ibang mga bansa sa ilalim ng islogang ‘pagkapantay-pantay’ at ‘malayang kompetisyon.’ Pangalawa, kung maputol man ang kontrol ng Amerika sa bansa, hindi malayong papasok ang iba pang ganid at makapangyarihang imperyalista kakutsaba ang mga paksyon ng burgesyang Pilipino o maging ang ilang maka-Kaliwang grupo upang kontrolin ang Pilipinas gaya ng Tsina o Japan sa ngalan ng pagpapalaya sa bansa mula sa kuko ng imperyalistang Amerikano.

Ang tunay na kaaway ng mga manggagawa kabilang na kayong mga kabataan-estudyante ay hindi lang isa o dalawang imperyalistang kapangyarihan kundi ang buong imperyalistang sistema. Ang kalaban ng mga manggagawang Pilipino ay hindi lang ang mga dayuhang kapitalista kundi mismong mga Pilipinong kapitalista na halos magkatulad lamang ang pagkaganid sa tubo at pagsasamantala sa mga manggagawa.

Ang ‘paglaya’ ng Pilipinas mula sa isang imperyalistang kapangyarihan ay pagpapatuloy pa rin ng kapitalistang pagsasamantala sa manggagawang Pilipino. Ang pagtatayo ng isang ‘sosyalistang gobyerno’ sa bansa ay pagpapatuloy pa rin ng sahurang pang-aalipin. Ang ‘kalayaan’ ng Pilipinas mula sa isang imperyalistang kapangyarihan ay pagkaalipin naman nito sa iba pang kapangyarihan.

Internasyunalistang Pagkakaisa at Pakikibaka: Ang Susi sa Tagumpay Laban sa Kapitalismo

Ang uring manggagawa bilang internasyunal na uri ang tanging uri na may istorikal na misyon at kapasidad na durugin ang kapitalismo sa buong daigdig. Siya lamang ang tanging rebolusyonaryong uri sa ilalim ng kapitalistang kaayusan.

Kung hindi madurog ang dekadenteng kapitalistang sistema, asahan ninyo na ang inyong mga pamilya sa hinaharap ay mas mahirap pa ang maranasan kaysa ngayon.

Subalit hindi madudurog ang kapitalismo at hindi maibagsak ang paghari ng mga kapitalista kung patuloy tayong matali sa balangkas ng bansa, sa balangkas ng nasyunalismo at pagmamahal sa bayan (ang mga ito ay matamis na salita lamang na ang ibig sabihin ay ipagtanggol ang pambansang kapitalismo). Isang pandaigdigang sistema ang ating kalaban kaya kailangang pandaigdigan din ang pagkakaisa. Kailangang magkaisa ang mga manggagawa sa buong mundo laban sa kapitalistang panlipunang mga relasyon.

Dagdag pa, kailangang ganap na itakwil ang mga mistipikasyon at bitag na inihain ng burgesya para ilihis ang pagkakaisa ng buong uring manggagawa — unyonismo, parlyamento at nasyunalismo. Ang mga ito ay mga instrumento na ngayon ng kapital para gawing pambala ng kanyon ang uring manggagawsa at kabataan sa nagtunggaliang mga paksyon ng burgesya sa bawat bansa.

Dalawa lamang ang sandata ng internasyunal na uring manggagawa para magapi ang kapitalismo : PAGKAKAISA at KAMULATAN sa pandaigdigang saklaw. Pagkakaisa laban sa lahat ng paksyon ng burgesya (administrasyon man o oposisyon). Pagkakaisa para palawakin ang mga pakikibaka at hindi ikulong sa iilang pabrika o ilang linya ng industriya lamang. Kamulatan na walang maasahan sa burges na estado, parlyamento at mga unyon; kamulatan na imposible na ang pakikibaka sa mga reporma dahil wala ng kapasidad ang sistema na ibigay ang mga ito. Pagkakaisa at kamulatan para ibagsak ang kapitalistang estado at lahat ng mga institusyon nito.

Walang saysay ang mga pagkilos ng ilampung katao o mga protestang tipong riot para lamang sa media projection. Ang kailangang mabuo ay ang malawakang pagkakasia ng uri at pakikibaka laban sa estadong kapitalista at hindi para sa mga reporma.

Mga susunod na henerasyon ng manggagawa, pag-isipan ninyong mabuti ang kinabukasan ninyo at ng mundo. Dalawa lamang ang pagpipilian ninyo: SOSYALISMO o BARBARISMO; INTERNASYUNALISMO o NASYUNALISMO; BAYAN o URI.

May pag-asa pa ang kinabukasan ninyo; may pag-asa pa ang mundo. Ang pag-asa at kinabukasan ninyo ay nasa mga kamay ng inyong uri — ang uring manggagawa. “Ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa kamay ng mga manggagawa mismo.”

Ngunit ang pag-asa ay hindi kusang darating. Kailangan itong ipaglaban. Kailangan ninyo, kasama ang inyong uri ng isang rebolusyonaryong teorya na pinanday ng istorikal na karanasan ng inyong uri; istorikal na karanasan na binastardo at punong-puno na ng mga distorsyong kagagawan ng mga ideolohiya ng Kaliwa ng burgesya — Maoismo, Stalinismo, Trotskyismo, ‘Leninismo’ at Anarkismo. Ang teoryang ito ay walang iba kundi ang rebolusyonaryong Marxismo.

Tama si Lenin sa pagsasabing, “Kung walang rebolusyonaryong teorya ay walang rebolusyonaryong kilusan.” Ibig sabihin, ang anumang kilusan gaano man ito kalakas at kalawak, mananalo o matalo man ito, kung hindi rebolusyonaryo ang teoryang gumagabay dito ay tiyak na hindi pagpawi sa pagsasamantala at pang-aapi ang kalalabasan nito.

Mga kabataan-estudyante, ang mga organisasyon o kilusan na sinasamahan ninyo ay para ba talaga sa tunay na panlipunang pagbabago o para ipagtanggol ang kapitalismo sa porma ng kapitalismo ng estado sa likod ng programang ‘estado ng manggagawa’ o ‘demokratikong gobyernong koalisyon’? Pag-isipan ninyong mabuti, magtalakayan at mag-aral kayo sa buhay na karanasan ng pakikibaka ng internasyunal na uring manggagawa sa loob ng mahigit 200 taon.

INTERNASYONALISMO